Exodo
22 “Kung ang isang tao ay magnakaw ng toro o tupa at patayin niya ito o ipagbili, magbabayad siya ng limang toro para sa isang toro at apat na tupa para sa isang tupa.+
2 (“Kung ang isang magnanakaw+ ay mahuli na aktong nanloloob at masaktan siya at mamatay, walang pagkakasala sa dugo ang nakapatay sa kaniya. 3 Kung mangyari ito pagkasikat ng araw, may pagkakasala sa dugo ang nakapatay sa kaniya.)
“Dapat siyang magbayad. Kung wala siyang pambayad, ipagbibili siya kapalit ng mga bagay na ninakaw niya. 4 Kung buháy pa ang ninakaw niya nang makita ito sa kaniya, ito man ay toro, asno, o tupa, magbabayad siya nang doble.
5 “Kung dalhin ng isang tao ang mga hayop niya sa bukid o ubasan para manginain at hayaan niyang manginain ang mga ito sa bukid ng iba, ipambabayad niya ang pinakamainam na bunga ng sarili niyang bukid o ubasan.
6 “Kung may magpaapoy at kumalat ito sa matinik na mga halaman* at matupok ang mga tungkos, mga butil na hindi pa naaani, o isang bukid, dapat siyang magbayad para sa nasunog.
7 “Kung ang isang tao ay magpatago ng pera o mga gamit sa kapuwa niya at manakaw ito sa bahay ng kapuwa niya at mahuli ang magnanakaw, magbabayad ito nang doble.+ 8 Kung hindi mahuli ang magnanakaw, ang may-ari ng bahay ay ihaharap sa tunay na Diyos+ para makita kung siya ang kumuha* sa mga pag-aari ng kapuwa niya. 9 Kung akusahan ang isang tao na nasa kaniya ang isang bagay na hindi naman sa kaniya—ito man ay toro, asno, tupa, damit, o anumang bagay na nawala at may magsabing ‘Akin iyan!’—ihaharap ng dalawang panig ang usapin nila sa tunay na Diyos.+ Ang ihahayag ng Diyos na may-sala ay magbabayad nang doble sa kapuwa niya.+
10 “Kung paalagaan ng isang tao sa kapuwa nito ang isang asno, toro, tupa, o anumang alagang hayop, at mamatay ito o mapinsala o tinangay nang walang nakakita, 11 ang nag-alaga ay dapat sumumpa sa kapuwa niya sa harap ni Jehova na wala siyang kinalaman sa nangyari* sa pag-aari ng kapuwa niya; at dapat panghawakan ng may-ari ang sinabi niya. Hindi siya magbabayad.+ 12 Pero kung manakaw sa kaniya* ang hayop, magbabayad siya sa may-ari nito. 13 Kung nilapa iyon ng mabangis na hayop, dadalhin niya iyon bilang katibayan. Ang nilapa ng mabangis na hayop ay hindi niya babayaran.
14 “Pero kung may manghiram sa kapuwa niya ng isang hayop at ito ay mapilayan o mamatay habang hindi kasama ang may-ari nito, dapat itong bayaran ng nanghiram. 15 Kung kasama nito ang may-ari, hindi niya ito babayaran. Kung inupahan ito, magsisilbi nang kabayaran ang upa.
16 “At kung akitin ng isang lalaki ang isang birheng walang kasintahan* at sipingan niya ito, dapat siyang magbayad ng dote at kunin ito bilang asawa.+ 17 Kung ayaw pumayag ng ama ng babae na ibigay ito sa kaniya, magbabayad pa rin siya ng halaga na katumbas ng dote.
18 “Ang isang babaeng mangkukulam* ay dapat mong patayin.+
19 “Ang sinumang sumiping sa hayop ay dapat patayin.+
20 “Ang sinumang maghain sa ibang diyos bukod kay Jehova ay dapat patayin.+
21 “Huwag mong pagmamalupitan o pahihirapan ang dayuhang naninirahang kasama ninyo,+ dahil nanirahan din kayo bilang dayuhan sa Ehipto.+
22 “Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda o batang walang ama.*+ 23 Kapag inapi ninyo sila at dumaing sila sa akin, tiyak na pakikinggan ko ang daing nila;+ 24 at mag-aapoy ang galit ko, at papatayin ko kayo gamit ang espada, at ang inyong mga asawa ay magiging biyuda, at ang inyong mga anak ay mawawalan ng ama.
25 “Kung magpapahiram ka ng pera sa sinumang mahirap* sa bayan ko, na naninirahang kasama mo, hindi ka dapat maging gaya ng nagpapautang nang may interes. Huwag kayong magpapatubo sa kaniya.+
26 “Kung kukunin mo ang damit ng kapuwa mo bilang prenda,*+ ibabalik mo iyon sa kaniya sa paglubog ng araw. 27 Dahil iyon lang ang balabal niya, ang pantakip niya sa katawan;* ano ang ipantutulog niya?+ Kapag dumaing siya sa akin, tiyak na pakikinggan ko siya, dahil mapagmalasakit* ako.+
28 “Huwag mong isusumpa* ang Diyos+ o ang pinuno sa iyong bayan.+
29 “Huwag kang magdadalawang-isip na maghandog mula sa iyong saganang ani at umaapaw na mga pisaan.*+ Ang iyong panganay na lalaki ay ibibigay mo sa akin.+ 30 Ganito ang gagawin mo sa iyong toro at tupa:+ Pitong araw mo itong hahayaang makasama ang ina nito. Sa ikawalong araw ay ibibigay mo ito sa akin.+
31 “Ipakita ninyong kayo ang aking banal na bayan,+ at huwag kayong kakain ng karne ng hayop na nilapa sa parang ng mabangis na hayop.+ Ihahagis ninyo iyon sa mga aso.