Tularan ang Lakas ng Loob at Kaunawaan ni Jesus
“Bagaman hindi ninyo siya nakita, iniibig ninyo siya. Bagaman hindi ninyo siya nakikita sa kasalukuyan, gayunma’y nananampalataya kayo sa kaniya.”—1 PED. 1:8.
1, 2. (a) Paano natin maihahanay ang ating sarili sa kaligtasan? (b) Ano ang makatutulong sa atin na manatili sa paglalakbay patungo sa kaligtasan?
NANG maging Kristiyano tayo, sinimulan natin ang isang paglalakbay. Ang paglalakbay na iyon ay maaaring umakay sa atin sa buhay, sa langit man o sa lupa. Sinabi ni Jesus: “Siya na nakapagbata hanggang sa wakas [ng buhay man niya o ng masamang sanlibutang ito] ang siyang maliligtas.” (Mat. 24:13) Oo, kung mananatili tayong tapat sa Diyos “hanggang sa wakas,” maihahanay natin ang ating sarili sa kaligtasan. Pero habang naglalakbay, dapat tayong mag-ingat na hindi magambala o maligaw. (1 Juan 2:15-17) Paano tayo makapananatili sa ating paglalakbay?
2 Nag-iwan si Jesus ng magandang halimbawa para sa atin. Ang kaniyang paglalakbay, o paraan ng pamumuhay, ay nakaulat sa Bibliya. Kung pag-aaralan natin ang ulat na iyon, makikilala natin si Jesus. Sa gayo’y mamahalin natin siya at mananampalataya tayo sa kaniya. (Basahin ang 1 Pedro 1:8, 9.) Matatandaan nating sinabi ni apostol Pedro na nag-iwan si Jesus ng huwaran upang maingat nating sundan ang kaniyang mga yapak. (1 Ped. 2:21) Kung maingat nating tutularan si Jesus, maaabot natin ang “tunguhin” ng ating pananampalataya—kaligtasan.a Sa naunang artikulo, tinalakay natin kung paano natin matutularan ang kapakumbabaan at pagkamagiliw ni Jesus. Suriin naman natin ngayon kung paano natin matutularan ang kaniyang lakas ng loob at kaunawaan.
MAY LAKAS NG LOOB SI JESUS
3. Ano ang lakas ng loob? Paano tayo magkakaroon nito?
3 Ang lakas ng loob ay isang damdamin na maaaring magpatatag sa atin. Inilalarawan din ito bilang “pagbabata sa mahihirap na kalagayan,” “paninindigan sa kung ano ang tama,” at “pagharap sa mga pagdurusa nang may dignidad o pananampalataya.” Ang lakas ng loob ay nauugnay rin sa takot, pag-asa, at pag-ibig. Paano? Ang makadiyos na takot ay nagbibigay sa atin ng lakas ng loob para madaig ang takot sa tao. (1 Sam. 11:7; Kaw. 29:25) Ang tunay na pag-asa ay tumutulong sa atin na magpokus sa hinaharap at hindi sa mga pagsubok. (Awit 27:14) Ang mapagsakripisyong pag-ibig ay nag-uudyok sa atin na magpakita ng lakas ng loob kahit manganib ang buhay natin. (Juan 15:13) Magkakaroon tayo ng lakas ng loob kung magtitiwala tayo sa Diyos at susundan ang mga yapak ng Anak niya.—Awit 28:7.
4. Paano nagpakita ng lakas ng loob si Jesus “sa gitna ng mga guro” sa templo? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
4 Kahit 12-anyos pa lang si Jesus, lakas-loob na siyang nanindigan sa kung ano ang tama. Tingnan ang nangyari noong siya ay nasa templo habang “nakaupo sa gitna ng mga guro.” (Basahin ang Lucas 2:41-47.) Ang mga gurong iyon ay bihasa hindi lang sa Kautusang Mosaiko kundi pati na sa mga gawang-taong tradisyon na nagpapahirap sa mga tao na sundin ang Kautusan. Pero hindi nila siya nagawang patahimikin; si Jesus ay patuloy na ‘nagtanong sa kanila.’ Tiyak na hindi simpleng mga tanong lang ng isang mausisang bata ang ibinangon niya. Nakikini-kinita natin si Jesus na nagbabangon ng malalalim na tanong na kumuha ng atensiyon at nagpaisip sa mga gurong iyon. At kung tinangka man nilang dayain si Jesus ng kanilang kontrobersiyal na mga tanong, sila ay nabigo. Oo, ang lahat ng nakikinig—pati na ang mga guro—‘ay namangha sa kaniyang unawa at mga sagot’—mga sagot na talagang nagpatunay sa katotohanan ng Salita ng Diyos!
5. Sa anong mga paraan ipinakita ni Jesus ang lakas ng loob sa kaniyang ministeryo?
5 Sa kaniyang ministeryo, ipinakita ni Jesus ang lakas ng loob sa iba’t ibang paraan. May-katapangan niyang inilantad na inililigaw ng mga relihiyosong lider ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga maling turo. (Mat. 23:13-36) Nanindigan siya laban sa masamang impluwensiya ng sanlibutan. (Juan 16:33) Patuloy siyang nangaral kahit may mga sumasalansang sa kaniya. (Juan 5:15-18; 7:14) Dalawang beses niyang nilinis ang templo at walang-takot na pinalayas mula roon ang mga nagpaparumi sa tunay na pagsamba.—Mat. 21:12, 13; Juan 2:14-17.
6. Paano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob noong huling araw ng buhay niya sa lupa?
6 Tingnan natin ang ipinakitang lakas ng loob ni Jesus noong huling araw ng buhay niya sa lupa. Alam niya ang sunod-sunod na mangyayari kapag ipinagkanulo siya ni Judas. Pero noong hapunan ng Paskuwa, sinabi ni Jesus kay Judas: “Anuman ang iyong ginagawa ay gawin mo nang lalong madali.” (Juan 13:21-27) Sa hardin ng Getsemani, walang-takot na nagpakilala si Jesus sa mga sundalong dumating para dakpin siya. Kahit nga nasa panganib na ang buhay niya, ipinagtanggol pa rin niya ang kaniyang mga alagad. (Juan 18:1-8) Noong tinatanong siya sa harap ng Sanedrin, buong-tapang niyang sinabi na siya ang Kristo at ang Anak ng Diyos, kahit pa alam niyang naghahanap lang ng dahilan ang mataas na saserdote para maipapatay siya. (Mar. 14:60-65) Nanatiling tapat si Jesus hanggang sa mamatay sa pahirapang tulos. Bago siya malagutan ng hininga, sumigaw siya: “Naganap na!”—Juan 19:28-30.
TULARAN ANG LAKAS NG LOOB NI JESUS
7. Mga kabataan, ano ang nadarama ninyo sa pagiging isang Saksi ni Jehova? Paano ninyo mapatutunayan na taglay ninyo ang lakas ng loob?
7 Paano natin matutularan ang lakas ng loob ni Jesus? Sa paaralan. Mga kabataan, pinatutunayan ninyong may lakas kayo ng loob kung ipinakikilala ninyo na kayo’y isang Saksi ni Jehova, kahit pa tuksuhin kayo ng inyong mga kaeskuwela o ng iba. Sa gayo’y ipinakikita ninyo na ipinagmamalaki ninyong taglayin ang pangalan ni Jehova. (Basahin ang Awit 86:12.) Baka pilitin kayong maniwala sa ebolusyon. Pero may matibay kayong dahilan para magtiwalang totoo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglalang. Magagamit ninyo ang brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking para makapagbigay ng nakakukumbinsing sagot sa mga humihingi ng “katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo.” (1 Ped. 3:15) Sa gayo’y masisiyahan kayo dahil alam ninyong naipagtanggol ninyo ang katotohanan ng Salita ng Diyos.
8. Bakit tayo makapangangaral nang may katapangan?
8 Sa ating ministeryo. Bilang mga tunay na Kristiyano, kailangan tayong patuloy na “[magsalita] nang may katapangan sa pamamagitan ng awtoridad ni Jehova.” (Gawa 14:3) Bakit tayo makapangangaral nang may katapangan, o lakas ng loob? Alam nating ang ipinangangaral natin ay katotohanan dahil batay ito sa Bibliya. (Juan 17:17) Kinikilala natin na “[tayo] ay mga kamanggagawa ng Diyos” at na tinutulungan tayo ng banal na espiritu. (1 Cor. 3:9; Gawa 4:31) Alam natin na kapag masigasig tayo sa pangangaral, naipakikita natin ang ating debosyon kay Jehova at ang pag-ibig sa kapuwa natin. (Mat. 22:37-39) Dahil sa taglay nating lakas ng loob, hindi tayo mapatatahimik. Sa halip, determinado tayong ilantad ang relihiyosong mga kasinungalingan na bumubulag sa mga tao sa katotohanan. (2 Cor. 4:4) At magpapatuloy tayo sa pangangaral ng mabuting balita sa kabila ng kawalang-interes ng mga tao, panunuya, o pagsalansang.—1 Tes. 2:1, 2.
9. Paano tayo makapagpapakita ng lakas ng loob sa panahon ng pagdurusa?
9 Sa panahon ng pagdurusa. Ang pagtitiwala sa Diyos ay nagbibigay sa atin ng pananampalataya at lakas ng loob para maharap ang mga problema. Kapag namatayan tayo ng mahal sa buhay, nagdadalamhati tayo, pero hindi tayo nawawalan ng pag-asa. Nagtitiwala tayong palalakasin tayo ng “Diyos ng buong kaaliwan.” (2 Cor. 1:3, 4; 1 Tes. 4:13) Kapag dumaranas tayo ng matinding pagkakasakit o pagkapinsala, nahihirapan tayo, pero hindi tayo nakikipagkompromiso. Tinatanggihan natin ang anumang uri ng paggamot na salungat sa simulain ng Bibliya. (Gawa 15:28, 29) Kapag nadedepres tayo, “hinahatulan [tayo] ng ating mga puso,” pero dahil nagtitiwala tayo sa Diyos na “malapit sa mga wasak ang puso,” hindi tayo sumusuko.b—1 Juan 3:19, 20; Awit 34:18.
MAY KAUNAWAAN SI JESUS
10. Ano ang kaunawaan? Paano nagsasalita at kumikilos ang isang Kristiyanong may kaunawaan?
10 Ang kaunawaan ay ang kakayahang makilala ang tama sa mali at pagkatapos ay pinipiling gawin kung ano ang tama. (Heb. 5:14) Binibigyang-kahulugan ito bilang “ang kakayahang gumawa ng tamang desisyon pagdating sa espirituwal na mga bagay.” Ang isang Kristiyanong may kaunawaan ay nagsasalita at kumikilos sa paraang nakalulugod sa Diyos. Hindi siya gumagamit ng mga salitang nakasasakit sa iba. (Kaw. 11:12, 13) Siya ay “mabagal sa pagkagalit.” (Kaw. 14:29) Siya ay “yumayaong deretso sa unahan,” ibig sabihin, gumagawa siya ng tamang mga pasiya sa kaniyang buhay. (Kaw. 15:21) Paano tayo magkakaroon ng kaunawaan? Dapat nating pag-aralan ang Salita ng Diyos at sundin ang mga natututuhan natin. (Kaw. 2:1-5, 10, 11) Malaking tulong kung pag-aaralan natin ang halimbawa ni Jesus, ang taong walang katulad ang kaunawaan.
11. Paano ipinakita ni Jesus ang kaunawaan sa kaniyang pananalita?
11 Sa kaniyang pananalita at pagkilos, ipinakita ni Jesus ang kaunawaan. Sa pananalita niya. Sa pangangaral niya ng mabuting balita, gumamit si Jesus ng “kaakit-akit na mga salitang” ikinamangha ng kaniyang mga tagapakinig. (Luc. 4:22; Mat. 7:28) Madalas niyang basahin o sipiin ang Salita ng Diyos. Alam niya kung anong mga kasulatan ang angkop na gamitin sa bawat sitwasyon. (Mat. 4:4, 7, 10; 12:1-5; Luc. 4:16-21) Ipinaliwanag din niya ang Kasulatan sa paraang nakaaantig sa puso ng kaniyang mga tagapakinig. Matapos buhaying muli, nakipag-usap si Jesus sa dalawa niyang alagad habang naglalakbay ang mga ito papuntang Emaus, at “binigyang-kahulugan niya sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa kaniyang sarili sa lahat ng Kasulatan.” Nang dakong huli, sinabi ng mga alagad: “Hindi ba nagniningas ang ating mga puso habang nagsasalita siya sa atin . . . habang lubusan niyang binubuksan ang Kasulatan sa atin?”—Luc. 24:27, 32.
12, 13. Anong mga halimbawa ang nagpapakitang si Jesus ay mabagal sa pagkagalit at makatuwiran?
12 Sa emosyon at saloobin niya. Nakatulong kay Jesus ang kaunawaan para makontrol ang kaniyang emosyon, kaya siya ay naging “mabagal sa pagkagalit.” (Kaw. 16:32) Siya ay “mahinahong-loob.” (Mat. 11:29) Lagi siyang matiisin sa kaniyang mga alagad sa kabila ng kanilang mga kahinaan. (Mar. 14:34-38; Luc. 22:24-27) Nanatili siyang mahinahon kahit na pinagmalupitan siya.—1 Ped. 2:23.
13 Nakatulong din sa saloobin ni Jesus ang kaunawaan, kaya siya ay naging makatuwiran. Nauunawaan niya ang diwa ng Kautusang Mosaiko, na nakaapekto sa pakikitungo niya sa mga tao. Halimbawa, tingnan ang ulat sa Marcos 5:25-34. (Basahin.) Isang babaeng inaagasan ng dugo ang nakipagsiksikan sa maraming tao, hinipo ang kasuutan ni Jesus, at gumaling. Marumi siya ayon sa Kautusan, kaya hindi siya dapat humipo kahit kanino. (Lev. 15:25-27) Pero dahil nauunawaan ni Jesus na kasama sa “mas mabibigat na bagay ng Kautusan” ang “awa at katapatan,” hindi niya pinagalitan ang babae nang hipuin siya nito. (Mat. 23:23) Sa halip, mabait niyang sinabi: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Yumaon kang payapa, at magkaroon ka ng mabuting kalusugan mula sa iyong nakapipighating sakit.” Dahil sa kaunawaan, nakapagpakita si Jesus ng kabaitan. Isa ngang napakagandang halimbawa!
14. Ano ang piniling gawin ni Jesus? Paano siya nanatiling nakapokus sa gawaing iyon?
14 Sa paraan ng pamumuhay niya. Nagpakita si Jesus ng kaunawaan sa paraan ng paggamit niya ng kaniyang buhay. Pinili niyang gugulin ang buhay niya sa pangangaral ng mabuting balita. (Luc. 4:43) Gumawa rin si Jesus ng mga desisyong tumulong sa kaniya na manatiling nakapokus sa gawain at matapos iyon. Pinanatili niyang simple ang buhay niya para magamit ang kaniyang panahon at lakas sa ministeryo. (Luc. 9:58) Nakita niya na kailangan niyang sanayin ang iba para maipagpatuloy ang gawain pagkamatay niya. (Luc. 10:1-12; Juan 14:12) Ipinangako niya sa kaniyang mga tagasunod na tutulungan niya sila sa ministeryo “hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mat. 28:19, 20.
TULARAN ANG KAUNAWAAN NI JESUS
15. Paano natin maipakikita ang kaunawaan sa ating pananalita?
15 Tingnan ang isa pang paraan kung paano natin matutularan si Jesus. Sa pananalita natin. Sa pakikipag-usap sa ating mga kapananampalataya, gumagamit tayo ng mga salitang nakapagpapatibay sa halip na nakasisira ng loob. (Efe. 4:29) Kapag ipinakikipag-usap natin sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, ‘tinitimplahan natin ng asin’ ang ating pananalita. (Col. 4:6) Sinisikap nating malaman kung ano ang pangangailangan ng mga tao at kung saan sila interesado, at saka tayo pumipili ng mga salitang angkop sa kanila. Kung may kagandahang-loob ang ating pananalita, baka makinig sila sa atin at maantig ng ating mensahe ang kanilang puso. Bukod diyan, kapag ipinaliliwanag natin ang ating mga paniniwala, binabasa natin ang Bibliya hangga’t posible dahil dito nakasalig ang ating itinuturo. Kinikilala nating ang mensahe ng Bibliya ay di-hamak na mas mapuwersa kaysa sa anumang masasabi natin.—Heb. 4:12.
16, 17. (a) Paano natin maipakikita na tayo ay mabagal sa pagkapoot at makatuwiran? (b) Paano tayo mananatiling nakapokus sa ating ministeryo?
16 Sa emosyon at saloobin natin. Ang kaunawaan ay tumutulong sa atin na makontrol ang ating emosyon, sa gayo’y nagiging “mabagal [tayo] sa pagkapoot.” (Sant. 1:19) Kapag nasaktan tayo ng iba, sinisikap nating unawain kung bakit nila nasabi o nagawa ang isang bagay. Makapagpapahupa ito ng ating galit at tutulong sa atin na “palampasin ang pagsalansang.” (Kaw. 19:11) Tumutulong din ang kaunawaan na maging makatuwiran tayo. Kaya sinisikap nating maging makatotohanan sa inaasahan natin sa ating mga kapananampalataya at isinasaisip na baka may pinagdaraanan sila na hindi natin alam. Handa tayong makinig sa kanila at kung posible, tanggapin ang opinyon nila.—Fil. 4:5.
17 Sa paraan ng pamumuhay natin. Bilang mga tagasunod ni Jesus, alam nating napakalaking pribilehiyo ang makibahagi sa pangangaral ng mabuting balita. Kaya gumagawa tayo ng mga desisyong tutulong sa atin na manatiling nakapokus sa ating ministeryo. Pinipili nating unahin ang espirituwal na mga bagay. Pinananatili nating simple ang buhay natin para magamit ang ating panahon at lakas sa pangangaral bago dumating ang wakas.—Mat. 6:33; 24:14.
18. Paano tayo mananatili sa paglalakbay patungo sa kaligtasan? Ano ang determinado mong gawin?
18 Hindi ba’t nakatutuwang malaman ang ilan sa magagandang katangian ni Jesus? Isip-isipin na lang ang pakinabang kung pag-aaralan natin ang iba pang katangian ni Jesus at matututuhang tularan pa siya ng higit. Kaya maging determinado tayong maingat na sundan ang kaniyang mga yapak. Kung gagawin natin ito, mananatili tayo sa paglalakbay patungo sa kaligtasan at mas mapapalapít tayo kay Jehova, ang Isa na lubos na tinularan ni Jesus.
a Ang 1 Pedro 1:8, 9 ay isinulat para sa mga Kristiyanong may makalangit na pag-asa. Pero kapit din ito sa mga indibiduwal na may makalupang pag-asa.
b Para sa mga halimbawa ng nagpakita ng lakas ng loob sa panahon ng pagdurusa, tingnan ang Bantayan, Disyembre 1, 2000, pahina 24-28; Gumising! Abril 22, 2003, pahina 18-21; at Enero 22, 1995, pahina 11-15.