“Magbantay Kayo Laban sa Bawat Uri ng Kaimbutan”
“Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”—LUCAS 12:15.
1, 2. (a) Ano ang napansin mong habol ng mga tao sa ngayon? (b) Ano ang maaaring maging epekto sa atin ng ganitong saloobin?
PERA, ari-arian, katanyagan, trabahong mataas ang suweldo, pamilya—ilan lamang ang mga ito sa itinuturing ng maraming tao na sukatan ng tagumpay o garantiya ng magandang kinabukasan. Sa mayaman man o mahirap na lupain, kapansin-pansin na ang habol ng maraming tao ay magpayaman at umasenso. Sa kabilang banda, ang kanilang interes sa espirituwal na mga bagay—kung mayroon man—ay mabilis na naglalaho.
2 Inihula ito mismo ng Bibliya. Sinabi nito: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng makadiyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Timoteo 3:1-5) Dahil araw-araw na nakakasalamuha ng tunay na mga Kristiyano ang ganitong uri ng mga tao, lagi silang nagigipit na sumabay sa ganitong mentalidad at istilo ng pamumuhay. Ano ang makatutulong sa atin na labanan ang pagsisikap ng sanlibutan na ‘hubugin tayo ayon sa sistemang ito ng mga bagay’?—Roma 12:2.
3. Anong payo ni Jesus ang tatalakayin natin ngayon?
3 Bilang “Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya,” binigyan tayo ni Jesu-Kristo ng mapuwersang mga aral. (Hebreo 12:2) Noong minsang magsalita si Jesus sa harap ng isang pulutong upang higit nilang maunawaan ang ilang espirituwal na bagay, sumabad ang isang lalaki at humiling: “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Bilang sagot, si Jesus ay nagbigay ng matinding payo sa lalaki—at sa lahat ng nakikinig. Nagbigay siya ng tahasang babala laban sa kaimbutan at dinagdagan niya ito ng ilustrasyong tutulong sa kanila na mag-isip. Makabubuting bigyang-pansin natin ang sinabi ni Jesus sa pagkakataong iyon at alamin kung paano tayo makikinabang sa pagkakapit nito sa ating buhay.—Lucas 12:13-21.
Di-angkop na Kahilingan
4. Bakit hindi angkop ang pagsabad ng lalaki sa pahayag ni Jesus?
4 Bago sumabad ang lalaki, tinatalakay ni Jesus sa kaniyang mga alagad at sa iba pa ang tungkol sa pagiging mapagbantay laban sa pagpapaimbabaw, pagkakaroon ng lakas ng loob na ipahayag ng isa na kaisa siya ng Anak ng tao, at pagtanggap ng tulong mula sa banal na espiritu. (Lucas 12:1-12) Talagang mahahalagang paksa ito na kailangang tandaan ng kaniyang mga alagad. Ngunit sa kalagitnaan ng gayong nakapupukaw-kaisipang pahayag, biglang sumabad ang lalaki at hiniling na mamagitan si Jesus sa pinagtatalunang pag-aari ng pamilya. May matututuhan tayong mahalagang aral sa pangyayaring ito.
5. Ano ang masasabi tungkol sa lalaki dahil sa kaniyang tanong?
5 Sinasabi na “kadalasang makikilala ang pagkatao ng isa depende sa iniisip niya habang nakikinig sa isang relihiyosong pahayag.” Habang nagsasalita si Jesus tungkol sa seryosong espirituwal na mga bagay, baka iniisip ng lalaki kung paano siya makikinabang sa pinansiyal. Hindi binanggit kung may makatuwiran siyang dahilan para magreklamo tungkol sa mana. Marahil ay gusto niyang samantalahin ang awtoridad at reputasyon ni Jesus bilang matalinong hukom sa mga usapin ng tao. (Isaias 11:3, 4; Mateo 22:16) Anuman ang dahilan niya, makikita sa kaniyang tanong na puso niya ang may problema—matindi ang kawalan niya ng pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Hindi ba’t magandang dahilan ito para suriin ang ating sarili? Halimbawa, sa mga pulong Kristiyano, napakadaling hayaang magpagala-gala ang ating isip o mag-alala sa mga bagay na gagawin natin pagkatapos ng pulong. Pero sa halip na hayaan nating mangyari ito, dapat tayong magbigay-pansin sa tinatalakay at pag-isipan kung paano natin maikakapit ang impormasyon upang mapabuti ang ating kaugnayan sa ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova, at sa ating mga kapuwa Kristiyano.—Awit 22:22; Marcos 4:24.
6. Bakit hindi pinagbigyan ni Jesus ang kahilingan ng lalaki?
6 Anuman ang nag-udyok sa lalaki na humiling ng gayon, hindi siya pinagbigyan ni Jesus. Sa halip, sinabi sa kaniya ni Jesus: “Lalaki, sino ang nag-atas sa akin bilang hukom o tagapagbahagi sa inyo?” (Lucas 12:14) Binanggit iyan ni Jesus dahil alam niyang pamilyar dito ang mga tao, sapagkat ayon sa Kautusang Mosaiko, inatasan ang mga hukom sa lunsod para humatol sa gayon mismong mga usapin. (Deuteronomio 16:18-20; 21:15-17; Ruth 4:1, 2) Sa kabilang banda, may mga bagay na mas mahalaga para kay Jesus—ang pagpapatotoo sa katotohanan tungkol sa Kaharian at pagtuturo ng kalooban ng Diyos sa mga tao. (Juan 18:37) Sa halip na malunod sa kakaisip sa mga problema sa araw-araw, sinusunod natin ang halimbawa ni Jesus at ginagamit natin ang ating panahon at lakas para mangaral ng mabuting balita at “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.”—Mateo 24:14; 28:19.
Mag-ingat Laban sa Kaimbutan
7. Ano ang nakita ni Jesus na ugat ng problema?
7 Yamang nababasa ni Jesus ang laman ng puso, alam niya na mas malalim pa ang nasasangkot sa kahilingan ng lalaki na mamagitan si Jesus sa isang personal na usapin. Kaya sa halip na basta tanggihan ang kahilingan nito, tinukoy mismo ni Jesus ang ugat ng problema nang sabihin niya: “Maging mapagmasid kayo at magbantay kayo laban sa bawat uri ng kaimbutan, sapagkat kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.”—Lucas 12:15.
8. Ano ang kaimbutan, at sa ano ito maaaring humantong?
8 Ang kaimbutan ay hindi lamang basta paghahangad na magkaroon ng pera o iba pang bagay, na maaari namang gamitin sa tamang paraan at layunin. Ito ay pagkagahaman sa kayamanan o ari-arian o labis na paghahangad sa ari-arian ng iba. Maaaring kasama rito ang walang katapusan at sakim na paghahangad—marahil ng mga bagay pa nga na pag-aari ng iba—para lamang mapasakaniya ang mga ito, nang hindi pinag-iisipan kung kailangan niya ito o kung makaaapekto ito sa iba. Hinahayaan ng taong mapag-imbot na makontrol ng mga bagay na hinahangad niya ang kaniyang isip at kilos hanggang sa puntong halos sambahin na niya ito. Tandaan na walang pagkakaiba para kay apostol Pablo ang taong sakim at ang mananamba sa idolo. Pareho silang walang anumang mana sa Kaharian ng Diyos.—Efeso 5:5; Colosas 3:5.
9. Sa anu-anong paraan makikita ang kaimbutan? Magbigay ng ilang halimbawa.
9 Kapansin-pansin na nagbabala si Jesus laban sa “bawat uri ng kaimbutan.” Makikita ang kaimbutan sa maraming paraan. Binanggit ng pinakahuli sa Sampung Utos ang ilan sa mga ito: “Huwag mong nanasain ang bahay ng iyong kapuwa. Huwag mong nanasain ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalaki ni ang kaniyang aliping babae ni ang kaniyang toro ni ang kaniyang asno ni ang anumang bagay na pag-aari ng iyong kapuwa.” (Exodo 20:17) Maraming halimbawa sa Bibliya ng mga indibiduwal na nagkasala nang malubha dahil sa iba’t ibang uri ng kaimbutan. Si Satanas ang unang umimbot ng isang bagay na hindi sa kaniya—ang kaluwalhatian, karangalan, at awtoridad na nauukol lamang kay Jehova. (Apocalipsis 4:11) Inimbot ni Eva ang karapatang magpasiya para sa kaniyang sarili, at dahil nalinlang siya sa bagay na ito, humantong ang buong sangkatauhan sa kasalanan at kamatayan. (Genesis 3:4-7) Ang mga demonyo na dating mga anghel ay hindi nakontento sa “kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” at ipinagpalit ito sa isang bagay na hindi para sa kanila. (Judas 6; Genesis 6:2) Isipin din sina Balaam, Acan, Gehazi, at Hudas. Sa halip na makontento sa kanilang kalagayan sa buhay, hinayaan nilang itulak sila ng pagkagahaman sa materyal na mga bagay para abusuhin ang kanilang katayuan, na humantong naman sa kanilang kapahamakan at pagkapuksa.
10. Paano natin maikakapit ang payo ni Jesus na “maging mapagmasid”?
10 Angkop na angkop nga na sinimulan ni Jesus ang babala laban sa kaimbutan sa mga salitang “maging mapagmasid kayo”! Bakit? Sapagkat madaling makita ng tao ang kasakiman o kaimbutan ng kaniyang kapuwa, pero bihira ang aamin na siya mismo ay sakim o mapag-imbot. Gayunman, idiniin ni apostol Pablo na “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.” (1 Timoteo 6:9, 10) Ipinaliwanag ng alagad na si Santiago na ang maling pagnanasa, “kapag naglihi na ito, ay nagsisilang ng kasalanan.” (Santiago 1:15) Kaayon ng payo ni Jesus, dapat tayong “maging mapagmasid,” hindi para bantayan kung mapag-imbot ang iba, kundi para suriin ang nilalaman ng atin mismong puso, nang sa gayon ay “magbantay [tayo] laban sa bawat uri ng kaimbutan.”
Masaganang Buhay
11, 12. (a) Ano ang babalang ibinigay ni Jesus laban sa kaimbutan? (b) Bakit natin kailangang sundin ang babala ni Jesus?
11 May isa pang dahilan kung bakit dapat tayong magbantay laban sa kaimbutan. Pansinin ang sumunod na sinabi ni Jesus: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Talagang dapat itong pag-isipan sa gitna ng materyalistikong daigdig na ito, kung saan ang batayan ng mga tao sa kaligayahan at tagumpay ay kayamanan at kasaganaan. Sa mga salitang iyon, sinabi ni Jesus na ang tunay na makabuluhan at kasiya-siyang buhay ay hindi nagmumula o nakadepende sa materyal na mga bagay, gaanuman ito karami.
12 Pero baka hindi sumang-ayon ang ilan. Baka ikatuwiran nila na mas maalwan at kasiya-siya ang buhay kapag may materyal na kayamanan at sa gayon ay mas masarap ang buhay. Kaya nagkukumahog sila sa pagtatrabaho makuha lamang ang lahat ng gamit at gadyet na gusto nila dahil sa pag-aakalang ito ang magbibigay sa kanila ng magandang buhay. Subalit sa pag-iisip nang ganito, hindi nila nakukuha ang punto ni Jesus.
13. Ano ang timbang na pangmalas sa buhay at ari-arian?
13 Sa halip na talakayin kung tama o mali ang masaganang buhay, idiniin ni Jesus na ang buhay ng isang tao ay hindi nagmumula sa “mga bagay na tinataglay niya,” o sa mga bagay na mayroon na siya. Tungkol dito, alam nating lahat na hindi naman kailangan ang napakaraming bagay para mabuhay o manatiling buháy. Ang kailangan lamang ay kaunting makakakain, maisusuot, at masisilungan. Sagana sa mga bagay na ito ang mayayaman, samantalang kailangan namang kumayod ng mahihirap para masapatan ang kanilang pangangailangan. Ngunit mayaman man o mahirap, nagiging pantay sila kapag nagwakas na ang kanilang buhay—nauuwi sa wala ang lahat. (Eclesiastes 9:5, 6) Samakatuwid, ang layunin at kabuluhan ng buhay ay hindi maaari at hindi dapat na isalalay sa mga bagay na makukuha o mabibili. Magiging maliwanag ang katotohanang ito kapag sinuri natin kung anong uri ng buhay ang tinutukoy ni Jesus.
14. Ano ang matututuhan natin sa salitang “buhay” sa ulat ng Bibliya?
14 Nang sabihin ni Jesus na “ang . . . buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya,” ang salitang ginamit dito para sa “buhay” sa Ebanghelyo ni Lucas (Griego, zo·eʹ) ay tumutukoy, hindi sa paraan o istilo ng pamumuhay, kundi sa buhay mismo, ang buhay sa pinakadiwa nito.a Sinasabi ni Jesus na mayaman man tayo o mahirap, maluho man ang ating pamumuhay o isang kahig at isang tuka lamang tayo, hindi natin lubusang kontrolado kung gaano tayo katagal mabubuhay o kung mabubuhay pa nga ba tayo bukas. Sinabi ni Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok: “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” (Mateo 6:27) Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na tanging si Jehova ang “bukal ng buhay,” at siya lamang ang makapagbibigay sa mga tapat ng “tunay na buhay,” o “buhay na walang hanggan,” sa lupa man o sa langit.—Awit 36:9; 1 Timoteo 6:12, 19.
15. Bakit marami ang nagtitiwala sa kanilang materyal na kayamanan?
15 Idiniriin ng mga salita ni Jesus kung gaano kadaling magkaroon ng pilipit o likong pangmalas sa buhay ang mga tao. Mayaman man o mahirap, lahat ng tao ay di-sakdal at may iisang hantungan. Sinabi ni Moises noong sinauna: “Sa ganang sarili ang mga araw ng aming mga taon ay pitumpung taon; at kung dahil sa natatanging kalakasan ay walumpung taon, ngunit ang pinagpupunyagian nila ay ang kabagabagan at nakasasakit na mga bagay; sapagkat madali itong lumilipas, at kami ay lumilipad na.” (Awit 90:10; Job 14:1, 2; 1 Pedro 1:24) Dahil dito, ang mga taong walang mabuting kaugnayan sa Diyos ay kadalasang may mentalidad na “kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo,” gaya ng binanggit ni apostol Pablo. (1 Corinto 15:32) Iniisip naman ng iba na napakaikli at walang katiyakan ang buhay, kaya humahanap sila ng katiwasayan at katatagan sa materyal na mga bagay. Baka iniisip nila na magiging mas tiwasay ang kanilang buhay kung marami silang materyal na ari-arian. Kaya nagkukumahog sila para magkamal ng kayamanan at ari-arian sa pag-aakalang magdudulot ito sa kanila ng katiwasayan at kaligayahan.—Awit 49:6, 11, 12.
Magandang Kinabukasan
16. Sa ano hindi nakabatay ang tunay na kabuluhan ng buhay?
16 Totoo na ang mas mataas na antas ng pamumuhay—pagkakaroon ng saganang pagkain, damit, tirahan, at iba pang luho—ay maaaring magpaginhawa sa buhay o makapagbigay ng mas mainam na pangangalaga sa kalusugan at sa gayon ay mapahaba ang buhay nang ilang taon. Pero talaga bang mas makabuluhan at mas matiwasay ang gayong buhay? Ang tunay na kabuluhan ng buhay ay hindi nasusukat sa haba ng buhay ng isang tao o sa dami ng kaniyang materyal na kayamanan. Binanggit ni apostol Pablo ang panganib ng labis na pagtitiwala sa gayong mga bagay. Sumulat siya kay Timoteo: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan.”—1 Timoteo 6:17.
17, 18. (a) Anu-anong magagandang halimbawa tungkol sa materyal na kayamanan ang karapat-dapat nating tularan? (b) Anong talinghaga ni Jesus ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Hindi katalinuhan na umasa sa kayamanan sapagkat ang mga ito ay ‘walang katiyakan.’ Napakayaman ng patriyarkang si Job, pero noong biglang sumapit ang trahedya, hindi siya natulungan ng kaniyang kayamanan; naglaho ang mga ito sa isang kisap-mata. Nalampasan niya ang lahat ng pagsubok at kapighatian dahil sa matibay na kaugnayan niya sa Diyos. (Job 1:1, 3, 20-22) Hindi hinayaan ni Abraham na makahadlang sa kaniya ang saganang materyal na kayamanan para tanggapin ang isang mahirap na atas mula kay Jehova, at pinagpala siya na maging “ama ng pulutong ng mga bansa.” (Genesis 12:1, 4; 17:4-6) Karapat-dapat natin silang tularan at ang iba pang halimbawa. Bata man o matanda, kailangan nating suriin ang ating sarili para makita natin kung ano talaga ang mahalaga sa ating buhay at kung saan tayo umaasa.—Efeso 5:10; Filipos 1:10.
18 Talagang mahalaga at nakapagtuturo ang maikling mensahe ni Jesus tungkol sa kaimbutan at tamang pangmalas sa buhay. Pero mayroon pang gustong ituro si Jesus, at naglahad siya ng isang nakapupukaw-kaisipang talinghaga, o ilustrasyon, tungkol sa isang di-makatuwirang taong mayaman. Paano kumakapit sa ating buhay sa ngayon ang ilustrasyong ito, at ano ang matututuhan natin mula rito? Sasagutin ito sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang isa pang salitang Griego na isinaling “buhay” ay biʹos, na pinagmulan ng mga salitang Ingles na biography at biology. Ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words, tumutukoy ang biʹos sa “yugto o haba ng buhay,” “paraan ng pamumuhay,” at “ikinabubuhay.”
Ano ang Sagot Mo?
• Ano ang matututuhan natin mula sa pagtanggi ni Jesus na pagbigyan ang kahilingan ng isang lalaki sa pulutong?
• Bakit tayo dapat magbantay laban sa kaimbutan, at paano natin ito magagawa?
• Bakit hindi nagmumula sa materyal na kayamanan ang buhay?
• Paano magiging talagang makabuluhan at tiwasay ang buhay?
[Larawan sa pahina 23]
Bakit hindi pinagbigyan ni Jesus ang kahilingan ng isang lalaki?
[Larawan sa pahina 23]
Kapaha-pahamak ang resulta ng kaimbutan
[Mga larawan sa pahina 25]
Paano nagpakita si Abraham ng tamang pangmalas sa materyal na kayamanan?