Ayon kay Lucas
15 Ang lahat ng maniningil ng buwis at makasalanan ay laging lumalapit sa kaniya para makinig.+ 2 At nagbubulong-bulungan ang mga Pariseo at mga eskriba: “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at kumakain siyang kasama nila.”+ 3 Kaya sinabi niya sa kanila ang ilustrasyong ito: 4 “Kung ang isang tao ay may 100 tupa at mawala ang isa, hindi ba niya iiwan ang 99 sa ilang at hahanapin ang isang nawawala hanggang sa makita niya ito?+ 5 At kapag nakita na niya, papasanin niya ito sa mga balikat niya at magsasaya siya. 6 Pag-uwi niya, tatawagin niya ang mga kaibigan niya at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nahanap ko na ang nawawala kong tupa.’+ 7 Sinasabi ko sa inyo, mas magsasaya rin sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi+ kaysa sa 99 na matuwid na hindi kailangang magsisi.+
8 “O kung ang isang babae ay may 10 baryang drakma at mawala ang isa, hindi ba siya magsisindi ng lampara, magwawalis sa bahay niya, at maghahanap na mabuti hanggang sa makita niya ito? 9 At kapag nakita na niya, tatawagin niya ang mga kaibigan niya* at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang baryang drakma na naiwala ko.’ 10 Sinasabi ko sa inyo, nagsasaya rin ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.”+
11 Pagkatapos, sinabi niya: “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng nakababatang anak sa kaniyang ama, ‘Ama, ibigay mo na sa akin ang parte ko sa mana.’ Kaya hinati niya ang kaniyang mga pag-aari sa dalawa niyang anak. 13 Pagkalipas ng ilang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng pag-aari niya, pumunta sa isang malayong lupain, at nilustay ang mga pag-aari niya sa masamang pamumuhay. 14 Nang maubos na niya ang lahat ng pera niya, nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupaing iyon, at wala na siyang makain. 15 Namasukan pa nga siya sa isang tagaroon at pinapunta siya sa mga bukid nito para mag-alaga ng mga baboy.+ 16 At gusto na niyang kumain ng pagkain ng baboy, pero wala man lang nagbibigay sa kaniya ng anumang makakain.
17 “Nang makapag-isip-isip siya, sinabi niya sa sarili, ‘Maraming pagkain ang mga trabahador ng aking ama, samantalang namamatay ako rito sa gutom! 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko: “Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Gawin mo na lang akong trabahador mo.”’ 20 Kaya naglakbay siya pabalik sa kaniyang ama. Malayo pa, natanaw na siya ng kaniyang ama at naawa ito sa kaniya; tumakbo ito at niyakap* at hinalikan siya. 21 Sinabi ng anak sa ama, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo.+ Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.’ 22 Pero sinabi ng ama sa mga alipin niya, ‘Dali! Maglabas kayo ng mahabang damit, ang pinakamaganda, at isuot ninyo iyon sa kaniya. Suotan din ninyo siya ng singsing at sandalyas. 23 At kumuha kayo ng pinatabang guya,* patayin* ninyo iyon, at kumain tayo at magdiwang, 24 dahil ang anak kong ito ay patay na pero muling nabuhay;+ siya ay nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magsaya.+
25 “Nasa bukid noon ang nakatatandang anak. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, nakarinig siya ng musika at sayawan. 26 Kaya tinawag niya ang isa sa mga lingkod at tinanong ito kung ano ang nangyayari. 27 Sinabi nito, ‘Dumating ang kapatid mo, at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya dahil ligtas* na nakabalik sa kaniya ang kapatid mo.’ 28 Pero nagalit siya at ayaw pumasok sa bahay. Kaya pinuntahan siya ng kaniyang ama at pinakiusapan. 29 Sinabi niya sa kaniyang ama, ‘Napakaraming taon na akong nagtatrabaho sa iyo, at sinunod ko ang lahat ng utos mo, pero kahit kailan ay hindi mo ako binigyan ng batang kambing para pagsaluhan namin ng mga kaibigan ko. 30 Pero pagdating na pagdating ng anak mong ito na lumustay ng kayamanan mo sa mga babaeng bayaran, pinatay mo ang pinatabang guya para sa kaniya.’ 31 Kaya sinabi ng ama, ‘Anak, lagi na kitang kasama, at lahat ng sa akin ay sa iyo. 32 Pero dapat tayong magdiwang at magsaya, dahil ang kapatid mo ay patay na pero nabuhay; siya ay nawala at natagpuan.’”