Ayon kay Marcos
14 Dalawang araw na lang at ipagdiriwang na ang Paskuwa+ at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa.+ At ang mga punong saserdote at mga eskriba ay naghahanap ng tusong* paraan para madakip si Jesus at mapatay;+ 2 dahil sinasabi nila: “Huwag sa kapistahan; baka magkagulo ang mga tao.”
3 At habang siya ay nasa Betania at kumakain* sa bahay ni Simon na ketongin, isang babae ang dumating na may boteng alabastro na naglalaman ng mabangong langis na gawa sa nardo, puro at napakamamahalin. Binuksan niya ang boteng alabastro at ibinuhos ang langis sa ulo ni Jesus.+ 4 Dahil dito, nagalit ang ilan at sinabi nila sa isa’t isa: “Bakit niya inaaksaya ang mabangong langis? 5 Puwede sanang ipagbili ang mabangong langis na iyan sa mahigit na 300 denario+ at ibigay ang pera sa mahihirap!” At inis na inis sila sa babae.* 6 Pero sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginugulo? Mabuti ang ginawa niya sa akin.+ 7 Lagi ninyong kasama ang mahihirap,+ at puwede ninyo silang gawan ng mabuti kahit kailan ninyo gusto, pero hindi ninyo ako laging makakasama.+ 8 Ginawa niya ang magagawa niya; binuhusan niya ako ng mabangong langis bilang paghahanda sa libing ko.+ 9 Sinasabi ko sa inyo, saanman sa mundo ipangaral ang mabuting balita,+ ang ginawa ng babaeng ito ay sasabihin din bilang pag-alaala sa kaniya.”+
10 At si Hudas Iscariote, na isa sa 12 apostol, ay nagpunta sa mga punong saserdote para tulungan silang dakpin si Jesus.+ 11 Nang marinig nila ang alok ni Hudas, natuwa sila at nangako silang bibigyan nila siya ng perang pilak.+ Kaya naghanap siya ng pagkakataon para maibigay si Jesus sa kaaway.
12 Ngayon, nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ kung kailan kaugalian nilang ihandog ang hain para sa Paskuwa,+ sinabi sa kaniya ng mga alagad niya: “Saan mo kami gustong pumunta at maghanda ng hapunan para sa Paskuwa?”+ 13 Kaya isinugo niya ang dalawa sa mga alagad niya. Sinabi niya sa kanila: “Pumunta kayo sa lunsod, at sasalubungin kayo ng isang taong may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya,+ 14 at saanman siya pumasok ay sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapasabi ng Guro: “Nasaan ang silid para sa bisita kung saan puwede akong kumain ng hapunan para sa Paskuwa kasama ang mga alagad ko?”’ 15 At ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas, na nakaayos at nakahanda na. Ihanda ninyo ang hapunan natin doon.” 16 Kaya umalis ang mga alagad, at pumasok sila sa lunsod, at nangyari ang lahat ng sinabi niya sa kanila, at naghanda sila para sa Paskuwa.
17 Pagsapit ng gabi, dumating siya kasama ang 12 apostol.+ 18 At habang nakaupo* sila sa mesa at kumakain, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, isa sa inyo na kumakaing kasama ko ang magtatraidor sa akin.”+ 19 Nalungkot sila at isa-isang nagsabi sa kaniya: “Hindi ako iyon, hindi ba?” 20 Sinabi niya sa kanila: “Isa siya sa 12 apostol, na kasabay kong nagsasawsaw sa mangkok.+ 21 Ang Anak ng tao ay aalis, gaya ng nasusulat tungkol sa kaniya, pero kaawa-awa ang taong iyon na magtatraidor sa Anak ng tao!+ Mas mabuti pa para sa taong iyon kung hindi siya ipinanganak.”+
22 At habang kumakain sila, kumuha siya ng tinapay, nanalangin, pinagpira-piraso ito, ibinigay sa kanila, at sinabi: “Kunin ninyo ito; sumasagisag ito sa aking katawan.”+ 23 Matapos kumuha ng isang kopa, nagpasalamat siya sa Diyos, ibinigay niya sa kanila ang kopa, at uminom silang lahat mula rito.+ 24 At sinabi niya sa kanila: “Sumasagisag ito sa aking ‘dugo+ para sa tipan,’+ na ibubuhos alang-alang sa marami.+ 25 Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom pa ng alak hanggang sa dumating ang araw na iinom ako ng bagong alak sa Kaharian ng Diyos.”+ 26 At pagkatapos umawit ng mga papuri, pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.+
27 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Iiwan ninyo akong lahat,* dahil nasusulat: ‘Sasaktan ko ang pastol,+ at ang mga tupa ay mangangalat.’+ 28 Pero matapos akong buhaying muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.”+ 29 Pero sinabi sa kaniya ni Pedro: “Kahit na iwan ka nilang lahat,* hindi kita iiwan.”+ 30 Kaya sinabi ni Jesus sa kaniya: “Sinasabi ko sa iyo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ 31 Pero iginigiit niya: “Kahit na mamatay akong kasama mo, hinding-hindi kita ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng iba pa.+
32 At nagpunta sila sa lugar na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa mga alagad niya: “Umupo kayo rito habang nananalangin ako.”+ 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago, at Juan.+ At nabagabag siya nang husto at naghirap ang kalooban niya. 34 Sinabi niya sa kanila: “Sukdulan* ang kalungkutang nararamdaman ko.+ Dito lang kayo at patuloy na magbantay.”+ 35 Matapos lumayo nang kaunti, sumubsob siya sa lupa at nanalangin na kung maaari ay hindi na niya pagdaanan ang sandaling ito. 36 At sinabi niya: “Abba, Ama,+ ang lahat ng bagay ay posible sa iyo; alisin mo sa akin ang kopang ito. Pero mangyari nawa, hindi ang gusto ko, kundi ang gusto mo.”+ 37 Bumalik siya at nadatnan niya silang natutulog, at sinabi niya kay Pedro: “Simon, natutulog ka? Wala ka bang lakas para magbantay kahit isang oras?+ 38 Patuloy kayong magbantay at manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.+ Totoo naman, gusto ng puso, pero mahina ang laman.”+ 39 At umalis siya uli at nanalangin, na ganoon din ang sinasabi.+ 40 Pagbalik niya, nadatnan niya uli silang natutulog dahil antok na antok na sila, kaya hindi nila malaman kung ano ang isasagot sa kaniya. 41 At bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila: “Sa panahong gaya nito ay natutulog kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras!+ Ibibigay na ang Anak ng tao sa kamay ng mga makasalanan. 42 Tumayo kayo, at umalis na tayo. Parating na ang magtatraidor sa akin.”+
43 Agad-agad, habang nagsasalita pa siya, dumating si Hudas, na isa sa 12 apostol, kasama ang maraming taong may mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga punong saserdote at mga eskriba at matatandang lalaki.+ 44 Ang magtatraidor sa kaniya ay nagbigay na sa kanila ng isang palatandaan. Sinabi niya: “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon; dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.” 45 Lumapit siya agad kay Jesus at nagsabi, “Rabbi!” at magiliw itong hinalikan. 46 Kaya sinunggaban nila ito at inaresto. 47 Pero ang isa sa mga nakatayo roon ay humugot ng espada. Tinaga niya ang alipin ng mataas na saserdote, at natagpas ang tainga nito.+ 48 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Magnanakaw ba ako at may dala pa kayong mga espada at pamalo para arestuhin ako?+ 49 Araw-araw akong nasa templo kasama ninyo at nagtuturo,+ pero hindi ninyo ako hinuhuli. Gayunman, nangyari ito para matupad ang Kasulatan.”+
50 At tumakas silang lahat at iniwan siya.+ 51 Pero isang kabataang lalaki, na ang suot lang ay magandang klase ng lino, ang sumunod sa kaniya sa malapit. Nang tangkain itong dakpin ng mga tao, 52 naiwan nito ang damit na lino at tumakas nang hubad.
53 Dinala nila ngayon si Jesus sa mataas na saserdote,+ at ang lahat ng punong saserdote at matatandang lalaki at mga eskriba ay nagtipon.+ 54 Pero mula sa malayo ay sinundan siya ni Pedro hanggang sa looban ng bahay ng mataas na saserdote. Si Pedro ay umupong kasama ng mga tagapaglingkod sa bahay at nagpainit sa harap ng apoy.+ 55 Samantala, ang mga punong saserdote at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng testimonya laban kay Jesus para maipapatay siya, pero wala silang mahanap.+ 56 Marami ang nagbibigay ng gawa-gawang testimonya laban sa kaniya,+ pero hindi nagkakatugma ang mga ito. 57 May ilan din na humaharap at nagbibigay ng gawa-gawang testimonya laban sa kaniya. Sinasabi nila: 58 “Narinig naming sinabi niya, ‘Ibabagsak ko ang templong ito na ginawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi ginawa ng mga kamay.’”+ 59 Pero kahit sa bagay na ito, hindi nagkakatugma ang mga testimonya nila.
60 Pagkatapos, ang mataas na saserdote ay tumayo sa gitna nila at nagtanong kay Jesus: “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?”+ 61 Pero nanatili siyang tahimik at hindi sumagot.+ Muli siyang tinanong ng mataas na saserdote: “Ikaw ba ang Kristo, ang Anak ng Kataas-taasan?” 62 Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao+ na nakaupo sa kanan+ ng Makapangyarihan-sa-Lahat at dumarating na kasama ng mga ulap sa langit.”+ 63 Nang marinig ito ng mataas na saserdote, pinunit niya ang damit niya at sinabi: “Bakit kailangan pa natin ng mga testigo?+ 64 Narinig ninyo ang pamumusong* niya. Ano ang desisyon ninyo?”* Lahat sila ay humatol na nararapat siyang mamatay.+ 65 At dinuraan siya ng ilan,+ tinakpan ang mukha niya, at sinuntok siya at sinabi sa kaniya: “Manghula ka!” At matapos siyang sampalin, kinuha siya ng mga tagapaglingkod ng hukuman.+
66 Habang si Pedro ay nasa ibaba sa looban, dumating ang isa sa mga alilang babae ng mataas na saserdote.+ 67 Pagkakita kay Pedro na nagpapainit, tumitig ang babae sa kaniya at nagsabi: “Kasama ka rin ng Nazareno, ng Jesus na iyon.” 68 Pero ikinaila niya ito: “Hindi ko siya kilala at hindi ko alam* ang sinasabi mo.” At pumunta siya sa may labasan. 69 Nakita siya roon ng alilang babae at sinabi nito sa mga nakatayo roon: “Isa siya sa kanila.”+ 70 Muli niya itong ikinaila. Mayamaya, ang mga nakatayo roon ay muling nagsabi kay Pedro: “Siguradong isa ka sa kanila, dahil taga-Galilea ka.” 71 Pero sinabi ni Pedro na sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya. At sumumpa siya: “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72 Agad na tumilaok ang tandang sa ikalawang pagkakataon,+ at naalaala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kaniya: “Bago tumilaok ang tandang nang dalawang beses, ikakaila mo ako nang tatlong ulit.”+ At nanlupaypay siya at humagulgol.