Ang Sinaunang Kristiyanismo at ang Estado
ILANG oras bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ay hindi bahagi ng sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula sa sanlibutan, dahil dito ang sanlibutan ay napopoot sa inyo.” (Juan 15:19) Gayunman, nangangahulugan ba ito na ang mga Kristiyano ay dapat sumalungat sa mga awtoridad ng sanlibutang ito?
Hindi Makasanlibutan Subalit Hindi Kaaway
Sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong naninirahan sa Roma: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Gayundin naman, si apostol Pedro ay sumulat: “Alang-alang sa Panginoon magpasakop kayo sa bawat taong nilalang: maging sa isang hari bilang nakatataas o sa mga gobernador bilang isinugo niya upang magpataw ng kaparusahan sa mga manggagawa ng kasamaan ngunit upang pumuri sa mga gumagawa ng mabuti.” (1 Pedro 2:13, 14) Ang pagpapasakop sa Estado at sa mismong hinirang na mga kinatawan nito ay maliwanag na isang kinikilalang simulain sa gitna ng sinaunang mga Kristiyano. Sinikap nilang maging mga mamamayang masunurin sa batas at mamuhay nang may pakikipagpayapaan sa lahat ng mga tao.—Roma 12:18.
Sa ilalim ng paksang “Simbahan at Estado,” ang The Encyclopedia of Religion ay nagsasabi: “Sa unang tatlong siglo AD ay halos nakahiwalay ang simbahang Kristiyano buhat sa opisyal na lipunang Romano . . . Gayunpaman, ang mga pinunong Kristiyano . . . ay nagturo ng pagsunod sa Romanong batas at katapatan sa emperador, nang hindi lumalampas sa mga hangganang itinakda ng pananampalatayang Kristiyano.”
Karangalan, Hindi Pagsamba
Ang mga Kristiyano ay hindi napopoot sa Romanong emperador. Iginalang nila ang kaniyang awtoridad at ibinigay sa kaniya ang karangalan na angkop sa kaniyang tungkulin. Noong panahon ng pamamahala ni Emperador Nero, sumulat si apostol Pedro sa mga Kristiyano na naninirahan sa iba’t ibang bahagi ng Imperyong Romano: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, . . . magbigay-dangal sa hari.” (1 Pedro 2:17) Ang salitang “hari” ay ginamit sa mga lupaing nagsasalita ng Griego hindi lamang para sa mga hari sa lugar na iyon kundi gayundin para sa Romanong emperador. Pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na naninirahan sa kabisera ng Imperyong Romano: “Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, . . . sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.” (Roma 13:7) Ang Romanong emperador ay walang alinlangang humiling ng karangalan. Sa kalaunan, humiling pa nga siya ng pagsamba. Gayunman, dito na nagtakda ng hangganan ang mga Kristiyano.
Nang nililitis siya sa harap ng isang Romanong proconsul noong ikalawang siglo C.E., naiulat na sinabi ni Policarpio: “Ako ay isang Kristiyano. . . . Kami’y tinuruang ibigay ang lahat ng kaukulang karangalan . . . sa mga kapangyarihan at mga awtoridad na hinirang ng Diyos.” Gayunman, pinili ni Policarpio ang mamatay sa halip na sumamba sa emperador. Ang ikalawang siglong apolohista na si Teofilo ng Antioquia ay sumulat: “Mas nanaisin ko pang parangalan ang emperador, hindi naman sa sinasamba siya, kundi ipinananalangin siya. Subalit ang Diyos, ang buháy at tunay na Diyos ay aking sinasamba.”
Ang angkop na mga panalangin may kinalaman sa emperador ay tiyak na walang kaugnayan sa pagsamba sa emperador o sa nasyonalismo. Ipinaliwanag ni apostol Pablo ang layunin ng mga ito: “Kaya nga ako ay masidhing nagpapayo, una sa lahat, na ang mga pagsusumamo, mga panalangin, mga pamamagitan, mga paghahandog ng pasasalamat, ay gawin may kinalaman sa lahat ng uri ng mga tao, may kinalaman sa mga hari at sa lahat niyaong mga nasa mataas na kalagayan; upang makapagpatuloy tayong mamuhay ng isang kalmado at tahimik na buhay na may lubos na maka-Diyos na debosyon at pagkaseryoso.”—1 Timoteo 2:1, 2.
“Hindi Lubusang Bahagi ng Lipunan”
Ang mapitagang asal na ito sa bahagi ng sinaunang mga Kristiyano ay hindi nagdulot sa kanila ng pakikipagkaibigan ng sanlibutang pinamumuhayan nila. Inilahad ng istoryador na Pranses na si A. Hamman na ang sinaunang mga Kristiyano ay “namuhay na hindi lubusang bahagi ng lipunan.” Sila ay aktuwal na namuhay na hindi lubusang bahagi ng dalawang lipunan, ang Judio at ang Romano, anupat dumanas ng labis na kawalang-katarungan at di-naunawaan ng magkabilang panig.
Halimbawa, nang siya ay maling paratangan ng mga pinunong Judio, sinabi ni apostol Pablo sa kaniyang pagtatanggol sa harap ng Romanong gobernador: “Hindi ako nakagawa ng anumang kasalanan laban sa Batas ng mga Judio ni laban sa templo ni laban kay Cesar. . . . Umaapela ako kay Cesar!” (Gawa 25:8, 11) Palibhasa’y batid na ang mga Judio ay may pakanang patayin siya, umapela si Pablo kay Nero, sa gayon ay kinikilala ang awtoridad ng Romanong emperador. Pagkatapos, sa unang paglilitis sa kaniya sa Roma, waring napawalang-sala si Pablo. Subalit di-nagtagal ay muli siyang ibinilanggo, at ayon sa tradisyon ay pinatay siya sa utos ni Nero.
May kinalaman sa mahirap na kalagayan ng sinaunang mga Kristiyano sa lipunang Romano, ang sosyologo at teologong si Ernst Troeltsch ay sumulat: “Tinanggihan ang lahat ng tungkulin at hangarin na may kinalaman sa pagsamba sa idolo, o sa pagsamba sa Emperador, o yaong may kinalaman sa pagbububo ng dugo o sa parusang kamatayan, o yaong magpapangyari sa mga Kristiyano na mabahiran ng paganong imoralidad.” Ang ganito bang paninindigan ay hindi nagpapahintulot sa mapayapa at kapuwa may paggalang na kaugnayan sa pagitan ng mga Kristiyano at ng Estado?
Ibinabayad kay Cesar ang Kaniyang “Kaukulan”
Naglaan si Jesus ng simulain na uugit sa Kristiyanong asal may kinalaman sa Estadong Romano o, sa gayunding paraan, sa alinmang ibang pamahalaan, nang kaniyang sabihin: “Ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Ang payong ito sa mga tagasunod ni Jesus ay ibang-iba sa saloobin ng maraming nasyonalistikong Judio na nagalit sa pamamahala ng mga Romano at humamon sa pagiging naaayon sa batas ng pagbabayad ng buwis sa isang banyagang kapangyarihan.
Di-nagtagal, sinabi ni Pablo sa mga Kristiyanong naninirahan sa Roma: “Kaya nga may nagtutulak na dahilan upang kayo ay magpasakop, hindi lamang dahil sa poot na iyon kundi dahil din sa inyong budhi. Sapagkat iyan ang dahilan kung bakit nagbabayad din kayo ng mga buwis; sapagkat sila [“nakatataas na mga awtoridad” ng pamahalaan] ay mga pangmadlang lingkod ng Diyos na palagiang naglilingkod sa mismong layuning ito. Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; sa kaniya na humihiling ng tributo, ang tributo.” (Roma 13:5-7) Samantalang ang mga Kristiyano ay hindi bahagi ng sanlibutan, sila ay obligado na maging tapat, mga mamamayang nagbabayad ng buwis, anupat nagbabayad sa Estado para sa mga ginawang paglilingkod.—Juan 17:16.
Subalit ang mga salita ba ni Jesus ay hanggang sa pagbabayad lamang ng buwis? Yamang hindi tiyakang ipinakilala ni Jesus kung ano ang kay Cesar at kung ano ang sa Diyos, may mga alanganing kaso na kailangang pagpasiyahan alinsunod sa kalagayan o alinsunod sa ating pagkaunawa sa buong Bibliya. Sa ibang salita, ang pagpapasiya sa kung ano ang mga bagay na ibibigay kay Cesar ay kung minsa’y nagsasangkot sa budhing Kristiyano, gaya ng niliwanag sa mga simulain sa Bibliya.
Isang Maingat na Pagtitimbang sa Dalawang Magkasalungat na Kahilingan
Maraming tao ang madaling nakalilimot na matapos sabihing dapat ibayad kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, isinusog ni Jesus: “Ngunit [ibayad ninyo] sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” Ipinakita ni apostol Pedro kung alin ang pangunahin para sa mga Kristiyano. Karaka-raka matapos ipayo ang pagpapasakop sa “hari,” o emperador, at sa kaniyang “mga gobernador,” sumulat si Pedro: “Maging gaya ng malalayang tao, gayunma’y taglay ang inyong kalayaan, hindi bilang panakip ukol sa kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos. Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid, matakot sa Diyos, magbigay-dangal sa hari.” (1 Pedro 2:16, 17) Ipinakita ng apostol na ang mga Kristiyano ay alipin ng Diyos, hindi ng isang tagapamahalang tao. Samantalang dapat silang magpakita ng wastong pagbibigay-dangal at paggalang sa mga kinatawan ng Estado, gagawin nila ang gayon dahil sa takot sa Diyos, na ang mga batas ay siyang pinakamataas.
Mga taon na ang lumipas bago nito ay tiniyak na ni Pedro ang kahigitan ng mga batas ng Diyos sa mga batas ng tao. Ang Judiong Sanedrin ay isang namamahalang lupon na pinagkalooban ng mga Romano ng awtoridad kapuwa sa bayan at sa relihiyon. Nang iutos nito sa mga tagasunod ni Jesus na huminto ng pagtuturo sa pangalan ni Kristo, sina Pedro at ang ibang apostol ay sumagot nang magalang ngunit matatag: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Maliwanag, ang mga unang Kristiyano ay kailangang magpanatili ng maingat na pagtitimbang sa pagitan ng pagsunod sa Diyos at sa wastong pagpapasakop sa mga awtoridad ng tao. Ganito ang pagkasabi rito ni Tertullian maaga noong ikatlong siglo C.E.: “Kung ang lahat ay kay Cesar, ano pa ang matitira para sa Diyos?”
Pakikipagkompromiso sa Estado
Sa paglipas ng panahon, unti-unting humina ang naging paninindigan ng unang siglong mga Kristiyano may kaugnayan sa Estado. Ang apostasya na inihula ni Jesus at ng mga apostol ay lumago noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. (Mateo 13:37, 38; Gawa 20:29, 30; 2 Tesalonica 2:3-12; 2 Pedro 2:1-3) Nakipagkompromiso ang apostatang Kristiyanismo sa sanlibutan ng mga Romano, sinunod ang paganong mga kapistahan at pilosopiya nito, at tinanggap hindi lamang ang paglilingkuran sa bayan kundi pati ang paglilingkuran sa militar.
Sumulat si propesor Troeltsch: “Mula noong ikatlong siglo patuloy ay naging lalong mahirap ang kalagayan, sapagkat dumami ang mga Kristiyano na nasa matataas na posisyon ng Lipunan at sa mas prominenteng mga propesyon, sa hukbo at sa ranggo ng mga opisyal. Sa maraming taludtod ng [di-Biblikal] na Kristiyanong mga kasulatan ay may matitinding pagtutol laban sa pakikibahagi sa mga bagay na ito; sa kabilang panig, nakasusumpong din kami ng mga pagtatangkang makipagkompromiso—mga argumentong sinadya upang patahimikin ang nababagabag na mga budhi . . . Nawala ang mga suliraning ito mula noong panahon ni Constantino; natigil ang alitan sa pagitan ng mga Kristiyano at pagano, at binuksan ang lahat ng tungkulin sa Estado.”
Noong dakong huli ng ikaapat na siglo C.E., ang nabantuan, nakikipagkompromisong uring ito ng Kristiyanismo ay naging ang relihiyon ng Estado ng Imperyong Romano.
Sa buong kasaysayan, ang Sangkakristiyanuhan—kinakatawan ng mga Simbahang Katoliko, Ortodokso, at Protestante—ay patuloy na nakipagkompromiso sa Estado, anupat lalong napasangkot sa pulitika nito at sumuporta sa mga digmaan nito. Maraming taimtim na mga nagsisimba na nagitla rito ang tiyak na matutuwang malaman na may mga Kristiyano sa ngayon na nanghahawakan sa paninindigan ng unang-siglong mga Kristiyano may kinalaman sa kanilang kaugnayan sa Estado. Ang kasunod na dalawang artikulo ang tatalakay rito nang mas detalyado.
[Larawan sa pahina 5]
Si Cesar Nero, na siyang tinutukoy ni Pedro nang isulat niya: “Magbigay-dangal sa hari”
[Credit Line]
Musei Capitolini, Roma
[Larawan sa pahina 6]
Pinili ni Policarpio ang mamatay sa halip na sumamba sa emperador
[Larawan sa pahina 7]
Ang sinaunang mga Kristiyano ay mga mamamayang mapayapa, tapat, at nagbabayad ng buwis