Relihiyon
Kahulugan: Isang anyo ng pagsamba. Saklaw nito ang isang sistema ng relihiyosong mga saloobin, paniniwala, at gawain; ang mga ito’y maaaring personal, o kaya’y itinataguyod ng isang organisasyon. Kadalasan ang relihiyon ay nagsasangkot ng paniniwala sa Diyos o sa maraming diyos; o dinidiyos nito ang mga tao, mga bagay, mga mithiin, o mga puwersa. Nasasalig ang maraming relihiyon sa pag-aaral ng tao sa kalikasan; naroon din ang inihayag na relihiyon. Mayroong tunay na relihiyon at mayroon ding huwad na relihiyon.
Bakit ganiyang karami ang mga relihiyon?
Ipinakikita ng isang pagsusuri kamakailan lamang na may 10 pangunahing relihiyon at mga 10,000 sekta. Sa mga ito, may 6,000 sa Aprika, 1,200 sa Estados Unidos, at daan-daan pa sa ibang mga lupain.
Maraming mga bagay ang naging dahilan sa pagdami ng bagong mga grupong relihiyoso. Sinasabi ng iba na ang iba’t ibang mga relihiyon ay iba’t ibang paraan lamang ng paghaharap ng relihiyosong katotohanan. Nguni’t kung ang kanilang mga turo at gawain ay ihahambing sa Bibliya, makikita na ang pagkakaiba-iba ng relihiyon ay dahilan sa pagsunod nila sa tao sa halip na makinig sa Diyos. Kapansinpansin na ang karamihan sa mga turo na pinagkakasunduan nila, na di naman kaayon ng Bibliya, ay nagmula sa sinaunang Babilonya. (Tingnan ang mga pahina 52, 53, sa paksang “Babilonyang Dakila.”)
Sino ang tagapagsulsol ng relihiyosong kaguluhang ito? Ipinakikilala ng Bibliya si Satanas na Diyablo bilang “diyos ng pamamalakad na ito ng mga bagay.” (2 Cor. 4:4) Binababalaan tayo nito na “ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay kanilang inihahain sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.” (1 Cor. 10:20) Napakahalaga, kung gayon, na ating tiyakin na ang pagsamba natin ay talagang iniuukol sa tunay na Diyos, ang Maylalang ng langit at lupa, at na ito’y nakalulugod sa kaniya!
Lahat ba ng mga relihiyon ay sinasang-ayunan ng Diyos?
Huk. 10:6, 7: “At ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ni Jehova, at nagsimulang maglingkod sa mga Baal at sa mga imahen ni Astaroth at sa mga diyos ng Siria at sa mga diyos ng Moab at sa mga diyos ng mga anak ni Ammon at sa mga diyos ng mga Filisteo. Kaya pinabayaan nila si Jehova at hindi naglingkod sa kaniya. Dahil dito ang galit ni Jehova ay nag-alab laban sa Israel.” (Kung sasambahin ng isang tao ang anomang bagay o sinomang persona bukod sa tunay na Diyos, ang Maylalang ng langit at lupa, maliwanag na ang kaniyang paraan ng pagsamba ay hindi sasang-ayunan ni Jehova.)
Mar. 7:6, 7: “Sinabi niya [ni Jesus] sa kanila [mga Judiong Pariseo at eskriba]: ‘Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, gaya ng nasusulat, “Ang bayang ito’y iginagalang ako ng kanilang mga labi, datapuwa’t ang kanilang puso ay malayo sa akin. Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, sapagka’t nagtuturo ng kanilang pinaka-aral ng mga utos ng tao.” ’ ” (Sinoman ang inaangking sinasamba ng isang grupo, kung sila’y nanghahawakan sa turo ng mga tao sa halip na sa kinasihang Salita ng Diyos, ang kanilang pagsamba ay walang kabuluhan.)
Roma 10:2, 3: “Sila’y pinatotohanan ko na mayroon silang sigasig sa Diyos; nguni’t hindi ayon sa wastong kaalaman; sapagka’t sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Diyos at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi nagpasakop sa katuwiran ng Diyos.” (Maaaring taglay ng mga tao ang nasusulat na Salita ng Diyos subali’t wala silang wastong kaalaman sa nilalaman nito, sapagka’t hindi sila tinuruan nang wasto. Maaaring isipin nila na sila’y masigasig ukol sa Diyos, nguni’t hindi naman sinusunod ang kaniyang mga kahilingan. Ang kanilang pagsamba ay hindi magiging kalugudlugod sa Diyos, hindi ba?)
Totoo ba na may mabuti sa lahat ng mga relihiyon?
Karamihan nga ng mga relihiyon ay nagtuturo na masama ang magsinungaling o magnakaw. Nguni’t sapat na ba ito? Iinumin ba ninyo ang isang basong tubig na may lason sapagka’t may nagsabi sa inyo na ang karamihan sa iniinom ninyo ay tubig?
2 Cor. 11:14, 15: “Si Satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan. Kaya hindi malaking bagay na ang kaniyang mga ministro naman ay magpapakunwaring mga ministro ng katuwiran.” (Pinaalalahanan tayo dito na hindi lahat na nagmumula kay Satanas ay mukhang nakakatakot. Ang isa sa pangunahin niyang paraan upang linlangin ang sangkatauhan ay ang iba’t ibang huwad na relihiyon, na ang ilan sa mga ito ay pinalilitaw niyang may matuwid na anyo.)
2 Tim. 3:2, 5: “Ang mga tao’y . . . may anyo ng kabanalan datapuwa’t tinatanggihan ang kapangyarihan nito; lumayo ka rin naman sa mga ito.” (Kahit sinasabi nilang may pag-ibig sa Diyos, kung ang mga kasama ninyo sa pagsamba ay hindi taimtim na namumuhay ayon sa kaniyang Salita, hinihimok kayo ng Bibliya na putulin ang pakikisama sa kanila.)
Wasto ba na iwanan ng isa ang relihiyon ng kaniyang mga magulang?
Kung ang itinuro ng ating mga magulang ay talagang mula sa Bibliya, dapat nating panghawakan ito. Kahit matuklasan natin na ang kanilang relihiyosong gawain at paniniwala ay hindi kasuwato ng Salita ng Diyos, ang mga magulang natin ay nararapat pa rin nating igalang. Subali’t paano kung napag-alaman ninyo na ang inyong mga magulang ay may inuugali na nakapipinsala sa kalusugan at maaaring magpaikli ng buhay? Gagayahin ba ninyo sila at tuturuan ba ninyo ang inyong mga anak na gayahin sila, o may pagpipitagang sasabihin sa kanila ang inyong nalalaman? Kahawig nito, ang kaalaman ng katotohanan sa Bibliya ay nagdadala ng pananagutan. Hangga’t maaari, dapat nating sabihin sa ating mga kasambahay ang ating natututuhan. Kailangang magpasiya tayo: Talaga bang iniibig natin ang Diyos? Talaga bang gusto nating sundin ang Anak ng Diyos? Upang magawa ito maaaring kailangang iwanan natin ang relihiyon ng ating mga magulang upang bumaling sa tunay na pagsamba. Hindi nga magiging tama kung higit nating mamahalin ang ating mga magulang kaysa Diyos at kay Kristo, hindi ba? Sinabi ni Jesus: “Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kaysa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kaysa akin ay hindi karapatdapat sa akin.”—Mat. 10:37.
Jos. 24:14: “Ngayon nga ay matakot kayo kay Jehova at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan, at inyong alisin ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga magulang sa dako roon ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran si Jehova.” (Ito’y nangangahulugang iiwanan ang relihiyon ng kanilang mga magulang, hindi ba? Upang makapaglingkod kay Jehova, kailangan nilang alisin ang mga imahen na ginagamit sa relihiyong iyon at alisin sa kanilang mga puso ang anomang hilig para sa mga bagay na ito.)
1 Ped. 1:18, 19: “Nalalaman ninyo na kayo’y tinubos hindi ng mga bagay na nasisira, ng pilak o ginto, mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay, na ipinamana sa inyo ng inyong mga magulang. Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, samakatuwid baga’y ang dugo ni Kristo.” (Kaya, ang unang mga Kristiyano ay tumalikod sa mga sali’t saling sabi ng kanilang mga magulang, na hindi makapagdudulot sa kanila ng walang-hanggang buhay. Dahil sa pagpapahalaga nila sa hain ni Kristo, gusto nilang alisin sa kanilang buhay ang anomang bagay na walang kabuluhan at walang tunay na layuning magdulot ng karangalan sa Diyos. Hindi ba dapat nating taglayin ang gayunding saloobin?)
Ano ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa pagsasamasama ng iba’t ibang relihiyon (interfaith)?
Ano ang pangmalas ni Jesus sa mga relihiyosong pinuno na nagkunwaring sila’y matuwid nguni’t hindi gumalang sa Diyos? “Sinabi sa kanila ni Jesus: ‘Kung ang Diyos ang inyong Ama, ay iibigin ninyo ako, sapagka’t ako’y nagmula at nanggaling sa Diyos. Sapagka’t hindi ako naparito sa aking sarili, kundi ako’y sinugo Niya. . . . Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nanatili sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya, sapagka’t siya’y isang sinungaling at ang ama ng kasinungalingan. Nguni’t dahil sa sinasabi ko ang katotohanan, ay hindi ninyo ako sinasampalatayanan. . . . Dahil dito’y hindi kayo nakikinig, sapagka’t kayo’y hindi sa Diyos.”—Juan 8:42-47.
Magpapakita ba ng katapatan sa Diyos at sa kaniyang matuwid na pamantayan kung tatanggapin ng kaniyang mga lingkod bilang kapatid sa pananampalataya yaong mga nagsisigawa o kaya’y sumasang-ayon sa mga bagay na hinahatulan ng Diyos? “Huwag kayong makisama sa kaninomang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o masakim o mananamba sa diyus-diyosan o mapagtungayaw o manglalasing o manghuhuthot, na huwag man lamang kayong makisalo sa gayong tao. . . . Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga sumisiping sa kapuwa lalake, ni ang mga magnanakaw, ni ang mga masasakim, ni ang mga manglalasing, ni ang mga mapagtungayaw, ni ang mga manghuhuthot, ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Cor. 5:11; 6:9, 10) “Sinomang . . . mag-ibig na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na isang kaaway ng Diyos.” (Sant. 4:4) “O kayong nagsisiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan. Kaniyang iniingatan ang mga kaluluwa ng mga tapat sa kaniya.”—Awit 97:10.
2 Cor. 6:14-17: “Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya. Sapagka’t anong pakikisama mayroon ang katuwiran at kalikuan? O anong pakikisama mayroon ang kaliwanagan sa kadiliman? At anong pakikipagkasundo mayroon si Kristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang sumasampalataya sa di-sumasampalataya? At anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? . . . ‘ “Kaya nga, magsialis kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,” sabi ni Jehova, “at huwag kayong magsihipo ng mga bagay na marumi” ’; ‘ “at kayo’y aking tatanggapin.” ’ ”
Apoc. 18:4, 5: “Narinig ko ang ibang tinig mula sa langit na nagsasabi: ‘Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo gustong maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo gustong tumanggap ng kaniyang mga salot. Sapagka’t ang kaniyang mga kasalanan ay umabot hanggang sa langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang mga katampalasanan.’ ” (Ukol sa mga detalye, tingnan ang paksang “Babilonyang Dakila.”)
Kailangan bang maging kasapi sa isang organisadong relihiyon?
Karamihan sa mga organisasyong relihiyoso ay nakapagluwal ng masamang bunga. Hindi masama ang maorganisa bilang isang grupo. Nguni’t itinataguyod ng marami ang mga anyo ng pagsamba na nasasalig sa huwad na mga turo at nagdidiin ng seremonya sa halip na naglalaan ng tunay na espirituwal na patnubay; kinasangkapan ang mga ito upang supilin ang buhay ng mga tao ukol sa mapag-imbot na mga layunin; higit nilang ikinababahala ang pangingilak ng salapi at pagtatayo ng magagarang simbahan kaysa espirituwal na kapakanan ng mga tao; ang mga miyembro nila kadalasa’y mapagpaimbabaw. Tiyak na walang umiibig sa katuwiran ang gustong maging kaanib ng gayong organisasyon. Nguni’t kasiyasiya ang kaibahan sa tunay na relihiyon. Gayumpaman, upang tumugon sa mga kahilingan ng Bibliya, ito’y kailangang maging organisado.
Heb. 10:24, 25: “Tayo’y mangagtinginan upang tayo’y mangaudyok sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipong samasama, gaya ng ugali ng iba, kundi magpalakasan sa isa’t isa, at lalong lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.” (Upang tuparin ang utos na ito sa Kasulatan, kailangang magkaroon ng Kristiyanong mga pulong na ating madadaluhan nang palagian. Ang gayong kaayusan ay nagpapasigla sa atin na ibigin ang iba at hindi lamang mabahala sa sarili.)
1 Cor. 1:10: “Ngayo’y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na kayong lahat ay magsalita ng isa lamang bagay, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi, kundi kayo’y magkaroon ng lubos na pagkakaisa sa isa lamang diwa at isa lamang takbo ng kaisipan.” (Hindi matatamo ang gayong pagkakaisa kung ang mga indibiduwal ay hindi magkakatipon-tipon, makikinabang sa iisang palatuntunan ng espirituwal na pagpapakain, at igagalang ang organisasyong ginagamit upang maglaan ng gayong pagtuturo. Tingnan din ang Juan 17:20, 21.)
1 Ped. 2:17: “Ibigin ninyo ang buong pagkakapatiran.” (Limitado ba ito sa mga nagtitipon-tipon ukol sa pagsamba sa isang pribadong tahanan? Hindi; ito’y isang pambuong-daigdig na kapatiran, gaya ng ipinakikita sa Galacia 2:8, 9 at 1 Corinto 16:19.)
Mat. 24:14: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Kung ang lahat ng bansa ay bibigyan ng pagkakataong makarinig ng mabuting balita, kailangang isagawa ang gawaing pangangaral nang may kaayusan, na may angkop na pangangasiwa. Ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa ang nag-udyok sa maraming tao sa palibot ng lupa na magsamasama upang ganapin ang gawaing ito.)
Tingnan din ang paksang “Organisasyon.”)
Ang pag-ibig ba sa kapuwa ang siyang pinakamahalaga?
Hindi mapag-alinlanganan na mahalaga ang pag-ibig sa kapuwa. (Roma 13:8-10) Nguni’t higit pa ang nasasangkot sa pagiging Kristiyano kaysa basta pagpapakita ng kabaitan sa ating kapuwa. Sinabi ni Jesus na makikilala ang kaniyang tunay na mga alagad dahil sa pag-ibig nila sa isa’t isa, sa mga kapananampalataya. (Juan 13:35) Ang kahalagahan nito ay paulit-ulit na idinidiin sa Bibliya. (Gal. 6:10; 1 Ped. 4:8; 1 Juan 3:14, 16, 17) Subali’t, ipinakita ni Jesus na may higit na kahalagahan ang ating pag-ibig sa Diyos, na ating ipinakikita sa pamamagitan ng ating pagsunod sa kaniyang mga utos. (Mat. 22:35-38; 1 Juan 5:3) Upang ipamalas ang pag-ibig na ito, kailangang pag-aralan at ikapit ang Salita ng Diyos at makipagtipon sa pagsamba kasama ang kapuwa nating mga lingkod ng Diyos.
Pinakamahalaga ba ang pagkakaroon ng personal na kaugnayan sa Diyos?
Talagang mahalaga ito. Hindi maaari itong ipalit sa basta pagdalo lamang sa mga serbisyong relihiyoso sa pormalistikong paraan. Subali’t kailangang pakaingat tayo. Bakit? Noong unang siglo, inaakala ng iba na may mabuti silang kaugnayan sa Diyos nguni’t ipinakita ni Jesus na sila’y nagkakamali. (Juan 8:41-44) Sumulat si apostol Pablo tungkol sa iba na may sigasig sa kanilang pananampalataya at nag-aakalang may mabuting kaugnayan sa Diyos subali’t hindi talagang nakakaunawa sa mga kahilingan upang sila’y sang-ayunan ng Diyos.—Roma 10:2-4.
Posible bang magkaroon ng mabuting personal na kaugnayan sa Diyos kung ating ipagwawalang-bahala ang kaniyang mga utos? Ang isa sa mga utos na ito ay na tayo’y dapat na makipagtipon kasama ng ating mga kapananampalataya.—Heb. 10:24, 25.
Sapat na ba ang personal na pagbabasa natin sa Bibliya?
Totoo na maraming matututuhan ang iba sa personal na pagbabasa ng Bibliya. Kung ang motibo nila ay ang matutuhan ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin, ito’y totoong kapuri-puri. (Gawa 17:11) Nguni’t, kung tatapatin natin ang ating sarili, atin bang lubos na matatalos ang kahulugan nito kung walang tutulong sa atin? May binabanggit sa Bibliya na isang lalake na may mataas na katayuan nguni’t may-kapakumbabaan niyang inamin na kailangan niya ng tulong upang maunawaan niya ang mga hula ng Bibliya. Ang tulong na iyan ay ibinigay ng isang miyembro ng kongregasyong Kristiyano.—Gawa 8:26-38; ihambing ang ibang pagtukoy kay Felipe sa Gawa 6:1-6; 8:5-17.
Sabihin pa, kung babasahin ng isa ang Bibliya nguni’t hindi ikinakapit sa kaniyang buhay, hindi siya makikinabang. Kung ito’y kaniyang pinaniniwalaan at ikinakapit, tiyak na makikisama siya sa mga lingkod ng Diyos sa regular na mga pulong ng kongregasyon. (Heb. 10:24, 25) Siya’y makikisama din sa kanila sa pangangaral ng “mabuting balita” sa ibang mga tao.—1 Cor. 9:16; Mar. 13:10; Mat. 28:19, 20.
Papaano malalaman ng isang tao kung aling relihiyon ang tama?
(1) Sa ano nasasalig ang mga turo nito? Ang mga ito ba’y mula sa Diyos, o mula sa mga tao? (2 Tim. 3:16; Mar. 7:7) Halimbawa, maaaring magtanong: Saan sa Bibliya itinuturo na ang Diyos ay isang Trinidad? Saan binabanggit na ang kaluluwang tao ay imortal?
(2) Isaalang-alang kung ipinakikilala nito ang pangalan ng Diyos. Sinabi ni Jesus sa panalangin sa Diyos: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” (Juan 17:6) Inihayag niya: “Si Jehova mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” (Mat. 4:10) Tinuruan ba kayo ng inyong relihiyon na ‘si Jehova ang dapat mong sambahin’ ? Nakikilala ba ninyo ang Personang nagtataglay ng pangalang iyan—ang kaniyang mga layunin, kaniyang mga gawain, kaniyang mga katangian—anupa’t nadadama ninyo na makalalapit kayo sa kaniya nang may pagtitiwala?
(3) Nagpapakita ba ito ng tunay na pananampalataya kay Jesu-Kristo? Nasasangkot dito ang pagpapahalaga sa paghahandog ni Jesus ng kaniyang buhay-tao at sa katungkulan niya ngayon bilang makalangit na Hari. (Juan 3:36; Awit 2:6-8) Ang gayong pagpapahalaga ay ipinakikita sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesus—na personal na nakikibahaging may kasigasigan sa gawaing iniatas niya sa kaniyang mga tagasunod. Ang tunay na relihiyon ay nagtataglay ng gayong uri ng pananampalataya na may kasamang mga gawa.—Sant. 2:26.
(4) Ito ba’y pulos seremonya, na may panlabas na anyo lamang, o isang daan ng pamumuhay? Mahigpit na hinahatulan ng Diyos ang relihiyon na walang iba kundi panlabas na anyo. (Isa. 1:15-17) Itinataguyod ng tunay na relihiyon ang pamantayan ng Bibliya sa moralidad at sa malinis na pananalita sa halip na basta sumunod na lamang sa popular na mga hilig. (1 Cor. 5:9-13; Efe. 5:3-5) Ang mga miyembro nito ay kamamalasan ng mga bunga ng espiritu ng Diyos sa kanilang buhay. (Gal. 5:22, 23) Kaya, yaong mga nanghahawakan sa tunay na pagsamba ay makikilala dahil sa kanilang taimtim na pagsisikap na ikapit ang mga pamantayan ng Bibliya sa kanilang buhay hindi lamang sa kanilang mga pinagpupulungan kundi sa kanilang buhay pampamilya, sa trabaho, sa paaralan, at sa paglilibang.
(5) Ang mga miyembro ba nito ay tunay na nag-iibigan sa isa’t isa? Sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y makikilala ng lahat ng mga tao na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang gayong uri ng pag-ibig ay hindi hinahadlangan ng mga hangganan ng lahi, lipunan, at bansa, kundi binubuklod nito ang mga tao sa isang tunay na kapatiran. Ang pag-ibig na ito ay totoong matibay anupa’t namumukod-tangi sila. Pagka nagdidigmaan ang mga bansa, sino ang may tunay na pag-ibig sa kanilang mga kapatid na Kristiyano sa ibang lupain at tumatangging humawak ng sandata at pumatay sa kanila? Iyan ang ginawa ng mga unang Kristiyano.
(6) Ito ba’y tunay na hiwalay sa sanlibutan? Sinabi ni Jesus na ang kaniyang tunay na mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Kung sasambahin natin ang Diyos sa paraan na kaniyang sinasang-ayunan, kailangang ingatan natin ang ating sarili na ‘walang dungis sa sanlibutan.’ (Sant. 1:27) Maaari bang sabihin ito may kaugnayan sa mga klero at iba pang mga miyembro na nakikisangkot sa politika, o namumuhay lamang ukol sa materyal na mga bagay at pita ng laman?—1 Juan 2:15-17.
(7) Ang mga miyembro bang ito ay aktibong mga saksi tungkol sa Kaharian ng Diyos? Inihula ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mat. 24:14) Aling relihiyon ang talagang naghahayag ng Kaharian ng Diyos bilang pag-asa ng sangkatauhan sa halip na himukin ang mga tao na tumingin sa pamamahala ng tao upang lutasin ang kanilang mga suliranin? Inihanda ba kayo ng inyong relihiyon upang makibahagi sa gawaing ito, at gawin ito sa bahay-bahay gaya ng itinuro ni Jesus na gawin ng kaniyang mga apostol?—Mat. 10:7, 11-13; Gawa 5:42; 20:20.
Naniniwala ba ang mga Saksi ni Jehova na ang kanila ang tanging tunay na relihiyon?
Tingnan ang mga pahina 381, 382, sa ilalim ng “Mga Saksi ni Jehova.”
Bakit ang ilang tao ay may pananampalataya samantalang ang iba ay wala?
Tingnan ang paksang “Pananampalataya.”
Kung May Magsasabi—
‘Hindi ako interesado sa relihiyon’
Maaari kayong sumagot: ‘Hindi po ako nagtataka sa sinabi ninyong iyan. Maraming tao ang may ganiyang pangmalas. Nguni’t dati bang ganiyan ang inyong nadarama?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Ang isang bagay na nakatawag ng aking pansin ay nang matuklasan ko na halos lahat ng pangunahing turo sa simbahan ngayon ay hindi matatagpuan sa Bibliya. (Maaaring gamitin ang nasa mga pahina 381, 382, sa ilalim ng “Mga Saksi ni Jehova,” na binibigyan ng pantanging pagdidiin ang Kaharian. Bilang paghahambing, sabihin kung ano ang pinaniniwalaan ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng binabalangkas sa mga pahina 377, 378.)’
Tingnan din ang mga pahina 16, 17.
‘Masyadong mapagpaimbabaw ang relihiyon’
Maaari kayong sumagot: ‘Oo, sang-ayon ako sa sinabi ninyo. Marami’y maganda ang ipinangangaral nguni’t iba naman ang ginagawa. Nguni’t gusto kong malaman, Ano naman ang nadarama ninyo tungkol sa Bibliya? (Awit 19:7-10)’
‘Ako’y namumuhay ng mabuti. Wala akong ginagawang masama sa aking kapuwa. Iyan na lamang ang aking relihiyon’
Maaari kayong sumagot: ‘Yamang sinabi ninyo na kayo’y namumuhay ng mabuti, malamang na nasisiyahan kayo sa buhay, hindi po ba? . . . Magugustuhan ba ninyong mabuhay sa mga kalagayang inilalarawan dito sa Apocalipsis 21:4? . . . Pansinin kung ano ang sinabi ng Juan 17:3 na kailangang gawin upang ito’y matamasa.’
Tingnan din ang pahina 364.
‘Hindi ako interesado sa organisadong relihiyon. Naniniwala ako na ang mahalaga ay isang personal na kaugnayan sa Diyos’
Maaari kayong sumagot: ‘Interesado ako sa sinabi ninyong iyan. Dati bang ganiyan ang nadarama ninyo? . . . Naging kaanib ba kayo sa isang relihiyon noong una? . . . (Saka maaaring gamitin ang materyal sa mga pahina 363-365.)’
‘Hindi ako sang-ayon sa lahat ng itinuturo ng aking iglesiya, nguni’t hindi ako magbabago ng relihiyon. Mas gusto kong sikaping pabutihin pa ang sarili kong relihiyon.’
Maaari kayong sumagot: ‘Mabuti’t sinabi ninyo iyan. Seguro sang-ayon kayo na ang pinaka-mahalaga sa ating lahat ay ang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, hindi po ba?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘May sinabi ang Diyos sa Apocalipsis 18:4, 5 na dapat pag-isipan nating lahat. . . . Kahit wala tayong personal na ginagawang masama, ipinakikita ng Bibliya na mayroon din tayong pananagutan kung ating tatangkilikin ang gayong mga organisasyon. (Tingnan din ang paksang “Babilonyang Dakila.”)’ (2) (Maaari ding gamitin ang materyal sa mga pahina 365-367.) (3) ‘Ang hinahanap ng Diyos ay mga taong umiibig sa katotohanan, at kaniyang tinitipon ang mga ito ukol sa nagkakaisang pagsamba. (Juan 4:23, 24)’
‘Lahat ng relihiyon ay mabuti; mayroon kayo, at mayroon din ako.’
Maaari kayong sumagot: ‘Napapansin ko na kayo’y isang taong maunawain. Nguni’t natatalos din ninyo na kailangan nating lahat ang patnubay ng Salita ng Diyos, at iyan ang dahilan kung bakit may relihiyon kayo, hindi po ba?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Dito sa Mateo 7:13, 14 binibigyan tayo ng Bibliya ng napakahalagang patnubay sa mga salita ni Jesus. (Basahin.) . . . Bakit kaya gayon ang sinabi?’
Tingnan din ang mga pahina 359, 360.
‘Basta naniniwala ka kay Jesus, hindi na mahalaga kung ano ang kinaaaniban mong relihiyon’
Maaari kayong sumagot: ‘Walang alinlangan na napakahalaga ang paniniwala kay Jesus. At marahil ang ibig ninyong sabihin ay ang tanggapin ang lahat ng kaniyang itinuro. Seguro napansin ninyo, tulad ko, na marami na nagsasabing sila’y Kristiyano ay hindi talagang namumuhay ayon sa kahulugan ng pangalang iyan.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Pansinin ang sinabi ni Jesus dito sa Mateo 7:21-23.’ (2) ‘May isang magandang kinabukasan na naghihintay doon sa mga may pagnanais na alamin at gawin ang kalooban ng Diyos. (Awit 37:10, 11; Apoc. 21:4)’
‘Bakit ninyo sinasabi na iisa lamang ang tunay na relihiyon?’
Maaari kayong sumagot: ‘Walang alinlangan na may taimtim na mga tao sa halos lahat ng relihiyon. Nguni’t ang talagang mahalaga ay kung ano ang sinasabi ng Salita ng Diyos. Ilan ang tinutukoy nitong tunay na pananampalataya? Pansinin ang nasusulat dito sa Efeso 4:4, 5.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ito’y kaayon ng sinasabi ng ibang teksto. (Mat. 7:13, 14, 21; Juan 10:16; 17:20, 21)’ (2) ‘Kaya, ang hamon sa atin ay ang alamin kung alin ang relihiyong iyan. Papaano natin ito magagawa? (Maaaring gamitin ang materyal sa mga pahina 365-367.)’ (3) (Tingnan din ang nasa mga pahina 377, 378, sa paksang “Mga Saksi ni Jehova.”)
‘Basta binabasa ko ang Bibliya sa bahay at tumatawag sa Diyos upang ito’y maunawaan’
Maaari kayong sumagot: ‘Nabasa na ba ninyo ang buong Bibliya?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Habang sinisikap ninyong gawin iyon, may makikita kayong nakakatawag-pansin sa Mateo 28:19, 20. . . . Mahalaga ito sapagka’t ipinakikita na ginagamit ni Kristo ang ibang tao upang tayo’y matulungang makaunawa kung ano ang kahulugan ng pagiging tunay na Kristiyano. Kasuwato nito, ang mga Saksi ni Jehova ay handang dumalaw sa mga tao sa kanilang tahanan para sa isang oras bawa’t linggo, nang walang bayad, upang pag-usapan ang Bibliya. Maaari po bang ipakita ko sa inyo kung papaano namin ginagawa ito?’
Tingnan din ang pahina 365.
‘Sa palagay ko ang relihiyon ay pribadong bagay’
Maaari kayong sumagot: ‘Iyan po ang karaniwang pangmalas sa ngayon, at kung ang mga tao ay talagang hindi interesado sa mensahe ng Bibliya, nalulugod kaming tumungo sa ibang tahanan. Nguni’t alam ba ninyo na ang dahilan ng pagdalaw ko sa inyo ay sapagka’t ito ang ipinag-utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod? . . . (Mat. 24:14; 28:19, 20; 10:40)’