“Ipakita Ninyong Kayo’y Mapagpasalamat”
“Maghari sa inyong puso ang kapayapaan ng Kristo . . . At ipakita ninyong kayo’y mapagpasalamat.”—COLOSAS 3:15.
1. Laban sa ano kailangang maging mapagbantay ang mga Kristiyano sa di-mapagpasalamat na sanlibutang ito?
ANG MALIGALIG na ika-20 siglong ito ay sumapit na sa yugto na kung saan maraming mga tao ang nakalimot kung paanong magpapasalamat. Ang nagpapahalagang mga salitang “pakisuyo” at “salamat po” ay hindi na gaanong naririnig na kasindalas sa bawat taóng lumilipas. Ang hindi pagpapasalamat ay naging bahagi na ng “hangin,” ang mapag-imbot na espiritung nangingibabaw sa mga tao ng sanlibutang ito. (Efeso 2:1, 2) Bagaman ang mga Kristiyano ay “hindi bahagi ng sanlibutan,” sila’y naninirahan dito habang ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay umiiral. (Juan 17:11, 16) Kung gayon, sila’y kailangang pakaingat na ang espiritu ng kawalang pagpapasalamat ay huwag makahawa sa kanila, at magpapangyaring ang kanilang pagpapasalamat ay umunti.
2. (a) Ano ang ilan sa mga paraan ng pagpapahayag ng mga lingkod ni Jehova ng pagpapasalamat sa kaniya? (b) Ano ang kailangan maliban sa pagbigkas ng berbalang pagpapasalamat?
2 Ang pagpapahalaga sa kabutihan ng Diyos ay maaaring ipahayag nang malimit sa pakikipag-usap sa mga kapananampalataya. Karamihan ng nag-alay na mga Kristiyano ay marahil kung makailang beses maghapon na nagpapasalamat sa kanilang makalangit na Ama, si Jehova, dahilan sa kaniyang kabutihan, at ginagawa ito ng gayon sa personal na panalangin. Ang pagpapasalamat ay ipinapahayag din sa mga panalangin sa kongregasyon at samantalang umaawit ng mga awiting pang-Kaharian sa mga pulong Kristiyano. Sabihin pa, kung ihahambing sa iba ay mas madali na ipahayag ang pasasalamat sa mga salita. Gayunman, ang kaniyang mga kapatid sa Colosas ay hinimok ni Pablo na hindi lamang magsabi na sila’y nagpapasalamat kundi rin naman na ipakita o itanghal ang pagpapasalamat sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Siya’y sumulat: “Maghari sa inyong puso ang kapayapaan ng Kristo, sapagkat kayo, sa katunayan, ay diyan tinawag sa iisang katawan. At ipakita ninyong kayo’y mapagpasalamat.”—Colosas 3:15.
Saganang Dahilan Upang Magpasalamat
3. Bakit lahat tayo ay dapat magpasalamat sa Diyos?
3 Bawat nabubuhay ay may saganang dahilan para magpasalamat. Ang pangunahing dahilan ay yaong pagtatamasa ng ligaya ng buhay mismo, sapagkat lahat ng mayroon tayo o maaaring isinaplano natin ay maaaring biglang mawalang-kabuluhan kung sakaling mawala ang ating buhay. Hinimok ng salmistang si David ang lahat ng tao na alalahanin na “nasa iyo [Jehovang Diyos] ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) At sa mga lalaking taga-Atenas ay ipinaalaala ni apostol Pablo ang ganoon ding walang-hanggang katotohanan nang siya’y magpahayag sa Areopago. (Gawa 17:28) Oo, kahit na lamang ang pagiging buháy ay saganang dahilan upang magpasalamat. At ang ating pagpapahalaga ay tumitindi pagka nagunita natin ang mga pakultad na ibinigay sa atin ng Diyos—ang sentido ng panlasa, ng pandama, ng pang-amoy, ng paningin, at ng pandinig—upang ating tamasahin ang ligaya ng buhay at ang kagandahan ng mga paglalang na nakapalibot sa atin.
4. Ano ang tutulong sa atin na huwag ipagwalang-bahala ang mga pagpapala ng buhay?
4 Gayunman, ang mabubuting bagay na ito ay ipinagwawalang-bahala ng marami. Pagka lamang nawalan ng isang pakultad, tulad halimbawa ng paningin o ng pandinig, saka lamang natatalos ng maraming tao ang mga pagpapala na hindi nila ipinagpapasalamat pagka sila’y nasa mabuting kalusugan. Ang nag-alay na mga Kristiyano ay laging nangangailangan na magpakaingat na huwag maanod tungo sa isang nahahawig na kawalan ng pagpapahalaga. Kailangang sila’y puspusang magsikap na mapanatili ang ganoon ding saloobin ng pagpapasalamat gaya ng ipinakita ng salmista na nagsabi: “Marami ang mga bagay na iyong ginawa, Oh Jehovang aking Diyos, maging ang iyong kagila-gilalas na mga gawa at ang iyong mga pag-aalaala sa amin; walang maitutulad sa iyo. Kung ako’y magpapahayag at magsasalita tungkol sa kanila, sila’y higit kaysa aking mabibilang.”—Awit 40:5.
5. Sa kabila ng karagdagang mga pagpapala buhat kay Jehova na dumating sa Israel, anong kahiya-hiyang landasin ang kanilang sinunod?
5 Ang ika-106 na Awit 106 ay nagbibigay ng isang patulang sumaryo ng makapangyarihang mga gawa ni Jehova na ginawa alang-alang sa kaniyang bayan, ang Israel. Ang pakikitungo ng Diyos sa kanila ay karagdagan pa sa kabutihan at normal na mga pagpapala ng buhay na kaniyang ipinagkakaloob sa sangkatauhan sa pangkalahatan. Gayunman, sa kabila ng mga kabutihang ito binanggit ng salmista na ang mga Israelita ay hindi nagpatuloy na magpakita ng pagpapahalaga sa pambihirang mga pagpapala na kanilang tinamo. Ang Aw 106 talatang 13 ay nagsasabi: “Nilimot nilang madali ang kaniyang mga gawa; hindi sila naghintay sa kaniyang payo.” Hindi, hindi ang paglipas ng panahon ang patuloy na nagpaunti ng kanilang pagkamapagpasalamat, anupa’t makalipas ang mga ilang dekada ay hindi na nila nagugunita ang ginawa ng Diyos para sa kanila. Sa halip, sila’y nakalimot na madali—hindi lumipas ang mga sanlinggo pagkatapos ng tanyag na mga himala ni Jehova alang-alang sa kanila sa Dagat na Pula. (Exodo 16:1-3) Nakalulungkot sabihin, ang mga pangyayaring naganap pagkatapos ay nagpapakita na naging regular na kalakaran na sa kanilang buhay ang di pagpapasalamat.
Kung Paano Ipakikita ang Pagpapasalamat
6. Bakit ang kahilingang ikapu ay hindi mahirap sundin?
6 Sa detalyadong paraan, si Jehova ay nagbigay ng tatlong espesipikong paraan kung paano makapagpapakita ang mga Israelita ng tunay na pagpapahalaga sa kaniyang kabutihan. Ang isa ay sa pamamagitan ng pagsunod sa hinihiling na ikapu sa pamamagitan ng pagbibigay kay Jehova ng ikasampung bahagi ng lahat ng ani at hayupan. (Levitico 27:30-32) Ito’y hindi magiging mahirap, sapagkat ang Diyos ang nagbibigay ng araw, ng matabang lupa, ng ulan, at ng himala ng paglaki. Kaya, ang pagbibigay ng ikasampung bahagi sa mga saserdote sa santuwaryo ni Jehova ay isang praktikal na kapahayagan ng pagpapasalamat kay Jehova mismo.
7. (a) Anong mahalagang pagkakaiba mayroon ang pagbibigay ng ikapu at ang pag-aabuloy kay Jehova? (b) Ano ang pinapangyari ng mga Israelita na isiwalat tungkol sa kanilang sarili?
7 Ang isa pang kahilingan ay ang pagbibigay ng abuloy ukol sa Diyos na kung saan ang laki ng abuloy ay batay sa saloobin ng puso ng bawat Israelita. Bagama’t hindi nagbigay ng takdang halaga, ang mga abuloy ay kailangang mga pang-unang bunga—ang unang trigo, alak, at balahibo ng tupa. (Bilang 15:17-21; Deuteronomio 18:4) Isa pa, itinakda ni Jehova na ang kaniyang bayan ‘ay hindi magbibigay nang may pag-aatubili’ at sila’y magbibigay ng “pinakamagaling ng unang bungang mahihinog.” (Exodo 22:29; 23:19) Ito’y nagbigay sa mga Israelita ng pagkakataon na ipakita ang kanilang utang na loob kay Jehova sa isang paraang nakikita. Kanilang maisisiwalat ang tindi ng kanilang pasasalamat sa pamamagitan ng laki ng mga abuloy. Sila ba’y magbibigay ng isa lamang bungkos ng ubas? O ang isang pusong bukas-palad ay mag-uudyok sa kanila na magbigay ng isang buong basket ng ubas? Sa gayon, bawat tao o pamilya ay makapagpapakita ng pagpapasalamat nang hindi pinipilit.
8. (a) Anong dalawang pakinabang ang ibinigay ng kaayusan sa pamumulot? (b) Paanong ang pagkabukas-palad at ang pagpapasalamat ay maipakikita ng lahat niyaong kasangkot sa kaayusan ng pamumulot?
8 Ang ikatlong espesipikong paraan upang makapagpasalamat ay may kaugnayan sa paglalaan ng Diyos na pamumulot sa bukid. Kung panahon ng tag-ani, may mga bahagi ng bukid na dapat itira para mapag-anihan ng mga dukha. Ito’y hindi lamang nagturo ng pagkahabag at konsiderasyon sa dukha kundi tiyakang ipinakita rin nito na ang mga dukha ay hindi sa hamak na pagkakawanggawa na lamang nabubuhay nang hindi sila nagpapagal. (Levitico 19:9, 10) Hindi naman espisipikong ipinakikita kung gaano kalaki ang dapat itira para sa mga dukha. Subalit kung ang mga magbubukid na Israelita ay nagpapakita ng pagkabukas-palad sa pag-iiwan nila ng maraming maaaring anihin sa tabi ng kanilang bukid at sa gayo’y nagpapakita ng pabor sa mga dukha, kanilang niluluwalhati ang Diyos. (Kawikaan 14:31) Bahala na sila na magpasiya kung mag-iiwan ng isang makitid o isang maluwang na lugar na mapag-aanihan ng mga dukha. Subalit ang Diyos ay nagbigay ng mahigpit na tagubilin na nagbabadya ng pagkabukas-palad sa pamamagitan ng pagbibilin na ang anumang bigkis ng trigo na nakalimutan sa bukid at ang anumang bungang naiwanan sa puno o sa ubasan ay para sa mga namumulot. (Deuteronomio 24:19-22) Sa kabilang panig, ang mga namumulot ay makapagpapakita ng kanilang pasasalamat kay Jehova sa paglalaang ito sa pamamagitan ng pag-abuloy ng ikapu ng kanilang mga napamulot sa dako ng pagsamba sa kaniya.
Pagkabukas-Palad ng Puso
9. Bakit yaong mga nagpapakita ng kaimbutan ang sa totoo’y pumipinsala sa kanilang sarili?
9 Kung ang mga Israelita ay liberal sa kanilang mga pag-aabuloy, ang pagpapala ni Jehova ay doroon sa kanilang mga bahay. (Ihambing ang Ezekiel 44:30; Malakias 3:10.) Gayunman, sa kabila ng saganang ani malimit na hindi sila nag-aabuloy. Nang magkagayo’y gumamit ang Diyos ng mga pagpapaalaala sa pamamagitan ng mga hari o mga propeta upang muling buhayin ang kanilang pagkamapagpasalamat. Ang totoo, ang mapag-imbot na mga Israelita ang siyang lugi, sapagkat hindi pinagpapala ni Jehova yaong mga makunat na nag-aabuloy ng may kaugnayan sa pagsamba sa kaniya o para sa mga dukha.
10. (a) Ano ang maligayang ibinunga ng paalaala ni Haring Ezekias tungkol sa pasasalamat? (b) Namalagi ba ang mga kalagayang ito?
10 Minsan, ang mga paalaala ni Haring Ezekias ay nagbunga ng isang maligayang 14-na-araw na selebrasyon sa Jerusalem. Ang mga mamamayan ay napasigla uli sa espirituwal. Una, kanilang winasak ang lahat ng mga gamit nila sa pagsamba sa idolo at pagkatapos ay “nagbigay ng buntun-bunton. . . . Nang si Ezekias at ang mga prinsipe ay dumating at makita nila ang mga buntun-bunton, kanilang pinuri si Jehova at ang kaniyang bayang Israel.” (2 Cronica 30:1, 21-23; 31:1, 6-8) Datapuwat, nakalulungkot sabihin, pagkatapos ng gayong pana-panahong muling kasiglahan, ang mga mamamayan ay muling nanunumbalik sa kawalang utang na loob. Sa wakas, naubos na rin ang pasensiya ng Diyos sa kanila, at kaniyang pinahintulutang ang kaniyang bayan ay mabihag sa Babilonya. Ang kanilang lunsod at magandang templo ay napuksa. (2 Cronica 36:17-21) Nang magtagal, pagkabalik nila, naging napakalubha ang mga kalagayan kung kaya’t ang pagkamaramot ng mga Judio ay inihalintulad ni Jehova sa pagnanakaw sa kaniya, mistulang ninanakawan siya!—Malakias 3:8.
11. Anong simulain na natutuhan sa kasaysayan ng Israel ang maaaring pakinabangan ng mga Kristiyanong nabubuhay sa panahong ito?
11 Anong simulain ang maaari nating matutuhan buhat sa maligalig na kasaysayan ng mga Israelita? Ito: Habang ang damdamin ng pagpapasalamat ay matindi pa sa kanilang puso, may kagalakang ipinakita nila ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng “buntun-bunton” kay Jehova. Subalit nang makalimutan nila ang pagpapasalamat o nang umunti ito sa kanila, ang maligayang materyal na pagbibigay ay halos huminto. Ang ganiyan kayang masamang saloobin ay maaaring makita sa nag-alay na mga Kristiyano sa ngayon? Oo, sapagkat ang di-kasakdalan ng tao ay taglay pa rin natin. Anong laki ng ating kagalakan at ipinasulat ng Diyos ang kaniyang mga pakikitungo sa Israel upang tayo, na nabubuhay sa wakas ng sistemang ito ng mga bagay, ay matuto at makinabang sa mga ito!—Roma 15:4; 1 Corinto 10:11.
12. (a) Paanong ang bayan ni Jehova sa ngayon ay nasa kalagayang nakakatulad niyaong sa mga Israelita? (b) Anong mga tanong ang kailangang ibangon natin?
12 Tulad ng mga Israelita, ang bayan ni Jehova sa ngayon ay maraming dahilan para magpasalamat. Tayo rin naman ay tumatanggap ng higit pang mga pagpapala kaysa tinatanggap ng ating mga kapuwa-tao. Sa katunayan, mas malaki ang ating kaalaman tungkol sa mga layunin ni Jehova kaysa mga mamamayan ng Israel. Napag-alaman natin kung paano kusang inihandog ng Diyos ang kaniyang Anak, at alam natin ang mga pagpapala na idudulot nito sa mga magtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos. At sa ngayon ay may pribilehiyo tayo na mapasa isang espirituwal na paraiso, sapagkat sapol noong 1919, si Jehova ay lumikha ng isang dakilang espirituwal na paraiso para sa kaniyang bayan. Oo, ang mga Saksi ni Jehova ay maraming karagdagang dahilan para magpasalamat. Kaya’t kailangang itanong natin: Gaano ba kataimtim ang ating pasasalamat sa Diyos? At paano natin maipakikita na tayo’y mapagpasalamat sa ika-20 siglong ito?
Mga Katumbas sa Modernong Panahon
13, 14. Bagaman ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, mayroon bang anumang katumbas na matututuhan sa mga ito buhat sa kautusan ng pagbibigay ng ikapu?
13 Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko na bumalangkas kung paano ipakikita ang pagpapasalamat sa Diyos. (Galacia 3:24, 25) Ang ating “hain” ng papuri kay Jehova ay “ang bunga ng mga labi na nagpapahayag sa madla ng kaniyang pangalan.” (Hebreo 13:15) Ito, kung gayon, ang pangunahing paraan na ang nag-alay na mga Kristiyano’y makapagpapakita na sila’y mapagpasalamat sa Diyos. Subalit kawili-wiling mga katumbas ang maaaring matutuhan buhat sa mga kautusan tungkol sa ikapu, pag-aabuloy, at pamumulot.
14 Ang ikapu ay tumutukoy sa pagbibigay ng espesipikong halaga na isang ikasampung bahagi—at walang maihahalili rito. Sa katulad na paraan, sa ngayon ay mayroong espesipikong mga utos na sumasakop sa lahat ng mga lingkod ni Jehova, na wala ring maihahalili. Tayo ay kailangang palagiang magpulong na sama-sama, at tayo’y kailangang mangaral sa madla ng mabuting balita ng Kaharian ni Jehova at tulungan ang iba na maging mga alagad ni Kristo.—Hebreo 10:24, 25; Mateo 24:14; 28:19, 20.
15. Anong mga nagpapakita ng mga pusong bukas-palad sa modernong panahon ang katumbas niyaong isinisiwalat ng kaayusan ng pag-aabuloy at pamumulot sa sinaunang Israel?
15 Tandaan, din naman, ang mga kaayusan na pag-aabuloy at pamumulot. Hindi nagtakda ng espesipikong dami. Gayundin naman, ang Kasulatan ay hindi nagtatakda ng espesipikong dami ng oras na dapat gugulin sa banal na paglilingkod ng bawat isa sa mga Saksi ni Jehova. Ang dami ng panahong iniukol sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at sa pangangaral sa iba ay ipinauubaya sa motibo ng bukas-palad na mga pusong walang pag-iimbot. Gayundin naman, ang laki ng materyal na mga abuloy para sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian ay ipinababahala sa idinidikta ng puso ng bawat indibiduwal. Ang tindi ng pagpapasalamat ang batayan kung ang isa sa mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay magdadala ng “buntun-bunton” o kung magkano na lamang upang makaraos. (2 Cronica 31:6) Gayunman, tulad sa kaso ng Israel, mientras malaki ang ipinapakita ng isa na pagpapasalamat lalo namang sumasagana ang mga pagpapalang tinatanggap buhat sa Diyos.
Mga Paraan Upang Maipakita ang Pagpapasalamat
16-18. Sa anong espisipikong mga paraan makapagpapakita ang nag-alay na mga Kristiyano na sila’y mapagpasalamat?
16 Isa sa pinakatuwirang paraan ng pagpapakita ng pagpapasalamat kay Jehova ay ang paglahok sa buong-panahong ministeryo. Kaylaki-laki ba ng iyong pagpapasalamat na anupa’t may ganiyang naisin ang iyong puso? Napansin nga na ang isang matagumpay na payunir ay una muna kailangang magkaroon ng pagnanasa na maglingkod at pagkatapos ay kailangang nasa tamang kalagayan. Pagka matindi ang pagpapasalamat, ang nagpapakilos na pagnanasang maglingkod sa Diyos nang lalong puspusan ay bumabalong sa isang nagpapahalagang puso. Ganiyan ba ang iyong nararamdaman? Kahit na kung ang iyong kasalukuyang kalagayan ay isang hadlang sa iyong pakikibahagi sa buong-panahong ministeryo, ang espiritu ng pagpapayunir ay hindi dapat na pawiin nito. Ikaw ay makapagbibigay ng buong-pusong pagsuporta at pampatibay-loob sa mga payunir.
17 Kung ikaw ay hindi makapagpapayunir ngayon, ikaw ba ay maaaring mag-auxiliary payunir pana-panahon? Mayroong pantanging mga panahon sa taun-taon na ang kongregasyong Kristiyano ay nanghihimok na magkaroon ng higit kaysa karaniwang pagsisikap sa gawaing pangangaral. Ang mga buwan ng tag-araw, halimbawa, ay angkop na angkop para sa marami, at kung Oktubre ay mayroong karagdagang gawain may kaugnayan sa kampaniya ng pagkuha ng suskripsiyon sa magasin. Kung tungkol sa karagdagang panahon para sa banal na paglilingkod, kumakapit ang simulain na ang pagpapasalamat ay nagbubunga ng bukas-palad na pagbibigay.
18 Ang isa pang espisipikong paraan ay ang pagpapakita ng pagpapasalamat sa pamamagitan ng pagsuporta sa teokratikong programa sa pagtatayo na nagaganap sa buong lupa. Sa maraming lupain, mga bagong Kingdom Hall ang itinatayo, at ang umiiral nang mga bulwagan ay pinalalakihan dahilan sa ito’y siksikan na. Mga bagong Assembly Hall ang itinatayo, at pinalalakihan ang mga Tahanang Bethel at mga pabrika. Anong praktikal na paraan ng pagpapasalamat kay Jehova—ang ating pag-aabuloy ng trabaho o salapi para sa mga proyektong ito ng pagtatayo!
Mainam na Halimbawa ng Maralitang Babaing Balo
19. Ano ang lubhang nakababagbag ng iyong damdamin tungkol sa maralitang babaing balo sa templo?
19 Ang isang kilalang halimbawa sa Bibliya ng pagpapakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng bukas-palad na materyal na pagbibigay ay yaong sa babaing balo na binanggit ni Jesus. (Lucas 21:1-4) Marahil ay natatalos niya na ang kaniyang dalawang barya na may maliit na halaga ay walang gaanong magagawa kung tungkol sa ikatutustos ng templo at niyaong mga naglilingkod doon. Subalit hindi ang tiningnan niya ay ang templo at ang mga saserdote na naglilingkod doon at inisip sa kaniyang sarili: ‘Mas mabuti pa ang buhay nila kaysa akin at mayroon silang isang lalong magandang gusali kaysa aking maralitang tahanan.’ Totoo naman, ang templo ay lalong higit na maluho at maganda. “Iyon ay nagagayakan ng mamahaling mga bato at itinalagang mga bagay.” (Lucas 21:5) Subalit iyon ay hindi nakahadlang sa babaing balo ng pag-aabuloy. Nais niyang ipakitang siya’y mapagpasalamat kay Jehova, hindi doon sa mga taong naglilingkod sa templo.
20. Paano natin maipakikita ang ganoon ding kahanga-hangang saloobin na ipinakita ng sa maralitang babaing balo?
20 Ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon ay natututo sa halimbawang ito. Tulad ng maralitang babaing balo, batid nila na ang kanilang mga abuloy, malaki man o maliit, ay ibinibigay sa Diyos. At sila’y may kasiguruhan ng pagkaalam na ang makalupang organisasyon ni Jehova ay may mahusay na kaayusan na anupa’t walang indibiduwal ang maaaring makinabang sa pananalapi. Ang mga pasilidad ng Samahan ay mahusay ang pagkatayo at ang pagpapaandar upang sangkapan ang bawat masisipag na manggagawa upang makamit ang pinakamainam na resulta sa mataas-na-uring produksiyon ng mga Bibliya at mga lathalaing pantulong sa pag-aaral ng Bibliya at sa pagsisilbi sa mga kapakanan ng Kaharian. Ito ay isang tuwirang kabaligtaran ng iskandalosong paglulustay ng iniabuloy na salapi kamakailan na napaulat may kaugnayan sa mga ilang predikador sa telebisyon.
Kapaki-pakinabang ang mga Tagapagpaalaala sa Pagpapasalamat
21, 22. Upang ipakita nating tayo’y nagpapasalamat, ano ang epekto na ginigising nito sa mga pusong nagpapahalaga?
21 Ang mga Israelita ay nangailangan ng palagiang mga tagapagpaalaala ng kanilang tungkulin kay Jehova, lalo na ang pangangailangan na ipakita ang espiritu ng pagpapasalamat. Sa pangkalahatan, pagka ang mga bagay na ito ay itinawag-pansin sa kanila, sa kanilang mga puso ay muling nabubuhay ang pagkamapagpasalamat, at ang resulta nito ay higit pa kaysa mga salita na nagpapahayag ng kanilang pagpapahalaga. Sila’y kusang nagbibigay ng “buntun-bunton” ng ani kay Jehova upang gamitin sa kaniyang bahay-sambahan.
22 Kaya naman sana yaong mga kabilang sa kasalukuyang-panahong “Israel ng Diyos” at ang “malaking pulutong” ng kanilang mga kasamahan ay laging ganiyan din ang nadarama. (Galacia 6:16; Apocalipsis 7:9) Harinawang ang kanilang nagpapasalamat na mga puso ay magpakilos sa kanila na magbigay ng “buntun-bunton” na mga papuri kay Jehova. Kung magkagayo’y tunay na masasabi nila: “Aming ipinakikitang kami’y mapagpasalamat sa aming bukas-palad at mapagmahal na Diyos, si Jehova.”
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit kailangang ang mga Kristiyano ay palaging magsuri ng kalagayan nila tungkol sa pagpapasalamat?
◻ Bakit ang mga lingkod ni Jehova sa tuwina ay may karagdagang dahilan para magpasalamat?
◻ Sa anong espisipikong mga paraan maipakikita ng mga Israelita ang kanilang pagpapasalamat kay Jehova?
◻ Tulad ng mga Israelita, anong espisipikong mga bagay ang magagawa natin upang magpahayag ng pasasalamat?
◻ Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa maralitang babaing balo sa templo?
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga Israelita ay nagpakita ng pagiging mapagpasalamat sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga ikapu at mga pang-unang bunga at sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga dukha na mamulot sa kanilang mga bukid
[Larawan sa pahina 8]
Ang salmista ay nagpasalamat kay Jehova dahilan sa Kaniyang kagila-gilalas na mga gawa at pag-aalaala sa Kaniyang bayan
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay nagpapakitang sila’y nagpapasalamat sa pamamagitan ng pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan at sa mga teokratikong proyekto ng pagtatayo, gayundin sa pagbibigay ng materyal na mga kaloob