Isang Panahon Upang Manatiling Gising
“Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita. . . . Subalit siya na nakapagbatá hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.”—MARCOS 13:10, 13.
1. Bakit dapat tayong magbatá at lakasan ang ating loob?
KAILANGAN tayong magbatá—sa gitna ng isang walang-pananampalataya at pilipit na salinlahi! Sapol noong 1914 isang salinlahi ng mga tao ang nagpakasama, kagayang-kagaya noong kaarawan ni Jesus. At sa ngayon ang kasamaan ay laganap sa buong daigdig. Sa “mga huling araw” na ito, ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan” na inilarawan ni apostol Pablo ay nararanasan ng sangkatauhan. ‘Ang mga taong balakyot at mga impostor ay patuloy na sumusulong mula sa masama tungo sa lalong masama.’ Maliwanag, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” si Satanas na Diyablo, na ngayon ay gumagawa ng panghuling pagsisikap na ipahamak ang lupa. Subalit lakasan ang inyong loob! May dumarating na “malaking kapighatian” na magdadala ng namamalaging kaginhawahan sa lahat niyaong umiibig sa katuwiran.—2 Timoteo 3:1-5, 13; 1 Juan 5:19; Apocalipsis 7:14.
2. Papaano natupad ang hula noong 1914?
2 Mabuti na lamang, iniluklok na ngayon ni Jehova ang Panginoong Jesu-Kristo sa mga langit, bilang paghahanda sa paglipol sa mapaniil na mga kaaway ng sangkatauhan. (Apocalipsis 11:15) Gaya nang unang pagparito ng Mesiyas, gayundin sa siglong ito ay natutupad ang isang pambihirang hula na isinulat ni Daniel. Sa Daniel 4:16, 17, 32, sinasabihan tayo tungkol sa paghinto ng karapat-dapat na paghahari sa lupa sa yugto ng “pitong panahon.” Sa malaking katuparan ng mga ito, ang pitong panahong ito ay katumbas ng pitong Biblikal na mga taon na 360 ‘araw’ ang bawat isa, o 2,520 taon sa kabuuan.a Ang mga ito ay nagsimula noong 607 B.C.E., nang simulang yurakan ng Babilonya ang kaharian ng Israel, hanggang noong 1914 C.E., ang taon ng pagluklok ni Jesus sa langit bilang karapat-dapat na Hari ng sangkatauhan. Nang magkagayon ay nagwakas “ang itinakdang panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24) Subalit ang mga bansa ay tumangging magpasakop sa dumarating na Mesianikong Kaharian.—Awit 2:1-6, 10-12; 110:1, 2.
3, 4. (a) Anong paghahambing ang maaaring gawin tungkol sa mga pangyayari noong unang siglo at sa ating panahon? (b) Anong kaugnay na mga tanong ang maaaring ibangon?
3 Habang lumalapit ang ika-70 sanlinggo ng mga taon (29-36 C.E.), at muli habang papalapit ang 1914, inaasahan ng may takot sa Diyos na mga tao ang pagdating ng Mesiyas. At dumating nga siya! Gayunman, sa bawat pagkakataon, ang paraan ng kaniyang paglitaw ay taliwas sa inaasahan. Gayundin sa bawat pagkakataon, pagkatapos ng maikli-ikling panahon, isang masamang “salinlahi” ang sa wakas ay dumanas ng pagkapuksa ayon sa utos ng Diyos.—Mateo 24:34.
4 Sa ating naunang artikulo, nakita natin kung papaano nagwakas ang balakyot na salinlahi ng mga Judio na nagpapatay kay Jesus. Kumusta naman ang tampalasang salinlahi ng tao na ngayon pa man ay sumasalansang o nagwawalang-bahala sa kaniya? Kailan ilalapat ang hatol sa walang-pananampalatayang salinlahing ito?
“Manatili Kayong Mapagbantay”!
5. (a) Sa anong mabuting dahilan kung kaya hindi natin kailangang malaman ang panahon ng “araw at oras” ni Jehova? (b) Ayon kay Marcos, sa pamamagitan ng anong mahusay na payo tinapos ni Jesus ang kaniyang hula?
5 Pagkatapos humula ng mga pangyayari na hahantong sa panahon ng “malaking kapighatian,” sinabi pa ni Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang.” (Mateo 24:3-36; Marcos 13:3-32) Hindi natin kailangang malaman ang eksaktong panahon ng mga pangyayari. Sa halip, tayo ay dapat nakatutok sa pagiging mapagbantay, na naglilinang ng matibay na pananampalataya, at nananatiling abala sa paglilingkod kay Jehova—hindi sa pagtantiya ng isang petsa. Tinapos ni Jesus ang kaniyang dakilang hula sa pamamagitan ng pagsasabi: “Manatili kayong mapagmasid, manatiling gising, sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang itinakdang panahon. . . . Manatili kayong mapagbantay . . . Ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat, Manatili kayong mapagbantay.” (Marcos 13:33-37) Nakaumang ang panganib sa kadiliman ng sanlibutan ngayon. Kailangang manatili tayong mapagbantay!—Roma 13:11-13.
6. (a) Sa ano dapat nakasalig ang ating pananampalataya? (b) Papaano natin maaaring ‘bilangin ang ating mga araw’? (c) Ano ang pangunahin nang pakahulugan ni Jesus sa terminong “salinlahi”?
6 Hindi lamang tayo dapat magbigay-pansin sa kinasihang mga hula may kinalaman sa mga huling araw na ito ng isang balakyot na sistema kundi kailangang isalig natin ang ating pananampalataya pangunahin na sa mahalagang hain ni Kristo Jesus at sa kahanga-hangang mga pangako ng Diyos na nakasalig doon. (Hebreo 6:17-19; 9:14; 1 Pedro 1:18, 19; 2 Pedro 1:16-19) Palibhasa’y sabik na makita ang katapusan ng masamang sistemang ito, kung minsan ang bayan ni Jehova ay nagkukuru-kuro tungkol sa panahon ng pagsiklab ng “malaking kapighatian,” anupat iniuugnay pa nga ito sa mga kalkulasyon ng kung ano ang haba ng buhay ng isang salinlahi mula noong 1914. Gayunman, tayo ay ‘magtatamo ng pusong may karunungan,’ hindi sa pamamagitan ng pagkukuru-kuro kung ilang taon o araw ang bumubuo ng isang salinlahi, kundi sa pamamagitan ng pag-iisip kung papaano natin ‘binibilang ang ating mga araw’ sa may kagalakang pagpuri kay Jehova. (Awit 90:12) Sa halip na maglaan ng tuntunin sa pagsukat ng panahon, ang terminong “salinlahi” ayon sa pagkagamit ni Jesus ay pangunahing tumutukoy sa mga taong magkapanahon na mabuhay sa isang makasaysayang yugto, lakip na ang kanilang mga katangiang mapagkakakilanlan.b
7. Ano ang isinulat ng isang propesor sa kasaysayan tungkol sa “salinlahi ng 1914,” at papaano ito nauugnay sa hula ni Jesus?
7 Kasuwato ng nabanggit na, ganito ang isinulat ng propesor sa kasaysayan na si Robert Wohl sa kaniyang aklat na The Generation of 1914: “Ang isang makasaysayang salinlahi ay hindi limitado sa mga petsa . . . Hindi iyon isang sona ng mga petsa.” Ngunit sinabi niya na ang Digmaang Pandaigdig I ay lumikha ng “isang nakapanggigipuspos na diwa ng paghiwalay sa nakalipas,” at sinabi pa niya: “Hindi makatkat sa isip niyaong mga nakaligtas sa digmaan ang paniniwala na isang sanlibutan ang nagwakas at isa naman ang nagsimula noong Agosto 1914.” Totoo naman iyan! Idiniriin nito ang pinakabuod ng bagay na ito. “Ang salinlahing ito” ng sangkatauhan sapol noong 1914 ay dumanas ng nakapangingilabot na mga pagbabago. Nakita nito ang lupa na tigmak sa dugo ng milyun-milyon. Ang pagdidigmaan, paglipol ng lahi, terorismo, krimen, at katampalasanan ay sumiklab sa buong daigdig. Ang taggutom, sakit, at imoralidad ay lumaganap sa ating globo. Inihula ni Jesus: “Kayo rin, kapag nakita ninyong [ang kaniyang mga alagad] nagaganap ang mga bagay na ito, alamin ninyo na ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.”—Lucas 21:31, 32.
8. Papaano idiniin ng mga propeta ni Jehova ang pangangailangan na manatiling gising?
8 Oo, malapit na ang lubusang tagumpay ng Mesianikong Kaharian! Kung gayon, mayroon bang anumang pakikinabangin sa paghahanap ng mga petsa o pagkukuru-kuro tungkol sa literal na haba ng buhay ng isang “salinlahi”? Talagang wala! Maliwanag ang sinasabi ng Habacuc 2:3: “Ang pangitain ay sa itinakdang panahon pa, at nagmamadali tungo sa katapusan, at hindi magbubulaan. Bagaman magluluwat, patuloy na asamín iyon; sapagkat walang pagsalang magkakatotoo. Hindi na magtatagal.” Ang araw ni Jehova ng pagsusulit ay lalo nang mabilis na dumarating.—Jeremias 25:31-33; Malakias 4:1.
9. Anong mga pangyayari sapol noong 1914 ang nagpapakita na maikli na ang panahon?
9 Nang magsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos noong 1914, si Satanas ay inihagis sa lupa. Ito’y nangahulugan ng “kaabahan para sa lupa . . . sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na maikli na ang kaniyang yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:12) Ang panahong iyan ay talaga namang maikli, kung ihahambing sa libu-libong taon ng pamamahala ni Satanas. Malapit na ang Kaharian, at gayundin ang araw at oras ni Jehova sa paglalapat ng hatol sa balakyot na salinlahing ito!—Kawikaan 3:25; 10:24, 25.
Ang “Salinlahi” na Lumilipas
10. Papaanong “ang salinlahing ito” ay katulad niyaong sa kaarawan ni Noe?
10 Suriin nating mabuti ang pangungusap ni Jesus sa Mateo 24:34, 35: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang salinlahing ito ay hindi lilipas sa anumang paraan hanggang sa mangyari ang lahat ng mga bagay na ito. Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi sa anumang paraan lilipas.” Ang sumunod na mga salita ni Jesus ay nagpapakita na ‘walang sinuman ang nakaaalam ng araw at oras na iyon.’ Higit sa lahat, ipinakita niya na kailangang iwasan natin ang mga silo na nakapalibot sa atin sa salinlahing ito. Kaya naman sinabi pa ni Jesus: “Sapagkat kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:36-39) Dito ay inihambing ni Jesus ang salinlahi noong kaniyang kaarawan sa salinlahi noong kaarawan ni Noe.—Genesis 6:5, 9; talababa [sa Ingles].
11. Anong paghahambing ng ‘mga salinlahi’ ang ginawa ni Jesus, ayon sa pagkaulat nina Mateo at Lucas?
11 Hindi ito ang unang pagkakataon na narinig ng mga apostol na pinaghambing ni Jesus ang ‘mga salinlahi,’ sapagkat mga ilang araw bago nito ay sinabi niya tungkol sa kaniyang sarili: ‘Ang Anak ng tao . . . ay dapat munang dumanas ng maraming pagdurusa at itakwil ng salinlahing ito. Isa pa, kung paanong naganap nang mga araw ni Noe, magiging gayundin sa mga araw ng Anak ng tao.’ (Lucas 17:24-26) Samakatuwid, ang Mateo kabanata 24 at ang Lucas kabanata 17 ay gumagawa ng gayunding paghahambing. Noong kaarawan ni Noe “lahat ng laman [na] pinasama ang kanilang lakad sa lupa” at napalis sa Baha ang siyang “salinlahing ito.” Noong kaarawan ni Jesus ang apostatang bayang Judio na nagtatakwil kay Jesus ang siyang “salinlahing ito.”—Genesis 6:11, 12; 7:1.
12, 13. (a) Ano sa ngayon ang “salinlahing ito” na kailangang lumipas? (b) Papaano hinaharap ng bayan ng Diyos sa ngayon ang “liko at pilipit na salinlahi” na ito?
12 Samakatuwid, sa panghuling katuparan ng hula ni Jesus sa ngayon, “ang salinlahing ito” ay maliwanag na tumutukoy sa mga tao sa lupa na nakakakita ng tanda ng pagkanaririto ni Kristo ngunit hindi nagbabago ng kanilang landas. Sa kabaligtaran, tayo bilang mga alagad ni Jesus ay tumatangging mahubog ng istilo ng pamumuhay ng “salinlahing ito.” Bagaman nasa sanlibutan, hindi tayo dapat na maging bahagi nito, “sapagkat ang takdang panahon ay malapit na.” (Apocalipsis 1:3; Juan 17:16) Pinaaalalahanan tayo ni apostol Pablo: “Patuloy ninyong gawin ang lahat ng mga bagay na malaya sa mga bulung-bulungan at mga argumento, upang kayo ay maging walang-kapintasan at inosente, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang liko at pilipit na salinlahi, na sa gitna nila ay sumisikat kayo bilang mga tagapagbigay-liwanag sa sanlibutan.”—Filipos 2:14, 15; Colosas 3:5-10; 1 Juan 2:15-17.
13 Sa ating ‘pagsikat bilang mga tagapagbigay-liwanag’ ay kasali hindi lamang ang pagpapamalas ng isang malinis na Kristiyanong personalidad kundi, higit sa lahat, ang pagtupad sa makahulang atas ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Walang sinumang tao ang makapagsasabi kung kailan ang wakas na iyan, ngunit alam natin na ang wakas ng “salinlahing ito” ng balakyot na mga tao ay darating sa sandaling maibigay na ang patotoo ayon sa kinalugdan ng Diyos “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
Ang “Araw at Oras na Iyon”
14. Anong paalaala ang ibinigay kapuwa nina Jesus at Pablo hinggil sa “mga panahon at mga kapanahunan,” at papaano tayo dapat na kumilos?
14 Kapag ang pambuong-daigdig na patotoo ay naisagawa na ayon sa lawak na nilayon ni Jehova, iyon ang magiging kaniyang “araw at oras” upang wakasan na ang sistema ng sanlibutang ito. Hindi natin kailangang malaman nang patiuna ang petsa. Sa gayon, bilang pagsunod sa halimbawa ni Jesus, nagpaalaala si apostol Pablo: “Ngayon kung tungkol sa mga panahon at mga kapanahunan, mga kapatid, hindi ninyo kailangan na isulat pa sa inyo ang anuman. Sapagkat kayo mismo ang lubusang nakaaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi. Kailanma’t kanilang sinasabi: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayon ay biglang pagkapuksa ang kagyat na mapapasa-kanila gaya ng hapdi ng kabagabagan sa isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila sa anumang paraan makatatakas.” Pansinin ang idiniin ni Pablo: ‘Iyon ay kapag kanilang sinasabi.’ Oo, kapag pinag-uusapan ang “kapayapaan at katiwasayan,” kung kailan hindi inaasahan, agad na ipatutupad ang hatol ng Diyos. Angkop na angkop nga ang payo ni Pablo: “Kaya nga, huwag na tayong matulog pa gaya ng ginagawa ng iba, kundi manatili tayong gising at panatilihin ang ating katinuan”!—1 Tesalonica 5:1-3, 6; tingnan din ang mga 1Tes 5 talata 7-11; Gawa 1:7.
15, 16. (a) Bakit hindi natin dapat na isiping ang Armagedon ay mas matagal pa kaysa sa dati nating inaakala? (b) Papaano dadakilain ang soberanya ni Jehova sa malapit na hinaharap?
15 Ang atin bang mas tumpak na pangmalas tungkol sa “salinlahing ito” ay nangangahulugan na ang Armagedon ay mas matagal pa kaysa sa dati nating inaakala? Hinding-hindi! Bagaman hindi natin kailanman nalaman ang “araw at oras,” alam na alam iyon ni Jehova, at hindi siya nagbabago. (Malakias 3:6) Maliwanag, ang sanlibutan ay papalubog nang papalubog sa pangwakas na kapahamakan. Ang pangangailangang manatiling gising ay lalo nang mahalaga higit kailanman. Isiniwalat na sa atin ni Jehova “ang mga bagay na kailangang maganap sa di-kalaunan,” at dapat tayong tumugon taglay ang ganap na pagkadama ng pagkaapurahan.—Apocalipsis 1:1; 11:18; 16:14, 16.
16 Habang papalapit na ang panahon, kayo’y manatiling gising, sapagkat pasasapitin na ni Jehova ang kapahamakan sa buong sistema ni Satanas! (Jeremias 25:29-31) Sinasabi ni Jehova: “Tiyak na aking dadakilain at pababanalin ang aking sarili at ipakikilala ang aking sarili sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako si Jehova.” (Ezekiel 38:23) Ang tiyak na “araw [na ito] ni Jehova” ay malapit na!—Joel 1:15; 2:1, 2; Amos 5:18-20; Zefanias 2:2, 3.
Ang Matuwid na “mga Bagong Langit at Isang Bagong Lupa”
17, 18. (a) Ayon kina Jesus at Pedro, papaano lumilipas “ang salinlahing ito”? (b) Bakit tayo dapat na maging mapagbantay hinggil sa paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon?
17 Hinggil sa ‘lahat ng mga bagay na ito na dapat mangyari’ ay sinabi ni Jesus: “Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi sa anumang paraan lilipas.” (Mateo 24:34, 35) Malamang na ang nasa isip ni Jesus ay ang “langit at lupa”—ang mga tagapamahala at ang pinamamahalaan—sa “salinlahing ito.” Gumamit si apostol Pedro ng katulad na mga salita nang tinutukoy “ang mga langit at ang lupa sa ngayon,” na “nakalaan sa apoy at itinataan sa araw ng paghuhukom at ng pagkapuksa ng mga taong di-maka-Diyos.” Pagkatapos ay inilarawan niya kung papaanong “ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng isang magnanakaw, na dito ang [namamahalang] mga langit ay lilipas” kasabay ng isang tiwaling lipunan ng tao, o “lupa,” at ang makasalanang mga gawa nito. Sumunod ay hinimok tayo ng apostol sa “banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon, [yamang ating] hinihintay at iniingatang malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, na sa pamamagitan nito ang mga langit na nasusunog ay mapupugnaw at ang mga elemento na dahil sa matinding init ay matutunaw!” Ano ang susunod? Ibinaling ni Pedro ang ating pansin sa ‘mga bagong langit at isang bagong lupa na doo’y tatahan ang katuwiran.’—2 Pedro 3:7, 10-13.c
18 Ang “mga bagong langit” na iyon, ang Kaharian na pinamamahalaan ni Kristo Jesus at ng kaniyang kasamang mga hari, ay magpapaulan ng mga pagpapala sa matuwid na “bagong lupa” na lipunan ng tao. Ikaw ba ay umaasang maging miyembro ng lipunang iyan? Kung gayon, may dahilan ka na magsaya sa dakilang kinabukasan na nakalaan!—Isaias 65:17-19; Apocalipsis 21:1-5.
19. Anong dakilang pribilehiyo ang maaari nating tamasahin ngayon?
19 Oo, isang matuwid na “salinlahi” ng sangkatauhan ang ngayon pa lamang ay tinitipon na. Sa ngayon ang pinahirang “tapat at maingat na alipin” ay naglalaan ng banal na edukasyon kasuwato ng mga salita sa Awit 78:1, 4: “Makinig kayo, O aking bayan, sa aking kautusan; ikiling ang inyong tainga sa mga kasabihan ng aking bibig . . . , na inilalahad ang mga ito maging sa salinlahing darating, ang mga papuri kay Jehova at ang kaniyang kalakasan at ang kamangha-manghang mga bagay na ginawa niya.” (Mateo 24:45-47) Noong Abril 14 ng taóng ito, sa mahigit na 75,500 kongregasyon at sa mga 230 lupain, mahigit sa 12,000,000 katao sa buong lupa ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Kabilang ka ba sa kanila? Ilagak mo sana ang iyong pananampalataya kay Kristo Jesus at ‘tumawag sa pangalan ni Jehova ukol sa kaligtasan.’—Roma 10:10-13.
20. Yamang “ang panahong natitira ay pinaikli,” papaano tayo dapat manatiling gising, at taglay ang anong pag-asa?
20 “Ang panahong natitira ay pinaikli,” sabi ni apostol Pablo. Panahon na, kung gayon, upang manatiling laging gising at abala sa gawain ni Jehova, habang binabatá natin ang mga pagsubok at pagkapoot na idinudulot ng isang balakyot na salinlahi ng tao. (1 Corinto 7:29; Mateo 10:22; 24:13, 14) Manatili tayong mapagbantay, na minamasdan ang lahat ng bagay na inihula sa Bibliya na sasapit sa “salinlahing ito.” (Lucas 21:31-33) Sa pagkaligtas sa mga bagay na ito at sa pagtayo taglay ang banal na pagsang-ayon sa harap ng Anak ng tao, sa wakas ay maaari nating matamo ang gantimpalang buhay na walang-hanggan.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong impormasyon hinggil sa “pitong panahon,” tingnan ang pahina 127-39, 186-9 ng aklat na “Let Your Kingdom Come,” inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Tingnan ang Tomo 1, pahina 918, ng Insight on the Scriptures, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Tingnan din ang pahina 152-6 at 180-1 ng Our Incoming World Government—God’s Kingdom, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Mga Tanong Bilang Repaso:
◻ Palibhasa’y nakita ang katuparan ng Daniel 4:32, papaano tayo ngayon dapat na ‘manatiling mapagbantay’?
◻ Papaano ipinakikilala ng Mga Ebanghelyo nina Mateo at Lucas “ang salinlahing ito”?
◻ Habang hinihintay natin ang “araw at oras na iyan,” ano ang namamasdan natin, at papaano tayo dapat na tumugon?
◻ Ang pag-asa ng matuwid na “mga bagong langit at isang bagong lupa” ay dapat na magpatibay-loob sa atin na gawin ang ano?
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang nagdurusang sangkatauhan ay makasusumpong ng ginhawa kapag lumipas na ang marahas at balakyot na salinlahing ito
[Credit Line]
Alexandra Boulat/Sipa Press
[Credit Line]
Gawing kaliwa at sa ibaba: Luc Delahaye/Sipa Press
[Larawan sa pahina 18]
Natatanaw na ang maluwalhating “mga bagong langit at isang bagong lupa” para sa lahat ng lahi ng sangkatauhan