UTANG, MAY UTANG
Ang utang ay tumutukoy sa isang bagay na hiniram, isang bagay na dapat bayaran o ibalik. Sa sinaunang Israel, ang pangunahing dahilan kung bakit nagkakautang ang isang tao ay ang pagbagsak ng kabuhayan. Para sa isang Israelita, isang di-kaayaayang bagay ang pagkakaroon ng utang; sa diwa, ang nanghihiram ay nagiging lingkod ng nagpapahiram. (Kaw 22:7) Dahil dito, inutusan ang bayan ng Diyos na maging bukas-palad at huwag maging sakim kapag nagpapahiram sa mga kapuwa Israelita na nagdarahop, anupat hindi naghahangad na makinabang sa kanilang kagipitan sa pamamagitan ng pagsingil sa kanila ng interes. (Exo 22:25; Deu 15:7, 8; Aw 37:26; 112:5) Ngunit ang mga banyaga ay maaaring pagbayarin ng patubo, o interes. (Deu 23:20) Ayon sa mga Judiong komentarista, ang probisyong ito ay para sa mga pautang sa negosyo, hindi para sa mga kaso ng pagdarahop. Karaniwan na, pansamantala lamang ang pananatili sa Israel ng mga banyaga, kadalasa’y bilang mga mangangalakal, at makatuwirang asahan na magbabayad sila ng patubo, lalo na’t nagpapahiram din sila sa iba nang may patubo.
Kung minsan, may ikatlong partido na umaako ng responsibilidad, o nananagot, para sa isang may utang. Paulit-ulit na nagbababala laban sa kaugaliang ito ang aklat ng Mga Kawikaan (6:1-3; 11:15; 17:18; 22:26), yamang ang taong nanagot ang daranas ng kalugihan sakaling hindi makabayad ang may utang.
Inilalahad sa Roma 13:8 ang pangmalas ng unang-siglong mga Kristiyano hinggil sa mga utang: “Huwag kayong magkautang sa kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa.”
Ipinagsanggalang ng Kautusan ang mga Nagpapautang at ang mga May Utang. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kahit ang magnanakaw ay kailangang magbayad ng kaniyang pagkakautang na resulta ng paggawa niya ng masama. Kung hindi niya kayang magbayad, ipagbibili siya sa pagkaalipin. (Exo 22:1, 3) Sa gayon ay nakatitiyak ang biktima na mababayaran ang nawala sa kaniya.
Kinilala ng tapat na mga Israelita na ang pagbabayad ng kanilang mga utang ay isang kahilingan ng Diyos. (Aw 37:21) Kaya naman nakasisiguro ang nagpautang na mababayaran siya. Kung ang isang Israelita ay walang materyal na mga pag-aari, maaari niyang ipagbili sa pagkaalipin ang kaniyang sarili o ang kaniyang mga anak upang mabayaran ang mga utang niya.—Exo 21:7; Lev 25:39; ihambing ang 2Ha 4:1-7.
Sa kabilang dako, ipinagsanggalang din ng Kautusan ang may utang. Hindi maaaring pasukin ng nagpautang ang bahay ng may utang sa kaniya upang agawin ang isang panagot kundi kailangan siyang maghintay sa labas hanggang sa dalhin iyon sa kaniya ng may utang. (Deu 24:10, 11) Ang kasuutan ng babaing balo ni ang mahahalagang bagay, gaya ng gilingang pangkamay o pang-ibabaw na batong panggiling nito, ay hindi maaaring agawin bilang panagot. (Deu 24:6, 17) Yamang karaniwan sa mga dukha na magkaroon ng isa lamang panlabas na kasuutan (balabal), na ipinantutulog din nila, ang kasuutang ito, kung kukunin bilang panagot, ay kailangang ibalik ng nagpautang sa paglubog ng araw.—Exo 22:26, 27; Deu 24:12, 13.
Ayon sa Deuteronomio 15:1-3, lumilitaw na kapag taon ng Sabbath (tuwing ikapitong taon), hindi maaaring pilitin ng nagpautang ang kaniyang kapuwa Israelita na magbayad ng utang nito. Di-gaya ng Israelitang nangingilin ng Sabbath, na halos walang kinikita mula sa kaniyang lupain, patuloy namang kumikita ang banyaga mula sa kaniyang gawaing di-agrikultural. Dahil dito, maaari siyang piliting magbayad ng utang kapag taon ng Sabbath. Kapag malapit na ang taon ng Sabbath, ang ilang Israelita, palibhasa’y alam nilang hindi nila mapipilit na magbayad ang may utang, ay baka tumangging magpahiram sa kanilang nagdarahop na mga kapatid. Ngunit hinatulan ng Kautusan ang gayong kaimbutan.—Deu 15:9.
Sa taon ng Jubileo (tuwing ika-50 taon), ang mga aliping Hebreo ay pinalalaya; ang lahat ng minanang pag-aari, maliban sa mga bahay na nasa loob ng napapaderang mga lunsod na hindi dating pag-aari ng mga Levita, ay ibinabalik sa orihinal na mga may-ari nito. Ang kaayusang ito ay makatutulong upang hindi mabaon sa pagkakautang at karalitaan ang mga pamilyang Israelita. Ginamit man ng isang tao sa maling paraan ang kaniyang mga pag-aari, hindi niya permanenteng maiwawala ang kaniyang mana para sa kaniyang pamilya.—Lev 25:10-41.
Kung mahigpit na susundin ng Israel ang kautusan ng Diyos, magkakaroon sila ng isang matatag na ekonomiya anupat ang bansa at ang mga mamamayan nito ay mananatiling malaya sa malalaking pagkakautang. Binigyang-katiyakan ang mga Israelita: “Sapagkat pagpapalain ka nga ni Jehova na iyong Diyos gaya ng ipinangako niya sa iyo, at tiyak na magpapahiram ka nang may panagot sa maraming bansa, ngunit ikaw ay hindi manghihiram.”—Deu 15:6.
Mapang-abusong mga Pakikitungo. Nang lumihis ang Israel mula sa dalisay na pagsamba, kabilang sa mga nagdusa ang mga nagdarahop na may utang. Noong panahong nagtatago si David, ang pagsama sa kaniya ng mga taong may utang ay nagpapahiwatig na ginigipit sila ng mga nagpautang sa kanila. (1Sa 22:2) Waring naging pangkaraniwan noon ang pagpapahiram nang may patubo sa mga kapuwa Israelita. (Isa 24:2) Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Amos, hinatulan ni Jehova ang Israel dahil ipinagbibili nila ang “dukha kapalit ng halaga ng isang pares ng sandalyas.” (Am 2:6) At sa pamamagitan ni Ezekiel, tinuligsa Niya ang mga Israelita dahil naniningil sila ng interes at nakikinabang sila sa kanilang mga kasamahan sa pamamagitan ng pandaraya.—Eze 22:12.
Pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, isang napakasamang kalagayan ang bumangon sa gitna nila dahil hindi nila sinunod ang kautusan ng Diyos na magpautang nang walang patubo sa mga kapuwa Israelita na nagdarahop. Noong panahon ni Nehemias, maraming Judio ang napilitang magbigay ng kanilang mga bahay, mga bukid, at maging ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae bilang panagot. Gayunman, pagkatapos na magpayo si Nehemias upang maituwid ang mga bagay-bagay, sumang-ayon ang mga nagpautang na isauli ang mga bagay na kinuha nila bilang interes at magpahiram nang walang patubo.—Ne 5:1-13.
Mga Ilustrasyon ni Jesus. Noong unang siglo C.E., pamilyar na pamilyar ang mga Judio sa ugnayan ng mga tagapagpautang at ng mga may utang, at kung minsan ay dito hinahalaw ni Jesus ang kaniyang mga ilustrasyon. Idiniin niya ang pangangailangang maging mapagpatawad sa pamamagitan ng pagsasalaysay tungkol sa isang balakyot na alipin na matapos palayain sa utang na 60,000,000 denario (mga $40,000,000, U.S.) ay nagpatapon ng isang kapuwa alipin sa bilangguan dahil sa utang nito na 100 denario lamang (mga $70, U.S.). (Mat 18:23-33) Sa pamamagitan naman ng ilustrasyon tungkol sa dalawang taong may utang, anupat ang isa ay pinatawad sa utang na 500 denario (mga $350, U.S.) at ang isa pa ay sa utang na 50 denario (mga $35, U.S.), idiniin niya ang simulain na: “Siya na pinatatawad nang kaunti ay umiibig nang kaunti.” (Luc 7:41-47) At upang ilarawan na dapat gamitin nang may katalinuhan ang “di-matuwid” (materyal) na kayamanan sa pakikipagkaibigan sa Diyos, inilahad niya ang tungkol sa di-matuwid na katiwala na nang aalisin na ito sa katungkulan ay may-katalinuhang gumamit ng awtoridad nito upang makipagkaibigan sa mga may utang sa kaniyang panginoon sa pamamagitan ng pagbawas sa halaga ng kanilang mga utang.—Luc 16:1-9.
Iba Pang Uri ng mga Pagkakautang. Sa Kasulatan, ang mga salitang “pagkakautang [o, utang]” at “may utang” ay ginagamit din may kaugnayan sa mga obligasyon na hindi resulta ng panghihiram. Halimbawa, itinuturing na “pagkakautang” sa isang manggagawa ang kabayarang nauukol sa kaniya. (Ro 4:4) Ang mga makasalanan ay “may utang” sa mga pinagkasalahan nila kung kaya dapat silang humingi ng kapatawaran mula sa mga ito. Patatawarin ng Diyos ang “mga pagkakautang” ng isang tao kung siya mismo ay nagpapatawad sa “mga may utang” sa kaniya. (Mat 6:12, 14, 15; Luc 13:4) Dahil sa obligasyon niyang ipangaral “ang mabuting balita,” tinukoy ng apostol na si Pablo ang kaniyang sarili bilang “may utang” sa lahat ng tao. (Ro 1:14, 15) Sa diwa, ang mga mananampalatayang Gentil ay “may utang” sa mga Judiong Kristiyano sa Jerusalem dahil nakinabang sila sa mga iyon sa espirituwal na paraan. Kaya naman wasto lamang na tulungan nila sa materyal na paraan ang kanilang mga dukhang kapatid na Judio.—Ro 15:26, 27.