Matakot kay Jehova, ang Dumirinig ng Panalangin
“Oh ikaw na Dumirinig ng panalangin, sa iyo paroroon ang lahat ng uring tao.”—AWIT 65:2.
1. Bakit ating aasahan na si Jehova ay may mga kahilingan para sa mga nagnanais lumapit sa kaniya sa panalangin?
ANG Diyos na Jehova ang “Hari ng walang-hanggan.” Siya rin ang “Dumirinig ng panalangin,” na sa kaniya ang “lahat ng uring tao ay paroroon.” (Apocalipsis 15:3; Awit 65:2) Ngunit papaano ba sila paroroon sa kaniya? Ang mga hari sa lupa ay may mga kahilingan tungkol sa mga bagay na gaya baga ng damit at ng asal ng mga pinapayagang humarap sa kanila. Kung gayon, tiyak na ating aasahan na ang Haring Walang-Hanggan ay may mga kahilingan na kailangang masunod ng sinumang nagnanais lumapit sa kaniya sa panalangin at pagpapasalamat.—Filipos 4:6, 7.
2. Anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa paksang panalangin?
2 Ano ba ang kahilingan ng Haring Walang-Hanggan sa mga lumalapit sa kaniya sa panalangin? Sino ba ang maaaring manalangin at pakinggan? At tungkol sa ano sila makapananalangin?
Paglapit sa Haring Walang-Hanggan
3. Anong mga halimbawa sa pananalangin ang maibibigay mo tungkol sa sinaunang mga lingkod ng Diyos, at sila ba’y lumapit sa kaniya nang may tagapamagitan?
3 Bago siya naging isang makasalanan, si Adan, na isang “anak ng Diyos,” ay maliwanag na nakikipagtalastasan sa Hari ng walang-hanggan. (Lucas 3:38; Genesis 1:26-28) Nang ang anak ni Adan na si Abel ay maghandog sa Diyos ng “mga ilang panganay ng kaniyang kawan,” walang pagsalang ang handog na ito ay may kasabay na pananalangin at pagpuri. (Genesis 4:2-4) Sina Noe, Abraham, Isaac, at Jacob ay nagtayo ng mga dambana at lumapit kay Jehova na may kasamang panalangin ang kanilang mga paghahandog. (Genesis 8:18-22; 12:7, 8; 13:3, 4, 18; 22:9-14; 26:23-25; 33:18-20; 35:1, 3, 7) At ang mga panalangin ni Solomon, Ezra, at ng kinasihang mga salmista ay nagpapakita na ang mga Israelita’y lumapit sa Diyos nang walang tagapamagitan.—1 Hari 8:22-24; Ezra 9:5, 6; Awit 6:1, 2; 43:1; 55:1; 61:1; 72:1; 80:1; 143:1.
4. (a) Anong bagong paraan ng paglapit sa Diyos sa panalangin ang pinasimulan noong unang siglo? (b) Bakit angkup na angkop na ang panalangin ay ihandog sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus?
4 Isang bagong paraan ng paglapit sa Diyos sa panalangin ang pinasimulan noong unang siglo ng ating Panlahatang Panahon. Iyon ay sa pamamagitan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na may natatanging pag-ibig sa sangkatauhan. Noong bago siya naging tao, si Jesus ay maligayang naglingkod bilang “isang dalubhasang manggagawa,” na mahilig sa mga bagay na may kaugnayan sa sangkatauhan. (Kawikaan 8:30, 31) Bilang isang tao sa lupa, buong pag-ibig na tinulungan ni Jesus ang di-sakdal na mga tao sa kanilang espirituwalidad, kaniyang pinagaling ang mga maysakit, at binuhay pa nga ang mga patay. (Mateo 9:35-38; Lucas 8:1-3, 49-56) Higit sa lahat, ‘ibinigay [ni Jesus] ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos sa marami.’ (Mateo 20:28) Angkop na angkop, kung gayon, na yaong mga makikinabang sa pantubos ay lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng isang ito na may napakalaking pag-ibig sa sangkatauhan! Ito ngayon ang tanging paraan ng paglapit sa Haring Walang-Hanggan, sapagkat si Jesus mismo ang nagsabi: “Sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko” at, “Kung kayo’y hihingi ng anuman sa Ama ay ibibigay niya iyon sa inyo sa aking pangalan.” (Juan 14:6; 16:23) Ang paghingi ng mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pangalan ni Jesus ay nangangahulugan ng pagkilala sa kaniya bilang ang daan ng paglapit sa Dumirinig ng panalangin.
5. Ano ba ang saloobin ng Diyos tungkol sa sanlibutan ng sangkatauhan, at ano ang kaugnayan nito sa panalangin?
5 Lalung-lalo nang dapat nating pahalagahan ang pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa pamamagitan ng paglalaan ng pantubos. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Ang lalim ng pag-ibig ng Diyos ay nahahayag na mainam sa mga salita ng salmista: “Kung papaanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa, gayon kalaki ang kaniyang maibiging-awa sa kanila na nangatatakot sa kaniya. Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang pagsalansang natin sa atin. Kung papaanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, ganoon naaawa si Jehova sa nangatatakot sa kaniya. Sapagkat nalalaman niya ang ating anyo, kaniyang inaalaala na tayo’y alabok.” (Awit 103:11-14) Anong nakapagpapasiglang malaman na ang mga panalangin ng nag-alay na mga Saksi ni Jehova ay nakararating sa ganiyang maibiging Ama sa pamamagitan ng kaniyang Anak!
Isang May Kahigpitang Pribilehiyo
6. Anong saloobin ang dapat taglayin ng isang lumalapit kay Jehova sa panalangin?
6 Ang mga haring tao ay hindi nagpapahintulot na sinuma’y pumasok na lamang sa palasyo ng hari nang walang pahintulot. Ang pagharap sa isang hari ay isang may kahigpitang pribilehiyo. Ganiyan din ang pananalangin sa Hari ng walang-hanggan. Mangyari pa, yaong mga lumalapit sa kaniya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na may wastong pagpapahalaga sa maningning na kamahalan ng Diyos ay makaaasang sila’y diringgin. Ang Haring Walang-Hanggan ay kailangang lapitan na taglay ang isang saloobin ng sumasamba, na may paggalang. “Ang takot kay Jehova” ay kailangang makita sa mga nagnanais na sila’y pakinggan.—Kawikaan 1:7.
7. Ano “ang takot kay Jehova”?
7 Ano ba ang “ang takot kay Jehova”? Ito ay ang matinding pagpapakundangan sa Diyos, na may kasamang isang kaaya-ayang pangamba na ang isa’y di-makalugod sa kaniya. Ang pangambang ito ay bunga ng malaking pasasalamat dahil sa kaniyang maibiging awa at kabutihan. (Awit 106:1) Kasali rito ang pagkilala sa kaniya bilang ang Hari ng walang-hanggan, na siyang may karapatan at kapangyarihang magparusa, kasali na ang pagpatay, sa sinuman na sumusuway sa kaniya. Ang mga taong may takot kay Jehova ay maaaring manalangin sa kaniya at umasang sila’y diringgin.
8. Bakit dinirinig ng Diyos ang mga panalangin ng mga natatakot sa kaniya?
8 Natural, hindi sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng mga taong balakyot, di-tapat, at matuwid-sa-sarili. (Kawikaan 15:29; Isaias 1:15; Lucas 18:9-14) Ngunit yaong mga natatakot kay Jehova ay dinirinig sapagkat sila’y sumusunod sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Gayunman, sila’y nakagawa nang higit pa. Ang mga natatakot kay Jehova ay nag-alay ng sarili sa Diyos sa panalangin at sinagisagan ito sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Sila sa gayon ay may di-limitadong pribilehiyo sa panalangin.
9, 10. Ang mga tao bang di-bautismado ay maaaring manalangin taglay ang pag-asang sila’y diringgin?
9 Upang dinggin ng Diyos, ang isang tao pagka nananalangin ay kailangang magpahayag ng damdamin na kasuwato ng kalooban ng Diyos. Oo, siya’y kailangang maging taimtim, ngunit higit pa ang kinakailangan. “Kung walang pananampalataya ay hindi makalulugod na mainam [sa Diyos],” ang isinulat ni apostol Pablo, “sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay kailangang sumampalataya sa kaniya at na siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Bueno, kung gayon, ang mga tao bang di-bautismado ay maaaring himukin na manalangin taglay ang pag-asang sila’y diringgin?
10 Palibhasa’y alam ni Haring Solomon na ang panalangin ay isang may kahigpitang pribilehiyo, kaniyang hiniling na ang dinggin ni Jehova’y yaon lamang mga taga-ibang bayan na nananalangin nang nakaharap sa dako ng templo ni Jehova sa Jerusalem. (1 Hari 8:41, 43) Makalipas ang daan-daang taon ang banyagang Gentil na si Cornelio ay “palaging nananalangin sa Diyos” bilang isang taong relihiyoso. Pagkatapos na magtamo ng tumpak na kaalaman, si Cornelio ay nag-alay ng sarili sa Diyos, na nagbigay naman sa kaniya ng banal na espiritu. Pagkatapos nito, si Cornelio at ang iba pang mga Gentil ay nabautismuhan. (Gawa 10:1-44) Tulad ni Cornelio, sinuman sa ngayon na sumusulong tungo sa pag-aalay ay maaaring himukin na manalangin. Ngunit ang isang taong di-taimtim tungkol sa pag-aaral ng Kasulatan, hindi nakaaalam ng mga banal na kahilingan para sa panalangin, at hindi pa nagpapakita ng isang saloobin na nakalulugod sa Diyos ay hindi masasabing natatakot kay Jehova, may pananampalataya, o humahanap sa kaniya nang masikap. Ang gayong tao ay wala sa katayuan na maghandog ng mga panalanging kalugud-lugod sa Diyos.
11. Ano ang nangyari sa iba na sumusulong na tungo sa pag-aalay, at ano ang dapat nilang itanong sa kanilang sarili?
11 Ang iba na dati’y sumusulong na tungo sa pag-aalay pagkatapos ay baka waring nag-aatubili. Kung sila’y walang sapat na pag-ibig sa Diyos sa kanilang puso upang gumawa ng isang walang-pasubaling pag-aalay sa kaniya, dapat na tanungin nila ang kanilang sarili kung taglay pa rin nila ang kahanga-hangang pribilehiyo ng panalangin. Maliwanag na hindi, sapagkat yaong mga lumalapit sa Diyos ay kailangang masikap na humahanap sa kaniya at gayundin sa katuwiran at sa kaamuan. (Zefanias 2:3) Sinumang talagang natatakot kay Jehova ay isang mananampalataya na gumagawa ng pag-aalay sa Diyos at sinasagisagan iyon sa pamamagitan ng pagpapabautismo. (Gawa 8:13; 18:8) At tanging ang bautismadong mga mananampalataya ang may di-limitadong pribilehiyo ng paglapit sa Haring Walang-Hanggan sa panalangin.
“Pananalangin na Taglay ang Banal na Espiritu”
12. Kailan masasabi na ang isang tao ay ‘nananalangin na taglay ang banal na espiritu’?
12 Pagkatapos na ang isang tao’y makapag-alay ng sarili sa Diyos at sagisagan iyon sa pamamagitan ng pagpapabautismo, siya ay nasa katayuan na ‘manalangin na taglay ang banal na espiritu.’ Tungkol dito, si Judas ay sumulat: “Ngunit kayo, mga minamahal, sa pagpapatibay ninyo sa inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya at pananalangin na taglay ang banal na espiritu, magsipanatili kayo sa pag-ibig ng Diyos, samantalang inyong hinihintay ang awa ng ating Panginoong Jesu-Kristo sa ikapagtatamo ng buhay na walang-hanggan.” (Judas 20, 21) Ang isang tao ay nananalangin na taglay ang banal na espiritu pagka nananalangin sa ilalim ng impluwensiya ng espiritu ng Diyos o aktibong puwersa, at kasuwato ng mga bagay na sinasabi sa Kaniyang Salita. Ang Kasulatan, na isinulat sa ilalim ng pagkasi ng espiritu ni Jehova, ay nagpapakita sa atin kung papaano tayo mananalangin at ano ang kailangang hilingin sa panalangin. Halimbawa, may pagtitiwalang makapananalangin tayo na bigyan tayo ng Diyos ng kaniyang banal na espiritu. (Lucas 11:13) Pagka tayo’y nananalangin na taglay ang banal na espiritu, ang ating mga panalangin ay nagsisiwalat ng isang kalagayan ng puso na ibig ni Jehova.
13. Kung tayo’y nananalangin na taglay ang banal na espiritu, ano ang ating iiwasan, at anong payo ni Jesus ang ikakapit natin?
13 Pagka tayo’y nananalangin na taglay ang banal na espiritu, ang ating mga panalangin ay hindi punô ng matatayog-pakinggang mga salita. Ito’y hindi binubuo ng mga de-rutinang mga pormula na sinasalita nang paulit-ulit. Hindi, hindi iyon naglalaman ng halos walang-kabuluhang mga doksologo, mga di-taimtim na pagpapahayag ng papuri. Ang ganiyang uri ng mga panalangin ay marami sa Sangkakristiyanuhan at sa natitirang bahagi ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ngunit ang mga tunay na Kristiyano ay sumusunod sa payo ni Jesus: “Pagka kayo’y nananalangin huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw; sapagkat mahilig silang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa panulukan ng malalaking daan, upang sila’y makita ng mga tao . . . At sa pananalangin huwag kayong gagamit ng paulit-ulit na salita na gaya ng ginagawa ng mga Gentil; sapagkat kanilang [maling] inaakala na diringgin sila sa marami nilang kasasalita. Kaya huwag kayong gumaya sa kanila.”—Mateo 6:5-8, Byington.
14. Anong may unawang mga pangungusap ang sinabi ng iba tungkol sa panalangin?
14 Bukod kay Jesus at sa mga manunulat ng Bibliya, ang iba ay nagsalita nang may unawa tungkol sa panalangin. Halimbawa, ang manunulat na Ingles na si John Bunyan (1628-88) ay nagsabi: “Ang panalangin ay isang taimtim, makatuwiran, mapagmahal na pagbubuhos ng kaluluwa sa Diyos, sa pamamagitan ni Kristo, sa lakas at tulong ng Espiritu, para sa mga bagay na ipinangako ng Diyos.” Ang ministrong Puritan na si Thomas Brooks (1608-80) ay nagsabi naman: “Ang tinitingnan ng Diyos ay hindi ang kahusayan ng pagsasalita sa iyong pananalangin, kung gaanong kakisig ang mga pananalita; ni ang haba ng iyong mga panalangin, kung gaano baga kahaba; ni ang dami ng iyong mga panalangin, kung gaano baga karami; hindi ang lohika ng iyong mga panalangin, kung gaanong kaayos ito; kundi ang kataimtiman nito ang kaniyang tinitingnan.” Sa mga komentong ito ay maidaragdag ang sinabi ni Bunyan: “Sa pananalangin ay mas mabuti ang magkaroon ng isang pusong walang mga salita, kaysa mga salitang walang puso.” Ngunit kung tayo ay taimtim at nakaaabot sa mga kahilingan ng Diyos, papaano nga natin matitiyak na dinidinig ng Hari ng walang-hanggan ang ating mga panalangin?
Laging Nakahandang Tumulong
15. Ano ba ang pinakadiwa ng sinabi ni Jesus sa Lucas 11:5-8?
15 Ang Diyos na Jehova ay hindi kailanman nagsasara ng pandinig sa mga panalangin ng kaniyang nag-alay na mga lingkod. Ito’y nilinaw sa nakagagalak na mga salita ni Jesus nang ang kaniyang mga alagad ay humiling na turuan sila ng pananalangin. Sa isang bahagi ay sinabi niya: “Sino sa inyo ang magkakaroon ng isang kaibigan at paroroon sa kaniya sa hatinggabi at sa kaniya’y sasabihin, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay, sapagkat kararating lang sa akin galing sa paglalakbay ang isa kong kaibigan at wala akong maihain sa kaniya’? At siya na mula sa loob ay sasagot at sasabihin, ‘Huwag mo akong gambalain. Nakakandado na ang pinto, at kasama ko nang nakahiga ang aking mga anak; hindi na ako makababangon pa upang bigyan ka ng anuman.’ Sinasabi ko sa iyo, Bagaman hindi na sana siya babangon at bibigyan siya ng anuman dahil sa pagiging kaibigan niya, gayunman dahil sa kaniyang lakas-loob na pagtitiyaga ito ay babangon at ibibigay sa kaniya ang mga bagay na kaniyang kinakailangan.” (Lucas 11:1, 5-8) Ano ba ang punto sa ilustrasyong ito?
16. Kung tungkol sa panalangin, ano ba ang ibig ni Jesus na gawin natin?
16 Tunay na hindi ibig sabihin ni Jesus na ayaw ni Jehova na tulungan tayo. Bagkus, ibig ni Kristo na tayo’y lubusang magtiwala sa Diyos at ibigin natin siya nang sapat upang manalangin tayo nang walang humpay. Sa gayon, si Jesus ay patuloy na nagsabi: “Sinasabi ko sa inyo, Patuloy na humingi, at ibibigay iyon sa inyo; patuloy na humanap, at makasusumpong kayo; patuloy na tumuktok, at bubuksan iyon sa inyo. Sapagkat sinuman na humihingi ay tumatanggap, at sinumang humahanap ay nakasusumpong, at sa sinumang tumutuktok ay bubuksan iyon sa kaniya.” (Lucas 11:9, 10) Kung gayon, tunay na tayo’y dapat patuloy na manalangin pagka tayo’y nakararanas ng pag-uusig, kalumbayan dahil sa anumang malalim ang pagkakaugat na kahinaan natin, o anumang ibang pagsubok. Si Jehova ay laging handa na tulungan ang kaniyang tapat na mga lingkod. Tayo’y hindi niya pagsasabihan kailanman ng: “Huwag mo akong gambalain.”
17, 18. (a) Papaano tayo pinatibay-loob ni Jesus na humingi ng banal na espiritu, at ano ang lalong nagpapatindi sa puwersa ng kaniyang mga salita? (b) Papaano inihambing ni Jesus ang mga pakikitungo ng isang makalupang magulang sa mga pakikitungo naman ng Diyos?
17 Upang tayo’y magtamasa ng matalik na kaugnayan sa ating Diyos, kailangan natin ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Sa gayon, si Jesus ay nagpatuloy pa: “Tunay, aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang isda, ay baka ang ibigay sa kaniya’y isang ahas imbis na isang isda? O kung siya’y humingi rin ng isang itlog, kaniyang bibigyan siya ng isang alakdan? Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong magbigay ng mabubuting regalo sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya!” (Lucas 11:11-13) Ang Mateo 7:9-11 ay nagsasabi ng pagbibigay ng isang bato sa halip na tinapay. Ang puwersa ng mga salita ni Jesus ay lalong tumitindi kung ating natatalos na ang tinapay sa sinaunang mga lupain sa Bibliya ay kasinlaki at kasinghugis ng isang lapad, na batong bilog. May mga uri ng ahas na nahahawig sa mga ilang uri ng isda, at may munting puting alakdan na medyo nahahawig sa isang itlog. Ngunit kung hihingan ng tinapay, ng isda, o ng itlog, anong uri ng ama ang magbibigay sa kaniyang anak ng bato, ahas, o alakdan?
18 Pagkatapos ay inihambing ni Jesus ang mga pakikitungo ng isang makalupang magulang sa mga pakikitungo ng Diyos sa mga miyembro ng Kaniyang pamilya ng mga mananamba. Kung tayo, bagaman humigit-kumulang masasama dahilan sa minanang pagkamakasalanan, ay nagbibigay ng mabubuting regalo sa ating mga anak, gaano pa nga dapat nating asahan na ang ating makalangit na Ama ay magbibigay ng kay inam-inam na regalong banal na espiritu niya sa kaniyang tapat na mga lingkod na mapakumbabang humihingi niyaon!
19. (a) Ano ang ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus na nasusulat sa Lucas 11:11-13 at Mateo 7:9-11? (b) Kung tayo’y inaakay ng banal na espiritu, papaano natin mamalasin ang mga pagsubok sa atin?
19 Ang mga salita ni Jesus ay nagpapahiwatig na dapat tayong humingi sa Diyos ng higit pa ng Kaniyang banal na espiritu. Kung tayo’y inaakay niyaon, tayo ay hindi ‘magrereklamo tungkol sa ating kalagayan sa buhay’ at mamalasin ang mga pagsubok at mga kabiguan bilang tunay na nakapipinsala sa atin. (Judas 16) Totoo nga, ang “tao, na ipinanganak ng babae, ay sa kaunting araw at lipos ng kabagabagan,” at marami ang hindi nabuhay nang mahaba upang makita ang katapusan ng kanilang mga suliranin o mga kadalamhatian. (Job 14:1) Ngunit ang mga pagsubok sa atin ay huwag nating ituturing na mistulang mga bato, ahas, at alakdan na ibinigay sa atin ng Dumirinig ng panalangin. Siya ang mismong sagisag ng pag-ibig at hindi niya sinusubok ang sinuman sa pamamagitan ng masasamang bagay. Bagkus, siya’y nagbibigay sa atin ng ‘bawat mabuting kaloob at sakdal na handog.” Sa wakas, lahat ng bagay ay itutuwid niya para sa lahat ng umiibig at natatakot sa kaniya. (Santiago 1:12-17; 1 Juan 4:8) Yaong mga nagsisilakad na sa katotohanan nang maraming taon ay nakababatid buhat sa kanilang karanasan na ang ilan sa kanilang dinanas na pinakamahihirap na pagsubok, sa pamamagitan ng panalangin at pananampalataya, ay lumabas na isang kapakinabangan para sa kanila at pinag-ibayo ang bunga ng espiritu ng Diyos sa kanilang buhay. (3 Juan 4) Sa katunayan, sa ano pang lalong mainam na paraan matututo tayo ng pagsandig sa ating makalangit na Ama at matutulungan na paunlarin ang bunga ng espiritu na pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagbabata, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, at pagpipigil-sa-sarili?—Galacia 5:22, 23.
20. Ang mga salita ni Jesus na nasusulat sa Lucas 11:5-13 ay dapat na magkaroon ng anong epekto sa atin?
20 Ang mga salita ni Jesus na nasusulat sa Lucas 11:5-13 ay nagbibigay nga sa atin ng pinagpalang katiyakan ng pag-ibig at malumanay na pangangalaga ni Jehova. Dapat punuin nito ang ating mga puso ng pinakamatinding pagkilala ng utang na loob at pag-ibig. Dapat na palakasin nito ang ating pananampalataya at pag-ibayuhin ang ating hangarin na malimit na pumaroon sa tuntungang-paa ng Haring Walang-Hanggan at maglumagak doon sa kaniyang maibiging presensiya. Isa pa, tinitiyak sa atin ng mga salita ni Jesus na kailanman ay hindi niya tayo paaalisin nang walang nangyari. Ang ating makalangit na Ama ay lugud na lugod na ating ipapasan sa kaniya ang ating mga pasanin. (Awit 55:22; 121:1-3) At pagka tayo, bilang kaniyang tapat na nag-alay na mga lingkod, ay humingi sa kaniya ng kaniyang banal na espiritu, kaniyang ibinibigay iyon sa atin nang walang pagmamaramot. Ito ang ating maibiging Diyos, at tayo’y makapagkakaroon ng lubos na pananampalataya na siya ang Dumirinig ng ating mga panalangin.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Sa pamamagitan nino makalalapit tayo sa Diyos sa panalangin, at bakit?
◻ Papaano isang limitadong pribilehiyo ang panalangin?
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng ‘manalangin na taglay ang banal na espiritu’?
◻ Papaano mo mapatutunayan sa Kasulatan na ang mga panalangin ng tapat na bautismadong mga Saksi ni Jehova ay dinirinig?
[Mga larawan sa pahina 14]
Kung papaanong ang mga amang tao ay nagbibigay ng mabubuting regalo sa kanilang mga anak, si Jehova naman ay nagbibigay ng banal na espiritu sa mga nagsisihingi sa kaniya