Si Kristo—Ang Kapangyarihan ng Diyos
“Si Kristo ang kapangyarihan ng Diyos.”—1 COR. 1:24.
1. Bakit masasabi ni Pablo na “si Kristo ang kapangyarihan ng Diyos”?
SA PAMAMAGITAN ni Jesu-Kristo, ipinakita ni Jehova sa kamangha-manghang paraan ang kapangyarihan niya. Mababasa sa apat na Ebanghelyo ang detalye ng ilang himala ni Kristo, at mapatitibay nito ang pananampalataya natin. Malamang na marami pa siyang ginawang himala. (Mat. 9:35; Luc. 9:11) Oo, makikita kay Jesus ang kapangyarihan ng Diyos. Kaya naman masasabi ni apostol Pablo: “Si Kristo ang kapangyarihan ng Diyos.” (1 Cor. 1:24) Pero paano makaaapekto sa atin ang mga himala ni Jesus?
2. Ano ang matututuhan natin sa mga himala ni Jesus?
2 Sinabi ni apostol Pedro na gumawa si Jesus ng “mga palatandaan,” o mga himala. (Gawa 2:22) Ang makapangyarihang mga gawa ni Jesus noong nasa lupa siya ay patikim ng mas malalaking pagpapala sa ilalim ng pamamahala niya. Anino ito ng mga himalang gagawin ni Jesus sa buong lupa sa bagong sanlibutan ng Diyos! Makikita rin sa mga himala ni Jesus ang mga katangian niya at ng kaniyang Ama. Talakayin natin ang ilang himala ni Jesus at tingnan kung paano ito makaaapekto sa buhay natin ngayon at sa hinaharap.
ISANG HIMALA NA NAGTUTURO NG PAGKABUKAS-PALAD
3. (a) Bakit ginawa ni Jesus ang kaniyang unang himala? (b) Paano nagpakita si Jesus ng pagkabukas-palad sa Cana?
3 Sa isang piging ng kasalan sa Cana ng Galilea, ginawa ni Jesus ang kaniyang unang himala. Posibleng mas maraming bisita ang dumating kaysa sa inaasahan. Pero anuman ang dahilan, naubos ang alak. Isa sa mga bisita ang ina ni Jesus na si Maria. Sa loob ng maraming taon, tiyak na pinag-isipan niya ang lahat ng hula tungkol sa kaniyang anak, at alam niyang tatawagin itong “Anak ng Kataas-taasan.” (Luc. 1:30-32; 2:52) Naniniwala kaya si Maria na may kapangyarihan si Jesus kaya hiningan niya ito ng tulong? Isang bagay ang maliwanag, nagmamalasakit si Jesus at si Maria sa bagong kasal at gusto nilang iligtas ang mga ito sa kahihiyan. Alam kasi ni Jesus na responsibilidad ng mga ito na paglaanan ang mga bisita. Kaya makahimala niyang ginawang “mainam na alak” ang mga 380 litro ng tubig. (Basahin ang Juan 2:3, 6-11.) Naobliga lang ba si Jesus na gawin iyon? Hindi. Talagang nagmamalasakit siya sa mga tao at tinutularan niya ang pagkabukas-palad ng kaniyang makalangit na Ama.
4, 5. (a) Ano ang matututuhan natin sa unang himala ni Jesus? (b) Ano ang itinuturo sa atin ng himala sa Cana tungkol sa hinaharap?
4 Maraming ginawang mainam na alak si Jesus, sapat para sa malaking grupo. Ano ang matututuhan natin sa himalang ito? Kusang-loob na ginawa ni Jesus ang gayong kamangha-manghang bagay, at tinitiyak nito sa atin na mahalaga sa kaniya at sa kaniyang Ama ang damdamin ng mga tao. Hindi maramot si Jehova at si Jesus. Gunigunihin kung paano gagamitin ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan para maglaan ng saganang piging “sa lahat ng mga bayan” sa buong lupa.—Basahin ang Isaias 25:6.
5 Isip-isipin ito! Darating ang panahon na ang lahat ng pangangailangan at pagnanais ng bawat tao—gaya ng masustansiyang pagkain at disenteng tirahan—ay sasapatan. Tiyak na gayon na lang ang ating pasasalamat kapag naiisip natin ang magagandang bagay na saganang ilalaan ni Jehova sa atin sa Paraiso.
6. Para kanino ginamit ni Jesus ang kapangyarihan niya? Paano natin siya matutularan?
6 Pansinin na noong tuksuhin si Jesus ng Diyablo na gawing tinapay ang bato, tumanggi siyang gamitin ang kapangyarihan niya para sa kaniyang sarili. (Mat. 4:2-4) Pero ginamit ni Jesus ang kapangyarihan niya para sa kapakanan ng iba. Paano natin matutularan ang pagiging di-makasarili ni Jesus? Hinimok niya ang mga lingkod ng Diyos na “ugaliin ang pagbibigay.” (Luc. 6:38) Puwede ba nating imbitahan ang iba sa tahanan natin para magsalusalo at magpatibayan sa espirituwal? Pagkatapos ng pulong, puwede ba tayong maglaan ng panahon para tumulong sa iba, gaya ng pakikinig sa isang brother habang ineensayo ang kaniyang bahagi? Paano tayo makatutulong sa iba sa ministeryo? Tinutularan natin si Jesus kung bukas-palad tayong tumutulong sa iba sa materyal at espirituwal ayon sa kaya natin.
“ANG LAHAT AY KUMAIN AT NABUSOG”
7. Anong sitwasyon ang hindi magbabago hangga’t nananatili ang tiwaling sistemang ito?
7 Noon pa man, problema na ang kahirapan. Sinabi ni Jehova sa sinaunang Israel na hindi mawawala ang mga dukha sa lupain. (Deut. 15:11) Makalipas ang maraming siglo, sinabi ni Jesus: “Lagi ninyong kasama ang mga dukha.” (Mat. 26:11) Ang ibig bang sabihin ni Jesus, patuloy na magkakaroon ng mahihirap na tao sa lupa? Hindi. Gusto lang niyang sabihin na hangga’t nananatili ang tiwaling sistemang ito ng mga bagay, hindi mawawala ang kahirapan. Nakapagpapatibay ngang malaman na ang mga himala ni Jesus ay larawan ng magandang kinabukasang naghihintay sa atin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, kung kailan ang lahat ay kakain at mabubusog!
8, 9. (a) Bakit makahimalang pinakain ni Jesus ang libo-libong tao? (b) Ano ang nakaantig sa iyo sa himalang ito?
8 Sinabi ng salmista tungkol kay Jehova: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay.” (Awit 145:16) Bilang pagtulad sa kaniyang Ama, ang pangangailangan ng kaniyang mga tagasunod ay malimit na sinasapatan ni ‘Kristo, ang kapangyarihan ng Diyos.’ Ginagawa niya ito hindi lang para ipakita ang kapangyarihan niya. Nagmamalasakit talaga siya sa iba. Isaalang-alang natin ang Mateo 14:14-21. (Basahin.) Lumapit kay Jesus ang mga alagad niya. Maaaring hindi lang dahil gutóm na sila kundi nag-aalala rin sila sa gutóm at pagód nang mga tao na naglakad at sumunod kay Jesus mula sa mga lunsod. (Mat. 14:13) Ano ang gagawin ni Jesus?
9 Sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda, pinakain niya ang mga 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata! Hindi ba’t nakaaantig malaman na ginamit ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan para tugunan ang pangangailangan ng lahat, maging ng maliliit na bata? Ang pulutong ay “kumain at nabusog.” Ipinahihiwatig nito na marami ang pagkaing inilaan ni Jesus—hindi lang para makakain ng tinapay ang mga tao kundi para magkaroon sila ng lakas sa paglalakbay pauwi. (Luc. 9:10-17) At may 12 basket pang napunô ng natirang pagkain!
10. Ano ang malapit nang mangyari sa kahirapan?
10 Sa ngayon, milyon-milyon ang naghihirap dahil sa tiwaling pamamahala ng tao. May mga kapatid pa nga tayo na walang sapat na pagkain. Pero hindi na magtatagal, mamumuhay na ang masunuring mga tao sa isang daigdig na wala nang katiwalian at kahirapan. Kung may kapangyarihan ka, hindi ba’t sasapatan mo ang pangangailangan ng mga tao? Si Jehova ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Gusto niyang sapatan ang ating mga pangangailangan, at malapit na niyang gawin iyan. Oo, tanaw na natin ang kaginhawahan!—Basahin ang Awit 72:16.
11. Bakit kumbinsido kang malapit nang gamitin ni Kristo ang kapangyarihan niya para sa kapakanan ng buong lupa? Napakikilos ka nito na gawin ang ano?
11 Tatlo’t kalahating taon lang nagministeryo si Jesus sa lupa at sa iilang lugar lang siya gumawa ng himala. (Mat. 15:24) Pero bilang niluwalhating Hari, buong lupa ang magiging sakop niya. (Awit 72:8) Dahil sa mga himalang ginawa ni Jesus, makapagtitiwala tayong gusto niyang gamitin ang kapangyarihan niya para sa kapakanan natin. Hindi tayo makagagawa ng mga himala, pero matutulungan natin ang mga tao na malaman ang napakagandang kinabukasan na ipinapangako ng Bibliya. Hindi ba’t responsibilidad natin bilang mga Saksi ni Jehova na sabihin sa iba ang pag-asang ito? (Roma 1:14, 15) Habang binubulay-bulay natin ito, napakikilos tayong ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Awit 45:1; 49:3.
KAYA NILANG KONTROLIN ANG MGA PUWERSA NG KALIKASAN
12. Bakit tayo nakatitiyak na lubusang nauunawaan ni Jesus ang ekolohiya ng lupa?
12 Nang lalangin ng Diyos ang lupa at ang mga bagay rito, kasama niya ang kaniyang bugtong na anak bilang “dalubhasang manggagawa.” (Kaw. 8:22, 30, 31; Col. 1:15-17) Kaya lubusang nauunawaan ni Jesus ang ekolohiya ng lupa. Alam niya kung paano gagamitin at kokontrolin ang mga elemento ng kalikasan.
13, 14. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang kayang kontrolin ni Jesus ang puwersa ng kalikasan.
13 Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niyang siya “ang kapangyarihan ng Diyos” nang kontrolin niya ang puwersa ng kalikasan. Pansinin kung ano ang ginawa niya nang manganib ang buhay ng kaniyang mga alagad dahil sa isang buhawi. (Basahin ang Marcos 4:37-39.) Sinabi ng isang iskolar ng Bibliya: “Ang salitang Griego [para sa “buhawi” sa Marcos 4:37] ay ginamit para ilarawan ang isang nagngangalit na bagyo o unos. Hindi ito tumutukoy sa isang bugso lang ng hangin . . . kundi sa isang bagyo na namuo mula sa madilim na kaulapan at may kasamang nagngangalit na mga bugso ng hangin, malalakas na buhos ng ulan, na sumasalanta sa lahat ng madaanan nito.” Sa ulat ni Mateo, inilalarawan ang buhawing ito bilang “isang malaking daluyong.”—Mat. 8:24.
14 Gunigunihin ang sitwasyon: Hinahampas ng malalakas na alon ang bangka at pumapasok na sa loob nito ang tubig. Kahit napakalakas ng bagyo at alon, tulóg pa rin si Jesus dahil sa pagod sa ministeryo. Takót na takót ang mga alagad kaya ginising nila si Jesus, at sinabi: “Mamamatay na kami!” (Mat. 8:25) Ano ang ginawa ni Jesus? Bumangon siya at sinabi sa hangin at dagat: “Tigil! Tumahimik ka!” (Mar. 4:39) Huminto ang bagyo, at “nagkaroon ng lubos na katahimikan.” Isa ngang kahanga-hangang katibayan ng kapangyarihan ni Jesus!
15. Paano ipinakita ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na kaya niyang kontrolin ang mga puwersa ng kalikasan?
15 Ang kapangyarihan ni Kristo ay nagmula kay Jehova, kaya alam natin na kayang-kayang kontrolin ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang mga puwersa ng kalikasan. Pansinin ang ilang halimbawa. Bago ang Baha, sinabi ni Jehova: “Pitong araw na lamang at magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa nang apatnapung araw at apatnapung gabi.” (Gen. 7:4) Mababasa naman sa Exodo 14:21: “Pinasimulan ni Jehova na paurungin ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silangan.” At sinasabi sa Jonas 1:4: “Si Jehova ay nagpabugso ng isang malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat; at kung tungkol sa barko, iyon ay malapit nang magiba.” Nakapagpapatibay ngang malaman na kayang kontrolin ni Jehova ang mga elemento ng kalikasan! Maliwanag, nasa mabuting kamay ang kinabukasan ng planetang Lupa.
16. Bakit nakapagpapatibay malaman na kayang kontrolin ng ating Maylalang at ng kaniyang Anak ang mga puwersa ng kalikasan?
16 Nakapagpapatibay talagang bulay-bulayin ang kamangha-manghang kapangyarihan ng ating Maylalang at ng kaniyang “dalubhasang manggagawa.” Sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, mabubuhay nang panatag ang lahat ng tao. Ang mga likas na sakuna ay mawawala na. Sa bagong sanlibutan, hindi na tayo matatakot na baka salantain tayo ng bagyo, tsunami, pagsabog ng bulkan, o lindol. Sa panahong iyon, mapapasa mga tao “ang tolda ng Diyos,” kaya wala nang mamamatay o masasaktan dahil sa mga puwersa ng kalikasan. (Apoc. 21:3, 4) Makapagtitiwala tayo na bibigyan ni Jehova si Jesus ng kapangyarihang kontrolin ang mga puwersa ng kalikasan sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.
TULARAN ANG DIYOS AT SI KRISTO
17. Paano natin matutularan ang Diyos at si Kristo?
17 Hindi gaya ni Jehova at ni Jesus, wala tayong kapangyarihang pigilan ang likas na mga sakuna. Pero masasabing may kapangyarihan din tayo. Paano natin gagamitin ito? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi ng Kawikaan 3:27. (Basahin.) Kapag dumaranas ng matitinding problema ang ating mga kapatid, maaari natin silang alalayan sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na paraan. (Kaw. 17:17) Halimbawa, maaari natin silang tulungan na makabangon mula sa likas na sakuna. Ganito ang sinabi ng isang biyuda matapos masira ng bagyo ang bahay niya: “Laking pasasalamat ko na bahagi ako ng organisasyon ni Jehova, hindi lang dahil tinulungan nila ako sa materyal kundi pati sa espirituwal.” Pansinin ang sinabi ng isang sister na walang asawa. Litong-lito siya at halos mawalan ng pag-asa nang makita niya kung paano sinira ng bagyo ang kaniyang bahay. Pero matapos makatanggap ng tulong, sinabi niya: “Hindi ko mailarawan kung ano ang nadarama ko . . . Salamat, Jehova!” Nagagalak tayo na bahagi tayo ng isang kapatirang tunay na nagmamalasakit sa kapuwa. Pero higit kaysa rito, lubos nating ikinagagalak na si Jehova at si Jesu-Kristo ay tunay na nagmamalasakit sa atin.
18. Ano ang kahanga-hanga sa motibo ni Jesus sa paggawa ng mga himala?
18 Sa panahon ng kaniyang ministeryo, ipinakita ni Jesus na siya “ang kapangyarihan ng Diyos.” Pero ano ang motibo niya? Hindi kailanman ginamit ni Jesus ang kapangyarihan niya para sa sariling kapakanan o para pahangain ang iba. Sa halip, ipinakikita ng mga himalang ginawa niya na mahal niya ang mga tao. Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.