Kung Paano Masusumpungan ang Tunay na Kaligayahan
SINABI ng Dalai Lama, isang Budistang relihiyosong lider: “Naniniwala ako na ang pinakalayunin ng ating buhay ay ang hanapin ang kaligayahan.” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na naniniwala siya na ang kaligayahan ay matatamo sa pamamagitan ng pagsasanay, o pagdidisiplina, sa isip at sa puso. “Ang isip,” sabi niya, “ay ang pangunahing kasangkapan na tanging kailangan natin upang matamo ang ganap na kaligayahan.” Sa palagay niya ay hindi na kailangan ang paniniwala sa Diyos.a
Sa kabaligtaran, isaalang-alang si Jesus, na may matibay na pananampalataya sa Diyos at na ang mga turo ay nakaapekto sa daan-daang milyong tao sa loob ng mga siglo. Interesado si Jesus sa kaligayahan ng tao. Sinimulan niya ang kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok sa pamamagitan ng siyam na kaligayahan—siyam na pananalita na nagsisimula sa: “Maligaya yaong . . .” (Mateo 5:1-12) Sa sermon ding iyon, itinuro niya sa kaniyang mga tagapakinig na suriin, dalisayin, at disiplinahin ang kanilang mga isip at puso—anupat ang marahas, imoral, at mapag-imbot na mga kaisipan ay hinahalinhan ng mapayapa, malinis, at kaibig-ibig na mga kaisipan. (Mateo 5:21, 22, 27, 28; 6:19-21) Tulad ng ipinayo ng isa sa kaniyang mga alagad nang maglaon, dapat nating “patuloy na isaalang-alang” ang mga bagay na ‘totoo, seryosong pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri.’—Filipos 4:8.
Alam ni Jesus na nasasangkot sa tunay na kaligayahan ang pakikipag-ugnayan sa iba. Tayong mga tao ay likas na mahilig makihalubilo sa iba, kaya hindi tayo magiging tunay na maligaya kung ibubukod natin ang ating sarili o kung lagi tayong may pakikipag-alitan sa mga nakapalibot sa atin. Magiging maligaya lamang tayo kung nadarama nating iniibig tayo at kung iniibig natin ang iba. Itinuro ni Jesus na ang saligan ng gayong pag-ibig ay ang ating kaugnayan sa Diyos. Dito lalo na, magkaibang-magkaiba ang turo ni Jesus at ng Dalai Lama, dahil itinuro ni Jesus na ang mga tao ay hindi maaaring maging tunay na maligaya kung nakahiwalay sa Diyos. Bakit gayon?—Mateo 4:4; 22:37-39.
Isipin ang Iyong Espirituwal na mga Pangangailangan
Ang isa sa mga kaligayahan ay: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Bakit ito sinabi ni Jesus? Dahil, di-tulad ng mga hayop, tayo ay may espirituwal na mga pangangailangan. Yamang nilalang ayon sa larawan ng Diyos, maaari nating malinang sa isang antas ang mga katangian ng Diyos, tulad ng pag-ibig, katarungan, kaawaan, at karunungan. (Genesis 1:27; Mikas 6:8; 1 Juan 4:8) Kalakip sa ating espirituwal na mga pangangailangan ang pangangailangang magkaroon ng kabuluhan ang ating buhay.
Paano natin masasapatan ang gayong espirituwal na mga pangangailangan? Hindi sa pamamagitan ng transcendental meditation o basta pagsusuri sa sarili. Sa halip, sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Mateo 4:4) Pansinin na sinabi ni Jesus na ang Diyos ang pinagmumulan ng “bawat pananalitang” mahalaga sa ating buhay. May mga tanong na tanging Diyos lamang ang makatutulong sa atin upang masagot ang mga ito. Lalong napapanahon ang kaunawaang iyon sa ngayon, yamang laganap ang mga teoriya hinggil sa layunin ng buhay at sa daan tungo sa kaligayahan. Inilalaan ng mga tindahan ng aklat ang buong mga seksiyon para sa mga akdang nangangako sa mga mambabasa ng kalusugan, kayamanan, at kaligayahan. May ginawang mga Internet site na espesipikong tumatalakay sa kaligayahan.
Gayunpaman, ang pag-iisip ng tao sa mga larangang ito ay madalas na naliligaw. May hilig ito na sapatan ang mapag-imbot na mga hangarin o kaya’y ang sarili. Batay ito sa limitadong kaalaman at karanasan, at napakadalas na nakasalig ito sa maling mga palagay. Halimbawa, ang lumalaganap na kausuhan sa mga manunulat ng aklat hinggil sa sariling-sikap ay ang ibatay ang kanilang mga ideya sa teoriya ng “evolutionary psychology,” na naghihinuha na ang mga damdamin ng tao ay nakaugat sa ipinalalagay na hayop na mga ninuno natin. Ang totoo, anumang pagsisikap na makasumpong ng kaligayahan na salig sa isang teoriya na nagwawalang-bahala sa papel ng ating Maylalang ay hindi maaaring maging makatuwiran at sa kalaunan ay aakay sa kabiguan. Sinabi ng isang sinaunang propeta: “Ang marurunong ay napahiya. . . . Narito! Itinakwil nila ang mismong salita ni Jehova, at anong karunungan ang taglay nila?”—Jeremias 8:9.
Alam ng Diyos na Jehova ang ating kayarian at kung ano ang talagang magpapaligaya sa atin. Alam niya kung bakit inilagay niya ang tao sa lupa at kung ano ang mangyayari sa hinaharap, at ibinabahagi niya sa atin ang impormasyong iyan sa Bibliya. Ang kaniyang isinisiwalat sa kinasihang aklat na iyan ay pumupukaw sa damdamin ng mga indibiduwal na nakahilig sa katuwiran at ito’y nagdudulot ng kaligayahan. (Lucas 10:21; Juan 8:32) Ito ang nangyari sa dalawang alagad ni Jesus. Nalumbay sila sa kaniyang pagkamatay. Ngunit pagkatapos malaman mismo mula sa bibig ng binuhay-muling si Jesus ang hinggil sa kaniyang papel sa layunin ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan, sinabi nila: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin sa daan, habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?”—Lucas 24:32.
Lalong sumisidhi ang gayong kaligayahan kapag hinahayaan natin ang katotohanan ng Bibliya na gumabay sa ating buhay. Sa puntong ito, maitutulad natin ang kaligayahan sa isang bahaghari. Lumilitaw ito kapag kaayaaya ang mga kalagayan, ngunit higit itong nagniningning—nagiging dalawang bahaghari pa nga—kapag tamang-tama ang mga kalagayan. Tingnan natin ngayon ang ilang halimbawa kung ano ang magagawa ng pagkakapit sa mga turo ng Bibliya para sa pagtatamo ng higit na kaligayahan.
Panatilihing Simple ang Iyong Buhay
Una, tingnan ang payo ni Jesus hinggil sa kayamanan. Pagkatapos niyang magpayo na huwag gawing pangunahing bagay sa buhay ang pagpapayaman, may binitiwan siyang di-karaniwang pananalita. Sinabi niya: “Kaya nga, kung ang iyong mata ay simple, ang buong katawan mo ay magiging maliwanag.” (Mateo 6:19-22) Sa diwa, sinabi niya na kapag puspusan nating itinataguyod ang kayamanan, kapangyarihan, o anumang iba pang mga tunguhin na itinatakda ng mga tao para sa kanilang sarili, mabibigo tayong matamo ang mas mahahalagang bagay. Sapagkat, tulad ng sinabi ni Jesus sa isa pang okasyon, “kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Kung inuuna natin ang mga bagay na talagang mahalaga, tulad ng ating kaugnayan sa Diyos, mga kapakanan ng pamilya, at iba pang nauugnay na mga bagay, magiging “simple” nga ang ating “mata,” hindi nalalabuan dahil sa napakaraming bagay.
Pansinin na hindi naman itinataguyod ni Jesus ang asetisismo o labis na pagkakait sa sarili. Sapagkat si Jesus mismo ay hindi naman isang asetiko. (Mateo 11:19; Juan 2:1-11) Sa halip, itinuro niya na talagang walang kabuluhan ang buhay niyaong may pangmalas na ang buhay ay isa lamang pagkakataon upang magkamal ng kayamanan.
Sa kaniyang komento hinggil sa iba na naging napakayaman na sa maagang yugto ng kanilang buhay, isang psychotherapist sa San Francisco, E.U.A., ay nagsabi na para sa kanila, ang pera “ang ugat ng kaigtingan at kalituhan.” Ang mga taong ito, dagdag pa niya, ay “bumibili ng dalawa o tatlong bahay, isang kotse, at gumagastos ng pera sa kung anu-anong mga bagay. At kapag wala itong nagawa para sa kanila [samakatuwid ay nagpaligaya sa kanila], nanlulumo sila, anupat nadarama nilang walang saysay at di-tiyak ang kanilang gagawin sa buhay.” Sa kabaligtaran naman, yaong mga nakikinig sa payo ni Jesus na mamuhay nang mas simple sa materyal na paraan at maglaan ng panahon para sa espirituwal na mga bagay ay malamang na mas makasusumpong ng tunay na kaligayahan.
Si Tom, isang tagapagtayo ng mga bahay at gusali na naninirahan sa Hawaii, ay nagboluntaryong tumulong sa pagtatayo ng mga lugar ng pagsamba sa mga isla sa Pasipiko kung saan ang mga tao ay kapos sa materyal. May napansin si Tom sa mga taong ito na simpleng mamuhay. Sinabi niya: “Ang aking mga Kristiyanong kapatid sa mga islang ito ay tunay na maliligaya. Natulungan nila ako na makita nang higit na malinaw na ang pera at mga ari-arian ay hindi siyang susi sa kaligayahan.” Napagmasdan din niya ang mga boluntaryo na nagtrabahong kasama niya sa mga isla at napansin niya kung gaano sila kakontento. “Maaari sana silang magkamal ng maraming pera,” sabi ni Tom. “Ngunit pinili nila na patuloy na unahin ang espirituwal na mga bagay at panatilihin ang isang simpleng istilo ng buhay.” Yamang napakilos ng mga halimbawang ito, pinasimple ni Tom ang kaniyang sariling buhay upang makapaglaan siya ng higit na panahon sa kaniyang pamilya at sa mga espirituwal na mga kapakanan—isang hakbang na hindi niya kailanman pinagsisihan.
Kaligayahan at Paggalang sa Sarili
Mahalaga sa kaligayahan ang pagkadama ng personal na dignidad, o paggalang sa sarili. Dahil sa di-kasakdalan ng tao at sa mga kahinaang bunga nito, ang ilan ay may negatibong pangmalas sa kanilang sarili, at para sa marami, ang gayong mga damdamin ay nagmula pa sa kanilang pagkabata. Maaaring mahirap na mapagtagumpayan ang mga damdaming malalim ang pagkakaugat, ngunit maaari itong magawa. Nakasalalay ang solusyon sa pagkakapit ng Salita ng Diyos.
Ipinaliliwanag ng Bibliya kung ano ang nadarama ng Maylalang tungkol sa atin. Hindi ba’t mas mahalaga ang kaniyang pangmalas kaysa sa kaninumang tao—maging sa sarili nating pangmalas? Yamang siya ang pinakalarawan ng pag-ibig, minamalas tayo ng Diyos nang walang pagtatangi o malisya. Nakikita niya sa atin kung ano tayo, at kung ano ang ating potensiyal. (1 Samuel 16:7; 1 Juan 4:8) Sa katunayan, minamalas niya na mahalaga, oo, kalugud-lugod, yaong mga nagnanais na paluguran siya, anuman ang kanilang di-kasakdalan.—Daniel 9:23; Hagai 2:7.
Siyempre pa, hindi winawalang-bahala ng Diyos ang ating mga kahinaan o ang anumang kasalanan na nagagawa natin. Inaasahan niya na pagsisikapan nating mabuti na gawin kung ano ang tama, at inaalalayan niya tayo kapag ginagawa natin ito. (Lucas 13:24) Gayunman, sinasabi ng Bibliya: “Kung paanong nagpapakita ng awa ang ama sa kaniyang mga anak, si Jehova ay nagpapakita ng awa sa mga may takot sa kaniya.” Sinasabi rin nito: “Kung mga kamalian ang binabantayan mo, O Jah, O Jehova, sino ang makatatayo? Sapagkat ang tunay na kapatawaran ay nasa iyo, upang ikaw ay katakutan.”—Awit 103:13; 130:3, 4.
Kaya pag-aralang tingnan ang iyong sarili ayon sa pangmalas ng Diyos. Ang pagkaalam na minamalas niya na kalugud-lugod yaong mga umiibig sa kaniya at na siya ay may tiwala sa kanila—bagaman minamalas nila ang kanilang sarili na hindi karapat-dapat—ay may malaking nagagawa upang sumidhi ang kaligayahan ng isa.—1 Juan 3:19, 20.
Pag-asa—Mahalaga sa Kaligayahan
Isang ideya na itinaguyod kamakailan na tinawag na positive psychology ang nagsasabi na ang optimismo, na nilinang sa pamamagitan ng positibong pag-iisip at ng pagtutuon ng pansin sa mga kakayahan ng isa, ay maaaring umakay sa kaligayahan. Kakaunti ang magkakaila na ang isang optimistikong pangmalas sa buhay at sa kinabukasan ay nakadaragdag sa ating kaligayahan. Gayunman, ang gayong optimismo ay dapat na nakasalig sa katotohanan, hindi lamang sa pangarap. Tutal, kahit gaano kaoptimismo o kapositibong mag-isip ang isa, hindi nito mapapawi ang digmaan, gutom, sakit, polusyon, pagtanda, karamdaman, o kamatayan—mga bagay na nag-aalis sa kaligayahan ng napakaraming tao. Gayunpaman, talagang may dako ang optimismo.
Kapansin-pansin, hindi ginagamit ng Bibliya ang salitang optimismo; ginagamit nito ang mas mapuwersang salita—pag-asa. Binibigyang-katuturan ng Vine’s Complete Expository Dictionary ang “pag-asa” na tulad ng pagkagamit dito ng Bibliya bilang ang “kaayaaya at may pagtitiwalang pag-asam, . . . ang maligayang pag-asam sa mabuti.” Sa Bibliya, ang pag-asa ay hindi lamang isang optimistikong pangmalas sa isang situwasyon. Tumutukoy rin ito sa bagay na doo’y nakasalig ang pag-asa ng isa. (Efeso 4:4; 1 Pedro 1:3) Halimbawa, ang pag-asa ng Kristiyano ay na ang lahat ng di-kanais-nais na bagay na binanggit sa naunang parapo ay malapit nang alisin. (Awit 37:9-11, 29) Subalit higit pa ang saklaw nito.
Inaasahan ng mga Kristiyano ang panahon na ang mga tapat na tao ay magtatamo ng sakdal na buhay sa isang paraisong lupa. (Lucas 23:42, 43) Bilang pagpapalawak sa saklaw ng pag-asang iyan, sinasabi ng Apocalipsis 21:3, 4: “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”
Taglay ng sinumang umaasa na matamo ang gayong pag-asa ang lahat ng dahilan upang maging maligaya, bagaman ang kaniyang kasalukuyang kalagayan ay hindi kaayaaya na tulad ng nais niya. (Santiago 1:12) Kaya bakit hindi suriin ang Bibliya at tingnan kung bakit maaari mong paniwalaan ito. Patibayin ang iyong pag-asa sa pamamagitan ng paggugol ng panahon bawat araw sa pagbabasa ng Bibliya. Sa paggawa nito ay uunlad ang iyong espirituwalidad, matutulungan ka na maiwasan ang mga bagay na nag-aalis ng kaligayahan sa mga tao, at patitibayin nito ang iyong pagiging kontento. Oo, ang pinakasusi sa tunay na kaligayahan ay ang paggawa ng kalooban ng Diyos. (Eclesiastes 12:13) Ang isang buhay na nakasalig sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya ay isang maligayang buhay, sapagkat sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—Lucas 11:28.
[Talababa]
a Ang paniniwala sa Diyos ay hindi kailangan para sa isang Budista.
[Mga larawan sa pahina 5]
Hindi masusumpungan ang kaligayahan sa pagkakamal ng kayamanan, pagbubukod sa sarili, o pagtitiwala sa limitadong kaalaman ng tao
[Larawan sa pahina 6]
Ang buhay na nakasalig sa pagsunod sa Salita ng Diyos ay isang maligayang buhay
[Larawan sa pahina 7]
Ang pag-asa ng Kristiyano ay nagpapaligaya sa isa