Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maitutuwid ang Aking Buhay?
“HINDI ako basta makapasok sa loob,” sabi ni John. Nasumpungan na lamang niya ang kaniyang sarili na nakatayo sa labas ng Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Bilang isang tin-edyer siya’y tumalikod sa Kristiyanismo at nagtaguyod ng isang buhay na may mabigat na pagkakasala, pagdodroga, at imoralidad sa sekso. Pagkalipas ng mga taon sa gayong paraan ng pamumuhay, hindi pa rin mapawi sa kaniyang isip ang tungkol sa Bibliya, kaya siya’y nagtungo sa Kingdom Hall—subalit takot na takot na pumasok. “Hindi ninyo naiintindihan,” sabi niya sa isang tao na humimok sa kaniya na pumasok. “Napakalaki ng pagkakasalang nagawa ko. Sa palagay ko’y hindi na ako mapapatawad ni Jehova kailanman dahil sa nagawa ko.”
Napakaraming kabataan ang nagrerebelde sa utos ng kanilang mga magulang, sa relihiyon, at sa moralidad. Lalo nang nakabibigla at kalunus-lunos kapag ang mga kabataang pinalaki ng mga magulang na may takot sa Diyos ang gumawa nito. Bagaman mas kakaunti ang gumawa nang gayon, pagdating ng araw, ang ilan ay binabagabag ng pagkadama ng kawalang kabuluhan anupat maging ang magulong istilo ng buhay ay hindi maikukubli ito. (Kawikaan 14:13) Ang ilang kabataan, dahil sa nagdusa nang husto sa balakyot na daigdig na ito, ay nagnanais na maituwid ang kanilang buhay at magbalik sa katotohanan ng Bibliya na kanilang natutuhan noong sila’y bata pa. Subalit talaga bang posible para sa kanila na gawin iyon?
Isang Rebelyosong Anak ang Lumisan ng Tahanan
Ang talinghaga ni Jesus tungkol sa alibugha, o bulágsak, na anak na lalaki na masusumpungan sa Lucas 15:11-32 ay nagbibigay ng higit na matalinong unawa hinggil sa bagay na ito. Ganito ang kababasahan ng ulat: “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. At ang nakababata sa kanila ay nagsabi sa kaniyang ama, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng ari-arian na mapupunta sa akin.’ Nang magkagayon ay hinati niya ang kaniyang kabuhayan sa kanila. Nang maglaon, pagkatapos ng hindi karamihang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng mga bagay at naglakbay sa ibang lupain sa isang malayong bayan.”
Tiyak na ang kabataang ito’y hindi nagrebelde dahil sa ang kaniyang ama ay malupit, mapang-abuso, o napakahigpit! Ayon sa Batas Mosaico, ang isang anak na lalaki ay may karapatang magkaroon ng malaking mana mula sa ari-arian ng kaniyang ama, bagaman karaniwang ito’y hanggang sa mamatay lamang ang kaniyang ama. (Deuteronomio 21:15-17) Anong kawalang puso niya na hingin ang kaniyang mana nang patiuna! Subalit, ang ama ay mapagmahal na pumayag. (Ihambing ang Genesis 25:5, 6.) Maliwanag, kung gayon, ang saloobin ng kabataang lalaki—hindi ang sa kaniyang ama—ang mali. Ganito ang sabi ng isang iskolar na si Alfred Edersheim, malamang na siya’y “namuhi sa utos at disiplina sa kaniyang tahanan” at nagkaroon ng mapag-imbot na “hangarin sa kalayaan at kasiyahan.”
Gaya ng inamin ng nakaraang artikulo sa seryeng ito, hindi lahat ng magulang ay mabait at maalalahanin.a Gayunman, kapag ang isang magulang ay malupit o hindi makatuwiran, ang pagrerebelde ay hindi ang sagot; sa katapus-tapusan ito’y nakapipinsala sa sarili. Isaalang-alang muli ang talinghaga ni Jesus. Pagkatapos maglakbay nang napakalayo mula sa kanilang tahanan, “nilustay [ng kabataang lalaki] ang kaniyang ari-arian sa buktot na pamumuhay. Nang maubos na niya ang lahat, isang matinding taggutom ang naganap sa lahat ng dako ng bayang iyon, at nagpasimula siyang mangailangan.” Maging ito man ay hindi nagpatino sa kaniyang isip. Nagtitiwala pa rin sa sarili, “humayo pa man din siya at nakisama sa isa sa mga mamamayan ng bayang iyon, at ipinadala niya siya sa kaniyang parang upang mag-alaga ng mga baboy. At hinangad niyang mabusog ng mga bunga ng algarroba na kinakain ng mga baboy, at walang sinumang magbigay sa kaniya ng anuman.”
Ganito ang sabi ng iskolar sa Bibliya na si Herbert Lockyer: “Ang mga Judio na nakikinig kay Jesus ay tiyak na nangatal sa mga salitang ito, ang ‘magpakain ng baboy,’ dahil para sa isang Judio, ay bagay na wala nang mas hahamak pa rito.” Gayundin naman sa ngayon, ang mga tumatalikod sa katotohanan ng Bibliya ay kalimitang nasusumpungan ang kanilang mga sarili sa mahihirap, o nakahihiya pa nga, na kalagayan. Isang Kristiyanong babae na naglayas sa kanilang tahanan ang umamin nang ganito: “Ang lahat ng pera ko ay nauwi sa droga, at wala na akong pera para sa anumang bagay. Kaya nang-umit ako ng anuman sa mga tindahan at kahit ano upang masuportahan ang aking pagdodroga.”
“Nang Sumapit Siya sa Kaniyang Katinuan”
Kung gayon, paano hinarap ng alibughang anak na ito ang kaniya mismong kaawa-awang kalagayan? Sinabi ni Jesus na sa wakas siya’y “sumapit sa kaniyang katinuan.” Ang orihinal na mga salitang Griego ay nangangahulugang, “natauhan.” Sa ibang salita, siya’y “wala sa sarili” sa hibang na guni-guning daigdig, nabulagan kung gaano totoong kalunus-lunos ang kaniyang kalagayan.—Ihambing ang 2 Timoteo 2:24-26.
Ang ilang rebeldeng kabataan sa ngayon ay nagising din naman sa katotohanan. Ang umani ng karima-rimarim na bunga ng magulong pamumuhay—pagkabilanggo, malubhang kapinsalaan, sakit na naililipat ng pagtatalik—ay maaaring totoong nakalulungkot na karanasan. Ang mga salita sa Kawikaan 1:32 sa wakas ay talagang nagkatotoo: “Ang pagkaligaw ng mga walang malay ang papatay sa kanila.”
Isaalang-alang ang kabataang si Elizabeth, na nilisan ang kaniyang mga magulang at nasangkot sa pagdodroga. “Nalimutan ko na si Jehova,” sabi niya. Gayunman, nang siya’y dumadalaw sa New York, napadaan siya sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Ang epekto? “Kirot ng damdamin ang nadama ko sa aking isip at puso,” gunita niya. “Ano itong nagawa ko? Paano ko napahintulutang humantong ang aking buhay sa gayong malaking kasawiang-palad?”
Nang sa wakas ay harapin ng alibughang anak ang katotohanan, siya’y may katapangang-loob na nagpasiya—umuwi at ituwid ang kaniyang buhay! Subalit paano tutugon ang kaniyang ama pagkatapos na saktan at linlangin ng kaniyang anak? Ganito ang sagot ng ulat: “Habang siya ay malayo pa, nakita siya ng kaniyang ama at naantig sa pagkahabag, at tumakbo siya at sumubsob sa kaniyang leeg at magiliw na hinalikan siya.” Oo, bago pa man maingat na magawa ng kabataan ang kaniyang sinanay na pagtatapat, inunahan na siya ng kaniyang ama na ipahayag ang pagmamahal at pagpapatawad!
Ang Pagtutuwid ng mga Bagay sa Diyos
Magkagayon man, sinabi ng alibughang anak sa kaniyang ama: “Nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo.” Ang aral na matututuhan? Ang mga kabataan na lumihis sa landas ng Diyos ay hindi makapagtutuwid ng kanilang buhay malibang kanilang “maituwid ang mga bagay” sa Diyos mismo! (Isaias 1:18) Tayo’y makapagpapasalamat na ginawa ni Jehova na maging posible ang gayong muling pakikipagkasundo. Oo, ang ama sa talinghaga ni Jesus ay lumalarawan sa Diyos na Jehova. At ipinakikita ng Diyos ang katulad na saloobin ng pagpapatawad sa pamamagitan ng pagsasabi sa nagsisising mga makasalanan: “Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo.” (Malakias 3:7; ihambing ang Awit 103:13, 14.) Subalit tulad ng nagkamaling mga Judio noong panahon ng Bibliya, ang gayong mga tao ay dapat na magpasiya: “Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik tayo nang lubusan kay Jehova.”—Panaghoy 3:40.
Ito’y nangangahulugan ng masinsinang pagsusuri sa makasalanang landas ng paggawi. Kapag ang isang nagkasalang kabataan ang nakagawa ng ganito, siya’y dapat na mapakilos na magtapat ng kaniyang mga kasalanan sa Diyos na Jehova. Ganito ang sabi ng salmista: “Nang ako’y tumahimik ay nanlumo ang aking mga buto dahil sa aking pag-angal sa buong araw. . . . Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli . . . At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.”—Awit 32:3-5.
Paano kung ang isang kabataan ay nasangkot sa malulubhang pagkakasala—marahil ay aborsiyon, pag-iimbot sa sekso, pag-abuso sa droga, o kriminal na gawain? Mauunawaan naman, ang gayong tao ay maaaring makadama na di-karapat-dapat para sa kapatawaran. Si John, na binanggit sa pasimula, ay nakadama nang gayon. Iyan ang dahilan kung bakit siya natitigilan sa labas ng Kingdom Hall hanggang sa isang may kabaitang elder sa kongregasyon ang nagpaalaala sa kaniya na si Haring Manases ng sinaunang Israel ay nakagawa rin ng malulubhang kasalanan—lakip na ang pagpatay! Subalit, pinatawad siya ni Jehova. (2 Cronica 33:1-13) “Iniligtas ng elder na iyon ang aking buhay,” sabi ni John. Sa pagkaalam na posible ang pagpapatawad, nagkaroon ng lakas ng loob si John na pumasok sa Kingdom Hall at humingi ng tulong.b
Ang karamihan ng kabataan na nasa gayong mahirap na kalagayan ay nangangailangan din ng tulong upang maituwid ang mga bagay sa Diyos, at malaki ang magagawa ng mga elder sa lokal na kongregasyon hinggil sa bagay na ito. Sila’y maaaring makinig na may empatiya at pag-unawa habang ang isang kabataan ay ‘hayagang nagtatapat ng kaniyang mga kasalanan.’ Sila’y makapagbibigay rin ng disiplina at praktikal na tulong. Halimbawa, kanilang maisasaayos para sa kabataan na magkaroon ng isa na ‘magtuturo sa kaniya mula sa pasimula ng mga panimulang bagay’ sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. At kung ang isang nagkasala ay nahihirapang manalangin, maaaring gawin iyon ng isang matanda para sa kaniya. “Ang panalangin ng pananampalataya ay magpapagaling sa isa na may dinaramdam,” ang pagtitiyak ng Bibliya sa atin.—Santiago 5:14-16; Hebreo 5:12.
Ituwid ang Landas ng Iyong mga Paa
Mangyari pa, ang pagtutuwid ng mga bagay sa Diyos ay isang pasimula lamang. Kung paano humingi ng tawad ang alibughang anak sa kaniyang ama, ang nagkasalang mga kabataan ay dapat na makipagkasundo sa kanilang mga magulang. Ang taimtim na paghingi ng tawad ay magiging isang malaking tulong upang mapawi ang mga sama ng loob na kanilang dinanas at upang matamo ang kanilang tulong. Isang kabataan na naglayas na bumalik sa kanilang tahanan kasama ang anak nito sa pagkakasala ay may ganitong gunita: “Sina Inay at Itay ay nagpakita ng labis-labis na pagmamahal sa akin.”
Ang isang kabataan na nagnanais na makalugod sa Diyos ay kailangang ‘patuloy na gumawa ng tuwid na mga landas para sa kaniyang mga paa.’ (Hebreo 12:13) Ito ay maaaring mangahulugan ng pagbabago niya ng kaniyang istilo ng buhay, mga kinaugalian, at mga kasama. (Awit 25:9; Kawikaan 9:6) Ang pagtatatag ng isang rutin ng personal na pag-aaral ay mahalaga rin. Isang dating rebeldeng batang babae ang nagsabi nang ganito: “Binabasa ko ang Bibliya araw-araw at binasa ko ang lahat ng publikasyon na salig sa Bibliya na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Pinasasalamatan ko ang Diyos dahil sa pagbibigay sa akin ng isa pang pagkakataon.”
Ganito may kahusayang binuod ni John ang mga bagay, na nagsasabi: “Nilingon ko ang nagdaang panahon na sinayang ko. Inisip ko ang tungkol sa mga bagay na sana’y nangyari, pero wala ng paraan upang bawiin ko pa ang mga nangyari na.” Nakatutuwa naman, tayo’y sumasamba sa maawaing Diyos na may kabaitang nag-aanyaya sa mga tumalikod sa kaniya na magbalik. Bakit hindi tanggapin ang paanyayang ito?
[Mga talababa]]
a Tingnan “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Bakit Dapat Kong Sundin ang Aking mga Magulang?” sa aming labas ng Disyembre 22, 1994.
b Kung ikaw ay hindi pinalaki bilang isang Kristiyano subalit nakababatid pa rin na kailangang baguhin ang iyong landas ng buhay, ang pagdalaw sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova ay isang mabuting pasimula. Humiling ng isang libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa ganitong paraan ikaw ay magkakaroon ng personal na tulong upang maituwid ang iyong buhay.
[Larawan sa pahina 20]
Ang maygulang na mga Kristiyano ay makatutulong sa iyo upang maituwid ang iyong buhay