Unang Liham sa mga Taga-Corinto
1 Ako si Pablo, na tinawag para maging apostol+ ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos, at kasama ko si Sostenes na ating kapatid; 2 sumusulat ako sa kongregasyon ng Diyos sa Corinto,+ sa inyo na pinabanal at kaisa ni Kristo Jesus,+ mga tinawag para maging banal,+ pati na sa lahat ng nasa ibang lugar na tumatawag sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ na Panginoon nila at natin:
3 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos dahil sa walang-kapantay na kabaitan na ibinigay ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Jesus; 5 dahil kayo ay kaisa niya, tinanggap ninyo ang lahat ng bagay, kasama na ang kakayahang ihayag ang salita at pagkakaroon ng lubos na kaalaman,+ 6 at ang patotoo* tungkol sa Kristo+ ay nagpatatag sa inyo, 7 kaya hindi kayo nagkukulang sa anumang kaloob, habang sabik ninyong hinihintay ang pagsisiwalat sa ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 8 Patatatagin din niya kayo hanggang wakas para maging malaya kayo sa anumang akusasyon sa araw ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 9 Tapat ang Diyos,+ na tumawag sa inyo para maging kaisa ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo na ating Panginoon.
10 Mga kapatid, sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, hinihimok ko kayong lahat na magsalita nang may pagkakaisa at huwag magkabaha-bahagi,+ kundi lubos kayong magkaisa sa kaisipan at pagpapasiya.*+ 11 Dahil mga kapatid ko, ibinalita sa amin ng ilan mula sa sambahayan ni Cloe na may mga di-pagkakasundo sa gitna ninyo.+ 12 Ang ibig kong sabihin, may nagsasabi sa inyo: “Kay Pablo ako,” “Kay Apolos ako,”+ “Kay Cefas ako,” “Kay Kristo ako.” 13 Nababahagi ba ang Kristo? Hindi ipinako sa tulos si Pablo para sa inyo, hindi ba? Binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Nagpapasalamat ako sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo+ at Gayo,+ 15 para walang sinumang magsabi na binautismuhan kayo sa pangalan ko. 16 Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas.+ Bukod sa kanila, hindi ko alam kung may binautismuhan pa ako. 17 Dahil isinugo ako ni Kristo, hindi para magbautismo, kundi para ihayag ang mabuting balita,+ pero hindi gamit ang pananalita ng matatalinong tao,*+ para hindi mawalan ng silbi ang pahirapang tulos ng Kristo.
18 Dahil ang mensahe tungkol sa pahirapang tulos ay kamangmangan para sa mga malilipol,+ pero para sa atin na mga inililigtas, ito ay kapahayagan ng kapangyarihan ng Diyos.+ 19 Dahil nasusulat: “Paglalahuin ko ang karunungan ng marurunong, at itatakwil* ko ang katalinuhan ng matatalino.”+ 20 Nasaan ang marunong? Ang eskriba? Ang debatista ng sistemang ito? Hindi ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan? 21 Sa ganitong paraan naipakita ang karunungan ng Diyos: Hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos+ sa pamamagitan ng sarili nitong karunungan.+ Sa halip, minabuti ng Diyos na iligtas ang mga nananampalataya sa pamamagitan ng ipinangangaral na mensahe na kamangmangan+ para sa iba.
22 Dahil ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda+ at ang mga Griego ay naghahanap ng karunungan;+ 23 pero ipinangangaral natin si Kristo na ipinako sa tulos, na isang katitisuran para sa mga Judio+ at kamangmangan naman para sa ibang mga bansa.+ 24 Pero para sa mga tinawag, kapuwa mga Judio at mga Griego, si Kristo ang kapahayagan ng kapangyarihan at karunungan ng Diyos.+ 25 Dahil ang sinasabing kamangmangan at kahinaan ng Diyos ay nakahihigit sa itinuturing ng tao na karunungan at kalakasan.+
26 Dahil nakita ninyo, mga kapatid, na noong tawagin kayo ng Diyos, hindi siya pumili ng maraming matalino ayon sa pananaw ng tao,+ ng maraming makapangyarihan, at ng maraming ipinanganak na maharlika,+ 27 kundi pinili ng Diyos ang mga itinuturing na mangmang sa sanlibutan para ipahiya ang marurunong; pinili ng Diyos ang itinuturing na mahihina sa sanlibutan para ipahiya ang malalakas;+ 28 at pinili ng Diyos ang mga itinuturing na hamak sa sanlibutan at ang mga minamaliit, ang mga walang halaga, para wasakin ang mga itinuturing na mahalaga,+ 29 para walang sinuman ang magmalaki sa harap ng Diyos. 30 Dahil sa kaniya ay naging kaisa kayo ni Kristo Jesus, na nagsiwalat sa atin ng karunungan ng Diyos, naging paraan para maging matuwid tayo,+ nagpabanal sa atin,+ at nagpalaya sa atin sa pamamagitan ng pantubos,+ 31 para matupad ang nasusulat: “Siya na nagmamalaki, ipagmalaki niya si Jehova.”+