ARALING ARTIKULO 47
Paano Natin Mapapanatiling Masidhi ang Pag-ibig Natin sa Isa’t Isa?
“Patuloy nating ibigin ang isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay mula sa Diyos.”—1 JUAN 4:7.
AWIT BLG. 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso
NILALAMANa
1-2. (a) Bakit sinabi ni apostol Pablo na pag-ibig ang pinakadakilang katangian? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
NOONG tinatalakay ni apostol Pablo ang tungkol sa pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, sinabi niya na “ang pinakadakila sa mga [katangiang] ito ay pag-ibig.” (1 Cor. 13:13) Bakit niya nasabi iyon? Sa hinaharap, hindi na natin kailangang manampalataya o umasa sa mga pangako ng Diyos kasi nakita na natin ang katuparan ng mga iyon. Pero kailangan pa rin natin ng pag-ibig kay Jehova at sa mga tao. At patuloy pa nga itong lalalim magpakailanman.
2 Kaya talakayin natin ang tatlong tanong. Una, bakit dapat nating ibigin ang isa’t isa? Ikalawa, paano natin maipapakita ang pag-ibig na iyon? At ikatlo, paano natin mapapanatiling masidhi ang pag-ibig natin?
BAKIT DAPAT NATING IBIGIN ANG ISA’T ISA?
3. Bakit mahalagang ibigin natin ang isa’t isa?
3 Bakit mahalagang ibigin natin ang isa’t isa? Kapag ipinapakita nating mahal natin ang mga kapatid, pinapatunayan nating tunay na mga Kristiyano tayo. Sinabi ni Jesus sa mga apostol niya: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:35) Napapanatili rin natin ang pagkakaisa dahil sa pag-ibig. Sinabi ni Pablo na “lubusan nitong pinagkakaisa ang mga tao.” (Col. 3:14) Pero may isa pang mahalagang dahilan kung bakit dapat nating ibigin ang isa’t isa. Sumulat si apostol Juan sa mga kapatid: “Ang umiibig sa Diyos ay dapat na umiibig din sa kapatid niya.” (1 Juan 4:21) Kapag ipinapakita nating mahal natin ang isa’t isa, pinapatunayan nating mahal natin ang Diyos.
4-5. Bakit masasabing may koneksiyon ang pag-ibig natin sa Diyos sa pag-ibig natin sa mga kapatid? Magbigay ng ilustrasyon.
4 Bakit masasabing may koneksiyon ang pag-ibig natin sa Diyos sa pag-ibig natin sa mga kapatid? Isipin ang koneksiyon ng puso natin sa ibang parte ng katawan natin. Kapag sinusuri ng doktor ang pulso natin, puwede niyang malaman kung malakas o mahina ang puso natin. Ano ang matututuhan natin dito?
5 Gaya ng doktor na nalalaman ang kondisyon ng puso ng isang tao kapag sinusuri ang pulso nito, malalaman din natin kung gaano natin kamahal ang Diyos kapag sinuri natin ang pag-ibig natin sa iba. Kapag napansin natin na nabawasan na ang pag-ibig natin sa mga kapatid, baka senyales iyan na nababawasan na rin ang pag-ibig natin sa Diyos. Pero kapag lagi tayong nagpapakita ng pag-ibig sa kanila, nakikita natin kung gaano natin kamahal ang Diyos.
6. Bakit dapat tayong mag-alala kung nababawasan na ang pag-ibig natin sa mga kapatid? (1 Juan 4:7-9, 11)
6 Bakit dapat tayong mag-alala kung nababawasan na ang pag-ibig natin sa mga kapatid? Kasi ibig sabihin nito, nanganganib ang kaugnayan natin kay Jehova. Nilinaw iyan ni apostol Juan nang sabihin niya: “Ang hindi umiibig sa kapatid niya, na nakikita niya, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita.” (1 Juan 4:20) Ano ang aral? Matutuwa lang sa atin si Jehova kung ‘iniibig natin ang isa’t isa.’—Basahin ang 1 Juan 4:7-9, 11.
PAANO NATIN MAIPAPAKITA ANG PAG-IBIG SA ISA’T ISA?
7-8. Ano ang ilang paraan para maipakita natin na mahal natin ang isa’t isa?
7 Sa Salita ng Diyos, paulit-ulit nating makikita ang utos na ibigin ang isa’t isa. (Juan 15:12, 17; Roma 13:8; 1 Tes. 4:9; 1 Ped. 1:22; 1 Juan 4:11) Pero ang pag-ibig ay isang damdamin na nasa puso, at hindi naman kayang basahin ng mga kapatid ang puso natin. Kaya paano nila malalaman na mahal natin sila? Makikita nila iyon sa sinasabi at ginagawa natin.
8 Maraming paraan para maipakita natin sa mga kapatid na mahal natin sila. Ito ang ilang halimbawa: “Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa.” (Zac. 8:16) “Panatilihin ninyo ang kapayapaan sa isa’t isa.” (Mar. 9:50) “Mauna kayo sa pagpapakita ng paggalang sa iba.” (Roma 12:10) “Malugod ninyong tanggapin ang isa’t isa.” (Roma 15:7) “Patuloy ninyong . . . patawarin ang isa’t isa.” (Col. 3:13) “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa.” (Gal. 6:2) “Patuloy ninyong patibayin ang isa’t isa.” (1 Tes. 4:18) “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa.” (1 Tes. 5:11, tlb.) “Ipanalangin ninyo ang isa’t isa.”—Sant. 5:16.
9. Bakit mahalaga na aliwin natin ang iba para maipakita na mahal natin sila? (Tingnan din ang larawan.)
9 Tingnan natin ang isang paraan para maipakita natin ang pag-ibig sa iba. Sinabi ni Pablo: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa.” Bakit mahalaga na aliwin natin ang iba para maipakita na mahal natin sila? Ayon sa isang reperensiya sa Bibliya, ang salitang ginamit ni Pablo para sa “aliwin” ay nangangahulugang “pagtindig sa tabi ng isang tao upang patibaying-loob siya kapag siya’y dumaranas ng matinding pagsubok.” Kaya kapag inaaliw natin ang isang kapatid na may problema, natutulungan natin siyang patuloy na maglingkod nang tapat kay Jehova. Naipapakita rin natin sa kaniya na mahal natin siya.—2 Cor. 7:6, 7, 13.
10. Paano naging magkaugnay ang awa at ang pagbibigay ng kaaliwan?
10 Magkaugnay ang awa at ang pagbibigay ng kaaliwan. Paano? Kumikilos ang isang taong maawain para aliwin at tulungan ang mga may problema. Kaya makakaramdam muna tayo ng awa at saka tayo magbibigay ng kaaliwan. Pansinin na iniugnay ni Pablo ang awa ni Jehova sa kaaliwang ibinibigay Niya. Sinabi ni Pablo na si Jehova ay “ang Ama na magiliw at maawain at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.” (2 Cor. 1:3) Ayon sa study note ng tekstong ito, ang pananalitang ginamit ni Pablo na “magiliw at maawain” ay “tumutukoy sa pagkadama ng malasakit, o awa, sa iba.” Kaya masasabing “ang Diyos ang Ama na magiliw at maawain dahil siya ang pinagmulan ng mga katangiang ito.” At dahil sa awa niya, inaaliw niya tayo “sa harap ng lahat ng pagsubok.” (2 Cor. 1:4) Gaya ng tubig mula sa bukal na nakakarepresko sa mga nauuhaw, ang tulong na ibinibigay ni Jehova ay nakakarepresko rin at nagbibigay ng kaaliwan sa mga may problema. Paano natin matutularan si Jehova pagdating sa pagiging maawain at pagbibigay ng kaaliwan sa iba? Ang isang paraan ay kung sisikapin nating gawin ang mga bagay na may kaugnayan sa pagbibigay ng kaaliwan. Ano ang ilan sa mga iyon?
11. Ayon sa Colosas 3:12 at 1 Pedro 3:8, ano ang kailangan nating gawin para makapagpakita tayo ng pag-ibig at maaliw ang iba?
11 Ano ang tutulong sa atin na patuloy na ibigin at “aliwin ang isa’t isa” araw-araw? Kailangan nating magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, at magpakita ng kabaitan. (Basahin ang Colosas 3:12; 1 Pedro 3:8.) Paano iyan makakatulong sa atin? Kapag naaawa tayo sa mga kapatid na may problema at nagmamalasakit tayo sa kanila, gugustuhin nating aliwin sila. Gaya ng sinabi ni Jesus, “lumalabas sa bibig kung ano ang laman ng puso. Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting bagay mula sa kaniyang mabuting kayamanan.” (Mat. 12:34, 35) Napakahalaga ng pagbibigay ng kaaliwan sa mga kapatid para maipakita natin na mahal natin sila.
PAANO NATIN MAPAPANATILING MASIDHI ANG PAG-IBIG NATIN SA ISA’T ISA?
12. (a) Bakit dapat nating ingatan ang pag-ibig natin sa isa’t isa? (b) Anong tanong ang sasagutin natin?
12 Gusto nating lahat na “patuloy [na] ibigin ang isa’t isa.” (1 Juan 4:7) Pero tandaan natin ang babala ni Jesus na “ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig.” (Mat. 24:12) Hindi naman sinasabi ni Jesus na karamihan sa mga alagad niya ay hihinto sa pagpapakita ng pag-ibig. Pero dapat tayong mag-ingat para hindi tayo maimpluwensiyahan ng mga tao sa sanlibutang ito na hindi nagpapakita ng pag-ibig. May kaugnayan diyan, sasagutin natin ang mahalagang tanong na ito: Paano natin malalaman kung masidhi ang pag-ibig natin sa mga kapatid?
13. Ano ang susubok sa pag-ibig natin sa mga kapatid?
13 Ang isang paraan para malaman kung gaano kasidhi ang pag-ibig natin ay kung aalamin natin ang reaksiyon natin sa iba’t ibang sitwasyon. (2 Cor. 8:8) Sinabi ni apostol Pedro ang isang sitwasyon: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Ped. 4:8) Kaya susubok sa pag-ibig natin sa mga kapatid ang mga kahinaan at pagkakamali nila.
14. Ayon sa 1 Pedro 4:8, anong uri ng pag-ibig ang kailangan natin? Magbigay ng ilustrasyon.
14 Pag-isipan nating mabuti ang mga sinabi ni Pedro. Sinabi sa unang bahagi ng talata 8 ang uri ng pag-ibig na dapat na mayroon tayo—“masidhing pag-ibig.” Ang salitang ginamit ni Pedro para sa ‘masidhi’ ay literal na nangangahulugang “banat na banat.” Sa ikalawang bahagi naman ng talata, binanggit ang epekto ng masidhing pag-ibig natin—matatakpan nito ang mga kasalanan ng mga kapatid. Isipin na ang pag-ibig natin ay gaya ng isang nababanat na tela. Binabanat natin ito nang binabanat hanggang sa kaya na nitong takpan, hindi lang isa o dalawa, kundi “maraming kasalanan.” Ang ibig sabihin dito ng takpan ay patawarin. Gaya ng isang tela na kayang takpan ang mantsa, kaya ring takpan ng pag-ibig ang mga kahinaan at pagkakamali ng iba.
15. Kapag mahal na mahal natin ang mga kapatid, ano ang kaya nating gawin? (Colosas 3:13)
15 Dapat na mahal na mahal natin ang mga kapatid para mapatawad natin ang mga pagkakamali nila—kahit napakahirap nitong gawin kung minsan. (Basahin ang Colosas 3:13.) Kapag nagpapatawad tayo, naipapakita nating masidhi ang pag-ibig natin at na gusto nating mapasaya si Jehova. Ano pa ang makakatulong sa atin na mapalampas ang mga pagkakamali at nakakainis na ugali ng iba?
16-17. Ano pa ang makakatulong sa atin na mapalampas ang maliliit na pagkakamali ng iba? Magbigay ng ilustrasyon. (Tingnan din ang larawan.)
16 Magpokus sa magagandang katangian ng mga kapatid; huwag sa mga negatibo. Isipin na nasa isang gathering ka kasama ng mga kapatid, at napakasaya ninyo. Bago kayo umuwi, nagpa-picture kayong lahat. Kumuha din kayo ng dalawa pang shot sakaling hindi maayos ang unang picture. Pero napansin mo na sa isang picture, nakasimangot ang isang brother. Ano ang gagawin mo? Idi-delete mo iyon kasi may dalawa pa namang picture na nakangiti ang lahat, kasama na ang brother.
17 Isipin na ang mga picture na iyon ay gaya ng mga bagay na gusto nating tandaan. Siyempre, mayroon tayong magagandang alaala kasama ang mga kapatid. Pero baka may pagkakataon na may nasabi o nagawang hindi maganda sa atin ang isang kapatid. Ano ang dapat nating gawin? Dapat nating kalimutan, o i-delete, ang alaalang iyon gaya ng gagawin natin sa isang picture. (Kaw. 19:11; Efe. 4:32) Puwede nating kalimutan ang maliit na pagkakamali sa atin ng kapatid kasi marami naman tayong magagandang alaala kasama siya. At ang mga iyon ang ayaw nating kalimutan.
BAKIT KAILANGANG-KAILANGAN NGAYON NG PAG-IBIG?
18. Anong mahahalagang aral tungkol sa pag-ibig ang tinalakay natin sa artikulong ito?
18 Bakit gusto nating mapanatili ang masidhing pag-ibig sa isa’t isa? Gaya ng tinalakay natin, kapag nagpapakita tayo ng pag-ibig sa mga kapatid, pinapatunayan nating mahal natin si Jehova. Paano natin maipapakita sa mga kapatid na mahal natin sila? Ang isang paraan ay ang pagbibigay ng kaaliwan sa kanila. Magagawa nating “patuloy [na] aliwin ang isa’t isa” kung maawain tayo. Paano natin mapapanatiling masidhi ang pag-ibig sa isa’t isa? Kung papatawarin natin ang mga kapatid kahit na napakahirap nitong gawin kung minsan.
19. Bakit kailangang-kailangan ngayon na magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa?
19 Bakit kailangang-kailangan ngayon na magpakita ng pag-ibig sa isa’t isa? Sinabi ni Pedro: “Ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. Kaya . . . magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.” (1 Ped. 4:7, 8) Ano ang aasahan natin habang papalapit ang wakas ng masamang sanlibutang ito? Inihula ni Jesus tungkol sa mga tagasunod niya: “Kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa pangalan ko.” (Mat. 24:9) Para makayanan natin iyon, kailangan nating manatiling nagkakaisa. Kung mahal natin ang mga kapatid, mabibigo si Satanas na sirain ang pagkakaisa natin, ‘dahil lubusang pinagkakaisa ng pag-ibig ang mga tao.’—Col. 3:14; Fil. 2:1, 2.
AWIT BLG. 130 Maging Mapagpatawad
a Kailangang-kailangan natin ngayon na magpakita ng pag-ibig sa mga kapatid. Bakit, at paano natin iyon mas maipapakita?