Ayon kay Juan
4 Nang malaman ng Panginoon na nabalitaan ng mga Pariseo na mas marami siyang nagiging alagad* at binabautismuhan+ kaysa kay Juan— 2 pero ang totoo, hindi si Jesus ang nagbabautismo kundi ang mga alagad niya— 3 umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea.+ 4 Pero kinailangan niyang dumaan sa Samaria. 5 Nakarating siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar; malapit ito sa parang na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose.+ 6 Naroon din ang balon ni Jacob.+ Ngayon, si Jesus, na pagod sa paglalakbay, ay nakaupo sa tabi ng balon. Mga ikaanim na oras noon.
7 Isang babaeng taga-Samaria ang dumating para sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Puwede mo ba akong bigyan ng maiinom?” 8 (Ang mga alagad niya ay wala noon dahil pumunta sila sa lunsod para bumili ng pagkain.) 9 Sinabi ng Samaritana: “Isa kang Judio, kaya bakit ka humihingi sa akin ng maiinom kahit isa akong Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikihalubilo sa mga Samaritano.)+ 10 Sumagot si Jesus: “Kung alam mo lang ang walang-bayad na regalo ng Diyos+ at kung sino ang nagsasabi sa iyo, ‘Puwede mo ba akong bigyan ng maiinom?’ humingi ka sana sa kaniya ng tubig, at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.”+ 11 Sinabi ng Samaritana: “Ginoo, wala ka man lang panalok ng tubig, at malalim ang balon. Kaya saan mo kukunin ang ibibigay mong tubig na nagbibigay-buhay? 12 Nakahihigit ka ba sa ninuno naming si Jacob? Siya ang nagbigay sa amin ng balong ito, at uminom siya rito, pati na ang kaniyang mga anak at mga alagang baka.” 13 Sumagot si Jesus: “Ang lahat ng umiinom ng tubig na mula rito ay muling mauuhaw. 14 Ang sinumang iinom sa tubig na ibibigay ko ay hindi na mauuhaw kailanman,+ at ang tubig na ibibigay ko ay magiging tulad ng isang bukal ng tubig sa loob niya na magbibigay sa kaniya ng buhay na walang hanggan.”+ 15 Sinabi ng babae: “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito para hindi na ako mauhaw o paulit-ulit na pumunta rito para sumalok ng tubig.”
16 Sinabi niya sa babae: “Tawagin mo ang iyong asawa at isama mo rito.” 17 Sumagot ang babae: “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus: “Tama ang sinabi mo, ‘Wala akong asawa.’ 18 Nagkaroon ka ng limang asawa, at ang lalaking kasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Kaya totoo ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae: “Ginoo, isa kang propeta!+ 20 Ang mga ninuno namin ay sumamba sa bundok na ito, pero sinasabi ninyo na sa Jerusalem dapat sumamba ang mga tao.”+ 21 Sinabi ni Jesus: “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na hindi na ninyo sasambahin ang Ama sa bundok na ito o sa Jerusalem man. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala;+ sinasamba namin ang aming nakikilala, dahil unang ipinaalám sa mga Judio ang tungkol sa kaligtasan.+ 23 Pero ngayon, nagsisimula na ang panahon kung kailan sasambahin ng tunay na mga mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang totoo, hinahanap ng Ama ang mga gustong sumamba sa kaniya sa ganitong paraan.+ 24 Ang Diyos ay Espiritu,+ at ang mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.”+ 25 Sinabi ng babae: “Alam kong darating ang Mesiyas, na tinatawag na Kristo. Kapag dumating na siya, ihahayag niya sa amin ang lahat ng bagay.”+ 26 Sinabi ni Jesus: “Ako siya, ang nakikipag-usap sa iyo ngayon.”+
27 Nang pagkakataong ito, dumating ang mga alagad niya, at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae. Pero walang nagtanong sa kaniya kung bakit niya kinakausap ang babae o kung ano ang kailangan niya rito. 28 Iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig, pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao: 29 “Sumama kayo sa akin para makita ninyo ang taong nakapagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Hindi kaya siya ang Kristo?” 30 Umalis sila sa lunsod at pumunta kay Jesus.
31 Samantala, pinipilit siya ng mga alagad: “Rabbi,+ kumain ka.” 32 Pero sinabi niya: “May pagkain ako na hindi ninyo alam.” 33 Kaya sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “May nagbigay ba sa kaniya ng pagkain?” 34 Sinabi ni Jesus: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin+ at tapusin ang gawain niya.+ 35 Hindi ba sinasabi ninyo na may apat na buwan pa bago ang pag-aani? Pero tingnan ninyo! Ang bukirin ay maputi na para sa pag-aani.+ 36 Ang manggagapas ay tumatanggap na ng kabayaran at nagtitipon na ng bunga para sa buhay na walang hanggan para ang manghahasik at ang manggagapas ay makapagsayang magkasama.+ 37 Kaya totoo ang kasabihan: Ang isa ay manghahasik at ang isa naman ay manggagapas. 38 Isinugo ko kayo para gapasin ang hindi ninyo inihasik. Iba ang nagtrabaho, pero nakinabang din kayo sa ginawa nila.”
39 Marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang nanampalataya sa kaniya dahil sa patotoong ito ng babae: “Nasabi niya sa akin ang lahat ng ginawa ko.”+ 40 Kaya nang pumunta sa kaniya ang mga Samaritano, hiniling nila sa kaniya na huwag muna siyang umalis, at nanatili siya roon nang dalawang araw. 41 Dahil dito, marami pa ang naniwala sa mga sinabi niya, 42 at sinabi nila sa babae: “Naniniwala kami ngayon, hindi lang dahil sa mga sinabi mo, kundi dahil kami na mismo ang nakarinig sa kaniya, at sigurado kami na ang taong ito ang tagapagligtas ng sangkatauhan.”+
43 Pagkaraan ng dalawang araw, pumunta siya sa Galilea. 44 Pero sinabi mismo ni Jesus na ang isang propeta ay hindi pinahahalagahan sa kaniyang sariling bayan.+ 45 Kaya pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga tagaroon, dahil nakita nila ang lahat ng ginawa niya sa kapistahan sa Jerusalem+ nang magpunta sila sa kapistahan.+
46 Pagkatapos, bumalik siya sa Cana ng Galilea, kung saan niya ginawang alak ang tubig.+ At may isang opisyal ng hari sa Capernaum, at ang anak na lalaki nito ay may sakit. 47 Nang mabalitaan ng lalaking ito na dumating si Jesus sa Galilea galing sa Judea, pinuntahan niya si Jesus at pinakiusapang sumama sa kaniya para pagalingin ang anak niya dahil malapit na itong mamatay. 48 Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at di-pangkaraniwang mga bagay, hindi kayo kailanman maniniwala.”+ 49 Sinabi ng opisyal ng hari: “Panginoon, sumama ka na sa akin bago pa mamatay ang anak ko.” 50 Sinabi ni Jesus: “Umuwi ka na; magaling na ang anak mo.”+ Pinaniwalaan ng lalaki ang sinabi ni Jesus, at umuwi siya. 51 Habang nasa daan pa siya, sinalubong siya ng mga alipin niya para sabihing magaling na ang anak niya. 52 Tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila: “Nawala ang lagnat niya kahapon nang ikapitong oras.”+ 53 Naalaala ng ama na iyon ang mismong oras nang sabihin ni Jesus: “Magaling na ang anak mo.”+ Kaya nanampalataya siya at ang kaniyang buong sambahayan. 54 Ito ang ikalawang pagkakataon na gumawa ng himala+ si Jesus sa Galilea pagkagaling sa Judea.