Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Ang Pagkakaila sa Looban
PAGKATAPOS na lisanin nila si Jesus sa halamanan ng Getsemani at magsitakas dahil sa takot kasama ang iba pa sa mga apostol, si Pedro at si Juan ay huminto sa kanilang pagtakas. Marahil kanilang inabutan si Jesus nang siya’y dinadala sa tahanan ni Annas. Nang iutos ni Annas na dalhin siya [si Jesus] sa Mataas na Saserdote na si Caifas, si Pedro at si Juan ay sumunod sa malayu-layo, sa malas ay nag-aalanganin sila sa takot na mapasapanganib ang kanilang sariling buhay at sa kanilang matinding pagkabahala naman tungkol sa mangyayari sa kanilang Panginoon.
Nang sila’y dumating na sa malapalasyong tahanan ni Caifas, nangyaring nakapasok si Juan sa looban, yamang siya’y kilala ng mataas na saserdote. Subalit, si Pedro ay naiwang nakatayo sa labas ng pintuan. Ngunit hindi nagtagal at bumalik si Juan at nakipag-usap sa bantay-pinto, isang utusang babae, at si Pedro’y pinayagang pumasok.
Nang mga sandaling iyon ay maginaw, at ang mga utusan sa bahay at ang mga punong-kawal ng mataas na saserdote ay nagpabaga ng apoy. Si Pedro ay lumapit sa kanila upang magpainit din habang hinihintay ang kalalabasan ng paglilitis ni Jesus. Doon, sa liwanag ng maningas na apoy, ang bantay-pinto na nagpapasok kay Pedro ay nakapagmasid na mainam sa kaniya. “Ikaw man ay kasama ni Jesus na taga-Galilea!” ang bulalas nito.
Palibhasa’y nangangamba na baka siya’y makilala, sa harap nilang lahat ay ikinaila ni Pedro na kaniyang nakikilala si Jesus. “Hindi ko siya nakikilala ni nauunawaan man ang iyong sinasabi,” aniya.
Nang sandaling iyan, si Pedro ay lumabas malapit sa daanang labasan. Doon, isa pang babae ang nakapansin sa kaniya at sinabi rin sa mga nangakatayo roon: “Ang lalaking ito ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.” Minsan pa, ikinaila iyon ni Pedro, na sumusumpa: “Hindi ko nakikilala ang tao!”
Si Pedro ay nanatili sa looban, na nagsisikap na siya’y huwag mapansin hangga’t maaari ng sinuman. Marahil sa puntong ito siya ay nagulantang sa pagtilaok ng manok sa kadiliman ng mag-uumagang iyon. Samantala, nagaganap noon ang paglilitis kay Jesus, marahil ay ginanap sa isang parte ng bahay sa gawing itaas ng looban. Marahil nakikita ni Pedro at ng mga ibang naghihintay sa ibaba ang pagyayao’t dito ng iba’t ibang mga saksi na dinala roon upang tumestigo.
Nakalipas ang mga isang oras sapol nang si Pedro ay huling napagkilala bilang isang kasama ni Jesus. Ngayon ang ilan sa mga nakatayo sa palibot ay lumapit sa kaniya at nagsabi: “Tiyak na ikaw man ay isa sa kanila, sapagkat, sa katunayan ipinakikilala ka ng iyong pananalita.” Ang isa na nasa grupo ay isang kamag-anak ni Malco, na ang tainga’y tinagpas ni Pedro. “Nakita kita sa halamanan na kasama niya, di ba?” aniya.
“Hindi ko nakikilala ang tao!” ang mariing sabi ni Pedro. Sa katunayan, nang siya’y magsimulang manungayaw at manumpa sa bagay na iyon, na ang totoo, sumpain daw siya kung hindi siya nagsasabi ng katotohanan, kaniyang sinubok na kumbinsihin sila na silang lahat ay mali.
Samantalang ginagawa ni Pedro ang kaniyang ikatlong pagkakaila, isang tandang ang tumilaok. At nang sandaling iyon, si Jesus, na tila lumabas at naroon sa isang balkonahe sa gawing itaas ng looban ay lumingon at tumitig sa kaniya. Karakaraka, naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus mga ilang oras lamang ang nakaraan noong sila’y silid sa itaas, “Bago tumilaok nang makalawa ang manok, ikakaila mo akong makaitlo.” Palibhasa’y nagising sa kabigatan ng kaniyang kasalanan, si Pedro’y lumabas at tumangis na mainam.
Papaano nga nangyari ito? Pagkatapos masiguro niyang siya’y totoong malakas sa espirituwal, papaano nga maikakaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon nang tatlong beses na sunud-sunod? Walang alinlangan na si Pedro’y nahuling walang kamalay-malay sa mga pagkakataong iyon. Ang katotohanan ay pinipilipit, at si Jesus ay inilalarawan na isang ubod-samang kriminal. Ang matuwid ay pinagtitinging baluktot, ang walang kasalanan ay pinagtitinging may kasalanan. Kaya dahil sa mga kagipitan ng pagkakataong iyon, si Pedro ay nawala sa katinuan. Biglang-biglang ang kaniyang wastong pagkadama ng katapatan ay nabaligtad. Sa kaniyang labis na kalungkutan siya ay nadaig ng pagkatakot sa tao. Sana’y huwag mangyari iyan sa atin!Mateo 26:57, 58, 69-75; Marcos 14:30, 53, 54, 66-72; Lucas 22:54-62; Juan 18:15-18, 25-27.
▪ Papaano nakapasok si Pedro at si Juan sa looban ng mataas na saserdote?
▪ Samantalang si Pedro at si Juan ay nasa looban, ano ba ang nagaganap sa bahay?
▪ Ilang beses tumilaok ang manok, at gaano kadalas ikinaila ni Pedro na nakikilala niya si Kristo?
▪ Ano ba ang ibig sabihin ng sinabing si Pedro ay nanungayaw at nanumpa?
▪ Ano ang humila kay Pedro na ikaila na kaniyang nakikilala si Jesus?