Nagpapatawad Ka ba Gaya ng Pagpapatawad ni Jehova?
“Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, ang inyong makalangit na Ama ay magpapatawad din sa inyo; samantalang kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.”—MATEO 6:14, 15.
1, 2. Anong uri ng Diyos ang kailangan natin, at bakit?
“SI Jehova ay maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan. Hindi sa habang panahon ay patuloy siyang maghahanap ng pagkakamali, ni hanggang sa panahong walang-takda ay patuloy siyang maghihinanakit. Hindi niya ginawa sa atin yaong ayon sa ating mga kasalanan; ni ayon sa ating mga pagkakamali ay pinasapit niya sa atin yaong nararapat sa atin. Sapagkat gaya ng mga langit na mas mataas kaysa lupa, ang kaniyang maibiging-kabaitan doon sa mga may-takot sa kaniya ay nakahihigit. Kasinlayo ng sikatan ng araw mula sa lubugan ng araw, gayon kalayo niya ilalagay ang ating mga paglabag mula sa atin. Gaya ng isang ama na nagpapakita ng awa sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa doon sa mga may-takot sa kaniya. Sapagkat kaniya mismong nalalaman nang lubos ang pagkakaanyo sa atin, inaalaala na tayo ay alabok.”—Awit 103:8-14.
2 Yamang ipinaglihi sa kasalanan at iniluwal sa pagkakamali, anupat taglay ang minanang di-kasakdalan na palaging nagtatangkang umakay sa atin upang maging bihag ng batas ng kasalanan, tanging isang Diyos lamang na ‘umaalaalang tayo’y mula sa alabok’ ang kailangan natin. Tatlong daang taon pagkaraang ilarawan ni David si Jehova nang ubod-ganda sa ika-103 ng Awit 103, isa pang manunulat ng Bibliya, si Mikas, ang pumuri sa Diyos ding ito sa katulad na katulad na paraan dahil sa kaniyang pagpapatawad ng mga kasalanan taglay ang kagandahang-loob ang minsang sumulat: “Sinong diyos ang makatutulad sa iyo: na nag-aalis ng kamalian, nagpapatawad sa kasalanan, hindi minamahalaga ang galit magpakailanman kundi nalulugod sa pagpapakita ng awa? Minsan pang kaawaan kami, yurakan ang aming mga pagkakamali, sa kailaliman ng dagat ihagis ang lahat ng aming kasalanan.”—Mikas 7:18, 19, The Jerusalem Bible.
3. Ano ang ibig sabihin ng magpatawad?
3 Sa Griegong Kasulatan, ang salita para sa “patawarin” ay nangangahulugang “pakawalan.” Pansinin na sina David at Mikas, na sinipi sa itaas, ay nagbigay ng magkatulad na kahulugan sa kaakit-akit, makalarawang mga pananalita. Upang maunawaang lubos ang kahanga-hangang lawak ng pagpapatawad ni Jehova, repasuhin natin ang ilan sa maraming halimbawa nito ayon sa mga pangyayari. Ang una ay nagpapakita na ang isipan ni Jehova ay maaaring magbago mula sa pagwawasak tungo sa pagpapatawad.
Namagitan si Moises—Nakinig si Jehova
4. Ang mga Israelita ay natakot pa ring pumasok sa Lupang Pangako pagkatapos ng anu-anong pagpapamalas ng kapangyarihan ni Jehova?
4 Ligtas na inilabas ni Jehova ang bansang Israel mula sa Ehipto at dinala malapit sa lupain na kaniyang ipinangako sa kanila bilang isang sariling-bayan, subalit tumanggi silang magpatuloy, dahil sa pagkatakot sa mga hamak na lalaki lamang sa Canaan. Pagkatapos na makita ang pagliligtas ni Jehova sa kanila mula sa Ehipto sa pamamagitan ng sampung mapanirang salot, buksan ang isang daan upang makatakas sa Dagat na Pula, puksain ang mga sundalong Ehipsiyo na nagtangkang humabol sa kanila, pasimulan sa kanila sa Bundok Sinai ang tipang Batas na nagpangyari sa kanila upang maging piniling bansa ni Jehova, at makahimalang maglaan sa kanila ng manna sa araw-araw mula sa langit upang sila’y mabuhay, sila’y natakot na pumasok sa Lupang Pangako dahil sa ilang tulad-higanteng taga-Canaan!—Bilang 14:1-4.
5. Papaano tinangkang papagkaisahin ng dalawang tapat na espiya ang Israel?
5 Walang malay-gawin sina Moises at Aaron. Tinangka nina Josue at Caleb, dalawang tapat na espiya, na palakasin ang Israel: ‘Ang lupain ay isang pagkaganda-gandang lupain, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. Huwag ninyong katakutan ang mga tao; nasa atin si Jehova!’ Sa halip na mapalakas ng gayong mga salita, ang takót, mapaghimagsik na bansa ay nagtangkang bumato kina Josue at Caleb.—Bilang 14:5-10.
6, 7. (a) Ano ang ipinasiyang gawin ni Jehova nang tumangging magmartsa ang Israel papasok sa Lupang Pangako? (b) Bakit tumutol si Moises sa hatol ni Jehova sa Israel, at ano ang kinalabasan?
6 Nagalit si Jehova! “Sa wakas ay sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Hanggang kailan ako pakikitunguhan ng bayang ito nang walang paggalang, at hanggang kailan sila hindi maglalagak ng pananampalataya sa akin sa lahat ng tanda na aking isinagawa sa gitna nila? Hayaan mong saktan ko sila ng salot at palayasin sila, at hayaan mong gawin kitang isang bansa na mas dakila at mas makapangyarihan kaysa sa kanila.’ Ngunit si Moises ay nagsabi kay Jehova: ‘Kung gayon ay maririnig ng mga Ehipsiyo na dinala mo sa iyong lakas ang bayang ito mula sa gitna nila. At sasabihin nila iyon sa mga nananahanan sa lupaing ito. . . . Kung papatayin mo ang bayang ito gaya ng isang tao, kung gayon ang mga bansa na nakarinig ng iyong katanyagan ay tiyak na magsasabi ng ganito, “Sa dahilang hindi makayanan ni Jehova na dalhin ang bayang ito sa lupain na tungkol dito ay sumumpa siya sa kanila ay ginawa niyang patayin sila sa ilang.” ’ ”—Bilang 14:11-16.
7 Nagmakaawa si Moises, alang-alang sa pangalan ni Jehova: “‘Patawarin, pakisuyo, ang pagkakamali ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong maibiging-kabaitan, at gaya ng pagpapatawad mo sa bayang ito mula sa Ehipto patuloy hanggang sa ngayon.’ Pagkatapos ay sinabi ni Jehova: ‘Pinatatawad ko ayon sa iyong salita.’”—Bilang 14:19, 20.
Ang Pagsamba ni Manases sa Diyus-diyusan at ang Pangangalunya ni David
8. Anong uri ng ulat ang ginawa ni Haring Manases ng Juda?
8 Ang isang kilalang halimbawa ng pagpapatawad ni Jehova ay ang pangyayari kay Manases, ang anak ng mabuting Haring Hezekias. Si Manases ay 12 taóng gulang nang magsimulang maghari sa Jerusalem. Nagtayo siya ng matataas na dako, naglagay ng mga dambana para sa mga Baal, gumawa ng banal na mga haligi, yumuko sa mga bituin sa langit, nagsagawa ng madyik at pangkukulam, gumawa ng mga kasangkapan sa espiritismo at panghuhula, naglagay ng inukit na larawan sa templo ni Jehova, at pinaraan sa apoy sa Libis ng Hinnom ang sariling mga anak. “Ginawa niya sa isang napakalaking antas kung ano ang masama sa paningin ni Jehova” at “patuloy na hinihikayat ang Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem na gumawa ng mas masama pa kaysa sa mga bansang nilipol ni Jehova sa harap ng mga anak ng Israel.”—2 Cronica 33:1-9.
9. Papaano napaamo ang mukha ni Jehova para kay Manases, at ano ang naging bunga?
9 Sa wakas, isinugo ni Jehova ang mga taga-Asirya laban sa Juda, at nabihag nila si Manases at dinala siya sa Babilonya. “At nang siya’y nasa pagkapighati, napaamo niya ang mukha ni Jehova na kaniyang Diyos at patuloy na nagpakumbabang mainam sa kaniyang sarili dahil sa Diyos ng kaniyang mga ninuno. At siya’y patuloy na nanalangin sa Kaniya, upang hayaan ang Kaniyang sarili na mapamanhikan niya at dininig Niya ang kaniyang pagsusumamo ng pagsang-ayon at ibinalik siya sa Jerusalem sa kaniyang paghahari.” (2 Cronica 33:11-13) Pagkatapos ay inalis ni Manases ang dayuhang mga diyos, idolo, at dambana at itinapon ang mga iyon sa labas ng lunsod. Nagsimula siyang maghandog ng mga hain sa dambana ni Jehova at pinasimulan ang Juda sa paglilingkod sa tunay na Diyos. Ito ay isang kahanga-hangang pagpapamalas ng pagiging handa ni Jehova na magpatawad kapag ang pagpapakumbaba, panalangin, at pagtutuwid sa gawain ay nagbibigay ng mga bungang naaangkop sa pagsisisi!—2 Cronica 33:15, 16.
10. Papaano tinangkang ilihim ni David ang kaniyang pagkakasala sa asawa ni Urias?
10 Ang kasalanan ni David na pangangalunya sa asawa ni Urias na Hitheo ay alam na alam. Hindi lamang siya nagkasala ng pangangalunya sa kaniya kundi kumatha pa siya ng pinagbuting pagtatakip nang siya’y magdalantao. Pinahintulutan ng hari si Urias na huwag munang sumama sa digmaan, sa pag-asang uuwi siya sa kanila at makikipagtalik sa kaniyang asawa. Ngunit, bilang paggalang sa kaniyang mga kapuwa mandirigma sa dako ng digmaan, tumanggi si Urias. Pagkatapos ay inanyayahan siya ni David na kumain at siya’y nilasing, subalit hindi pa rin umuwi si Urias sa kaniyang asawa. Nagpadala kung gayon si David ng mensahe sa kaniyang heneral na ilagay si Urias sa pinakasentro ng labanan upang mapatay si Urias, na siya ngang nangyari.—2 Samuel 11:2-25.
11. Papaano nagpangyaring magsisi si David sa kaniyang mga kasalanan, gayunman ay ano ang kaniyang dinanas?
11 Isinugo ni Jehova kay David ang kaniyang propetang si Nathan upang ibunyag ang kasalanan ng hari. “Sinabi ngayon ni David kay Nathan: ‘Ako’y nagkasala kay Jehova.’ Dito ay sinabi ni Nathan kay David: ‘Si Jehova naman, ay nagpalampas ng iyong kasalanan. Hindi ka mamamatay.’ ” (2 Samuel 12:13) Balisang-balisa si David sa kaniyang kasalanan at nagpahayag siya ng kaniyang pagsisisi sa isang taos-pusong panalangin kay Jehova: “Sapagkat hindi ka nagagalak sa hain—kung hindi sana’y ibibigay ko iyon; sa buong handog na susunugin ay wala kang kaluguran. Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na espiritu; isang pusong wasak at luray, O Diyos, hindi mo kasusuklaman.” (Awit 51:16, 17) Hindi kinasuklaman ni Jehova ang panalangin ni David na inihandog mula sa isang wasak na puso. Gayunman, pinagdusahan ni David ang mabigat na parusa, kasuwato ng sinabi ni Jehova tungkol sa pagpapatawad sa Exodo 34:6, 7: “Sa anumang paraan ay hindi siya magtatangi mula sa pagpaparusa.”
Ang Pag-aalay ni Solomon ng Templo
12. Ano ang ipinakiusap ni Solomon sa panahon ng pag-aalay ng templo, at ano ang naging tugon ni Jehova?
12 Nang matapos ni Solomon ang pagtatayo ng templo ni Jehova, sinabi niya sa kaniyang panalangin sa pag-aalay: “Dapat na makinig ka sa mga pamanhik ng iyong lingkod at ng iyong bayang Israel kapag sila ay nananalangin tungo sa dakong ito, upang iyo mismong marinig mula sa dako ng iyong pananahanan, mula sa mga langit; at ikaw ay dapat na makinig at magpatawad.” Tumugon si Jehova: “Kapag ipininid ko ang mga langit upang walang ulan na dumating at kapag nag-utos ako sa mga tipaklong na ubusin ang lupain at kung magpadala ako ng salot sa gitna ng aking bayan, at ang aking bayan na sa kanila ay itinatawag ang aking pangalan ay magpakumbaba ng kanilang sarili at manalangin at hanapin ang aking mukha at manumbalik mula sa kanilang masasamang daan, kung gayon akin mismong pakikinggan mula sa mga langit at patatawarin ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.”—2 Cronica 6:21; 7:13, 14.
13. Ano ang ipinakikita ng Ezekiel 33:13-16 hinggil sa pangmalas ni Jehova sa isang tao?
13 Habang nakatingin sa iyo si Jehova, tinatanggap ka niya kung ano ka ngayon, hindi kung ano ka noon. Iyo’y magiging gaya ng sinasabi sa Ezekiel 33:13-16: “Kapag sinabi ko sa matuwid na isa: ‘Ikaw ay tiyak na patuloy na mabubuhay,’ at siya mismo ay aktuwal na nagtitiwala sa kaniyang sariling katuwiran at gumagawa ng kawalang-katarungan, lahat ng kaniyang sariling matuwid na mga gawa ay hindi maaalaala, kundi ang kawalang-katarungan na kaniyang ginawa—dahil dito siya’y mamamatay. At kapag sinabi ko sa balakyot na isa: ‘Ikaw ay tiyak na mamamatay,’ at siya’y aktuwal na tumatalikod sa kaniyang kasalanan at nagpapatuloy sa katarungan at katuwiran, at ang balakyot na isa ay nagsasauli ng mismong ipinangako, nagbabayad muli ng mga bagay mismo na nakuha sa pamamagitan ng pagnanakaw, at aktuwal na lumalakad sa mismong batas ng buhay sa pamamagitan ng di-paggawa ng kawalang-katarungan, siya’y tiyak na patuloy na mabubuhay. Hindi siya mamamatay. Wala sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa ang aalalahanin laban sa kaniya. Ang katarungan at katuwiran ang siya niyang ginagawa. Siya’y tiyak na patuloy na mabubuhay.”
14. Ano ang pagkakakilanlan sa pagpapatawad ni Jehova?
14 Ang pagpapatawad na inilalaan ni Jehova para sa atin ay may pagkakakilanlang katangian, isa na mahirap para sa mga taong nilalang na ilakip sa pagpapatawad na inihahandog nila sa isa’t isa—siya’y kapuwa nagpapatawad at lumilimot. Ang ilang tao ay magsasabi, ‘Mapatatawad ko ang iyong ginawa, pero hindi ko malilimutan (o kalilimutan) iyon.’ Sa kabaligtaran, pansinin ang sinabi ni Jehova na kaniyang gagawin: “Patatawarin ko ang kanilang pagkakamali, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.”—Jeremias 31:34.
15. Anong ulat ng pagpapatawad ang taglay ni Jehova?
15 Libu-libong taon nang pinatatawad ni Jehova ang kaniyang mga mananamba sa lupa. Pinatawad na niya ang mga kasalanang batid nilang nagagawa nila gayundin ang marami sa mga ito na hindi nila namamalayan. Ang kaniyang paglalaan ng awa, mahabang-pagtitiis, at pagpapatawad ay walang-katapusan. Sabi ng Isaias 55:7: “Lisanin ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova, na maaawa sa kaniya, at sa ating Diyos, sapagkat siya’y magpapatawad nang sagana.”
Pagpapatawad sa Kristiyanong Griegong Kasulatan
16. Bakit natin masasabi na ang ginagawang pagpapatawad ni Jesus ay kasuwato ng kay Jehova?
16 Punung-puno ng mga ulat ng pagpapatawad ng Diyos ang rekord sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Madalas na sinasabi ito ni Jesus, na nagpapakitang siya’y kasuwato ng kaisipan ni Jehova kung tungkol sa bagay na ito. Ang kaisipan ni Jesus ay nagmumula kay Jehova, naaaninag sa kaniya si Jehova, siya ang eksaktong larawan ng katauhan ni Jehova; ang nakakita sa kaniya ay nakakita kay Jehova.—Juan 12:45-50; 14:9; Hebreo 1:3.
17. Papaano inilarawan ni Jesus ang pagpapatawad ni Jehova “nang sagana”?
17 Na si Jehova ay saganang nagpapatawad ay ipinakikita sa isa sa mga ilustrasyon ni Jesus, hinggil sa isang hari na nagpatawad sa isang alipin ng pagkakautang na 10,000 talento (mga $33,000,000, E.U.). Ngunit nang ang aliping iyon ay hindi nagpatawad sa isang kapuwa alipin ng pagkakautang na sandaang denario (mga $60, E.U.), gayon na lamang ang galit ng hari. “ ‘Balakyot na alipin, kinansela ko ang lahat ng utang na iyon para sa iyo, nang ikaw ay namanhik sa akin. Hindi ba dapat na ikaw naman ay maawa sa iyong kapuwa alipin, kung paanong ako rin ay naawa sa iyo?’ Dahil dito ay dinala siya ng kaniyang panginoon, na napukaw sa pagkapoot, sa mga tagapagbilanggo, hanggang sa mabayaran niyang lahat ang pagkakautang.” Pagkatapos ay gumawa ng pagkakapit si Jesus: “Sa katulad na paraan ang aking makalangit na Ama ay makikitungo rin sa inyo kung hindi kayo magpapatawad mula sa inyong mga puso, ang bawat isa sa kaniyang kapatid.”—Mateo 18:23-35.
18. Papaano pinaghambing ang pangmalas ni Pedro at ni Jesus hinggil sa pagpapatawad?
18 Bago pa lamang ibigay ni Jesus ang ilustrasyon sa itaas, lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong: “Panginoon, ilang ulit na magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at ako ay magpapatawad sa kaniya? Hanggang sa pitong ulit?” Ang akala ni Pedro ay may napakagandang kalooban na siya. Bagaman ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagbigay ng limitasyon ukol sa pagpapatawad, sinabi ni Jesus kay Pedro: “Sinasabi ko sa iyo, hindi, Hanggang sa pitong ulit, kundi, Hanggang sa pitumpu’t pitong ulit.” (Mateo 18:21, 22) Ang pitong ulit ay mahirap masapatan sa isang araw, gaya ng sabi ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili. Kung ang iyong kapatid ay makagawa ng kasalanan ay sawayin mo siya, at kung siya ay magsisi ay patawarin mo siya. Kahit na magkasala siya nang pitong ulit sa isang araw laban sa iyo at bumalik siya sa iyo nang pitong ulit, na nagsasabi, ‘Nagsisisi ako,’ ay patatawarin mo siya.” (Lucas 17:3, 4) Kapag nagpapatawad si Jehova, hindi siya nagbibilang—nakagagalak para sa atin.
19. Ano ang dapat nating gawin upang matamo ang kapatawaran ni Jehova?
19 Kung taglay natin ang pagpapakumbabang magsisi at ipagtapat ang ating mga kasalanan, si Jehova ay handang tumugon para sa ating kapakanan: “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.”—1 Juan 1:9.
20. Anong kahanga-hangang espiritu ng pagpapatawad sa kasalanan ang ipinakita ni Esteban?
20 Ang tagasunod ni Jesus na si Esteban, sa isang kahanga-hangang espiritu ng pagpapatawad, ay sumigaw sa pakiusap na ito habang binabato siya ng galít na galít na mga tao: “‘Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu.’ Nang magkagayon, pagkaluhod ng kaniyang mga tuhod, siya ay sumigaw sa malakas na tinig: ‘Jehova, huwag mong ipataw ang kasalanang ito laban sa kanila.’ At pagkasabi nito ay natulog siya sa kamatayan.”—Gawa 7:59, 60.
21. Bakit totoong kagila-gilalas ang pagiging handa ni Jesus na patawarin ang mga sundalong Romano?
21 Nagpamalas si Jesus ng mas kagila-gilalas na halimbawa ng pagiging handang magpatawad. Dinakip siya ng kaniyang mga kaaway, nilitis sa ilegal na paraan, hinatulan siya, nilait siya, niluraan siya, hinagupit siya ng isang pamalong may maraming makikitid na panghampas na malamang na may mga piraso ng buto at bakal na nakatali sa mga ito, at sa wakas ay iniwan siyang nakapako sa isang tulos sa loob ng kung ilang oras. Totoong sangkot dito ang mga Romano. Sa kabila nito, habang malapit nang mamatay si Jesus sa pahirapang tulos na iyon, sinabi niya sa kaniyang makalangit na Ama patungkol sa mga sundalong nagpako sa kaniya: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”—Lucas 23:34.
22. Anong mga salita mula sa Sermon sa Bundok ang dapat nating pagsikapang isakatuparan?
22 Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” Hanggang sa wakas ng kaniyang ministeryo sa lupa, sinunod niya mismo ang simulaing iyan. Totoo bang mabigat iyan para sa atin, na nakikipagpunyagi sa kahinaan ng ating makasalanang laman? Sa papaano man ay sikapin nating isakatuparan ang mga salitang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod pagkabigay niya ng modelong panalangin: “Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, ang inyong makalangit na Ama ay magpapatawad din sa inyo; samantalang kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga pagkakamali, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga pagkakamali.” (Mateo 5:44; 6:14, 15) Kung nagpapatawad tayo tulad ng pagpapatawad ni Jehova, tayo’y magpapatawad at lilimot.
Naaalaala Mo Ba?
◻ Papaano nakikitungo si Jehova sa ating mga kasalanan, at bakit?
◻ Bakit ibinalik si Manases sa kaniyang pagkahari?
◻ Anong pagkakakilanlang katangian ng pagpapatawad ni Jehova ang isang hamon para sa mga tao na tularan?
◻ Papaano totoong kagila-gilalas ang pagiging handang magpatawad ni Jesus?
[Larawan sa pahina 24]
Tinulungan ni Nathan si David na makita ang pangangailangan ng pagpapatawad ng Diyos