Natupad ang Pagnanasa ng Kaniyang Puso
NINANASA ba ng iyong puso na makitang lubusan nang namamahala sa buong lupa ang Mesiyanikong Kaharian? Kung gayon, ikaw ay umaasam at nananalangin para sa ipinangakong makalupang pagpapala sa ilalim ng makalangit na Kahariang iyan. Magtiyaga, kung gayon, sapagkat “ang bagay na ninanasa ay isang punungkahoy ng buhay pagka dumating na iyon.”—Kawikaan 13:12; Santiago 5:7, 8.
Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, si Simeon na taong “matuwid at mapitagan” ay nakatira sa Jerusalem. Siya’y may pananampalataya sa mga hula hinggil sa Mesiyas at matiyagang “naghihintay sa kaaliwan ng Israel.”—Lucas 2:25.
Nagbibigay ng Pag-asa ang mga Hula Hinggil sa Mesiyas
Si Jehova ang may pananagutan sa unang hula hinggil sa Mesiyas—isa na nagbigay ng pag-asa sa makasalanan at naghihingalong sangkatauhan. Inihula ng Diyos ang pagdating ng Binhi ng kaniyang “babae,” o pansansinukob na organisasyon.—Genesis 3:15.
Ang Isang iyan ay nakilala bilang binhi ni Abraham, at inihula ni Jacob ang kaniyang pagdating. (Genesis 22:17, 18; 49:10) Ang mga kaluwalhatian ng Kaharian ng Mesiyas ay pinapurihan sa mga awit. (Awit 72:1-20) Inihula ni Isaias na ang Binhi ay isisilang ng isang birhen, at inihula ni Mikas na ang pagsilang ay magaganap sa Bethlehem. (Isaias 7:14; Mikas 5:2) Ang mga ito’y ilan lamang sa maraming hula hinggil sa Mesiyas.
Wala Pa Rin ang Mesiyas!
Gunitain ang nakaraan, at gunigunihin na ang unang siglo C.E. ay malapit na. Ang orihinal na hula ng Diyos hinggil sa Mesiyas ay 4,000 taon na. Nakaranas na ang mga Judio ng pagkawasak ng templo ni Jehova, ng pagkatiwangwang ng kanilang lupang-tinubuan, ng 70-taóng pagkatapon sa Babilonya, at 500 taon pa sa ilalim ng pamamahala ng mga pinunóng Gentil. Wala pa ring Mesiyas!
Gayon na lamang ang pananabik ng mga Judiong may takot sa Diyos para sa pagparito ng Mesiyas! Buhat sa kaniya ang mga pagpapala ay aagos sa kanila at sa lahat ng bansa.
Isang Mapitagang Lalaki
Isa sa mapitagang mga Judio na umaasam at nananalangin sa pagdating ng Mesiyas ay si Simeon, isang tapat na matanda nang lingkod ni Jehova na nakatira sa kabiserang lunsod ng Judea. Isang pantanging bagay ang nangyari kay Simeon.
Inilagak ng Diyos ang kaniyang banal na espiritu kay Simeon at ginantimpalaan siya ng isang kapahayagan. Hindi mamamatay si Simeon hanggang sa makita niya ang Isa na magiging ang Mesiyas. Subalit lumilipas na ang mga araw at buwan. Si Simeon ay tumatanda na at wala na halos pag-asang tumagal pa ang buhay. Matutupad kaya ang pangako ng Diyos sa kaniya?
Isang araw (noong 2 B.C.E.), isang nasa kabataang mag-asawa na may anak ang dumating sa templo galing sa Bethlehem. Ipinagtapat ng banal na espiritu kay Simeon na ito na ang pinakahihintay na araw. Pumunta siya sa templo, kung saan makikita niya ang Isa na isinulat ng mga propeta. Hanggang sa ipahintulot ng kaniyang mahina nang katawan dahil sa katandaan, nagmadali siya upang makita sina Jose, Maria, at ang bata.
Anong laki ng kaniyang katuwaan nang kalungin niya ang batang si Jesus sa kaniyang mga bisig! Ang Isang ito ay siyang magiging ang ipinangakong Mesiyas—“ang Kristo ni Jehova.” Sa edad na iyon, hindi makaaasa si Simeon na masasaksihan pa niya ang pagsasakatuparan ni Jesus sa Kaniyang makalupang misyon. Gayunman, tunay na nakalulugod na makita siya bilang isang sanggol. Ang mga hula hinggil sa Mesiyas ay nagsimula nang matupad. Anong laki ng katuwaan ni Simeon! Ngayon ay kontento na siyang matulog sa kamatayan hanggang sa pagkabuhay-muli.—Lucas 2:25-28.
Ang Makahulang mga Salita ni Simeon
Sa pagtataas ng tinig ni Simeon sa pagpuri kay Jehova, maririnig natin siya sa pagsasabing: “Ngayon, Soberanong Panginoon, pinayayaon mong malaya ang iyong alipin na nasa kapayapaan alinsunod sa iyong kapahayagan; sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong paraan ng pagliligtas na iyong inihanda sa paningin ng lahat ng mga tao, isang liwanag ukol sa pag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa at isang kaluwalhatian ng iyong bayang Israel.” Si Jose, na kumupkop kay Jesus, at si Maria, na Kaniyang ina, ay patuloy na nagtaka tungkol sa mga salitang ito.—Lucas 2:29-33.
Nagniningning ang mukha ni Simeon habang pinupuri niya sina Jose at Maria, anupat maliwanag na hinahangad niya ang pagpapala ni Jehova para sa kanila sa pagtupad sa kanilang mga pananagutan sa bata. Pagkatapos ay naging seryoso ang mukha ng matandang lalaki. Habang ipinatutungkol ang kaniyang sinasabi kay Maria lamang, idinagdag niya: “Narito! Ang isang ito ay inilagay para sa pagbagsak at sa muling pagbangon ng marami sa Israel at para sa isang tanda na tutuligsain (oo, isang mahabang tabak ang patatagusin sa iyong kaluluwa mismo), upang ang mga pangangatuwiran ng maraming puso ay mailantad.”—Lucas 2:34, 35.
Ang Sinabi ni Simeon kay Maria
Gunigunihin ang nadama ni Maria. Ano kaya ang ibig sabihin ni Simeon? Ang ilan ay tatanggap kay Kristo at ibabangon mula sa kanilang kalagayan ng pagkabagsak. Gayunman, ang iba’y tatanggi sa kaniya, matitisod sa kaniya, at babagsak. Gaya ng inihula, si Jesus ay naging isang batong katitisuran sa maraming Judio. (Isaias 8:14; 28:16) Ang mga salita ni Simeon ay hindi nangangahulugang ang bawat Israelita ay mababagsak muna sa kawalan ng paniniwala at pagkatapos ay babangon sa paniniwala sa pamamagitan ng pagtanggap kay Jesus. Sa halip, ang mga reaksiyon hinggil sa kaniya ay nagkakaiba-iba sa iba’t ibang indibiduwal, na nagsisiwalat ng mga pangangatuwiran ng maraming puso at umaakay sa kahatulan ng Diyos sa kanila ito man ay sa kabutihan o sa kasamaan. Para sa mga di-naniniwala, siya’y magiging isang tanda, o isang bagay na ikauupasala. Sa pananampalataya sa kaniya, ang iba’y ibabangon mula sa kamatayan dahil sa kamalian at kasalanan at upang makapagtamasa ng isang matuwid na kalagayan sa Diyos. Ang pakikitungo ng mga tao sa Mesiyas ay magpapakita kung ano ang laman ng kanilang mga puso.
Kumusta naman ang mga salitang ito ni Simeon: “Isang mahabang tabak ang patatagusin sa iyong kaluluwa mismo”? Walang maka-Kasulatang palatandaan na isang literal na tabak ang pinatagos sa kaniya. Gayunman, ang pagtanggi ng marami kay Jesus ay nagdulot ng dalamhati sa kaniya. At anong hapdi para kay Maria na makitang si Jesus ay nakapako sa isang tulos! Ito’y para na ring isang tabak na pinatagos sa kaniya.
Ikinapit ni Simeon ang mga Hula Hinggil sa Mesiyas
Pinakilos si Simeon ng espiritu ng Diyos upang ikapit kay Jesus ang mga hula hinggil sa Mesiyas. Maaari nang iwan ni Simeon ang buhay na ito taglay ang kapayapaan, o katahimikan, ‘sapagkat nakita ng kaniyang mga mata ang paraan ng Diyos ng pagliligtas na Kaniyang inihanda sa paningin ng lahat ng mga tao, isang liwanag ukol sa pag-aalis ng talukbong mula sa mga bansa at isang kaluwalhatian ng Kaniyang bayang Israel.’ (Lucas 2:30-32) Kapit na kapit ito sa makahulang mga salita ni Isaias!
Ang propetang iyan ay humula: “Ang kaluwalhatian ni Jehova ay tiyak na mahahayag, at lahat ng laman ay makakakita nito nang magkakasama.” “Ako [si Jehova] ang nagbibigay rin naman sa iyo [ang Mesiyas] na pinakaliwanag ng mga bansa, upang ang aking pagliligtas ay makarating hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” (Isaias 40:5; 42:6; 49:6; 52:10) Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan at ang aktuwal na mga pangyayari ay nagpapatunay na ang Mesiyas, si Jesu-Kristo, ang siyang tunay na liwanag ng mga bansa, ang Isa na mag-aalis ng talukbong ng espirituwal na kadiliman at magdadala ng kaligtasan sa mga tao.
Wala nang sinasabi pa ang Salita ng Diyos tungkol sa matanda nang si Simeon. Marahil siya’y namatay bago buksan ni Kristo ang daan sa makalangit na buhay. Hindi magtatagal, kung gayon, na si Simeon ay bubuhaying-muli sa lupa. Anong laking kagalakan ang mararanasan niya—at ninyo—sa bagong sanlibutan sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos!