Ayon kay Mateo
16 Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo at mga Saduceo. Para subukin siya, hinilingan nila siya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit.+ 2 Sinabi niya sa kanila: “Kapag gumabi na, sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, dahil ang langit ay mapulang gaya ng apoy,’+ 3 at sa umaga, ‘Magiging malamig at maulan ngayon, dahil ang langit ay mapulang gaya ng apoy pero makulimlim.’ Nabibigyang-kahulugan ninyo ang hitsura ng langit, pero hindi ninyo mabigyang-kahulugan ang mga tanda ng mga panahon. 4 Ang napakasama at taksil na henerasyong ito ay palaging naghahanap ng tanda,* pero walang tandang ibibigay sa kanila+ maliban sa tanda ni Jonas.”+ Pagkatapos ay umalis siya at iniwan sila.
5 At tumawid ang mga alagad sa kabilang ibayo, pero nakalimutan nilang magdala ng tinapay.+ 6 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Maging mapagmasid kayo at mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.”+ 7 Kaya sinabi nila sa isa’t isa: “Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay.” 8 Alam ito ni Jesus, kaya sinabi niya: “Bakit ninyo sinasabing wala kayong tinapay, kayo na may kakaunting pananampalataya? 9 Hindi pa ba ninyo nakukuha ang punto, o hindi ba ninyo natatandaan ang limang tinapay para sa 5,000 at kung ilang basket ang napuno ninyo?+ 10 O ang pitong tinapay para sa 4,000 at kung ilang malalaking basket ang napuno ninyo?+ 11 Bakit hindi ninyo naiintindihan na hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko? Kundi mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo at mga Saduceo.”+ 12 Pagkatapos ay naintindihan nila na pinag-iingat niya sila, hindi sa lebadura ng tinapay, kundi sa turo ng mga Pariseo at mga Saduceo.
13 Nang makarating si Jesus sa lupain ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang mga alagad niya: “Sino ang Anak ng tao ayon sa mga tao?”+ 14 Sinabi nila: “Sabi ng ilan, si Juan Bautista;+ ang iba, si Elias;+ at ang iba pa, si Jeremias o isa sa mga propeta.” 15 Sinabi niya sa kanila: “Pero kayo, sino ako para sa inyo?” 16 Sumagot si Simon Pedro: “Ikaw ang Kristo,+ ang Anak ng buháy na Diyos.”+ 17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas, dahil hindi tao ang nagsiwalat nito sa iyo, kundi ang aking Ama na nasa langit.+ 18 Sinasabi ko rin sa iyo: Ikaw si Pedro,+ at itatayo ko sa batong ito+ ang kongregasyon ko, at hindi ito matatalo ng Libingan.+ 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng Kaharian ng langit, at anuman ang itali mo sa lupa ay naitali na sa langit, at anuman ang kalagan mo sa lupa ay nakalagan na sa langit.”+ 20 Pagkatapos, mahigpit niyang inutusan ang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya ang Kristo.+
21 Mula noon, ipinaliwanag na ni Jesus sa mga alagad niya na kailangan niyang magpunta sa Jerusalem at magdusa nang husto sa kamay ng matatandang lalaki at mga punong saserdote at mga eskriba at kailangan siyang patayin at sa ikatlong araw ay buhaying muli.+ 22 Dahil dito ay dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinaway: “Maging mabait ka sa sarili mo, Panginoon; hindi iyan kailanman mangyayari sa iyo.”+ 23 Pero tinalikuran niya si Pedro at sinabi: “Diyan ka sa likuran ko, Satanas! Hinahadlangan mo ako sa dapat kong gawin, dahil hindi kaisipan ng Diyos ang iniisip mo, kundi kaisipan ng tao.”+
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga alagad niya: “Kung gusto ng isa na sumunod sa akin, dapat niyang itakwil ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuloy akong sundan.+ 25 Dahil ang sinumang gustong magligtas ng buhay* niya ay mamamatay;* pero ang sinumang mamatay alang-alang sa akin ay muling mabubuhay.+ 26 Ano ang saysay na makuha ng isang tao ang buong mundo* kung mamamatay naman siya?+ O ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng buhay* niya?+ 27 Dahil ang Anak ng tao, kasama ang mga anghel niya, ay darating taglay ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama,+ at ibibigay niya ang nararapat sa* bawat isa ayon sa kaniyang paggawi.+ 28 Sinasabi ko sa inyo na may ilan sa mga nakatayo rito na hindi mamamatay hanggang sa makita muna nila ang Anak ng tao na dumarating sa kaniyang Kaharian.”+