Panalangin
4 Ano ang Dapat Ipanalangin?
ANG modelong panalangin ni Jesus—tinatawag ding Panalangin ng Panginoon o Ama Namin—ay sinasabing ang pinakamadalas bigkasin sa lahat ng panalanging Kristiyano. Totoo man ito o hindi, marami ang hindi nakauunawa sa panalanging ito. Milyun-milyon ang paulit-ulit na bumibigkas nito araw-araw. Pero hindi iyan ang gusto ni Jesus na mangyari. Paano natin nalaman?
Bago bigkasin ang panalanging iyon, sinabi ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag ninyong sabihin ang gayunding mga bagay nang paulit-ulit.” (Mateo 6:7) Kokontrahin kaya ni Jesus ang sarili niya sa pamamagitan ng paghaharap ng panalanging kakabisaduhin at uulit-ulitin? Tiyak na hindi! Sa halip, itinuturo sa atin ni Jesus kung ano ang dapat ipanalangin at ang dapat maging pangunahin sa ating panalangin. Suriin natin ang kaniyang modelong panalangin na nakaulat sa Mateo 6:9-13.
“Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.”
Ipinaalaala rito ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na sa tuwing mananalangin sila, dapat nilang tawagin ang kaniyang Ama, si Jehova. Pero alam mo ba kung bakit napakahalaga ng pangalan ng Diyos at kung bakit kailangan itong pakabanalin?
Sa pasimula ng kasaysayan ng tao, ang banal na pangalan ng Diyos ay nadungisan ng mga kasinungalingan. Tinawag ni Satanas ang Diyos na Jehova na isang sinungaling at makasariling Tagapamahala na walang karapatang mamuno sa Kaniyang mga nilalang. (Genesis 3:1-6) Marami ang pumanig sa kaaway na ito ng Diyos. Itinuturo nila na walang Maylalang, o kung mayroon man, siya ay walang malasakit, malupit, at mapaghiganti. Binalingan naman ng iba ang mismong pangalan ng Diyos—inalis nila ang pangalang Jehova sa mga salin ng Bibliya at ipinagbawal ang paggamit nito.
Sinasabi ng Bibliya na itutuwid ng Diyos ang lahat ng kawalang-katarungang ito. (Ezekiel 39:7) Sa gayon, masasapatan din niya ang lahat ng iyong pangangailangan at malulunasan ang lahat ng iyong problema. Paano? Makikita ang sagot sa sumunod na sinabi ni Jesus sa kaniyang panalangin.
“Dumating nawa ang iyong kaharian.”
Hindi alam ng maraming guro ng relihiyon sa ngayon kung ano ang Kaharian ng Diyos. Pero gaya ng alam ng mga tagapakinig ni Jesus, matagal nang inihula ng mga propeta ng Diyos na ang Mesiyas, ang Tagapagligtas na pinili ng Diyos, ay mamamahala sa isang Kaharian na babago sa daigdig. (Isaias 9:6, 7; Daniel 2:44) Pababanalin nito ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng paglalantad sa mga kasinungalingan ni Satanas at paglipol kay Satanas at sa lahat ng kaniyang mga gawa. Wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang digmaan, sakit, gutom—maging ang kamatayan. (Awit 46:9; 72:12-16; Isaias 25:8; 33:24) Kapag ipinananalangin mo ang pagdating ng Kaharian ng Diyos, hinihiling mong magkatotoo ang lahat ng pangakong iyon.
“Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”
Ipinahihiwatig ng pananalita ni Jesus na tiyak na magaganap ang kalooban ng Diyos sa lupa gaya sa langit, kung saan tumatahan ang Diyos. Walang nakahahadlang sa kalooban ng Diyos sa langit; doon, ang Anak ng Diyos ay nakipagdigma kay Satanas at sa kaniyang mga kampon, at inihagis sila sa lupa. (Apocalipsis 12:9-12) Tinutulungan tayo ng ikatlong kahilingang ito, gaya ng naunang dalawa, na ituon ang ating pansin sa mga bagay na mas mahalaga—hindi ang ating kalooban, kundi ang sa Diyos. Ang kalooban niya ang laging nagdudulot ng kabutihan sa lahat ng nilalang. Kaya sinabi ng sakdal na taong si Jesus sa kaniyang Ama: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.”—Lucas 22:42.
“Ibigay mo sa amin ngayon ang aming tinapay.”
Ipinakikita rito ni Jesus na maaari din nating ipanalangin ang ating personal at pang-araw-araw na mga pangangailangan. Hindi masamang ipanalangin sa Diyos ang mga ito. Sa katunayan, ipinaaalaala nito sa atin na si Jehova ang isa na “nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay.” (Gawa 17:25) Sinasabi ng Bibliya na siya ay isang maibiging ama na natutuwang ibigay sa kaniyang mga anak ang kailangan nila. Pero gaya ng isang mabuting magulang, hindi niya ibibigay ang mga hinihingi ng mga anak na makasasamâ sa kanila.
“Patawarin mo kami sa aming mga pagkakautang.”
Talaga bang may pagkakautang ka sa Diyos? Kailangan mo ba ang kaniyang kapatawaran? Marami ngayon ang hindi na nakauunawa kung ano ang kasalanan at kung gaano ito kabigat. Pero itinuturo ng Bibliya na ang kasalanan ang ugat ng pinakamatitindi nating problema, yamang ito ang dahilan kung bakit namamatay ang mga tao. Lahat tayo ay madalas magkasala, at ang tanging pag-asa natin na magkaroon ng walang-hanggang kinabukasan ay nakasalalay sa kapatawaran ng Diyos. (Roma 3:23; 5:12; 6:23) Mabuti na lamang at sinasabi ng Bibliya: “Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad.”—Awit 86:5.
“Iligtas mo kami mula sa isa na balakyot.”
Alam mo ba kung bakit kailangang-kailangan mo ang proteksiyon ng Diyos ngayon? Marami ang ayaw maniwalang umiiral si Satanas, ang “isa na balakyot.” Pero itinuro ni Jesus na totoo si Satanas. Tinawag pa nga niya ito na “tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 16:11) Pinasamâ ni Satanas ang daigdig na ito na kontrolado niya, at gusto rin niyang pasamain ka para hindi ka magkaroon ng malapít na kaugnayan sa iyong Amang si Jehova. (1 Pedro 5:8) Gayunman, di-hamak na mas malakas si Jehova kaysa kay Satanas at gusto Niyang protektahan ang mga umiibig sa Kaniya.
Hindi lamang ang mga natalakay nating punto sa panalangin ni Jesus ang puwede nating ipanalangin. Tandaan ang sinasabi ng 1 Juan 5:14 tungkol sa Diyos: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” Kaya huwag isiping napakaliit ng iyong problema para ipakipag-usap ito sa Diyos.—1 Pedro 5:7.
Pero baka maitanong mo, ‘Mahalaga rin ba kung saan at kailan tayo nananalangin?’