PAGKASUTIL
Ang pangunahing kahulugan ng iba’t ibang salita sa orihinal na wika na nagtatawid ng ideya ng pagkasutil ay tigas o tibay, lalo na sa masamang diwa. Kadalasan nang nagsasangkot ito ng sinasadyang pagtangging sumunod sa kalooban o mga utos ng Diyos. (Aw 78:8; 81:12; Isa 1:23; 65:2; Jer 3:17; 5:23; 7:23-26; 11:8; 18:12; Os 4:16; Gaw 7:51) Paulit-ulit na itinatampok sa Kasulatan ang kasakunaang sumasapit sa mga patuloy na nagpapakita ng pagkasutil. (Deu 29:19, 20; Ne 9:29, 30; Kaw 28:14; Isa 30:1; Jer 6:28-30; 9:13-16; 13:10; 16:12, 13; Dan 5:20; Os 9:15; Zac 7:12; Ro 2:5) Bilang halimbawa, itinakda ng kautusan ng Diyos sa Israel na ang isang sutil at mapaghimagsik na anak ay babatuhin hanggang sa mamatay.—Deu 21:18, 20.
Sa kaniyang mga pakikitungo sa mga tao, buong-pagtitiis na pinahintulutan ng Diyos na Jehova na manatiling buháy ang mga indibiduwal at mga bansa, bagaman karapat-dapat sila sa kamatayan. (Gen 15:16; 2Pe 3:9) Bagaman may ilan na tumugon dito anupat tumanggap sila ng awa (Jos 2:8-14; 6:22, 23; 9:3-15), lalo namang pinatigas ng iba ang kanilang sarili laban kay Jehova at laban sa kaniyang bayan. (Deu 2:30-33; Jos 11:19, 20) Yamang hindi hinahadlangan ni Jehova ang mga tao sa pagiging sutil, sinasabi na kaniyang ‘hinahayaan silang magmatigas’ o ‘pinatitigas niya ang kanilang mga puso.’ Kapag sa wakas ay naglapat siya ng paghihiganti sa mga sutil, ang resulta nito ay naitatanghal ang kaniyang dakilang kapangyarihan at naipahahayag ang kaniyang pangalan.—Ihambing ang Exo 4:21; Ju 12:40; Ro 9:14-18.
Ang isang halimbawa nito ay ang ginawa ng Diyos may kaugnayan sa Paraon na tumangging paalisin ang mga Israelita mula sa Ehipto. Nagpasapit si Jehova ng sampung mapangwasak na salot sa lupain ng Ehipto. Sa tuwing patitigasin ni Paraon ang kaniyang puso pagkatapos magwakas ang isang partikular na salot, ginagamit ito ni Jehova bilang pagkakataon upang higit na maitanghal ang kaniyang dakilang kapangyarihan sa pamamagitan ng iba pang mga himala. (Exo 7:3-5, 14–11:10) Kaya naman, natanto ng ilang Ehipsiyo na si Jehova ay isang Diyos na dapat sundin. Halimbawa, noong ipatalastas ang ikapitong salot, tiniyak kahit ng ilan sa mga lingkod ni Paraon na ang kanilang mga lingkod at mga alagang hayop ay ligtas na naisilong bago magsimula ang mapamuksang bagyo ng graniso. (Exo 9:20, 21) Sa wakas, nang muling patigasin ni Paraon ang kaniyang puso at pisanin niya ang kaniyang mga hukbo upang maghiganti sa mga Israelita matapos niyang palayain ang mga ito (Exo 14:8, 9; 15:9), siya at ang kaniyang mga hukbo ay pinuksa ni Jehova sa Dagat na Pula. (Exo 14:27, 28; Aw 136:15) Sa loob ng maraming taon pagkatapos nito, naipahayag ang pangalan ng Diyos sa gitna ng mga bansa habang pinag-uusapan nila kung ano ang ginawa ni Jehova sa mga Ehipsiyo dahil sa pagkasutil ng mga ito.—Exo 18:10, 11; Jos 2:10, 11; 9:9; 1Sa 6:6.
Yamang si Jehova ay patiunang nagbibigay ng babala hinggil sa kaniyang kahatulan sa mga sutil, hindi masasabing sa iba nagmula ang gayong kahatulan o na may ibang dahilan kung bakit iyon nangyari. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, sinabi ni Jehova sa mapagmatigas na mga Israelita: “Dahil sa pagkaalam ko na ikaw ay matigas at na ang iyong leeg ay litid na bakal at ang iyong noo ay tanso, patuloy ko ring sinasabi sa iyo mula nang panahong iyon. Bago mangyari iyon ay ipinarinig ko na sa iyo, upang hindi mo sabihin, ‘Ang aking idolo ang gumawa ng mga iyon, at ang aking inukit na imahen at ang aking binubong imahen ang nag-utos sa mga iyon.’”—Isa 48:4, 5; ihambing ang Jer 44:16-23.