Maglingkod kay Jehova Nang Hindi Nagagambala
“[Si Maria ay] patuloy na nakikinig sa . . . salita [ni Jesus]. Si Marta . . . ay nagagambala sa pag-aasikaso sa maraming tungkulin.”—LUC. 10:39, 40.
1, 2. Bakit inibig ni Jesus si Marta? Ano ang nagpapakitang hindi perpekto si Marta?
ANO ang naiisip mo kapag naaalaala mo ang tauhan sa Bibliya na si Marta? Siya lang ang babaeng tinukoy mismo ang pangalan at inilarawan bilang iniibig ni Jesus. Pero may iba pang tapat na mga babaeng minahal si Jesus, gaya ng kaniyang ina na si Maria at ng kapatid ni Marta na si Maria. (Juan 11:5; 19:25-27) Bakit binabanggit sa Ebanghelyo na iniibig ni Jesus si Marta?
2 Inibig ni Jesus si Marta hindi lang dahil sa mapagpatuloy at masipag siya kundi dahil din sa espirituwalidad niya. Naniniwala siya sa lahat ng turo ni Jesus at nananampalatayang si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. (Juan 11:21-27) Pero tulad natin, hindi rin perpekto si Marta. Minsan, nang dumalaw si Jesus sa bahay nila, sinabihan niya si Jesus na ituwid ang isang bagay na para sa kaniya ay mali. “Panginoon,” ang sabi ni Marta, “hindi ka ba nababahala na pinababayaan akong mag-isa ng aking kapatid na mag-asikaso sa mga bagay-bagay? Kaya nga sabihin mo sa kaniya na tulungan ako.” (Basahin ang Lucas 10:38-42.) Ano ang matututuhan natin dito?
NAGAGAMBALA SI MARTA
3, 4. Paano pinili ni Maria ang “mabuting bahagi”? Anong aral ang natutuhan ni Marta? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Dahil sa pagkamapagpatuloy nina Marta at Maria, binigyan sila ni Jesus ng espirituwal na regalo. Sinamantala ni Maria ang pagkakataong matuto mula sa Dakilang Guro. Umupo siya “sa paanan ng Panginoon . . . , na nakikinig sa kaniyang salita.” Puwede rin sanang ganoon ang ginawa ni Marta. Tiyak na papupurihan siya ni Jesus dahil ibinigay niya ang kaniyang buong atensiyon.
4 Pero naging abala si Marta sa paghahanda ng mga pagkain at pag-aasikaso para maging kasiya-siya ang pagdalaw ni Jesus. Tarantang-taranta siya at naiinis kay Maria. Napansin ni Jesus na napakaraming ginagawa ni Marta, kaya may-kabaitan niyang sinabi: “Marta, Marta, ikaw ay nababalisa at nababagabag tungkol sa maraming bagay.” Iminungkahi niyang sapat na ang isang putahe. Pagkatapos, pinuri ni Jesus si Maria at ipinahiwatig na hindi ito nagpabaya: “Sa ganang kaniya, pinili ni Maria ang mabuting bahagi, at hindi ito kukunin sa kaniya.” Posibleng hindi na matandaan ni Maria ang kinain niya noong espesyal na okasyong iyon, pero hinding-hindi niya malilimutan ang papuri at mainam na espirituwal na pagkaing tinanggap niya dahil nagtuon siya ng pansin kay Jesus. Makalipas ang mahigit 60 taon, isinulat ni apostol Juan: “Iniibig nga ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae.” (Juan 11:5) Ipinakikita ng kinasihang pananalitang ito na pinakinggan ni Marta ang maibiging pagtutuwid ni Jesus at sinikap niyang paglingkuran nang tapat si Jehova sa buong buhay niya.
5. Paano naiiba ang buhay ngayon kumpara sa buhay noong panahon ng Bibliya? Anong tanong ang bumabangon?
5 Tungkol sa mga panggambala, paano naiiba ang buhay ngayon sa buhay noong panahon ng Bibliya? “Sa buong kasaysayan ng tao, ngayon lang nagkaroon ng mahuhusay na paraan ng komunikasyon, mabibilis na makinang pang-imprenta, magasin na punô ng mga larawan, radyo, pelikula, telebisyon. . . . Araw-araw tayong pinauulanan ng mga ito ng bagong mga panggambala . . . Hindi pa natatagalan, iniisip na nabubuhay tayo sa ‘Panahon ng Kaliwanagan.’ Unti-unti, ito ay nagiging ‘Panahon ng Panggambala.’” Ang mga pananalitang iyan ay sinabi sa isang grupo ng mga estudyante sa Estados Unidos mahigit 60 taon na ang nakararaan. Sinabi naman ng The Watchtower, isyu ng Setyembre 15, 1958: “Ang mga panggambala ay malamang na darami pa habang papalapít sa pagkapuksa ang sanlibutang ito.” Totoo nga! Kaya isang mahalagang tanong ang bumabangon: Ano ang magagawa natin para maiwasan ang mga panggambala at maging tulad ni Maria na nanatiling nakapokus sa espirituwal na mga bagay?
HUWAG GAMITIN NANG LUBUSAN ANG SANLIBUTAN
6. Paano ginagamit ng bayan ni Jehova ang teknolohiya ng sanlibutan?
6 Para itaguyod ang tunay na pagsamba, ginagamit ng makalupang bahagi ng organisasyon ng Diyos ang teknolohiya ng sanlibutan. Halimbawa, tingnan ang “Photo-Drama of Creation.” Isa itong presentasyon na ginamitan ng mga slide at pelikula na may kulay at tunog. Bago ang Digmaang Pandaigdig I at noong kasagsagan nito, milyon-milyon sa iba’t ibang panig ng daigdig ang nakinabang sa presentasyong ito. Sa pagtatapos, inilarawan sa presentasyon ang mapayapang kalagayan sa darating na Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesu-Kristo. Nang maglaon, ang mensahe ng Kaharian ay narinig sa mga radyo, at milyon-milyon pa ang nakinabang sa buong mundo. Sa ngayon, mabisang ginagamit ang computer at Internet para ipalaganap ang mabuting balita hanggang sa malalayong isla at sa lahat ng sulok ng lupa.
7. (a) Bakit mapanganib na gamitin ang sanlibutan nang lubusan? (b) Sa anong bagay tayo lalo nang dapat mag-ingat? (Tingnan ang talababa.)
7 Nagbababala ang Bibliya na mapanganib kung lubusan nating tatangkilikin ang mga iniaalok ng sanlibutan. (Basahin ang 1 Corinto 7:29-31.) Ang isang Kristiyano ay baka umubos ng maraming oras sa mga bagay na kung tutuusin ay hindi naman mali, gaya ng hobby, pagbabasa, panonood ng TV, pamamasyal, window shopping, at pag-alam ng tungkol sa pinakabagong mga gadyet o luho. Ang social networking, pagte-text, pagpapasa ng mga e-mail, at pagsubaybay sa balita at isport ay makauubos din ng panahon at maaari pa ngang mauwi sa obsesyon.a (Ecles. 3:1, 6) Kung hindi natin lilimitahan ang panahon natin sa di-mahahalagang bagay, baka mapabayaan natin ang pinakamahalaga sa lahat—ang ating pagsamba kay Jehova.—Basahin ang Efeso 5:15-17.
8. Bakit napakahalaga ng payong huwag ibigin ang mga bagay na nasa sanlibutan?
8 Dinisenyo ni Satanas ang kaniyang sanlibutan para maakit tayo at magambala. Totoo iyan noong unang siglo, at lalo na ngayon. (2 Tim. 4:10) Kaya kailangan nating sundin ang payo: “Huwag ninyong ibigin . . . ang mga bagay . . . na nasa sanlibutan.” Kung patuloy tayong mamumuhay kaayon ng payong iyan, maiiwasan nating magambala at lalago ang ating “pag-ibig sa Ama.” Sa gayon, magiging mas madali sa atin na gawin ang kalooban ng Diyos at manatiling malapít sa kaniya.—1 Juan 2:15-17.
MANATILING NAKAPOKUS
9. Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa ating makasagisag na mata, at paano siya nagpakita ng halimbawa?
9 Ang maibiging payo ni Jesus kay Marta ay kaayon ng kaniyang turo at halimbawa. Hinimok niya ang kaniyang mga alagad na panatilihing “simple,” o nakapokus, ang kanilang makasagisag na mata para maitaguyod nila ang kapakanan ng Kaharian nang hindi nagagambala. (Basahin ang Mateo 6:22, 33.) Hindi napabigatan si Jesus ng materyal na mga pag-aari; wala siyang sariling bahay o lupa.—Luc. 9:58; 19:33-35.
10. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Jesus?
10 Noong panahon ng ministeryo ni Jesus, maraming pangyayari ang puwede sanang nakagambala sa kaniya pero hindi niya hinayaan iyon. Sa pasimula ng kaniyang ministeryo, matapos magturo at gumawa ng mga himala sa Capernaum, pinakiusapan siya ng mga tao na huwag umalis sa lunsod. Pero paano tumugon si Jesus? Sinabi niya: “Sa ibang mga lunsod din ay dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Luc. 4:42-44) At ganoon nga ang ginawa ni Jesus. Nilibot niya ang Palestina para mangaral at magturo. Sakdal si Jesus, pero dahil sa puspusang paglilingkod sa Diyos, napapagod din siya at kinailangang magpahinga.—Luc. 8:23; Juan 4:6.
11. Ano ang sinabi ni Jesus sa isang lalaking may problema sa pamilya, at anong babala ang ibinigay ni Jesus?
11 Nang maglaon, habang itinuturo ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod kung paano haharapin ang pagsalansang, sumabat ang isang lalaki: “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na hatian ako ng mana.” Pero hindi hinayaan ni Jesus na masangkot siya sa problemang iyon. “Lalaki,” ang sagot niya, “sino ang nag-atas sa akin bilang hukom o tagapagbahagi sa inyo?” Pagkatapos ay nagpatuloy si Jesus sa pagtuturo. Binabalaan niya ang kaniyang mga tagapakinig na mapanganib na magambala sa paglilingkod sa Diyos dahil sa pagnanasa ng materyal na mga bagay.—Luc. 12:13-15.
12, 13. (a) Mga ilang araw bago patayin si Jesus, bakit namangha sa kaniya ang ilang proselitang Griego? (b) Ano ang ginawa ni Jesus nang mapaharap sa posibleng panggambala?
12 Punô ng tensiyon ang huling linggo ni Jesus sa lupa. (Mat. 26:38; Juan 12:27) Marami pa siyang dapat gawin, at mapapaharap siya sa isang kahiya-hiyang paglilitis at malupit na kamatayan. Tingnan natin ang nangyari noong Nisan 9, 33 C.E., araw ng Linggo. Gaya ng inihula, pumasok si Jesus sa Jerusalem sakay ng isang bisiro, at nagbunyi ang pulutong na sinasabing siya “ang Isa na dumarating bilang Hari sa pangalan ni Jehova.” (Luc. 19:38) Kinabukasan, pumasok si Jesus sa templo at buong-tapang na pinalayas ang sakim na mga negosyante dahil ginagamit nila ang bahay ng Diyos para makapangikil sa mga kapuwa nila Judio.—Luc. 19:45, 46.
13 May mga proselitang Griego sa Jerusalem noon. Maliwanag na namangha sila kay Jesus, kaya hiniling nila kay apostol Felipe na makausap si Jesus. Pero hindi hinayaan ni Jesus na magambala siya mula sa mas mahahalagang bagay na mangyayari. Tiyak na hindi niya gustong maging popular para lang makaiwas sa sakripisyong kamatayan sa kamay ng mga kaaway ng Diyos. Kaya matapos ipaliwanag na malapit na siyang mamatay, sinabi niya kina Andres at Felipe: “Siya na may paggiliw sa kaniyang kaluluwa ang pupuksa nito, ngunit siya na napopoot sa kaniyang kaluluwa sa sanlibutang ito ang mag-iingat nito para sa buhay na walang hanggan.” Sa halip na pagbigyan ang mga Griegong iyon, iminungkahi ni Jesus na sundan ang mapagsakripisyong landasin niya at nangako siya: “Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.” Tiyak na sinabi ni Felipe ang nakapagpapatibay na mensaheng ito sa nakikiusap na mga Griego.—Juan 12:20-26.
14. Kahit inuuna ni Jesus ang pangangaral, ano ang nagpapakitang timbang siya?
14 Hindi hinayaan ni Jesus na magambala siya sa pangunahing layunin niya na ipangaral ang mabuting balita, pero hindi naman iyon ang laging ginagawa niya. Minsan, dumalo siya sa kasalan at makahimala pa nga niyang ginawang alak ang tubig para lalong sumaya ang okasyon. (Juan 2:2, 6-10) Pinaunlakan din niya ang ilang imbitasyon ng hapunan ng malalapít niyang kaibigan at potensiyal na mga alagad. (Luc. 5:29; Juan 12:2) Higit diyan, naglalaan si Jesus ng panahon para manalangin, magbulay-bulay, at magpahinga.—Mat. 14:23; Mar. 1:35; 6:31, 32.
‘ALISIN ANG BAWAT PABIGAT’
15. Ano ang ipinayo ni apostol Pablo, at paano siya nagpakita ng mabuting halimbawa?
15 “Alisin din natin ang bawat pabigat,” ang isinulat ni apostol Pablo. Inihalintulad niya ang landasin ng isang Kristiyano sa mahabang takbuhan. (Basahin ang Hebreo 12:1.) Talagang ginawa ni Pablo kung ano ang ipinangaral niya. Tinalikuran niya ang magandang karera sa Judaismo na puwede sanang magdulot sa kaniya ng kayamanan at katanyagan. Nagpokus siya sa “mga bagay na higit na mahalaga.” Masigasig siyang naglingkod sa Diyos at naglakbay sa maraming lugar gaya ng Sirya, Asia Minor, Macedonia, at Judea. Tungkol sa pag-asa niyang mabuhay magpakailanman sa langit, isinulat ni Pablo: “Nililimot ang mga bagay na nasa likuran at inaabot ang mga bagay na nasa unahan, ako ay nagsusumikap patungo sa tunguhin ukol sa gantimpala.” (Fil. 1:10; 3:8, 13, 14) Walang asawa si Pablo, at nakatulong iyon sa kaniya na ‘palagiang maglingkod sa Panginoon nang walang abala.’—1 Cor. 7:32-35.
16, 17. May asawa man tayo o wala, paano natin matutularan ang halimbawa ni Pablo? Maglahad ng isang karanasan.
16 Gaya ni Pablo, pinili ng ilang lingkod ng Diyos na manatiling walang asawa para mas makapagpokus sa paglilingkod kay Jehova. (Mat. 19:11, 12) Kadalasan na, mas kaunti ang responsibilidad sa pamilya ng mga walang asawa kumpara sa mga may asawa. Pero may asawa man tayo o wala, maaari nating ‘alisin ang bawat pabigat’ na posibleng makagambala sa atin sa paglilingkod sa Diyos. Baka kailangan nating magbawas ng mga gawaing umuubos ng panahon at magtakda ng tunguhin para madagdagan ang panahon natin sa paglilingkod kay Jehova.
17 Bilang halimbawa, sina Mark at Claire, na lumaki sa Wales, ay parehong nagpayunir matapos ang kanilang pag-aaral at patuloy na nagpayunir nang maging mag-asawa sila. “Napasimple pa namin ang aming buhay nang ibenta namin ang aming bahay na may tatlong kuwarto at iwan ang part-time na trabaho namin para makapagboluntaryo sa konstruksiyon sa ibang bansa,” ang sabi ni Mark. Sa nakalipas na 20 taon, tumulong sila sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall sa iba’t ibang lugar sa Aprika. Minsan, 15 dolyar na lang ang natirang pera nila, pero hindi sila pinabayaan ni Jehova. Sinabi ni Claire: “Matinding kasiyahan ang nadarama namin sa paglilingkod kay Jehova araw-araw. Napakarami naming naging kaibigan, at hindi kami kinulang ng anuman. Ang maliit na bagay na isinakripisyo namin ay hindi maikukumpara sa kaligayahang dulot ng buong-panahong paglilingkod kay Jehova.” Ganiyan din ang nararanasan ng maraming nasa buong-panahong paglilingkod.b
18. Ano-anong tanong ang puwede nating pag-isipan?
18 Napapansin mo bang hindi ka na gaanong masigla sa pagtataguyod ng kapakanan ng Kaharian dahil sa mga panggambala? Ano kaya ang puwede mong gawin? Baka kailangan mong pasulungin ang iyong personal na pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Paano mo iyon magagawa? Ipaliliwanag iyan sa susunod na artikulo.
a Tingnan ang artikulong “Ang Sinumang Walang-Karanasan ay Nananampalataya sa Bawat Salita.”
b Tingnan din ang talambuhay nina Hadyn at Melody Sanderson sa artikulong “Pag-alam sa Kung Ano ang Tama at Paggawa Nito.” (Ang Bantayan, Marso 1, 2006) Iniwan nila ang isang magandang negosyo sa Australia para makapaglingkod nang buong panahon. Basahin kung ano ang nangyari nang maubusan sila ng pera habang naglilingkod bilang mga misyonero sa India.