Tularan ang Awa ni Jehova
“Patuloy na maging maawain, kung paanong ang inyong Ama ay maawain.” —LUCAS 6:36.
1. Paano ipinakita ng mga Fariseo na sila’y walang-awa?
BAGAMAN nilalang ayon sa larawan ng Diyos, kadalasang nabibigo ang mga tao na tularan ang kaniyang awa. (Genesis 1:27) Halimbawa, tingnan ang mga Fariseo. Bilang isang grupo, hindi sila nagsaya nang pagalingin ni Jesus, dahil sa awa, ang tuyot na kamay ng isang lalaki noong Sabbath. Sa halip, sila’y nagsanggunian laban kay Jesus “upang mapuksa nila siya.” (Mateo 12:9-14) Sa isa namang pagkakataon, pinagaling ni Jesus ang isang lalaking bulag mula nang isilang. Minsan pa, hindi ikinagalak ng “ilan sa mga Fariseo” ang pagkamadamayin ni Jesus. Sa halip, nagreklamo sila: “Hindi ito isang tao na mula sa Diyos, sapagkat hindi niya tinutupad ang Sabbath.”—Juan 9:1-7, 16.
2, 3. Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa pangungusap na, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo”?
2 Ang kawalang-malasakit ng mga Fariseo ay isang krimen laban sa sangkatauhan at isang kasalanan sa Diyos. (Juan 9:39-41) May katuwiran naman ang babala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura” ng maimpluwensiyang grupong ito at ng iba pang relihiyonista, gaya ng mga Saduceo. (Mateo 16:6) Ang lebadura ay ginagamit sa Bibliya upang lumarawan sa kasalanan o kasiraan. Kaya sinasabi ni Jesus na ang turo ng “mga eskriba at mga Fariseo” ay maaaring sumira sa dalisay na pagsamba. Paano? Sa bagay na itinuro nito sa mga tao na malasin ang Batas ng Diyos ayon lamang sa kanilang di-makatuwirang mga alituntunin at ritwal, samantalang ipinagwawalang-bahala “ang mas matimbang na mga bagay,” kasali na ang awa. (Mateo 23:23) Ang maka-ritwal na anyong ito ng relihiyon ay nagpangyaring maging isang napakabigat na pasanin ang pagsamba sa Diyos.
3 Sa pangalawang bahagi ng kaniyang talinghaga tungkol sa alibugha, ibinunyag ni Jesus ang masamang kaisipan ng mga Judiong lider ng relihiyon. Sa talinghaga, ang ama, na lumalarawan kay Jehova, ay sabik na magpatawad sa kaniyang nagsisising anak. Ngunit ibang-iba naman ang nadama tungkol dito ng nakatatandang kapatid ng lalaki, na lumalarawan sa “mga Fariseo at mga eskriba.”—Lucas 15:2.
Poot ng Isang Kapatid
4, 5. Sa anong diwa “naliligaw” ang kapatid ng alibugha?
4 “Ngayon ang kaniyang nakatatandang anak na lalaki ay nasa bukid; at nang siya ay dumating at napalapit sa bahay ay narinig niya ang isang konsiyerto ng musika at sayawan. Kaya tinawag niya sa kaniya ang isa sa mga lingkod at itinanong kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito. Sinabi niya sa kaniya, ‘Ang iyong kapatid ay dumating, at nagpatay ang iyong ama ng pinatabang batang toro, sapagkat tinanggap niya siyang muli na nasa mabuting kalusugan.’ Ngunit siya ay napoot at ayaw pumasok.”—Lucas 15:25-28.
5 Maliwanag, hindi lamang ang alibugha sa talinghagang ito ni Jesus ang may suliranin. “Kapuwa naliligaw ang dalawang anak na lalaking inilalarawan dito,” sabi ng isang reperensiyang akda, “ang isa ay dahil sa kawalan ng matuwid na siyang nagpasamâ sa kaniya, at ang isa naman ay dahil sa pagmamatuwid-sa-sarili na bumulag sa kaniya.” Pansinin na ang kapatid ng alibugha ay hindi lamang tumangging makipagsaya kundi “napoot” din. Ang salitang ugat sa Griego para sa “poot” ay nagpapahiwatig, hindi ng silakbo ng galit, kundi ng namamalaging kalagayan ng isip. Maliwanag, ang kapatid ng alibugha ay nagkimkim ng matinding hinanakit, kaya nadama niyang hindi angkop na ipagdiwang ang pagbabalik ng isa na hindi sana dapat umalis ng tahanan.
6. Kanino lumalarawan ang kapatid ng alibugha, at bakit?
6 Ang kapatid ng alibugha ay angkop na lumalarawan sa mga nagalit sa pagdamay at atensiyon ni Jesus sa mga makasalanan. Ang mapagmatuwid-sa-sarili na mga taong ito ay hindi naantig sa awa ni Jesus; ni ipinamalas man nila ang kagalakan sa langit na bunga ng pagpapatawad sa isang nagkasala. Sa halip, ang awa ni Jesus ay pumukaw ng kanilang pagkapoot, at sila’y nagsimulang ‘mag-isip ng balakyot na mga bagay’ sa kanilang puso. (Mateo 9:2-4) Minsan ay gayon na lamang ang galit ng ilang Fariseo anupat ipinatawag nila ang lalaking pinagaling ni Jesus at pagkatapos ay “pinalayas siya” sa sinagoga—maliwanag na itiniwalag siya! (Juan 9:22, 34) Tulad ng kapatid ng alibugha, na “ayaw pumasok,” ang mga Judiong lider ng relihiyon ay tumanggi nang magkaroon sila ng pagkakataong “makipagsaya sa mga taong nagsasaya.” (Roma 12:15) Lalo pang inilantad ni Jesus ang kanilang balakyot na pangangatuwiran nang ipagpatuloy niya ang kaniyang talinghaga.
Maling Pangangatuwiran
7, 8. (a) Sa anong paraan hindi naunawaan ng kapatid ng alibugha ang kahulugan ng pagiging anak? (b) Paanong ang nakatatandang anak ay hindi katulad ng kaniyang ama?
7 “Sa gayon ang kaniyang ama ay lumabas at nagpasimulang mamanhik sa kaniya. Bilang tugon ay sinabi niya sa kaniyang ama, ‘Narito na napakaraming taon na akong nagpaalipin sa iyo at hindi ako lumabag ni minsan sa iyong kautusan, at gayunma’y hindi ka nagbigay sa akin ni minsan ng batang kambing upang ako ay magpakasaya kasama ng aking mga kaibigan. Ngunit nang sandaling ang anak mong ito na umubos sa iyong kabuhayan kasama ng mga patutot ay dumating, nagpatay ka ng pinatabang batang toro para sa kaniya.’ ”—Lucas 15:28-30.
8 Sa mga salitang ito, maliwanag na ipinakita ng kapatid ng alibugha na hindi niya naunawaan ang tunay na kahulugan ng pagiging anak. Naglilingkod siya sa kaniyang ama katulad ng paglilingkod ng isang empleado sa kaniyang amo. Kaya naman sinabi niya sa kaniyang ama: ‘Ako’y nagpaalipin sa iyo.’ Totoo, ang nakatatandang anak na ito ay hindi kailanman lumayas o lumabag sa utos ng kaniyang ama. Ngunit ang kaniya bang pagsunod ay udyok ng pag-ibig? Nakasumpong ba siya ng tunay na kagalakan sa paglilingkod sa kaniyang ama, o sa halip ay naging kampante lamang siya, anupat naniniwalang siya’y isang mabuting anak dahil ginawa niya ang kaniyang mga tungkulin sa “bukid”? Kung siya’y talagang isang debotong anak, bakit ang pag-iisip niya ay hindi katulad ng sa kaniyang ama? Nang bigyan ng pagkakataong magpakita ng awa sa kaniyang kapatid, bakit hindi siya nakadama ng pagkamadamayin?—Ihambing ang Awit 50:20-22.
9. Ipaliwanag kung paanong ang mga Judiong lider ng relihiyon ay kagaya ng nakatatandang anak.
9 Ang mga Judiong lider ng relihiyon ay katulad ng nakatatandang anak na ito. Sila’y naniniwalang matapat sila sa Diyos dahil mahigpit nilang sinusunod ang isang kodigo ng mga batas. Totoo, mahalaga ang pagsunod. (1 Samuel 15:22) Ngunit ang kanilang labis na pagdiriin sa mga gawa ay nagpangyaring maging isang mekanikal na rutin na lamang ang pagsamba sa Diyos, anupat isa lamang pakitang-taong debosyon na walang tunay na espirituwalidad. Labis silang nagtuon ng pansin sa mga tradisyon. Wala silang nadaramang pag-ibig. Aba, ang mga pangkaraniwang tao ay itinuring nilang mga hampas-lupa, anupat may-paghamak pa man ding tinukoy sila na “mga taong isinumpa.” (Juan 7:49) Sa totoo lamang, paano hahangaan ng Diyos ang mga gawa ng gayong mga lider kung ang kanila namang puso ay malayung-malayo sa kaniya?—Mateo 15:7, 8.
10. (a) Bakit angkop na payo ang mga salitang, “Ang ibig ko ay awa, at hindi hain”? (b) Gaano kaseryoso ang pagiging walang-awa?
10 Sinabihan ni Jesus ang mga Fariseo na sila’y “humayo . . . at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’ ” (Mateo 9:13; Oseas 6:6) Hindi maliwanag kung ano ang kanilang inuuna, sapagkat kung walang awa ay pawang walang-kabuluhan ang kanilang mga hain. Ito ay talagang isang seryosong bagay, sapagkat sinasabi ng Bibliya na ang “mga walang-awa” ay kabilang sa mga itinuturing ng Diyos na “karapat-dapat sa kamatayan.” (Roma 1:31, 32) Kaya naman, hindi nakapagtatakang sabihin ni Jesus na bilang isang grupo, ang mga lider ng relihiyon ay nakatalaga sa walang-hanggang pagkalipol. Maliwanag, ang kanilang pagiging walang-awa ang siyang pangunahing dahilan kung kaya karapat-dapat sila sa hatol na ito. (Mateo 23:33) Ngunit marahil ay maaari pang abutin ang mga indibiduwal sa grupong ito. Sa pagtatapos ng kaniyang talinghaga, sinikap ni Jesus na ibalik sa ayos ang pag-iisip ng gayong mga Judio sa pamamagitan ng sinabi ng ama sa kaniyang nakatatandang anak. Tingnan natin kung paano.
Ang Awa ng Isang Ama
11, 12. Paano sinikap ng ama sa talinghaga ni Jesus na makipagkatuwiranan sa kaniyang nakatatandang anak, at ano ang maaaring kahulugan ng paggamit ng ama sa mga salitang “ang kapatid mo”?
11 “Sa gayon ay sinabi niya sa kaniya, ‘Anak, lagi na kitang kasama, at lahat ng mga bagay na akin ay iyo; ngunit kailangang magpakasaya tayo at magsaya, sapagkat ang kapatid mong ito ay patay na at nabuhay, at siya ay nawala at nasumpungan.’ ”—Lucas 15:31, 32.
12 Pansinin na ginamit ng ama ang pananalitang “ang kapatid mo.” Bakit? Buweno, tandaan na bago nito, nang kausap niya ang kaniyang ama, tinawag ng nakatatandang anak ang alibugha na “ang anak mong ito”—hindi “aking kapatid.” Waring hindi niya kinikilala ang pagiging magkapatid nila. Kaya ngayon, sa diwa ay sinasabi ng ama sa kaniyang nakatatandang anak: ‘Siya ay hindi ko lamang anak. Siya ay iyong kapatid, ang iyong sariling laman at dugo. Taglay mo ang lahat ng dahilan para magsaya sa kaniyang pagbabalik!’ Dapat sana’y naging maliwanag sa mga lider na Judio ang mensahe ni Jesus. Sa katunayan, ang mga makasalanan na hinahamak nila ay kanilang “mga kapatid.” Ang totoo, “walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” (Eclesiastes 7:20) Kung gayon, taglay ng mga prominenteng Judio ang lahat ng dahilan upang magalak kapag nagsisisi ang mga makasalanan.
13. Ang biglang pagtatapos ng talinghaga ni Jesus ay nag-iiwan sa atin ng anong seryosong tanong?
13 Matapos makiusap ang ama, biglang natapos ang talinghaga. Waring inaanyayahan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na gumawa ng kanilang sariling pagtatapos sa kuwento. Anuman ang naging tugon ng nakatatandang anak, bawat tagapakinig ay napapaharap sa tanong na, ‘Ikaw ba’y makikibahagi sa kagalakang nadarama sa langit kapag nagsisi ang isang nagkasala?’ May pagkakataon din naman ang mga Kristiyano ngayon na ipakita ang kanilang sagot sa tanong na iyan. Paano?
Tularan ang Awa ng Diyos Ngayon
14. (a) Paano natin maikakapit ang payo ni Pablo na nasa Efeso 5:1 kung tungkol sa awa? (b) Anong maling pagkaunawa tungkol sa awa ng Diyos ang dapat nating iwasan?
14 Pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig.” (Efeso 5:1) Kaya naman, bilang mga Kristiyano, dapat nating pahalagahan ang awa ng Diyos, ikintal ito nang husto sa ating puso, at saka ipakita ang katangiang ito sa pakikitungo natin sa iba. Gayunman, kailangan ang pag-iingat. Ang awa ng Diyos ay hindi dapat ipagkamali bilang isang pagpapagaan sa bigat ng kasalanan. Halimbawa, may ilan na maaaring basta na lamang mangangatuwiran, ‘Kung magkasala ako, lagi naman akong makapananalangin sa Diyos ukol sa kapatawaran, at siya’y magiging maawain.’ Ang gayong saloobin ay katulad niyaong tinukoy ng manunulat sa Bibliya na si Judas bilang ‘paggawang dahilan sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos para sa mahalay na paggawi.’ (Judas 4) Bagaman si Jehova ay maawain, “sa ano mang paraan ay hindi [siya] magtatangi mula sa kaparusahan” kapag nakikitungo sa di-nagsisising mga makasalanan.—Exodo 34:7; ihambing ang Josue 24:19; 1 Juan 5:16.
15. (a) Bakit lalo nang kailangan ng matatanda na magpanatili ng timbang na pangmalas sa awa? (b) Bagaman hindi kinukunsinti ang sinasadyang pagkakasala, ano ang dapat na sikaping gawin ng matatanda, at bakit?
15 Sa kabilang panig, kailangan nating mag-ingat laban sa isa pang pagmamalabis—ang hilig na maghigpit at humatol sa mga nagpapakita ng tunay na pagsisisi at makadiyos na kalungkutan dahil sa kanilang mga kasalanan. (2 Corinto 7:11) Yamang ipinagkatiwala sa matatanda ang pangangalaga sa mga tupa ni Jehova, mahalaga na panatilihin nila ang isang timbang na pangmalas hinggil dito, lalo na kapag humahawak ng mga kaso. Dapat na manatiling malinis ang kongregasyong Kristiyano, at angkop ayon sa Kasulatan na “alisin ninyo ang taong balakyot” sa pamamagitan ng pagtitiwalag. (1 Corinto 5:11-13) Kasabay nito, mainam na magpakita naman ng awa kapag may malinaw na saligan para dito. Kaya bagaman hindi kinukunsinti ng matatanda ang sinasadyang pagkakasala, sinisikap nilang itaguyod ang isang maibigin at maawaing landasin, hangga’t ipinahihintulot ng katarungan. Lagi nilang nababatid ang simulain sa Bibliya: “Ang hindi nagsasagawa ng awa ay tatanggap ng paghatol sa kaniya nang walang awa. Ang awa ay matagumpay na nagmamataas sa hatol.”—Santiago 2:13; Kawikaan 19:17; Mateo 5:7.
16. (a) Ginagamit ang Bibliya, ipakita kung paanong tunay na ninanais ni Jehova na bumalik sa kaniya ang mga nagkasala. (b) Paano natin maipakikita na tinatanggap din natin ang pagbabalik ng mga nagsisising nagkasala?
16 Nililiwanag ng talinghaga tungkol sa alibugha na ninanais ni Jehova na bumalik sa kaniya ang mga nagkasala. Sa katunayan, ipinaaabot niya sa kanila ang paanyaya hanggang sa mapatunayang sila’y wala nang pag-asa. (Ezekiel 33:11; Malakias 3:7; Roma 2:4, 5; 2 Pedro 3:9) Tulad ng ama ng alibugha, pinakikitunguhan ni Jehova nang may dignidad yaong mga nanunumbalik, anupat tinatanggap silang muli bilang ganap na mga miyembro ng pamilya. Tinutularan ba ninyo si Jehova sa bagay na ito? Kapag nakabalik na ang isang kapananampalataya na natiwalag sa loob ng ilang panahon, paano kayo tumutugon? Alam na natin na may “kagalakan sa langit.” (Lucas 15:7) Ngunit mayroon bang kagalakan sa lupa, sa inyong kongregasyon, maging sa inyong puso? O, gaya ng nakatatandang anak sa talinghaga, mayroon bang paghihinanakit, na para bang hindi na karapat-dapat tanggapin ang isa na sa simula pa’y hindi naman dapat umalis sa kawan ng Diyos?
17. (a) Anong kalagayan ang bumangon sa Corinto noong unang siglo, at paano pinayuhan ni Pablo yaong mga nasa kongregasyon upang harapin ang bagay na ito? (b) Bakit praktikal ang payo ni Pablo, at paano natin maikakapit ito sa ngayon? (Tingnan din ang kahon sa kanan.)
17 Upang matulungan tayong suriin ang ating sarili sa bagay na ito, isaalang-alang ang nangyari sa Corinto noong mga taon ng 55 C.E. Doon, isang lalaki na natiwalag sa kongregasyon ang sa wakas ay nagtuwid ng kaniyang buhay. Ano ang dapat gawin ng mga kapatid? Dapat ba nilang pag-alinlanganan ang kaniyang pagsisisi at patuloy siyang iwasan? Sa kabaligtaran, hinimok ni Pablo ang mga taga-Corinto: “May-kabaitang mapatawad at maaliw ninyo siya, upang sa paanuman ang gayong tao ay huwag malulon ng kaniyang pagiging labis-labis na malungkot. Kaya nga masidhing pinapayuhan ko kayo na pagtibayin ang inyong pag-ibig sa kaniya.” (2 Corinto 2:7, 8) Kadalasan, ang nagsisising mga nagkasala ay madaling makadama ng kahihiyan at masiraan ng loob. Kaya naman, kailangan ng mga ito ang katiyakan na sila’y minamahal ng kanilang mga kapananampalataya at ni Jehova. (Jeremias 31:3; Roma 1:12) Mahalaga ito. Bakit?
18, 19. (a) Paanong nauna rito ay ipinakita ng mga taga-Corinto na sila’y masyadong maluwag? (b) Paanong ang pagiging walang-awa ay maaaring magpangyari na “malamangan ni Satanas” ang mga taga-Corinto?
18 Sa paghimok sa mga taga-Corinto na maging mapagpatawad, ang isa sa ibinigay ni Pablo na mga dahilan ay “upang huwag tayong malamangan ni Satanas, sapagkat hindi tayo walang-alam sa kaniyang mga pakana.” (2 Corinto 2:11) Ano ang ibig niyang sabihin? Buweno, nauna rito ay kinailangang sawayin ni Pablo ang kongregasyon sa Corinto dahil sa pagiging masyadong maluwag. Pinayagan nilang magpatuloy ang lalaking ito sa pagkakasala nang hindi naparurusahan. Sa paggawa nito, ang kongregasyon—lalo na ang matatanda nito—ay naimpluwensiyahan ni Satanas, sapagkat tuwang-tuwa siyang malagay sa kahihiyan ang kongregasyon.—1 Corinto 5:1-5.
19 Kung sila naman ngayon ay maging labis na mahigpit at tumangging patawarin ang nagsisisi, maiimpluwensiyahan naman sila ni Satanas sa iba pang paraan. Paano? Sa bagay na maaari niyang samantalahin ang kanilang pagiging mahigpit at walang awa. Kung ang nagsisising nagkasala ay “malulon ng kaniyang pagiging labis-labis na malungkot”—o gaya ng pagkasalin ng Today’s English Version, “gayon na lamang kalungkot anupat lubusan nang sumuko”—tunay na isang napakabigat na pananagutan ang tataglayin ng matatanda sa harap ni Jehova! (Ihambing ang Ezekiel 34:6; Santiago 3:1) May mabuting dahilan na matapos babalaan ang kaniyang mga tagasunod laban sa pagtisod sa “isa sa maliliit na ito,” sinabi naman ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili. Kung ang iyong kapatid ay makagawa ng kasalanan ay sawayin mo siya, at kung siya ay magsisi ay patawarin mo siya.”a—Lucas 17:1-4.
20. Sa anong paraan may kagalakan kapuwa sa langit at sa lupa kapag nagsisi ang isang nagkasala?
20 Ang libu-libo na bumabalik sa dalisay na pagsamba taun-taon ay nagpapasalamat sa awa na ipinaabot sa kanila ni Jehova. “Iyon lamang ang natatandaan kong panahon sa aking buhay na ako’y napakaligaya dahil sa isang bagay,” sabi ng isang Kristiyanong kapatid na babae tungkol sa kaniyang pagkakabalik. Sabihin pa, masayang-masaya rin ang mga anghel para sa kaniya. Tayo rin sana ay makibahagi sa “kagalakan sa langit” na nagaganap kapag nagsisi ang isang nagkasala. (Lucas 15:7) Sa paggawa nito, matutularan natin ang awa ni Jehova.
[Talababa]
a Bagaman waring ang nagkasala sa Corinto ay nakabalik sa loob lamang ng maikling panahon, hindi ito dapat gamiting pamantayan sa lahat ng pagtitiwalag. Naiiba ang bawat kaso. Ang ilang nagkasala ay nagsisimulang magpakita ng taimtim na pagsisisi halos karaka-raka matapos na matiwalag. Sa iba naman, matagal bago makita ang gayong saloobin. Subalit sa lahat ng kaso, yaong mga nakabalik ay kinailangan munang magpakita ng patotoo ng makadiyos na kalungkutan at, hangga’t maaari, magpamalas ng mga gawang naaangkop sa pagsisisi.—Gawa 26:20; 2 Corinto 7:11.
Sa Pagrerepaso
◻ Sa anong paraan nakakatulad ng kapatid ng alibugha ang mga Judiong lider ng relihiyon?
◻ Sa anong paraan hindi naunawaan ng kapatid ng alibugha ang tunay na kahulugan ng pagiging anak?
◻ Sa pagsasaalang-alang sa awa ng Diyos, anong dalawang pagmamalabis ang kailangan nating iwasan?
◻ Paano natin matutularan sa ngayon ang awa ng Diyos?
[Kahon sa pahina 17]
“PAGTIBAYIN ANG INYONG PAG-IBIG SA KANIYA”
Hinggil sa natiwalag na nagkasala na nagpakita ng pagsisisi, sinabi ni Pablo sa kongregasyon sa Corinto: “Masidhing pinapayuhan ko kayo na pagtibayin ang inyong pag-ibig sa kaniya.” (2 Corinto 2:8) Ang salitang Griego na isinaling “pagtibayin” ay isang legal na termino na nangangahulugang “patunayan.” Oo, kailangang madama ng nakabalik na mga nagsisi na sila’y minamahal at na sila’y muling tinatanggap bilang mga miyembro ng kongregasyon.
Subalit dapat nating tandaan na ang karamihan sa kongregasyon ay hindi nakababatid sa partikular na mga kalagayan na humantong sa pagkakatiwalag ng taong iyon o sa kaniyang pagkakabalik. Karagdagan pa, maaaring may ilan na personal na naapektuhan o nasaktan—marahil nang mahabang panahon—sa pagkakasala ng taong nagsisi. Palibhasa’y sensitibo sa gayong mga bagay, kung kaya kapag ipinatalastas ang pagkakabalik ng isa, mauunawaan naman na pipigilin natin ang pagpapahayag ng ating pagtanggap hanggang sa magawa natin iyon nang personal.
Tunay na nakapagpapatibay ng pananampalataya para sa mga nakabalik ang malaman na sila’y muling tinatanggap bilang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano! Mapatitibay-loob natin ang gayong mga nagsisi sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanila at pakikisama sa kanila sa Kingdom Hall, sa ministeryo, at sa iba pang angkop na mga okasyon. Sa pamamagitan ng gayong pagpapatibay, o pagpapatunay, sa ating pag-ibig sa mga minamahal na ito, sa anumang paraan ay hindi natin ipinagwawalang-bahala ang kaselanan ng kanilang nagawang pagkakasala. Sa halip, kasama ng mga pulutong sa langit, nagagalak tayo sa bagay na kanilang tinalikuran na ang makasalanang landasin at nagbalik na sila kay Jehova.—Lucas 15:7.
[Larawan sa pahina 15]
Ang nakatatandang anak ay hindi nagalak sa pagbabalik ng kaniyang kapatid