ARALIN 23
Bautismo—Isang Napakagandang Goal!
Itinuro ni Jesus na dapat mabautismuhan ang mga Kristiyano. (Basahin ang Mateo 28:19, 20.) Ano ang bautismo? At ano ang kailangang gawin ng isang tao para mabautismuhan siya?
1. Ano ang bautismo?
Ang salitang “bautismo” ay mula sa Griegong salita na nangangahulugang “ilublob,” o “ilubog,” sa tubig. Nang bautismuhan si Jesus, inilubog siya sa Ilog Jordan at ‘umahon siya sa tubig.’ (Marcos 1:9, 10) Kaya kapag binautismuhan ang isang tunay na Kristiyano, dapat nakalubog ang buong katawan niya sa tubig.
2. Ano ang ipinapakita ng pagpapabautismo ng isang tao?
Kapag nagpabautismo ang isang tao, ipinapakita nito na inialay na niya ang buhay niya sa Diyos na Jehova. Paano ginagawa ang pag-aalay? Bago magpabautismo, sinasabi ng isang tao sa panalangin na gusto na niyang paglingkuran si Jehova habambuhay. Nangangako siya na si Jehova lang ang sasambahin niya at na uunahin niya sa buhay niya ang paggawa ng kalooban ng Diyos. “Dapat [na] niyang itakwil ang kaniyang sarili” at patuloy na sundin ang mga turo at halimbawa ni Jesus. (Mateo 16:24) Dahil sa pag-aalay at bautismo niya, nagkakaroon na siya ng mas malapít na kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang mga kapuwa mananamba.
3. Ano ang kailangang gawin ng isang tao para mabautismuhan siya?
Bago ka mabautismuhan, mahalagang matuto ka tungkol kay Jehova at magkaroon ng pananampalataya sa kaniya. (Basahin ang Hebreo 11:6.) Habang dumarami ang kaalaman mo at tumitibay ang pananampalataya mo, mas lalo mong mamahalin si Jehova. Siguradong gusto mo ring sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya at sundin ang mga pamantayan niya. (2 Timoteo 4:2; 1 Juan 5:3) Kung ‘nakakapamuhay nang karapat-dapat sa harap ni Jehova’ ang isang tao at ‘lubusan na niyang napapalugdan’ ang Diyos, puwede na siyang magpasiya na ialay ang buhay niya sa Diyos at magpabautismo.—Colosas 1:9, 10.a
PAG-ARALAN
Tingnan ang matututuhan sa bautismo ni Jesus at ang kailangang gawin para makapagpabautismo.
4. Matuto sa bautismo ni Jesus
Basahin ang Mateo 3:13-17 para malaman ang mga detalye sa bautismo ni Jesus. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sanggol pa lang ba si Jesus nang bautismuhan siya?
Paano siya binautismuhan? Winisikan lang ba siya ng tubig?
Sinimulang gawin ni Jesus ang mahalaga niyang atas mula sa Diyos pagkatapos niyang mabautismuhan. Basahin ang Lucas 3:21-23 at Juan 6:38. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Pagkatapos ng bautismo ni Jesus, anong gawain ang inuna niya sa buhay niya?
5. Kaya mo ring magpabautismo
Sa simula, baka nahihirapan kang isipin na kaya mong mag-alay at magpabautismo. Pero habang nag-aaral ka ng Bibliya, mas magkakaroon ka ng kumpiyansa na gawin ang mahalagang desisyong ito. Tingnan ang ilang halimbawa. Panoorin ang VIDEO.
Basahin ang Juan 17:3 at Santiago 1:5. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang makakatulong sa isang tao para maging handa siya sa bautismo?
Sa pag-aalay, sinasabi natin kay Jehova na gusto natin siyang paglingkuran habambuhay
Sa bautismo, ipinapakita natin sa mga tao na inialay na natin ang ating sarili sa Diyos
6. Nagiging bahagi tayo ng pamilya ni Jehova kapag nagpabautismo tayo
Kapag nabautismuhan tayo, bahagi na tayo ng nagkakaisang pamilya ni Jehova sa buong mundo. Iisa lang ang paniniwala at pamantayang sinusunod natin, saanman tayo nakatira at anuman ang pinagmulan o kalagayan natin sa buhay. Basahin ang Awit 25:14 at 1 Pedro 2:17. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang epekto ng bautismo sa kaugnayan ng isang tao kay Jehova at sa ibang mananamba Niya?
MAY NAGSASABI: “Hindi pa ako handang magpabautismo.”
Kung iyan din ang nararamdaman mo, sa tingin mo, mahalaga pa rin bang gawing goal ang magpabautismo?
SUMARYO
Itinuro ni Jesus na kailangang magpabautismo ang mga Kristiyano. Para magawa iyan, kailangan ng isang tao na magkaroon ng matibay na pananampalataya kay Jehova, sundin ang mga pamantayan niya, at ialay ang sarili kay Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang bautismo, at bakit ito mahalaga?
Ano ang kaugnayan ng pag-aalay sa bautismo?
Ano ang mga kailangang gawin para maialay ng isang tao ang sarili niya at magpabautismo?
TINGNAN DIN
Alamin ang ibig sabihin ng bautismo at ang mga maling akala tungkol dito.
Alamin ang puwedeng gawin para maihanda ang sarili sa bautismo.
“Ang Pagmamahal at Pagpapahalaga kay Jehova ay Umaakay sa Bautismo” (Ang Bantayan, Marso 2020)
Alamin kung bakit nagpabautismo ang isang lalaki.
“Gusto Nilang Alamin Ko Mismo ang Katotohanan” (Ang Bantayan, Pebrero 1, 2013)
Alamin kung bakit napakagandang goal ang pagpapabautismo at ang puwede mong gawin para maihanda ang sarili mo.
a Kapag nabautismuhan ang isang tao sa dati niyang relihiyon, kailangan niya ulit magpabautismo. Bakit? Kasi hindi itinuturo ng relihiyong iyon ang katotohanan sa Bibliya.—Tingnan ang Gawa 19:1-5 at Aralin 13.