HUDAS
[mula sa Heb., isang anyo ng pangalang Juda].
1. Isang ninuno ni Jesus sa linyang mula kay Natan sa pamamagitan ni Maria. Bilang anak ni Jose at ama ni Symeon, si Hudas ang ikapitong salinlahi mula sa anak ni David na si Natan at sa gayon ay nabuhay bago ang pagkatapon sa Babilonya.—Luc 3:30, 31.
2. Si Hudas na taga-Galilea, na tinukoy ni Gamaliel sa kaniyang pahayag sa Sanedrin. (Gaw 5:37) Noong panahon ng pagpaparehistro na iniuugnay kay Quirinio na gobernador ng Sirya noong 6 C.E., pinangunahan ni Hudas ang isang pag-aalsa ng mga Judio. Binanggit siya ni Josephus nang maraming beses at sinabing kaniyang “sinulsulan ang mga kababayan niya na maghimagsik, anupat tinawag silang mga duwag dahil pumayag silang magbayad ng tributo sa mga Romano at nagpailalim sa mga mortal na amo, gayong ang Diyos ang panginoon nila. Ang lalaking ito ay isang pilosopo na nagtatag ng sarili niyang sekta, na walang anumang pagkakatulad sa iba.” (The Jewish War, II, 118 [viii, 1]) Tinawag ni Josephus si Hudas na isang Gaulanita, na iniuugnay ng ilan sa isang lugar sa S ng Dagat ng Galilea. Ngunit sinabi rin ng istoryador na iyon na si Hudas ay taga-Galilea, gaya ng binanggit ni Gamaliel. (Jewish Antiquities, XVIII, 4 [i, 1]; XVIII, 23 [i, 6]) Idiniin ng mga mapaghimagsik na ito ang kalayaan, ngunit hindi nila iyon natamo. Si Hudas ay ‘nalipol, at ang lahat ng mga sumusunod sa kaniya ay nangalat.’ (Gaw 5:37) Ang ilan sa kaniyang mga inapo ay nasangkot din sa mga pag-aalsa.—The Jewish War, II, 433-440 (xvii, 8); VII, 253 (viii, 1).
3. Isa sa 12 apostol, tinatawag ding Tadeo at “Hudas na anak ni Santiago.” Sa mga talaan ng mga apostol sa Mateo 10:3 at Marcos 3:18, si Santiago na anak ni Alfeo at si Tadeo ay pinag-uugnay. Sa mga talaan naman sa Lucas 6:16 at Gawa 1:13 ay hindi kabilang si Tadeo; sa halip ang masusumpungan natin ay si “Hudas na anak ni Santiago,” anupat umaakay sa konklusyon na ang Tadeo ay isa pang pangalan ng apostol na si Hudas. Maaaring ang isang dahilan kung bakit ginagamit ang pangalang Tadeo paminsan-minsan ay upang hindi mapagpalit ang dalawang apostol na nagngangalang Hudas. Isinasalin ng ilang tagapagsalin ang Lucas 6:16 at Gawa 1:13 na “Hudas na kapatid ni Santiago,” yamang sa Griego ay hindi ibinibigay ang kanilang eksaktong kaugnayan. Ngunit idinaragdag ng Syriac na Peshitta ang salitang “anak.” Dahil dito, maraming makabagong salin ang kababasahan ng “Hudas na anak ni Santiago.” (RS, AT, NW, La) Ang tanging pagtukoy ng Bibliya kay Hudas na walang pagbanggit sa kaugnayan niya sa ibang tao ay sa Juan 14:22. Tinutukoy siya sa talatang ito bilang si “Hudas, hindi ang Iscariote,” sa gayon ay nililinaw kung sino ang Hudas na nagsalita.
Sa Mateo 10:3 ng King James Version, isiningit ang “Lebeo, na ang huling pangalan ay” sa unahan ng “Tadeo.” Ito ay salig sa Received Text, ngunit hindi ito matatagpuan sa teksto nina Westcott at Hort, sapagkat wala ito sa mga manuskrito na gaya ng manuskritong Sinaitic.
4. Si Hudas Iscariote, ang anak ni Simon at ang balakyot na apostol na nagkanulo kay Jesus. Iilang impormasyon ang inilalaan ng Bibliya tungkol sa pamilya at pinagmulan ni Hudas. Siya at ang kaniyang ama ay parehong tinawag na Iscariote. (Luc 6:16; Ju 6:71) Karaniwan nang ipinapalagay na ang terminong ito ay nagpapahiwatig na nagmula sila sa Judeanong bayan ng Keriot-hezron. Kung totoo ito, si Hudas lamang ang Judeano sa 12 apostol, anupat ang iba ay pawang mga taga-Galilea.
Ang unang pagbanggit kay Hudas sa talaan ng mga apostol sa Ebanghelyo ay pagkaraan ng Paskuwa ng 31 C.E. at mga isang taon at kalahati matapos simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo. (Mar 3:19; Luc 6:16) Makatuwirang isipin na si Hudas ay matagal-tagal nang alagad bago siya tinawag ni Jesus upang maging apostol. Inilalarawan ng maraming manunulat si Hudas bilang lubos na masama, ngunit maliwanag na mahaba-habang panahon din siyang naging alagad na may pagsang-ayon ng Diyos at ni Jesus; ipinahihiwatig iyan ng mismong pagkapili sa kaniya bilang apostol. Karagdagan pa, ipinagkatiwala sa kaniya ang pag-iingat sa pinagsama-samang salapi ni Jesus at ng 12. Ipinakikita nito ang pagiging maaasahan niya noon at ang kaniyang kakayahan o edukasyon, lalo na yamang hindi ibinigay kay Mateo ang atas na iyon kahit makaranasan din ito sa paghawak ng salapi at pagkukuwenta. (Ju 12:6; Mat 10:3) Gayunpaman, si Hudas ay talagang lubos na nagpakasama anupat hindi na mapatatawad. Walang alinlangang ito ang dahilan kung bakit siya ang huling binabanggit sa talaan ng mga apostol at inilalarawan bilang ang Hudas “na nang maglaon ay nagkanulo sa kaniya” at “na naging traidor.”—Mat 10:4; Luc 6:16.
Nagpakasama. Nang malapit na ang Paskuwa ng 32 C.E., si Hudas at ang iba pang mga apostol ay isinugo upang mangaral. (Mat 10:1, 4, 5) Di-nagtagal pagkabalik ni Hudas, at wala pang isang taon pagkatapos na gawin siyang apostol, hayagan siyang tinuligsa ni Kristo, bagaman hindi siya tinukoy sa pangalan. Iniwan si Jesus ng ilang alagad, palibhasa’y nangilabot sa kaniyang mga turo, ngunit sinabi ni Pedro na ang 12 ay mananatili kay Kristo. Bilang tugon ay kinilala ni Jesus na pinili niya ang 12 ngunit sinabi: “Ang isa sa inyo ay isang maninirang-puri [sa Gr., di·aʹbo·los, nangangahulugang “diyablo” o “maninirang-puri”].” Ipinaliliwanag ng ulat na ang isa na naging maninirang-puri ay si Hudas, na ‘magkakanulo sa kaniya, bagaman isa sa labindalawa.’—Ju 6:66-71.
May kaugnayan sa insidenteng ito ay sinabi ni Juan: “Mula sa pasimula ay alam ni Jesus . . . kung sino ang magkakanulo sa kaniya.” (Ju 6:64) Mula sa mga hula sa Hebreong Kasulatan ay alam ni Kristo na ipagkakanulo siya ng isang matalik na kasamahan. (Aw 41:9; 109:8; Ju 13:18, 19) Nakita rin ng Diyos, sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang patiunang kaalaman, na magiging traidor ang isang iyon, ngunit hindi kaayon ng mga katangian at nakalipas na mga pakikitungo ng Diyos na isiping si Hudas ay kailangang mabigo, na para bang siya ay itinadhanang magkagayon. (Tingnan ang PATIUNANG KAALAMAN, PATIUNANG PAGTATALAGA.) Sa halip, gaya ng nabanggit na, sa pasimula ng kaniyang pagka-apostol ay tapat si Hudas sa Diyos at kay Jesus. Sa gayon, malamang na ang ibig sabihin ni Juan ay na “mula sa pasimula” ng pagpapakasama ni Hudas, nang magsimula siyang magbigay-daan sa di-kasakdalan at makasalanang mga hilig, natalos na ito ni Jesus. (Ju 2:24, 25; Apo 1:1; 2:23) Malamang na alam ni Hudas na siya ang “maninirang-puri” na binanggit ni Jesus, ngunit patuloy siyang naglakbay na kasama ni Jesus at ng tapat na mga apostol at lumilitaw na hindi gumawa ng anumang pagbabago.
Hindi tinatalakay ng Bibliya nang detalyado ang mga motibo ng kaniyang masamang landasin, ngunit isang insidente na nangyari noong Nisan 9, 33 C.E., limang araw bago mamatay si Jesus, ang nagbibigay-liwanag sa bagay na ito. Sa Betania sa bahay ni Simon na ketongin, si Jesus ay pinahiran ni Maria, na kapatid ni Lazaro, ng mabangong langis na nagkakahalaga ng 300 denario, mga isang-taóng kabayaran ng isang trabahador. (Mat 20:2) Mariing tumutol si Hudas na ang langis ay naipagbili sana at ang salapi ay “ibinigay sa mga taong dukha.” Lumilitaw na sumang-ayon lamang ang ibang mga apostol sa isang waring makatuwirang punto, ngunit sinaway sila ni Jesus. Ang tunay na dahilan ng pagtutol ni Hudas ay na siya ang nag-iingat sa kahon ng salapi at siya ay “isang magnanakaw . . . at dati na niyang kinukuha ang mga salaping” inilalagay sa kahon. Kaya si Hudas ay isang taong sakim at talagang magnanakaw.—Ju 12:2-7; Mat 26:6-12; Mar 14:3-8.
Halaga Para sa Pagkakanulo. Walang alinlangang nasaktan si Hudas sa pagsaway ni Jesus tungkol sa paggamit ng salapi. Sa pagkakataong ito ay “pumasok si Satanas kay Hudas,” malamang na sa diwa na nagpatangay sa kalooban ng Diyablo ang traidor na apostol, anupat pinahintulutang kasangkapanin siya ni Satanas upang isagawa ang pakana nito na patigilin si Kristo. Pagkaraan ng ilang araw, noong Nisan 12, pumaroon si Hudas sa mga punong saserdote at mga kapitan ng templo upang malaman kung magkano ang ibabayad nila sa kaniya upang ipagkanulo si Jesus, anupat muling ipinakita ang pagkagahaman niya. (Mat 26:14-16; Mar 14:10, 11; Luc 22:3-6; Ju 13:2) Nang araw na iyon, ang mga punong saserdote ay nagtipong kasama ng “matatandang lalaki ng bayan,” ang maimpluwensiyang mga lalaki ng Sanedrin. (Mat 26:3) Maaaring isinama ang mga kapitan ng templo dahil sa kanilang impluwensiya at upang magtinging legal ang anumang isinaplanong pag-aresto kay Jesus.
Bakit 30 pirasong pilak lamang ang inialok ng mga Judiong lider ng relihiyon para sa pagkakanulo kay Jesus?
Tatlumpung pirasong pilak ($66, kung siklo) ang halagang inialok. (Mat 26:14, 15) Ang halagang itinakda ng mga lider ng relihiyon ay waring sinadya upang ipakita ang paghamak nila kay Jesus, anupat itinuring na wala siyang gaanong halaga. Ayon sa Exodo 21:32, ang isang alipin ay nagkakahalaga ng 30 siklo. Karagdagan pa rito, para sa gawain ni Zacarias bilang pastol ng bayan, “tatlumpung pirasong pilak” ang ibinayad sa kaniya. Nilibak ni Jehova ang halagang ito bilang napakaliit, anupat itinuring ang kabayarang ibinigay kay Zacarias bilang ang halagang itinutumbas sa Kaniya ng walang-pananampalatayang bayang iyon. (Zac 11:12, 13) Dahil dito, sa pag-aalok ng 30 pirasong pilak lamang para kay Jesus, pinalitaw ng mga lider ng relihiyon na wala siyang gaanong halaga. Ngunit kasabay nito, tinupad nila ang Zacarias 11:12, anupat itinuring na walang gaanong halaga si Jehova nang gawin nila ito sa kinatawang isinugo niya upang magpastol sa Israel. Ang nagpakasamang si Hudas ay ‘sumang-ayon [sa halaga], at nagsimula siyang humanap ng mabuting pagkakataon upang ipagkanulo [si Jesus] sa kanila habang walang pulutong sa paligid.’—Luc 22:6.
Huling Gabi Kasama ni Jesus. Sa kabila ng pagpapakana laban kay Kristo, si Hudas ay patuloy na nakisama sa kaniya. Nakipagtipon siya kay Jesus at sa mga apostol noong Nisan 14, 33 C.E., para sa pagdiriwang ng Paskuwa. Habang idinaraos ang hapunan ng Paskuwa, pinaglingkuran ni Jesus ang mga apostol at mapagpakumbabang hinugasan ang kanilang mga paa. Hinayaan ng mapagpaimbabaw na si Hudas na gawin iyon ni Jesus sa kaniya. Ngunit sinabi ni Jesus, “Hindi lahat sa inyo ay malinis.” (Ju 13:2-5, 11) Sinabi rin niya na isa sa mga apostol na naroon sa mesa ang magkakanulo sa kaniya. Marahil upang huwag mahalata na may ginagawa siyang kasalanan, itinanong ni Hudas kung siya ba ang tinutukoy. Bilang karagdagang pahiwatig, binigyan ni Jesus si Hudas ng isang putol ng pagkain at sinabi sa kaniya na gawin nang madali anuman ang ginagawa niya.—Mat 26:21-25; Mar 14:18-21; Luc 22:21-23; Ju 13:21-30.
Kaagad na iniwan ni Hudas ang grupo. Ipinakikita ng paghahambing ng Mateo 26:20-29 at Juan 13:21-30 na lumisan siya bago pasinayaan ni Jesus ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon. Maliwanag na ang paghaharap ni Lucas sa insidenteng ito ay hindi ayon sa eksaktong pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, sapagkat tiyak na nakaalis na si Hudas nang papurihan ni Kristo ang grupo dahil sa pananatiling kasama niya; hindi kabilang doon si Hudas, ni kabilang man siya sa ‘tipan . . . ukol sa isang kaharian.’—Luc 22:19-30.
Nang maglaon ay nasumpungan ni Hudas si Jesus kasama ang tapat na mga apostol sa hardin ng Getsemani, isang dako na alam na alam ng tagapagkanulo, sapagkat dati na silang nagtatagpo roon. Pinangungunahan niya noon ang isang malaking pulutong, kabilang na ang mga kawal na Romano at isang kumandante ng militar. Ang mga mang-uumog ay may mga pamalo at mga tabak bukod pa sa mga sulo at mga lampara, na kakailanganin nila kung natatakpan ng ulap ang buwan o kung nasa dilim si Jesus. Malamang na hindi makikilala ng mga Romano si Jesus, kaya, ayon sa isang pinagkasunduang tanda, binati ni Hudas si Kristo at paimbabaw na “hinalikan siya nang napakagiliw,” sa gayon ay ipinakilala siya. (Mat 26:47-49; Ju 18:2-12) Nang maglaon ay nadama ni Hudas ang bigat ng kaniyang pagkakasala. Kinaumagahan ay tinangka niyang ibalik ang 30 pirasong pilak, ngunit tinanggihan iyon ng mga punong saserdote. Nang dakong huli, inihagis ni Hudas ang salapi sa templo.—Mat 27:1-5.
Kamatayan. Ayon sa Mateo 27:5, si Hudas ay nagbigti. Ngunit ang Gawa 1:18 ay nagsasabing, “nang bumagsak siya nang patiwarik ay maingay na sumambulat ang kaniyang pinakaloob at ang lahat ng kaniyang bituka ay lumuwa.” Waring ang tinatalakay ni Mateo ay ang paraan ng tinangkang pagpapatiwakal, samantalang ang inilalarawan naman ng Mga Gawa ay ang resulta. Kung pag-uugnayin ang dalawang ulat, waring tinangka ni Hudas na magbigti sa itaas ng isang bangin, ngunit naputol ang lubid o ang sanga ng punungkahoy anupat bumagsak siya at sumambulat ang kaniyang mga bituka sa mga bato sa ibaba. Posible ang gayong pangyayari kung isasaalang-alang ang topograpiya sa palibot ng Jerusalem.
Hinggil din sa kaniyang kamatayan, maitatanong natin kung sino ang bumili ng libingang parang sa pamamagitan ng 30 pirasong pilak. Ayon sa Mateo 27:6, 7, ipinasiya ng mga punong saserdote na hindi nila mailalagay ang salapi sa sagradong ingatang-yaman kaya ginamit nila iyon upang bilhin ang parang. Ang ulat sa Gawa 1:18, 19, na tumutukoy kay Hudas, ay nagsasabi: “Ang taong ito mismo, sa gayon, ay bumili ng isang parang sa pamamagitan ng kabayaran para sa kalikuan.” Maaaring ang mga saserdote ang bumili ng parang, ngunit yamang nanggaling kay Hudas ang salapi, maituturing na siya ang nagsagawa nito. Itinawag-pansin ni Dr. A. Edersheim: “Hindi kaayon ng kautusan na dalhin sa ingatang-yaman ng Templo, upang ipambili ng mga sagradong bagay, ang salapi na natamo sa masamang paraan. Sa gayong mga kaso, itinatakda ng Kautusang Judio na ang salapi ay dapat isauli sa nag-abuloy, at, kung ipipilit niyang ibigay iyon, dapat siyang hikayatin na gugulin iyon sa isang bagay na para sa kapakanan [kabutihan] ng bayan. . . . Kung ibabatay sa kautusan, maituturing na ang salapi ay kay Hudas pa rin, at magagamit niya sa pagbili ng kilaláng ‘parang ng magpapalayok.’” (The Life and Times of Jesus the Messiah, 1906, Tomo II, p. 575) Ang pagbiling iyon ang nagsilbing katuparan ng hula sa Zacarias 11:13.
Sinadya ni Hudas ang pagpili sa landasing tinahak niya, na nagsasangkot ng mapaminsalang saloobin, kasakiman, pagmamapuri, pagpapaimbabaw, at pagpapakana. Pagkatapos ay nakadama siya ng matinding dalamhati dahil sa bigat ng kaniyang pagkakasala, gaya ng maaaring madama ng isang mamamaslang bilang resulta ng krimen na sinadya niyang gawin. Gayunman, sinadya ni Hudas na makipagsabuwatan sa mga taong sinabi ni Jesus na gumawa ng mga proselita na mapapahanay sa Gehenna nang makalawang ulit pa kaysa sa kanilang sarili, na mga nararapat din sa “kahatulan ng Gehenna.” (Mat 23:15, 33) Noong huling gabi ng kaniyang buhay sa lupa, sinabi ni Jesus mismo, na sa katunayan ay tungkol kay Hudas: “Mas mainam pa sana sa taong iyon kung siya ay hindi na ipinanganak.” Nang maglaon, ang itinawag ni Kristo sa kaniya ay “anak ng pagkapuksa.”—Mar 14:21; Ju 17:12; Heb 10:26-29.
Ang Kaniyang Kapalit. Sa pagitan ng pag-akyat ni Jesus sa langit at ng araw ng Pentecostes 33 C.E., si Pedro, bilang pagkakapit sa hula ng Awit 109:8, ay nagpaliwanag sa mga 120 nagkakatipong alagad na waring angkop na pumili ng kapalit ni Hudas. Dalawang kandidato ang iminungkahi at ang mga ito ay pinagpalabunutan, anupat si Matias ang napili “upang tumanggap ng dako ng ministeryo at pagka-apostol na ito, na nilihisan ni Hudas upang magtungo sa kaniyang sariling dako.”—Gaw 1:15, 16, 20-26.
5. Isa sa apat na lalaking kapatid sa ina ni Jesus. (Mat 13:55; Mar 6:3) Lumilitaw na kasama si Hudas ng kaniyang tatlong kapatid na lalaki at ng kaniyang inang si Maria noong maagang bahagi ng ministeryo ni Jesus nang gumawa ng himala si Jesus sa Cana, at nang maglaon ay naglakbay siyang kasama ni Jesus at ng mga alagad nito patungong Capernaum para manatili roon nang sandaling panahon. (Ju 2:1-12) Pagkaraan ng mahigit isang taon, lumilitaw na sinamahan niya si Maria at ang kaniyang mga kapatid nang hanapin ng mga ito si Jesus. (Mat 12:46) Gayunpaman, noong 32 C.E., ang mga kapatid ni Jesus, kabilang na si Hudas, ay “hindi nananampalataya sa kaniya.” (Ju 7:5) Nang malapit na siyang mamatay, ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang nananampalatayang ina sa pangangalaga ng apostol na si Juan, na malinaw na nagpapahiwatig na si Hudas at ang kaniyang mga kapatid ay hindi pa mga alagad noon. (Ju 19:26, 27) Gayunman, maaaring ang pagkabuhay-muli ni Kristo ang nakakumbinsi kay Hudas sapagkat kasama siya ng mga apostol at ng iba pa na nagtipon at nagpatuloy sa pananalangin sa pagitan ng panahon ng pag-akyat ni Jesus sa langit at ng araw ng Pentecostes 33 C.E. (Gaw 1:13-15) Kung gayon, makatuwirang sabihin na kabilang si Hudas sa mga mananampalataya na unang tumanggap ng banal na espiritu. Lumilitaw na si Hudas din mismo ang Judas na sumulat ng aklat ng Bibliya na may gayong pangalan noong mga 65 C.E.—Tingnan ang JUDAS.
6. Isang lalaking taga-Damasco na ang tahanan ay nasa lansangang tinatawag na Tuwid. Samantalang bulag si Saul (Pablo) pagkatapos siyang makumberte, nanirahan siya sa tahanan ni Hudas, at doon isinugo si Ananias upang ipatong ang mga kamay nito kay Saul. (Gaw 9:11, 17) Hindi sinasabi ng ulat kung si Hudas ay isang alagad noong panahong iyon, ngunit waring malayong mangyari ito yamang si Ananias at ang iba pang mga alagad ay nag-atubiling lumapit kay Saul dahil sa reputasyon nito bilang mang-uusig, gayunma’y tinanggap ni Hudas si Saul sa kaniyang tahanan.—Gaw 9:13, 14, 26.
7. Si Hudas, na tinatawag ding Barsabas, ay isa sa dalawang alagad na isinugo ng lupong tagapamahala sa Jerusalem upang sumama kina Pablo at Bernabe nang ihatid ng mga ito ang liham tungkol sa pagtutuli (mga 49 C.E.). Si Hudas at ang kaniyang kasamahang si Silas ay itinuring na “mga lalaking nangunguna sa gitna ng mga kapatid.” (Gaw 15:22) Ang liham ay para “sa mga kapatid sa Antioquia at Sirya at Cilicia.” Binanggit lamang na sina Hudas at Silas ay nasa Antioquia, at walang ulat na nakarating sila sa mas malayo pa. Pagtitibayin nila nang bibigan ang mensahe sa liham. Si Hudas ay ‘propeta,’ at bilang isang dumadalaw na tagapagsalita ay nagbigay siya ng maraming diskurso sa mga kapatid sa Antioquia, anupat pinatibay-loob at pinalakas sila.—Gaw 15:22, 23, 27, 30-32.
Ipinakikita ng Gawa 15:33 na sina Hudas at Silas ay bumalik sa Jerusalem pagkatapos nilang ‘magpalipas ng kaunting panahon’ kasama ng mga Kristiyano sa Antioquia. Ang ilang manuskrito (gaya ng Codex Ephraemi, Codex Bezae) ay may talata 34, na bagaman gumagamit ng iba-ibang pananalita ay nagsasaad: “Ngunit minabuti ni Silas na manatili pa roon; gayunman si Hudas lamang ang lumisan patungong Jerusalem.” Ang talatang ito ay wala sa mas matatandang manuskrito na mapananaligan (Sinaitic, Alexandrine, Vatican MS. No. 1209). Malamang na ito ay isang panggilid na nota na nilayong magpaliwanag sa talata 40, at nang maglaon ay naisingit sa mismong teksto.
Ipinapalagay ng ilang komentarista na si Hudas na tinatawag na Barsabas ay kapatid ni “Jose na tinatawag na Barsabas,” isang alagad na iminungkahing ipalit kay Hudas Iscariote. (Gaw 1:23) Ngunit walang katibayang sumusuporta rito, maliban lamang sa pagkakatulad ng kanilang pangalan. Si Hudas ay hindi na muling binanggit sa Bibliya pagkabalik niya sa Jerusalem.