Magturo Taglay ang Malalim na Unawa at Pagiging Mapanghikayat
“Ang puso ng pantas ay nagpapangyari sa kaniyang bibig na magpakita ng malalim na unawa, at sa kaniyang mga labi ay nagdaragdag ito ng pagiging mapanghikayat.”—KAWIKAAN 16:23.
1. Bakit hindi lamang pagtatawid ng impormasyon ang nasasangkot sa pagtuturo ng Salita ng Diyos?
TUNGUHIN natin bilang mabubuting guro ng Salita ng Diyos na maliwanagan hindi lamang ang isip ng ating mga estudyante kundi pati ang kanilang puso. (Efeso 1:18) Kaya sa pagtuturo ay higit pa ang nasasangkot kaysa sa paghahatid lamang ng impormasyon. Ganito ang sabi ng Kawikaan 16:23: “Ang puso ng pantas ay nagpapangyari sa kaniyang bibig na magpakita ng malalim na unawa, at sa kaniyang mga labi ay nagdaragdag ito ng pagiging mapanghikayat.”
2. (a) Ano ang ibig sabihin ng manghikayat? (b) Paano posible para sa lahat ng Kristiyano na maging mapanghikayat na mga guro?
2 Tiyak na ikinapit ni apostol Pablo ang simulaing ito sa kaniyang gawaing pagtuturo. Nang siya’y nasa Corinto, “nagbibigay siya ng pahayag sa sinagoga sa bawat sabbath at nanghihikayat sa mga Judio at Griego.” (Gawa 18:4) Ayon sa isang awtoridad, ang salitang Griego na isinalin dito na “nanghihikayat” ay nangangahulugan ng “pagpapangyaring mabago ang pag-iisip sa pamamagitan ng impluwensiya ng katuwiran o pagsasaalang-alang sa moral.” Sa pamamagitan ng kapani-paniwalang mga argumento, napakilos ni Pablo ang mga tao na baguhin ang kanila mismong paraan ng pag-iisip. Gayon na lamang kahusay ang kaniyang kakayahang manghikayat anupat kinatakutan siya ng kaniyang mga kaaway. (Gawa 19:24-27) Gayunpaman, ang pagtuturo ni Pablo ay hindi isang pagtatanghal ng kakayahan ng tao. Sinabi niya sa mga taga-Corinto: “Ang aking pananalita at ang ipinangaral ko ay hindi sa mapanghikayat na mga salita ng karunungan kundi sa pagtatanghal ng espiritu at kapangyarihan, upang ang inyong pananampalataya ay maging, hindi sa karunungan ng tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.” (1 Corinto 2:4, 5) Yamang taglay ng lahat ng Kristiyano ang tulong ng espiritu ng Diyos na Jehova, silang lahat ay maaaring maging mapanghikayat na mga guro. Ngunit paano? Tingnan natin ang ilang mabibisang pamamaraan sa pagtuturo.
Maging Isang Mabuting Tagapakinig
3. Bakit kailangan ang malalim na unawa kapag nagtuturo sa iba, at paano natin maaabot ang puso ng isang estudyante sa Bibliya?
3 Nasasangkot sa unang pamamaraan sa pagtuturo, hindi ang pagsasalita, kundi ang pakikinig. Gaya ng sinabi sa Kawikaan 16:23, kailangan tayong magkaroon ng malalim na unawa upang tayo’y maging mapanghikayat. Tiyak na may malalim na unawa si Jesus hinggil sa mga taong tinuruan niya. Sinasabi ng Juan 2:25: “Nalalaman niya mismo kung ano ang nasa tao.” Subalit paano natin malalaman kung ano ang nasa puso ng mga taong ating tinuturuan? Ang isang paraan ay ang pagiging mabuting tagapakinig. Ganito ang sabi ng Santiago 1:19: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.” Totoo, hindi lahat ng tao ay handang magpahayag ng kanilang iniisip. Habang nagiging kumbinsido ang ating mga estudyante sa Bibliya na tayo ay talagang interesado sa kanila, baka lalo silang magkahilig na sabihin ang kanilang tunay na nadarama. Ang may-kabaitan ngunit maunawaing mga tanong ay kadalasang makatutulong sa atin na maabot ang puso at ‘maigib’ ang gayong mga kapahayagan.—Kawikaan 20:5.
4. Bakit dapat na maging mabubuting tagapakinig ang Kristiyanong matatanda?
4 Lalo nang mahalaga na maging mabubuting tagapakinig ang Kristiyanong matatanda. Sa ganito lamang nila tunay na ‘malalaman kung paano sila dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.’ (Colosas 4:6) Nagbabala naman ang Kawikaan 18:13: “Kapag sinasagot ng sinuman ang isang bagay bago niya mapakinggan iyon, iyan ay isang kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.” Dalawang kapatid na lalaki na may mabuting layunin ang nagbigay minsan ng payo sa isang kapatid na babae tungkol sa pagiging makasanlibutan dahil sa siya ay hindi nakadalo sa ilang pulong. Labis na nasaktan ang kapatid dahil hindi nila siya tinanong kung bakit hindi siya nakadalo. Nagpapagaling pala siya mula sa isang katatapos na operasyon. Kung gayon, napakahalaga ngang makinig tayo bago magpayo!
5. Paano malulutas ng matatanda ang mga pagtatalo sa gitna ng mga kapatid?
5 Para sa matatanda, kalimitan nang nasasangkot sa pagtuturo ang pagpapayo sa iba. Mahalaga rin dito ang pagiging isang mabuting tagapakinig. Ang pakikinig ay lalo nang kailangan kapag bumangon ang mga pagtatalo sa gitna ng mga kapuwa Kristiyano. Pagkatapos makinig ay saka lamang matutularan ng matatanda ang “Ama na humahatol nang walang pagtatangi.” (1 Pedro 1:17) Kadalasa’y emosyon ang nangingibabaw sa gayong mga situwasyon, at makabubuti sa isang matanda na tandaan ang payo ng Kawikaan 18:17: “Ang isa na una sa kaniyang legal na usapin ay matuwid; dumarating ang kaniyang kapuwa at tiyak na sinisiyasat siya.” Ang isang mabisang guro ay makikinig sa magkabilang panig. Sa pamamagitan ng panalangin, tumutulong siya na mapairal ang kahinahunan. (Santiago 3:18) Kung magkainitan na, maaari niyang imungkahi na sa kaniya tuwirang sabihin ng bawat kapatid ang kanilang ikinababahala, sa halip na ang dalawa ay magtaltalan sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng angkop na mga tanong, magagawa ng matanda na liwanagin ang mga isyung pinag-uusapan. Sa maraming kaso, ang hindi mabuting pag-uusap, sa halip na masamang hangarin, ang siyang lumalabas na sanhi ng pagtatalo. Ngunit kung may nilabag na mga simulain sa Bibliya, ang isang maibiging guro ay makapagtuturo na ngayon taglay ang malalim na unawa, palibhasa’y narinig na ang magkabilang panig.
Ang Kahalagahan ng Pagiging Simple
6. Paano naglaan sina Pablo at Jesus ng halimbawa sa simpleng paraan ng pagtuturo?
6 Isa pang mahalagang kasanayan sa pagtuturo ang pagpapanatiling simple ng mga bagay-bagay. Totoo, ibig nating “lubos na maintindihan sa isipan [ng mga estudyante ng Bibliya] kasama ng lahat ng mga banal kung ano ang lapad at haba at taas at lalim” ng katotohanan. (Efeso 3:18) May mga pitak sa mga doktrina ng Bibliya na kawili-wili at kadalasa’y naghaharap ng hamon. (Roma 11:33) Gayunpaman, nang mangaral si Pablo sa mga Griego, nagtuon siya ng pansin sa simpleng mensahe ni ‘Kristo na ipinako.’ (1 Corinto 2:1, 2) Sa katulad na paraan, nangaral si Jesus sa isang maliwanag at kaakit-akit na paraan. Gumamit siya ng simpleng mga salita sa kaniyang Sermon sa Bundok. Gayunman, naglalaman ito ng ilan sa pinakamalalalim na katotohanang binigkas kailanman.—Mateo, kabanata 5-7.
7. Paano natin mapananatiling simple ang mga bagay-bagay kapag nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya?
7 Mapananatili rin naman nating simple ang mga bagay-bagay kapag nagtuturo sa mga pag-aaral sa Bibliya. Paano? Sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin sa “mga bagay na higit na mahalaga.” (Filipos 1:10) Kapag mahihirap na paksa ang tinatalakay, dapat na sikapin nating gumamit ng simpleng pananalita. Dapat tayong magtuon ng pansin sa pangunahing mga kasulatan sa halip na basahin at talakayin ang lahat ng teksto sa Bibliya na binanggit sa isang publikasyon. Nangangailangan ito ng mabuting paghahanda sa ating bahagi. Kailangang iwasan nating tambakan ng mga detalye ang estudyante, anupat huwag hayaang mailihis tayo ng mga bagay na hindi gaanong mahalaga. Kung ang estudyante ay may tanong na hindi tuwirang nauugnay sa aralin, mataktikang maimumungkahi natin na maaaring talakayin na lamang iyon pagkatapos ng aralin.
Mabisang Paggamit ng mga Tanong
8. Paano mabisang gumamit si Jesus ng mga tanong?
8 Isa pang kapaki-pakinabang na kasanayan sa pagtuturo ang paggamit ng mabibisang tanong. Madalas gumamit si Jesu-Kristo ng mga tanong sa kaniyang pagtuturo. Halimbawa, tinanong ni Jesus si Pedro: “ ‘Ano sa palagay mo, Simon? Mula kanino tumatanggap ang mga hari sa lupa ng mga impuwesto o pangulong buwis? Mula sa kanilang mga anak o mula sa mga estranghero?’ Nang sabihin niyang: ‘Mula sa mga estranghero,’ sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Kung gayon, ang mga anak ay talaga ngang libre-sa-buwis.’ ” (Mateo 17:24-26) Bilang ang bugtong na Anak ng Isa na sinasamba sa templo, hindi talaga obligado si Jesus na magbayad ng buwis sa templo. Ngunit itinawid ni Jesus ang katotohanang ito sa pamamagitan ng mabisang paggamit ng mga tanong. Sa gayo’y natulungan ni Jesus si Pedro na makarating sa tamang konklusyon batay sa impormasyon na alam na niya.
9. Paano natin magagamit ang mga tanong sa panahon ng mga pag-aaral sa Bibliya?
9 Mabisa nating magagamit ang mga tanong sa panahon ng pag-aaral sa Bibliya. Kapag mali ang sagot ng estudyante, baka nakatutuksong sabihin ang tamang sagot, pero talaga bang matatandaan niya ang impormasyon? Kadalasa’y pinakamabuting sikaping akayin ang estudyante sa tamang konklusyon sa pamamagitan ng pagtatanong. Halimbawa, kung nahihirapan siyang maunawaan kung bakit dapat niyang gamitin ang pangalan ng Diyos, maaaring itanong natin, ‘Mahalaga ba sa iyo ang pangalan mo? . . . Bakit? . . . Ano ang madarama mo kung tanggihan ng isa na gamitin ang iyong pangalan? . . . Hindi ba makatuwiran na hilingin ng Diyos na gamitin natin ang kaniyang personal na pangalan?’
10. Paano magagamit ng matatanda ang mga tanong kapag tumutulong sa mga indibiduwal na nasugatan ang damdamin?
10 Mabisa ring magagamit ng matatanda ang mga tanong kapag nagpapastol sa kawan. Marami sa kongregasyon ang nasugatan ang damdamin at pinahirapan ng sanlibutan ni Satanas at maaaring nakadarama na sila’y marumi at wala nang nagmamahal sa kanila. Ang isang matanda ay maaaring mangatuwiran sa gayong tao sa pamamagitan ng pagsasabi: ‘Bagaman sinasabi mong sa pakiwari mo’y marumi ka, ano naman kaya ang nadarama ni Jehova tungkol sa iyo? Kung pinahintulutan ng ating maibiging Ama sa langit na mamatay ang kaniyang Anak at maglaan ng pantubos para sa iyo, hindi ba nangangahulugan iyan na minamahal ka ng Diyos?’—Juan 3:16.
11. Ano ba ang layunin ng retorikong mga tanong, at paano magagamit ang mga ito sa pagpapahayag sa madla?
11 Isa pang mabisang pamamaraan sa pagtuturo ang retorikong mga tanong. Hindi inaasahang sasagutin ito nang malakas ng mga tagapakinig, ngunit dahil dito ay natutulungan silang mangatuwiran sa mga bagay-bagay. Ang mga propeta noong unang panahon ay malimit magharap ng gayong mga tanong upang udyukan ang kanilang mga tagapakinig na mag-isip nang malalim. (Jeremias 18:14, 15) Mahusay si Jesus sa paggamit ng retorikong mga tanong. (Mateo 11:7-11) Ang gayong mga tanong ay lalo nang mabisa sa pagpapahayag sa madla. Sa halip na basta sabihin sa mga tagapakinig na sila’y dapat na maglingkod nang buong-kaluluwa upang makalugod kay Jehova, baka mas mabisang magtanong ng, ‘Kung hindi tayo buong-kaluluwa sa ating paglilingkuran, malulugod kaya si Jehova?’
12. Ano ang kahalagahan ng paghaharap ng punto-de-vistang mga tanong?
12 Ang punto-de-vistang mga tanong ay kapaki-pakinabang sa pagtiyak kung talagang naniniwala ang isang estudyante ng Bibliya sa kaniyang natututuhan. (Mateo 16:13-16) Maaaring wastong isagot ng isang estudyante na ang pakikiapid ay masama. Pero bakit hindi sundan iyan ng mga tanong na gaya ng, Ano ang personal mong nadarama tungkol sa pamantayan ng Diyos sa moralidad? Sa palagay mo ba’y masyado itong mahigpit? Masasabi mo ba na talagang mahalaga kung sinusunod mo o hindi ang mga pamantayan ng Diyos?
Mga Ilustrasyon na Umaabot sa Puso
13, 14. (a) Ano ang kahulugan ng pagbibigay ng ilustrasyon ng isang bagay? (b) Bakit mabisa ang mabubuting ilustrasyon?
13 Ang isa pang paraan upang maabot ang puso ng mga nakikinig at mga estudyante ng Bibliya ay sa pamamagitan ng mabibisang ilustrasyon. Ang salitang Griego na isinaling “ilustrasyon” ay literal na nangangahulugang “ang paglalagay sa tabi o pagsasama.” Kapag nagbibigay ka ng ilustrasyon, ipinaliliwanag mo ang isang bagay sa pamamagitan ng ‘paglalagay rito sa tabi’ ng isang bagay na kahawig nito. Halimbawa, nagtanong si Jesus: “Sa ano natin itutulad ang kaharian ng Diyos, o sa anong ilustrasyon natin ito ihaharap?” Bilang sagot, binanggit ni Jesus ang pamilyar na binhi ng mustasa.—Marcos 4:30-32.
14 Ang mga propeta ng Diyos ay gumamit ng maraming mabibisang ilustrasyon. Nang gumamit ng labis-labis na kalupitan ang mga taga-Asirya, na nagsilbing kasangkapan ng Diyos sa pagpaparusa sa mga Israelita, inilantad ni Isaias ang kanilang kapangahasan sa pamamagitan ng ilustrasyong ito: “Magmamagaling ba ang palakol sa nagsisibak sa pamamagitan nito, o dadakilain ba ng lagari ang sarili nito sa nagpapagalaw niyaon nang paroo’t parito?” (Isaias 10:15) Kapag nagtuturo sa iba, madalas ding gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon. Iniulat na “kung walang ilustrasyon siya ay hindi nagsasalita sa kanila.” (Marcos 4:34) Mabisa ang mabubuting ilustrasyon dahil pinagagana ng mga ito kapuwa ang isip at ang puso. Dahil sa mga ito ay agad na nakakukuha ang mga tagapakinig ng bagong impormasyon sa pamamagitan ng paghahambing dito sa isang bagay na pamilyar na sa kanila.
15, 16. Paano magiging napakabisa ang mga ilustrasyon? Magbigay ng mga halimbawa.
15 Paano tayo makagagamit ng mga ilustrasyon na talagang nakaaabot sa puso? Una sa lahat, ang isang ilustrasyon ay dapat na makatuwirang katulad ng bagay na ipinaliliwanag. Kung talagang hindi angkop ang paghahambing, ililihis lamang ng ilustrasyon ang pansin ng mga tagapakinig sa halip na maliwanagan sila. Minsan ay sinubukang ilarawan ng isang tagapagsalitang may mabuting layunin ang pagiging mapagpasakop ng pinahirang nalabi kay Jesu-Kristo sa pamamagitan ng paghahambing sa kanila sa isang tapat na alagang aso. Subalit angkop nga ba ang gayong mapandustang paghahambing? Ipinaaabot ng Bibliya ang gayunding ideya sa isang mas kaakit-akit at marangal na paraan. Inihahalintulad nito ang 144,000 pinahirang mga tagasunod ni Jesus sa “isang kasintahang babae na nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.”—Apocalipsis 21:2.
16 Napakabisa ang mga ilustrasyon kapag may kaugnayan ang mga ito sa buhay ng mga tao. Ang ilustrasyon ni Natan tungkol sa kinatay na kordero ay nakaantig sa puso ni Haring David sapagkat mahal nito ang mga tupa, palibhasa’y naging isang pastol noong kaniyang kabataan. (1 Samuel 16:11-13; 2 Samuel 12:1-7) Kung toro ang ginamit sa ilustrasyon, baka hindi gayong kabisa ito. Sa katulad na paraan, ang mga ilustrasyong batay sa pambihirang mga pangyayari sa siyensiya o malabong mga insidente sa kasaysayan ay maaaring walang gaanong kabuluhan sa ating mga tagapakinig. Ibinatay ni Jesus ang kaniyang mga ilustrasyon sa pang-araw-araw na buhay. Bumanggit siya ng pangkaraniwang mga bagay gaya ng isang lampara, mga ibon sa langit, at mga liryo sa parang. (Mateo 5:15, 16; 6:26, 28) Madaling maunawaan ng mga tagapakinig ni Jesus ang gayong mga bagay.
17. (a) Sa ano natin maaaring ibatay ang ating mga ilustrasyon? (b) Paano natin maaaring ibagay sa kalagayan ng ating mga estudyante ang mga ilustrasyong ginamit sa ating mga publikasyon?
17 Sa ating ministeryo, marami tayong pagkakataon para gumamit ng simple ngunit mabibisang ilustrasyon. Maging mapagmasid. (Gawa 17:22, 23) Marahil ang isang ilustrasyon ay maaaring ibatay sa mga anak, tahanan, trabaho, o libangan ng isang tagapakinig. O maaari nating gamitin ang ating nalalaman tungkol sa isang estudyante ng Bibliya upang dagdagan pa ang mga ilustrasyon na inilaan sa atin ng pinag-aaralan nating materyal. Kuning halimbawa ang mabisang ilustrasyon na ginamit sa parapo 14 ng kabanata 8 sa aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Binabanggit doon ang isang maibiging magulang na siniraang-puri ng isang kapitbahay. Maaari nating pag-isipan kung paano natin maikakapit ang ilustrasyon sa mga kalagayan ng isang estudyante sa Bibliya na isa ring magulang.
Mahusay na Pagbasa sa Kasulatan
18. Bakit dapat tayong magsikap na maging mahuhusay na tagabasa?
18 Pinayuhan ni Pablo si Timoteo: “Patuloy na ituon mo ang iyong sarili sa pangmadlang pagbabasa, sa masidhing pagpapayo, sa pagtuturo.” (1 Timoteo 4:13) Yamang ang Bibliya ang pundasyon ng ating pagtuturo, kapaki-pakinabang na maging mahusay sa pagbasa nito. Nagkapribilehiyo ang mga Levita na basahin ang Kautusang Mosaiko sa bayan ng Diyos. Nautal ba sila sa gayong pagbabasa o kaya’y walang sigla ang kanilang pagbabasa? Hindi, ganito ang sabi ng Bibliya sa Nehemias 8:8: “Patuloy silang bumabasa nang malakas mula sa aklat, mula sa kautusan ng tunay na Diyos, na ipinaliliwanag iyon, at binibigyan iyon ng kahulugan; at patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.”
19. Paano natin mapasusulong ang ating pagbabasa ng Kasulatan?
19 Ang ilang Kristiyanong lalaki na mahuhusay na tagapagsalita ay nagkukulang pagdating sa pagbabasa. Paano sila susulong? Sa pamamagitan ng pag-eensayo. Oo, sa pagbasa nang malakas at paulit-ulit hanggang sa magawa nila iyon nang may kahusayan. Kung mayroong mga audiocassette ng Bibliya sa inyong wika, isang katalinuhan na pakinggan kung saan naglalagay ng pagdiriin at nagbabagu-bago ng tinig ang tagabasa at pansinin kung paano binibigkas ang mga pangalan at di-pangkaraniwang mga salita. Maaari ring samantalahin niyaong may New World Translation sa kanilang wika ang mga tulong nito sa pagbigkas.a Sa pamamagitan ng pag-eensayo, kahit ang mga pangalang Maʹher-salʹal-has-baz ay magiging medyo madaling basahin.—Isaias 8:1.
20. Paano tayo ‘makapagbibigay ng pansin sa ating turo’?
20 Bilang bayan ni Jehova, anong laki ng ating pribilehiyong magamit bilang mga guro! Kung gayon, pakadibdibin nawa ng bawat isa sa atin ang pananagutang iyan. Harinawang ‘magbigay tayo ng palagiang pansin sa ating sarili at sa ating turo.’ (1 Timoteo 4:16) Maaari tayong maging maiinam na guro sa pamamagitan ng pagiging mabubuting tagapakinig, pagpapanatiling simple ng mga bagay-bagay, pagbabangon ng mabibisang tanong, paggamit ng mabibisang ilustrasyon, at pagbabasa ng mga kasulatan nang may kahusayan. Makinabang nawa tayong lahat sa pagsasanay na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, sapagkat makatutulong ito sa atin na magkaroon ng “dila ng mga naturuan.” (Isaias 50:4) Kung sasamantalahin natin ang lahat ng kasangkapang inilalaan para sa ating ministeryo, kasali na ang mga brosyur, audiocassette, at mga videocassette, matututo tayong magturo taglay ang malalim na unawa at pagiging mapanghikayat.
[Talababa]
a Ang mga pangngalang pantangi ay pinagpantig-pantig, na bawat pantig ay inihihiwalay sa pamamagitan ng isang tuldok o tuldik. Ang pantig na may tuldik ang siyang binibigkas nang may diin. Kung ang pantig ay nagtatapos sa isang patinig, ang patinig ay binibigkas sa Ingles sa pamamagitan ng long sound. Kung ang pantig ay nagtatapos sa isang katinig, ang patinig ay binibigkas sa Ingles sa pamamagitan ng short sound.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano makatutulong sa ating pagtuturo ang pagiging isang mabuting tagapakinig?
◻ Paano natin matutularan sina Pablo at Jesus sa pagtuturo sa simpleng paraan?
◻ Anu-anong uri ng mga tanong ang magagamit natin kapag nagtuturo sa iba?
◻ Anong uri ng mga ilustrasyon ang pinakamabisa?
◻ Paano natin mapasusulong ang ating kasanayan bilang mga tagabasa sa madla?
[Larawan sa pahina 16]
Nakikinig ang isang mabuting guro upang magkaroon ng malalim na unawa
[Mga larawan sa pahina 18]
Ibinatay ni Jesus ang kaniyang mga ilustrasyon sa pang-araw-araw na buhay