Ano ang Itinuro ni Jesus Hinggil sa Impiyerno?
“Kung ang mata mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala,” ang sabi ni Jesus, “dukitin mo! Mabuti pa ang pumasok ka sa kaharian ng Diyos nang bulag ang isang mata kaysa may dalawang mata na mahulog ka sa impiyerno. Doo’y hindi mamamatay ang mga uod . . . at hindi mamamatay ang apoy.”—MARCOS 9:47, 48, Magandang Balita Biblia.
Sa isa pang pagkakataon, binanggit ni Jesus ang hinggil sa panahon ng paghatol kung kailan sasabihin niya sa masasama: “Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel.” Sinabi rin niya na ang mga ito ay “mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan.”—MATEO 25:41, 46, Ang Biblia.
SA UNANG tingin, ang nabanggit na mga salita ni Jesus ay waring nagtataguyod ng turo hinggil sa maapoy na impiyerno. Pero maliwanag na hindi nilayon ni Jesus na salungatin ang Salita ng Diyos, na malinaw na nagsasabi: “Hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay.”—Eclesiastes 9:5, Ang Biblia.
Ano, kung gayon, ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya na ang isa ay itatapon sa “impiyerno”? Literal ba o makasagisag ang binanggit ni Jesus na “apoy na walang hanggan”? Sa anong diwa “mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan” ang masasama? Suriin natin isa-isa ang mga tanong na ito.
Ano ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya na ang isa ay itatapon sa “impiyerno”? Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “impiyerno” sa Marcos 9:47 ay Geʹen·na. Nagmula ito sa salitang Hebreo na Geh Hin·nomʹ, na nangangahulugang “Libis ng Hinom.” Matatagpuan ang Libis ng Hinom sa labas ng sinaunang Jerusalem. Noong panahon ng mga haring Israelita, ginagamit ang lugar na ito sa paghahain ng mga bata—isang kasuklam-suklam na gawain na hinahatulan ng Diyos. Sinabi ng Diyos na lilipulin niya ang mga taong gumagawa ng gayong huwad na pagsamba. Sa gayon, ang Libis ng Hinom ay tatawaging “Ang libis ng Patayan” kung saan “ang mga bangkay ng bayang ito” ay hindi ililibing. (Jeremias 7:30-34, Ang Biblia) Kaya inihula ni Jehova na ang Libis ng Hinom ay magiging isang lugar, hindi para pahirapan ang buháy na mga biktima, kundi para tapunan ng mga bangkay.
Noong panahon ni Jesus, sa Libis ng Hinom itinatapon ng mga taga-Jerusalem ang kanilang mga basura. Dito nila itinatapon ang bangkay ng ubod-samang mga kriminal, at hindi nila pinapatay ang apoy rito para masunog ang mga basura at bangkay.
Nang banggitin ni Jesus ang hindi namamatay na mga uod at apoy, malamang na Isaias 66:24 ang tinutukoy niya. Hinggil sa “mga bangkay ng mga taong nagsisalangsang laban sa [Diyos],” sinabi ni Isaias na “ang kanilang uod ay hindi mamamatay, o mamamatay man ang kanilang apoy.” (Ang Biblia) Alam ni Jesus at ng kaniyang mga tagapakinig na ang pananalitang ito sa Isaias ay tumutukoy sa ginagawa sa mga bangkay ng mga taong hindi nararapat ilibing.
Kung gayon, ginamit ni Jesus ang Libis ng Hinom, o Gehenna, bilang isang angkop na sagisag ng kamatayan na wala nang pagkabuhay-muli. Nilinaw niya ang ibig sabihin ng Gehenna nang ipaliwanag niya na ‘kayang lipulin ng Diyos kapuwa ang kaluluwa [o, buhay] at ang katawan sa Gehenna.’ (Mateo 10:28, New American Bible) Ang Gehenna ay simbolo ng walang-hanggang kamatayan, hindi ng walang-hanggang pagpapahirap.
Literal ba o makasagisag ang binanggit ni Jesus na “apoy na walang hanggan”? Pansinin na ang “apoy na walang hanggan” na binanggit ni Jesus at iniulat sa Mateo 25:41 ay inihanda para “sa diablo at sa kaniyang mga anghel.” Sa tingin mo, masusunog kaya ang mga espiritung nilalang sa literal na apoy? O makasagisag ang paggamit ni Jesus sa salitang “apoy”? Tiyak na ang “mga tupa” at “mga kambing” na binanggit sa pahayag ding iyon ay hindi literal; ito’y paglalarawan lamang sa dalawang uri ng tao. (Mateo 25:32, 33) Kaya sa makasagisag na paraan, lubusang masusunog ang masasama sa apoy na walang hanggan na binanggit ni Jesus.
Sa anong diwa “mangapaparoon sa walang hanggang kaparusahan” ang masasama? Bagaman maraming salin ang gumamit ng salitang “kaparusahan” sa Mateo 25:46, ang pangunahing kahulugan ng salitang Griego na koʹla·sin ay “pagkontrol sa paglaki ng puno” sa pamamagitan ng pagpungos, o pagputol sa nakausli at di-kinakailangang mga sanga. Kaya kung tatanggap ng buhay na walang hanggan ang mga taong tulad-tupa, ang di-nagsisising mga tulad-kambing naman ay daranas ng “walang hanggang kaparusahan” gaya ng sangang pinutol mula sa puno, anupat hindi na muling mabubuhay pa.
Ano sa Palagay Mo?
Hindi kailanman itinuro ni Jesus na may imortal na kaluluwa ang mga tao. Pero madalas niyang ituro ang tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay. (Lucas 14:13, 14; Juan 5:25-29; 11:25) Bakit sasabihin ni Jesus na bubuhaying muli ang mga patay kung naniniwala naman siyang hindi namamatay ang kanilang kaluluwa?
Hindi itinuro ni Jesus na may-kalupitang pinahihirapan ng Diyos ang masasama magpakailanman. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kung kaya ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16, New American Bible) Bakit ipinahiwatig ni Jesus na mamamatay ang mga hindi nananampalataya sa kaniya? Kung totoo ngang mabubuhay at pahihirapan sila sa maapoy na impiyerno, hindi ba dapat sinabi niya iyon?
Hindi nakasalig sa Bibliya ang doktrina na ang impiyerno ay lugar kung saan pinahihirapan ang mga tao. Sa halip, isa itong paganong paniniwala na sinasabing turo ng mga Kristiyano. (Tingnan ang kahon na “Isang Maikling Kasaysayan ng Impiyerno,” sa pahina 6.) Hindi pinahihirapan magpakailanman ng Diyos ang mga tao sa impiyerno. Paano makaaapekto sa iyong saloobin hinggil sa Diyos ang pagkaalam ng katotohanan tungkol sa impiyerno?
[Kahon sa pahina 6]
ISANG MAIKLING KASAYSAYAN NG IMPIYERNO
NAGMULA SA PAGANONG PANINIWALA: Naniniwala sa maapoy na impiyerno ang sinaunang mga Ehipsiyo. Binabanggit ng The Book of Ȧm-Ṭuat, na isinulat noong 1375 B.C.E., ang tungkol sa mga tao na “ibubulid sa mga hukay ng apoy; at . . . hindi makatatakas mula rito, at . . . hindi makatatakas mula sa apoy.” Hinggil naman sa daigdig sa kalaliman, ganito naman ang isinulat ng pilosopong Griego na si Plutarch (ipinanganak: 46 C.E.; namatay: 120 C.E.): “Humagulhol [sila] nang malakas habang dumaranas sila ng nakapanghihilakbot na pahirap at kahiya-hiya at napakatinding parusa.”
NAIMPLUWENSIYAHAN ANG MGA SEKTA NG JUDAISMO: Iniulat ng istoryador na si Josephus (ipinanganak: 37 C.E.; namatay: 100 C.E.) na naniniwala ang mga Essene, isang sektang Judio, na “ang mga kaluluwa ay imortal, at nananatiling buhay magpakailanman.” Idinagdag pa niya: “Gaya ito ng opinyon ng mga Griego . . . Itinataan nila para sa masasamang kaluluwa ang isang madilim at nakatatakot na yungib ng walang-tigil na pagpaparusa.”
NAKAPASOK SA “KRISTIYANISMO”: Noong ikalawang siglo C.E., ganito ang sinabi ng apokripal na aklat na Apocalypse of Peter tungkol sa masasama: “Nakataan para sa kanila ang apoy na hindi namamatay.” Sinabi pa nito: “Dinadala ni Ezrael, ang anghel ng poot, ang mga lalaki at babae habang nasusunog ang kalahati ng kanilang katawan at inihahagis sila sa dako ng kadiliman, ang impiyerno ng tao; at isang espiritu ng poot ang nagpaparusa sa kanila.” Noong panahon ding iyon, sinipi ng manunulat ng Antioquia na si Teofilo ang propetisang Griego na si Sibyl na humula tungkol sa pagpaparusa sa masasama: “Darating sa iyo ang nagliliyab na apoy, at araw-araw kang masusunog sa mga ningas nito.” Kabilang ito sa mga pananalitang sinasabi ni Teofilo na “totoo, at makatuwiran, at kapaki-pakinabang sa lahat ng tao.”
MAAPOY NA IMPIYERNO—IKINATUWIRAN SA KARAHASAN NOONG EDAD MEDYA: Ganito diumano ang sinabi ni Mary I, reyna ng Inglatera (1553-1558), na nag-utos na sunugin sa tulos ang halos 300 Protestante: “Yamang masusunog naman magpakailanman sa impiyerno ang kaluluwa ng mga erehe pagkamatay nila, angkop lamang na tularan ko ang paghihiganti ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunog sa kanila dito pa lamang sa lupa.”
BAGONG KAHULUGAN: Nitong nakaraang mga taon, binago ng ilang relihiyon ang kanilang turo hinggil sa impiyerno. Halimbawa, ganito ang sinabi ng Doctrine Commission of the Church of England noong 1995: “Ang impiyerno ay hindi tumutukoy sa walang-hanggang pagpapahirap, kundi sa di-magbabagong pagpapasiya ng isa na gumawa ng anumang bagay na lubusang salungat sa Diyos anupat ang tanging kahahantungan nito ay ang di-pag-iral.”
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
ANO ANG “LAWA NG APOY”?
Sinasabi sa Apocalipsis 20:10 na ang Diyablo ay ihahagis sa “lawa ng apoy” at “pahihirapan araw at gabi magpakailan-kailanman.” (King James Version) Kung ang Diyablo ay pahihirapan nang walang hanggan, pananatilihin siyang buháy ng Diyos, pero sinasabi ng Bibliya na ‘lilipulin’ siya ni Jesus. (Hebreo 2:14, Ang Biblia) Ang makasagisag na maapoy na lawa ay kumakatawan sa “ikalawang kamatayan.” (Apocalipsis 21:8) Hindi ito ang kamatayan na unang binanggit sa Bibliya—ang kamatayan dahil sa kasalanan ni Adan—ang kamatayan kung saan mapalalaya ang isa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (1 Corinto 15:21, 22) Dahil walang sinasabi ang Bibliya na palalayain ang mga patay na nasa “lawa ng apoy,” ang “ikalawang kamatayan” ay tiyak na nangangahulugan ng isang uri ng kamatayan na wala nang pagkabuhay-muli.
Sa anong diwa pinahihirapan magpakailanman ang mga nasa “lawa ng apoy”? Kung minsan, ang salitang “pahirapan” ay nangangahulugang “pigilan” ang isa. Nang minsang makaharap ni Jesus ang mga demonyo, sumigaw ang mga ito: “Naparito ka ba upang pahirapan kami [pigilan sa kalaliman] nang wala sa panahon?” (Mateo 8:29; Lucas 8:30, 31; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Kaya ang lahat ng nasa “lawa” ay ‘pahihirapan’ o pipigilan nang walang hanggan, samakatuwid nga, ang “ikalawang kamatayan.”