Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Si Jesus at ang Isang Mayamang Binatang Tagapamahala
SAMANTALANG bumabagtas si Jesus sa kapatagan ng Perea patungong Jerusalem, isang binata ang tumatakbong patungo sa kaniya at pagdating sa kaniya’y lumuhod. Ang lalaki ay tinatawag na isang tagapamahala, marahil ibig sabihin na siya’y may prominenteng posisyon sa isang lokal na sinagoga o dili kaya’y isa siyang kagawad ng Sanedrin. At, siya’y mayamang-mayaman. “Mabuting Guro,” ang tanong niya, “ano ang gagawin ko upang ako’y magmana ng buhay na walang-hanggan?”
“Bakit tinatawag mo akong mabuti?” ang tugon ni Jesus. “Walang mabuti, kundi isa lamang, ang Diyos.” Malamang na ginagamit ng binatang iyon ang “mabuti” bilang isang titulo, kaya’t ipinaalam ni Jesus sa kaniya na ang gayong titulo ay tanging kumakapit sa Diyos lamang.
“Datapuwat,” ang patuloy ni Jesus, “kung ibig mong pumasok sa buhay, patuloy na sundin mo ang mga utos.”
“Alin-alin?” ang tanong ng lalaki.
Binanggit niya ang lima sa Sampung Utos, at sumagot si Jesus: “Aba, Huwag kang papatay, Huwag kang mangangalunya, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang sasaksi sa di-katotohanan, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.” At pagkatapos idagdag ang isa pang lalong mahalagang utos, ang sabi ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”
“Ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko na mula pa sa aking kabataan,” ang sabi ng taong iyon nang buong taimtim. “Ano pa ang kulang sa akin?”
Sa pakikinig sa matinding, taimtim na kahilingan ng taong iyon, si Jesus ay nakadama ng pag-ibig sa kaniya. Subalit nahalata ni Jesus ang kaniyang mahigpit na kapit sa kaniyang materyal na mga ari-arian, kung kaya’t binanggit ang kaniyang kailangan: “Kulang ka ng isang bagay: Humayo ka, ipagbili mo ang mga bagay na mayroon ka at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at pumarito ka, sumunod ka sa akin.”
Si Jesus ay nagmasid, marahil taglay ang pagkaawa, samantalang tumitindig ang taong iyon at lumalayo na taglay ang matinding kalungkutan. Ang kaniyang kayamanan ang bumulag sa kaniya sa halaga ng tunay na kayamanan. “Kayhirap,” ang hinanakit ni Jesus, “na yaong mga may salapi ay makapasok sa kaharian ng Diyos!”
Nanggilalas ang mga alagad sa mga salita ni Jesus. Subalit sila’y lalong nagtaka nang kaniyang sabihin ang isang pangkalahatang alituntunin: “Magaang pa, sa katunayan, sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang taong mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”
“Sino nga kaya ang makaliligtas?” ang ibig malaman ng mga alagad.
Sila’y tinitigan ni Jesus, at ang tugon: “Sa mga tao ay imposible, subalit hindi gayon sa Diyos, sapagkat lahat ng bagay ay posible sa Diyos.”
Nang mapansin na ang kanilang pinili ay ibang-iba sa pinili ng mayamang binatang tagapamahalang iyon, sinabi ni Pedro: “Narito! Iniwan namin ang lahat ng bagay at kami’y nagsisunod sa iyo.” Kaya’t siya’y nagtanong: “Ano nga ba ang mapapala natin?”
“Sa muling-paglalang,” ang pangako ni Jesus, “pagka uupo na ang Anak ng tao sa kaniyang maluwalhating trono, kayong nagsisunod sa akin ay magsisiupo rin sa labindalawang trono, upang maghukom sa labindalawang tribo ng Israel.” Oo, ipinakikita ni Jesus na magkakaroon ng muling-paglalang sa mga kalagayan sa lupa upang ang mga bagay ay maging katulad ng dati sa halamanan ng Eden. At si Pedro at iba pang mga alagad ay tatanggap ng gantimpalang paghaharing kasama ni Kristo sa pambuong-lupang Paraisong ito. Tunay, ang ganiyang kadakilang gantimpala ay karapat-dapat sa anumang sakripisyo!
Gayunman, kahit ngayon ay may mga gantimpala, gaya ng matatag na sabi ni Jesus: “Walang taong nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o mga kapatid na babae o ina o ama o mga anak o mga lupa dahil sa akin at dahil sa mabuting balita na hindi tatanggap ng tig-iisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae at mga ina at mga ama at mga lupa, kalakip ng mga pag-uusig, at sa dumarating na sistema ng mga bagay ay buhay na walang-hanggan.”
Gaya ng ipinangako ni Jesus saanman pumaroon sa sanlibutan ang kaniyang mga alagad, sila’y magtatamasa ng kaugnayan sa kanilang kapuwa mga Kristiyano na mas matalik at higit na mahalaga kaysa tinatamasa ng likas na mga miyembro ng pamilya. Ang mayamang binatang tagapamahala ay maliwanag na hindi nagkamit ng ganitong gantimpala at ng buhay na walang-hanggan sa makalangit na Kaharian ng Diyos.
Pagkatapos ay isinusog ni Jesus: “Datapuwat, maraming una ay magiging huli, at ang huli ay magiging una.” Ano ba ang ibig niyang sabihin?
Ibig niyang sabihin na maraming taong “una” sa pagtatamasa ng relihiyosong mga pribilehiyo, tulad na nga ng mayamang binatang tagapamahala, ang hindi papasok sa Kaharian. Sila’y magiging “huli.” Subalit marami, kasali na ang mapagpakumbabang mga alagad ni Jesus, na hinahamak ng mapagmatuwid-sa-sariling mga Fariseo bilang “huli”—dahil sa pagiging mga tao ng lupa, o ‛am ha·’aʹrets—ang magiging “una.” Ang kanilang pagiging “una” ay nangangahulugan na sila’y tatanggap ng pribilehiyong maging mga kasamang tagapamahala ni Kristo sa Kaharian. Marcos 10:17-31; Mateo 19:16-30; Lucas 18:18-30.
◆ Maliwanag nga, anong uri ng tagapamahala ang mayamang binata?
◆ Bakit tumutol si Jesus na siya’y tawaging mabuti?
◆ Papaanong ang karanasan ng binatang tagapamahala ay nagpapakita ng panganib ng pagiging mayaman?
◆ Anong mga gantimpala ang ipinangako ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod?
◆ Papaanong ang una ay nagiging huli, at ang huli’y una?