Ginagawang Bago ang Lahat ng Bagay
“Ang Isang nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.’ At, sinasabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’”—APOCALIPSIS 21:5.
1, 2. (a) Anong tanong ang ibinangon ni Solomon tatlong libong taon na ngayon ang nakaraan? (b) Ano, sa ngayon, ang waring salungat sa mga sinabi ni Solomon?
“WALANG bagong bagay sa ilalim ng araw.” Iyan ang mga salita ng pantas na si Haring Solomon. Sa pagpapatuloy, kaniyang itinanong: “May bagay na masasabi ang sinuman: ‘Tingnan mo ito; ito’y bago’?” (Eclesiastes 1:9, 10) Paano natin sasagutin ang tanong na iyan sa ngayon?
2 Di baga ang siyensiya at ang teknolohiya ay nakagawa ng maraming mga bagong bagay sa ika-20 siglong ito? Masdan lamang ang daigdig ng paglalakbay, na may mga eruplanong jet, may mga awtong pagkabibilis, at may mga tren na sumasagitsit na parang bala dahil sa kabilisan. At nariyan ang kagila-gilalas na mga pagsulong sa telekomunikasyon, ang paggamit ng lumiligid sa mundong mga satelayt, at ang paglulunsad ng mga spaceship na aktuwal na nakapaglapag ng mga tao sa buwan. At kumusta naman ang modernong mga aplayans sa kusina, mga repridyeretor, at mga makinang panlaba na makikita sa napakaraming tahanan? Baka ang sabihin ng iba ay ‘Aba, nariyan ang lahat ng bagay na bago sa ilalim ng araw!’
3. Anong nakagigitlang kalagayan ang umiiral ngayon “sa ilalim ng araw”? (Lucas 21:25, 26; Awit 53:1)
3 Subalit sandali lamang! Nariyan din ang isang bagay na nakapangingilabot, lubhang nakababahala, na makikita sa ilalim ng araw. Ano ba iyon? Aba, ang mundo ay naging isang armadong kampo! Ito’y nagsimula noong 1914 nang ang Digmaang Pandaigdig I ay sumiklab. Sa unang pagkakataon, mga machine gun, eruplano, tangke, at mga submarino ang ginamit sa digmaan. Sa wala pang 30 taon sumunod naman ang Digmaang Pandaigdig II. Ito’y makaapat na beses na mapamuksa sa buhay at ari-arian kung ihahambing sa unang digmaang pandaigdig. Ginamit dito ang lalong higit na nakasisindak na mga pamatay—mga flamethrower, napalm bombs, at sa wakas ginamit ang bomba atomika—na naghanda ng daan para sa makademonyong mga armas nuklear na nagbabanta ngayon sa mismong buhay ng sangkatauhan dito sa lupa.
4. (a) Anong balangkas ang tinukoy ni Solomon nang sabihin niya na “walang bagong bagay”? (b) Paanong ang karunungan at pag-ibig ng Diyos ay makikita sa kaniyang ginawa at gagawin pa “sa ilalim ng araw”?
4 Tunay bang masasabi natin, kung gayon, na “walang bagong bagay sa ilalim ng araw”? Oo, masasabi natin, sapagkat lahat ng mga produksiyong ito ay saklaw ng balangkas ng materyal na daigdig na sa tuwina’y kinabubuhayan ng tao. Kahit na kung ang tao’y magpasabog ng mga bombang hidroheno, hindi pa rin bago ito. Ang fusion ng hidroheno ay nagaganap na sa loob ng araw sa loob ng bilyun-bilyong mga taon. Ito ang pinanggagalingan ng patuluyang pagsisiklab ng enerhiya na nagbibigay ng liwanag, ng init, at bumubuhay sa ating mundo. Ang liwanag na nanggagaling sa araw ay may interaksiyon din sa chlorophyll sa luntiang mga halaman, at gumagawa ng mga asukal at starches na siyang pinagkukunan ng pagkain ng napakaraming mga bagay na may buhay sa palibot natin. Anong laki ng dapat nating ipagpasalamat na ang sakdal-dunong na Maylikha ng lupa ay gumawa ng kaayusan para sa ganitong kontrolado, na mapapakinabangang pag-aarya ng lakas nuklear para sa mundo natin! (Awit 104:24) Bagama’t ang balakyot na mga tao ay nagpaplano na gamitin ang mga armas nuklear para sa lansakang pagpatay, nakatutuwa naman at ang gagawin pala ng Diyos ay “ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
5. (a) Bakit tama ang sabi ni Solomon na: “Walang bagong bagay sa ilalim ng araw”? (b) Paanong ang istilo ng pamumuhay ng di-sakdal na tao ay nagpapatunay sa mga salita ni Solomon?
5 Tama ang sabi ni Solomon na: “Walang bagong bagay sa ilalim ng araw.” Sapagkat walang anumang bago tungkol sa mga materyales, ang pinagkukunan ng enerhiya, at ang natural na mga batas na saligan ng pisikal na sistema ng mga bagay sa lupa. Malaon nang ang mga ito ay bahagi ng paglalang ng Diyos. (Awit 24:1; Apocalipsis 4:11) Walang anumang bago sa pagsikat at paglubog ng araw, sa mga lagay ng panahon, at sa natural na siklo para sa pagpapatubig at pagpapatuloy ng kalikasan sa lupa. Kung tungkol naman sa istilo ng pamumuhay ng di-sakdal na taong may kamatayan, wala talagang anumang bago, bagama’t nagbabagu-bago ang mga uso. Kahit na sa nakaririwasang lipunan, ang buhay para sa marami ay nagiging paulit-ulit, at sa kalaunan ay “nakababagot.” Sa loob ng 70 o 80 taon, ang tigmak-kasalanang tao ay ‘pumapanaw patungo sa kaniyang malaon nang tahanan—ang libingan. Gaya ng pagkasabi ni Solomon: “Yaong nangyari ay siyang mangyayari; at yaong nagawa ay siyang magagawa; kaya’t walang bagong bagay sa ilalim ng araw.”—Eclesiastes 1:4-9; 12:5.
“Isang Bagong Nilalang” sa Ilalim ng Araw
6. (a) Bakit hindi maasahan sa malapit na hinaharap na magkakaroon ng mga bagong materyal na mga paglalang? (b) Paano at kailan pinapangyari ni Jehova na isilang ang isang bagay na “bago sa ilalim ng araw”?
6 Oo, sa pisikal na paraan “walang bagong bagay sa ilalim ng araw”; ni gagawa man si Jehova ng mga bagong materyal na bagay sa panahon ng kasalukuyang 7,000-taóng araw ng pamamahinga buhat sa kaniyang mga gawang paglalang. Subalit isang bagay na bago ang lumitaw sa ilalim ng araw. Kailan? Iyon ay noong taóng 2 B.C.E. nang ang anghel ni Jehova ay biglang magpakita sa mababang-loob na mga pastol malapit sa Bethlehem upang gumawa ng kagila-gilalas na bagong patalastas. Sinabi niya: “Narito! Dinadalhan ko kayo ng mabuting balita ng malaking kagalakan na sasa-buong bayan, sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Kristo na Panginoon.” Isang karamihan ng mga banal na anghel ang nang magkagayo’y nakisama sa kaniya sa pagpupuri sa Diyos at pagsasabi: “Kaluwalhatian sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong may mabubuting kalooban.”—Lucas 2:8-14.
7. (a) Anong bagong bagay ang nangyari nang bautismuhan si Jesus? (b) Paano binuksan ni Jesus ang daan para sa higit pang mga pangyayari?
7 Sa edad na 30 anyos, ang Tagapagligtas na ito ay binautismuhan sa tubig ng Jordan. Karakaraka, isang bagong bagay ang nangyari sa ilalim ng araw. Sa Lucas 3:21, 22 ay inilalahad iyon sa mga salitang ito: “Samantalang [si Jesus] ay nananalangin, ang langit ay nabuksan at bumaba sa kaniya ang banal na espiritu na may anyong tulad ng kalapati, at nanggaling sa langit ang isang tinig: ‘Ikaw ang aking Anak, na sinisinta; sa iyo ako lubos na nalulugod.’ ” Sa puntong iyan si Jesus ay naging “isang bagong nilalang,” isang inianak sa espiritung Anak ng Diyos. (2 Corinto 5:17) Noong sumunod na tatlo at kalahating taon, si Jesus ay nagbigay ng mabisang patotoo tungkol sa Kaharian ng Diyos, at tinipon ang kaniyang mga unang alagad. Pagkatapos, noong 33 C.E., pagkamatay niya nang siya’y ihandog na hain at buhaying-muli bilang isang espiritu, si Jesus ay naparoon sa “mismong harap ng Diyos” para buksan ang daan ukol sa higit pang kagila-gilalas na mga pangyayari dito “sa ilalim ng araw.”—Hebreo 9:24; 1 Pedro 3:18.
8. Paano nagkaroon ng “isang bagong nilalang”?
8 Noong araw ng Pentecostes ng taon na iyon, sinimulan ni Jesus na ibuhos sa kaniyang tapat na mga alagad ang banal na espiritu, na nagpapakita na sila’y nadala na sa pakikipagkaisa sa kaniya bilang mga anak ng Diyos. Ang “bagong nilalang” na ito ay tinutukoy ni apostol Pablo sa 2 Corinto 5:17, 18, na nagsasabi: “Kung ang sinuman ay kaisa ni Kristo, siya’y isang bagong nilalang; ang mga dating bagay ay lumipas na, narito! mga bagong bagay ang umiral. Ngunit mula sa Diyos ang lahat ng bagay, na pinapagkasundo tayo sa kaniya sa pamamagitan ni Kristo at binigyan tayo ng ministeryo ng pakikipagkasundo.”
9. Anong layunin ang ginanap ng “bagong nilalang”?
9 Ang “bagong nilalang” na ito ay pinagsasabihan ni apostol Pedro ng ganito: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang ihayag ninyo sa madla ang mga kaningningan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag.” (1 Pedro 2:9) Samantalang naririto pa sa lupa, ang makaharing mga saserdote ay masigasig na nagbabalita ng “kagila-gilalas na mga bagay ng Diyos” may kaugnayan sa kaniyang mga layunin sa Kaharian. Yaong mga kabilang sa “bagong nilalang” na ito na tumatapos sa kanilang makalupang takbuhin nang may katapatan ay binuhay-muli pagkatapos na si Kristo ay pumasok sa templo ni Jehova.—Gawa 2:11; Roma 8:14-17; Malakias 3:1, 2.
“Ang Muling-Paglalang”
10. (a) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa isang “muling-paglalang”? (b) Sa ano inaanyayahan na makibahagi ang mga kabilang sa “bagong nilalang”?
10 Gayunman, ang “bagong nilalang” bang ito pasimula kay Jesu-Kristo ang tanging “bagong” bagay na lumilitaw “sa ilalim ng araw”? Hindi nga! Nang siya’y naririto pa sa lupa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa muling-paglalang, pagka ang Anak ng tao ay naupo na sa kaniyang maluwalhating trono, kayong nagsisunod sa akin ay magsisiupo rin sa labindalawang trono, upang maghukom sa labindalawang angkan ng Israel.” (Mateo 19:28) Ang “munting kawan” ng subok na at napatunayang tapat na mga alagad ni Jesus—144,000 sila—ay siyang mga inaanyayahan na makasama ni Jesus sa kaniyang Kaharian at ‘magsiupo sa mga trono upang maghukom sa labindalawang angkan ng Israel.’—Lucas 12:32; 22:28-30; Apocalipsis 14:1-5.
11. Anong dalawang bahagi ng hain ni Jesus ang inilarawan sa Araw ng Katubusan, at paano?
11 Sino, kung gayon, ang “labindalawang angkan” na ito? Ang kaayusan na ginawa ni Jehova para sa Araw ng Katubusan sa sinaunang Israel ang nagbibigay ng liwanag dito. Taun-taon, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, ang mataas na saserdote ay kailangang maghandog ng isang toro bilang hain dahil sa kasalanan “alang-alang sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan.” Ito’y lumalarawan sa hain ni Jesus na ginagamit sa “kaniyang sambahayan” ng mga katulong na saserdote. Subalit kumusta naman ang mga ibang Israelita? Pagkatapos ang mataas na saserdote ay magsasagawa ng palabunutan tungkol sa dalawang kambing. Pinapatay niya ang isa rito bilang “ang kambing na handog dahil sa kasalanan, na ukol sa bayan.” Pagkatapos na maipahayag ang mga kasalanan ng bayan sa ikalawang kambing, kaniyang pinayayaon ito sa ilang. Ang gayong ginagawa sa dalawang kambing ay lumalarawan kung gayon sa pagbubuhos ni Jesus ng kaniyang dugo ng buhay bilang handog na hain at sa kaniyang lubos na pagdadala ng mga kasalanan ng lahat ng tao bukod doon sa mga kabilang sa kaniyang angkan ng mga saserdote.—Levitico 16:6-10, 15.
12. Paano pinalalawak ng isang diksiyunaryo ang kahulugan ng “muling paglalang”?
12 “Ang labindalawang angkan ng Israel” ay mayroong ganoon ding kahulugan na gaya ng nasa Mateo 19:28. Dito ay ikinakapit ito nang malawakan at kumakapit hindi lamang sa inianak-sa-espiritung mga katulong na saserdote ni Jesus kundi kumakapit sa lahat ng mga iba pa sa sangkatauhan. Ayon sa An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine, ang salitang Griego na ginagamit dito para sa “muling-paglalang,” na pa·lin·ge·ne·siʹa, ay may katuturan na “bagong pagsilang . . . espirituwal na pagbabagong-salinlahi,” at isinususog: “Sa Mat[eo] 19:28 ang salita ay ginagamit, sa diskurso ng Panginoon, ayon sa mas malawak na diwa, ng ‘pagsasauli sa dati ng lahat ng bagay’ (Gawa 3:21, R.V.), kung, nang dahil sa Ikalawang Pagparito ni Kristo, ‘inilalagay na [ni Jehova] sa Kaniyang banal na bundok ng Sion ang Kaniyang Hari’ (Awit 2:6) . . . Sa ganoo’y natutupad na ang pagkatubos ng sanlibutan buhat sa kapangyarihan at pandaraya ni Satanas at buhat sa malulupit at antikristiyanong mga tagapamahala ng mga bansa.”
13. (a) Ano ang ipinakikita ng iba’t ibang salin ng Bibliya tungkol sa kahulugan ng pa·lin·ge·ne·siʹa? (b) Kaya, ano ang mangyayari “sa ilalim ng araw”?
13 Kasuwato nito, dito ang mga pagkasalin ng Bibliya sa pa·lin·ge·ne·siʹa ay iba-iba: pagbabagong salinlahi, bagong sanlibutan, bagong pagsilang, sanlibutan na isinilang-muli, sanlibutan na darating, Bagong Paglalang, bagong kaayusan ng buhay, bagong panahon. Nakukuha mo ba ang diwa niyan? “Ang labindalawang angkan ng Israel,” na kumakatawan sa lahat ng mga bayan ng sangkatauhan, ay hahatulan ni Kristo at ng kaniyang tapat na mga katulong na saserdote. Ito’y may kaugnayan sa pagbabagong salinlahi, isang malawak na katuparan ng lahat ng nilayon ni Jehova para sa lupang ito, dito “sa ilalim ng araw.”
“Ang mga Panahon ng Pagsasauli sa Dati”
14. (a) Ayon sa Gawa 3:20, 21, ano ang kailangang hintayin ni Jesus? (b) Paano at kailan iniluklok si Jesus bilang Hari?
14 Kailan nagaganap ang pagsasauli sa dati? Sa Gawa 3:20, 21, tinutukoy ni Pedro “si Jesus, nang siya’y kailangan ngang tanggapin ng langit hanggang sa mga panahon ng pagsasauli sa dati ng lahat ng bagay na sinalita ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong unang panahon.” Ito’y tungkol sa paghihintay ni Jesus sa kanan ng Diyos sa langit hanggang sa “matupad ang itinakdang mga panahon sa mga bansa.” (Lucas 21:24; Awit 110:1, 2) Pagkatapos, noong 1914, tunay ngang ‘ang kaniyang hari ay iniluklok [ni Jehova] sa Sion, ang kaniyang banal na bundok.’ Ano ngayon na pagsasauli sa dati ang nagaganap?—Awit 2:6.
15. (a) Ano ang nangyari “sa ilalim ng araw” pagkatapos na iluklok si Jesus? (b) Paano natupad ang Mateo 25:31-34 at Isaias 11:6-9?
15 Una, isang bagong bagay ang nakikita sa ilalim ng araw, dahil sa ang natitirang tapat na mga katulong na saserdote ni Kristo—ang mga huli sa “bagong nilalang”—ay tinitipon at pinagagawa ng gawain na ‘pangangaral ng mabuting balitang ito ng natatag na Kaharian.’ Pagkatapos, isang “malaking pulutong” ang tinitipon “buhat sa lahat ng bansa” para iligtas sa “malaking kapighatian.” (Mateo 24:14; Apocalipsis 7:9, 14) Sa kasalukuyang panahong ito ang iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo, ang nagbubukud-bukod sa mga tao, ‘gaya ng isang pastol na nagbubukud-bukod sa mga tupa at mga kambing.’ “Ang mga tupa” ay yaong nagpapakita na sila’y may matuwid na saloobin sa Hari at sa kaniyang inianak-sa-espiritung mga kapatid na “bagong nilalang.” Ang “mga tupa” na ito ay inaanyayahan kung gayon na magmana ng buhay na walang hanggan sa makalupang sakop ng Kaharian ni Jehova. Ngayon pa, tinatamasa na nila ang buhay sa espirituwal na paraiso na naibalik na rito sa lupa.—Mateo 25:31-34, 46; Isaias 11:6-9.
16. (a) Anong paghuhukom ang nagaganap ngayon? (b) Anong paghuhukom ang magaganap pa pagkatapos ng Armagedon?
16 Ang paghuhukom sa mga bansa at sa “mga tupa” sa panahong ito ay batay sa kung sila’y karapat-dapat makaligtas sa panahon ng “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21, 22) Gayunman, ito ba ang paghuhukom na tinutukoy sa Mateo 19:28? Hindi, sapagkat may paghuhukom pang isasagawa si Kristo at ang kaniyang mga katulong na saserdote pagkatapos ng kapighatiang iyan. Iyon ang paghuhukom sa makasagisag na “labindalawang angkan ng Israel,” mga tao na iba kaysa makaharing pagkasaserdote. Ang bilang na “labindalawa” ay nagpapakita ng pagiging kompletong bilang ng mga tao na hahatulan. Kasali na rito yaong mga nakaligtas sa “malaking kapighatian,” ang anumang maaari na maging supling nila, at ang bilyun-bilyong mga tao na ibabangon sa lupa sa pagkabuhay-muli.
17. Sino sa panahong iyon ang mga hahatulan, at ayon sa anong “mga gawa”?
17 Tungkol dito, si Pablo ay nagsabi sa Gawa 17:31 na ang Diyos ay “nagtakda ng isang araw na kaniyang nilalayong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaki [si Kristo Jesus] na kaniyang hinirang, at siya’y nagbigay ng katiyakan sa lahat ng tao nang ito’y kaniyang buhaying-muli buhat sa mga patay.” Ang “tinatahanang lupa” pagkatapos ng Armagedon, na binubuo ng lahat ng tao na naririto sa lupa sa panahong iyon, ay hindi hahatulan ayon sa nakaraang mga kasalanan na nagawa nila sa panahon ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Bagkus, sila’y “hahatulan bawat tao ayon sa kani-kanilang mga gawa” na ginawa sa bagong lupa samantalang ikinakapit sa kanila ang pantubos na inihandog ni Kristo.—Apocalipsis 20:13; Mateo 20:28; 1 Juan 2:2.
18. (a) Gaya ng ipinakikita ng Isaias, ano kung magkagayon ang makikita “sa ilalim ng araw”? (b) Anong mga salitang pangako ang sa ganoo’y matutupad, at ano ang maaasahan natin sa walang hanggang hinaharap? (Roma 8:21)
18 Anong kagila-gilalas na mga bagay ang makikita sa ilalim ng araw sa panahong iyon! Ang espirituwal na paraiso ay lalawak hanggang sa maging isang literal na paraiso, bilang katuparan ng unang-unang nilayon ni Jehova tungkol sa lupang ito. Sinasabi sa atin ng ating Diyos na ‘ang lupa ay kaniyang tuntungan,’ isang santuwaryo na kung saan dapat siyang sambahin, at sinasabi rin niya: “Luluwalhatiin ko ang mismong dako na aking tuntungan.” (Isaias 66:1; 60:13) Kaya’t dito sa ilalim ng araw, ang lupa ay gagawing isang maluwalhating paraiso, isang halamanan ng kaluguran, na kung saan isang sakdal, mapayapa, at nagkakaisang sangkatauhan ang pupuri magpakailanman sa kanilang Diyos at Maylikha. “Tapat at totoo” ang nakaliligayang mga salitang pangako ni Jehova: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay”! (Apocalipsis 21:5) At sa walang hanggang hinaharap, anong daming kagila-gilalas na mga bagong paglalang ang maaasahan natin na gagawin ng ating maibiging Diyos dito sa ilalim ng araw para sa ikalulugod ng kaniyang sambahayan ng sangkatauhan!
Paano Mo Sasagutin ang Tungkol sa mga Pangyayari “sa Ilalim ng Araw”?—
◻ Sa anong diwa walang “bagong bagay”?
◻ Kailan at paano lumitaw ang “isang bagong nilalang”?
◻ Ano ang sinasaklaw ng “muling-paglalang”?
◻ Paanong nagaganap “ang mga panahon ng pagsasauli sa dati,” at ano ang maligayang resulta nito?
[Larawan sa pahina 26]
Anong nakagigitlang komentaryo ang masasabi sa umano’y sibilisasyon na anupa’t ang daigdig ngayon ay gumugugol sa mga armas na pagkalaki-laking halaga na 1.9 milyong dolyar bawat minuto! Ito ay higit pa sa kinakailangan upang mapaglaanan ng pagkain, damit, at tirahan ang lahat sa sangkatauhan na namumuhay sa karalitaan ngayon. Sa kabilang panig, ang talaksan ng mga milyun-milyong toneladang bomba ay maaaring lumipol sa buong sangkatauhan—limang bilyon sa atin—ng 12 beses na paulit-ulit. Gayunman ay iniulat na kalahating milyon ng pinakamagagaling na utak ng daigdig ang nagtatrabaho sa pagpapaunlad ng lalo pang mapangwasak na mga armas na pamuksa.
[Credit Line]
U.S. Army photo