Ituon ang Iyong Puso sa Espirituwal na mga Kayamanan
“Kung nasaan ang inyong kayamanan, doroon din ang inyong mga puso.”—LUC. 12:34.
1, 2. (a) Anong tatlong espirituwal na kayamanan ang ibinigay sa atin ni Jehova? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
SI Jehova ang pinakamayamang Persona sa uniberso. (1 Cro. 29:11, 12) Siya ay isang bukas-palad na Ama na saganang nagbabahagi ng kaniyang espirituwal na mga kayamanan sa mga nagpapahalaga rito. Talaga ngang nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil diyan! Kabilang sa espirituwal na mga kayamanang ito (1) ang Kaharian ng Diyos, (2) ang ating nagliligtas-buhay na ministeryo, at (3) ang mahahalagang katotohanan sa kaniyang Salita. Pero kung hindi tayo mag-iingat, puwedeng mawala ang pagpapahalaga natin sa mga ito—na para bang itinatapon ang mga ito. Para hindi mangyari iyan, kailangan nating laging tandaan ang kahalagahan ng mga ito at pasidhiin ang ating pag-ibig sa mga ito. Sinabi ni Jesus: “Kung nasaan ang inyong kayamanan, doroon din ang inyong mga puso.”—Luc. 12:34.
2 Talakayin natin kung paano natin mapalalago at mapananatili ang ating pag-ibig at pagpapahalaga sa Kaharian, sa ministeryo, at sa katotohanan. Kasabay nito, bulay-bulayin kung paano mo personal na mapasisidhi ang iyong pag-ibig sa espirituwal na mga kayamanang ito.
ANG KAHARIAN NG DIYOS—TULAD NG NAPAKAMAMAHALING PERLAS
3. Sa ilustrasyon ni Jesus, ano ang handang gawin ng mangangalakal para makuha niya ang napakamamahaling perlas? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
3 Basahin ang Mateo 13:45, 46. Inilahad ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa isang mangangalakal na naghahanap ng mga perlas. Siguradong daan-daan na ang nabili at naibenta niyang perlas sa nakalipas na mga taon. Ngayon, nasumpungan niya ang isang napakagandang perlas, na talagang nagpasaya sa kaniya. Pero para mabili niya ito, kailangan niyang ipagbili ang lahat ng tinataglay niya. Naguguniguni mo ba kung gaano kahalaga sa kaniya ang perlas na iyon?
4. Kung pinahahalagahan natin ang Kaharian ng Diyos gaya ng pagpapahalaga ng mangangalakal sa perlas, ano ang gagawin natin?
4 Ano ang matututuhan natin dito? Ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos ay gaya ng napakamamahaling perlas na iyon. Kung pinahahalagahan natin ito gaya ng pagpapahalaga ng mangangalakal sa perlas, handa nating iwan ang lahat ng bagay para maging sakop ng Kaharian at manatiling gayon. (Basahin ang Marcos 10:28-30.) Isaalang-alang natin ang dalawang indibiduwal na gumawa nito.
5. Paano nagpakita si Zaqueo ng determinasyon para matamo ang Kaharian ng Diyos?
5 Si Zaqueo ay isang punong maniningil ng buwis na yumaman dahil sa pangingikil. (Luc. 19:1-9) Pero nang marinig ng di-matuwid na taong ito ang ipinangangaral ni Jesus tungkol sa Kaharian, nakita niya ang kahalagahan nito at kumilos agad. Sinabi niya: “Narito! Ang kalahati ng aking mga pag-aari, Panginoon, ay ibibigay ko sa mga dukha, at anumang kinikil ko kaninuman sa pamamagitan ng bulaang akusasyon ay isasauli kong makaapat na ulit.” Iniwan niya ang kaniyang nakaw na yaman at tinalikuran ang kasakiman.
6. Anong mga pagbabago ang ginawa ni Rose para maging sakop ng Kaharian ng Diyos? At bakit niya ito ginawa?
6 Ilang taon na ang nakararaan, isang babae na tatawagin nating Rose, isang lesbian, ang nakaalam ng mensahe ng Kaharian. Mayroon siyang karelasyong kapuwa babae, at presidente siya ng isang organisasyon na nakikipaglaban para sa karapatan ng mga homoseksuwal. Nang mag-aral si Rose ng Bibliya, nakita niya ang kahalagahan ng katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos at na kailangan niyang gumawa ng malalaking pagbabago. (1 Cor. 6:9, 10) Nagbitiw siya sa posisyon niya at hiniwalayan ang kaniyang karelasyon. Nabautismuhan si Rose noong 2009, at nang sumunod na taon, nag-regular pioneer siya. Mas masidhi ang pag-ibig niya kay Jehova at sa kaniyang Kaharian kaysa sa anumang makalamang pagnanasa.—Mar. 12:29, 30.
7. Paano natin mapananatili ang buong-pusong pag-ibig sa Kaharian ng Diyos?
7 Marami na sa atin ang nakagawa ng malalaking pagbabago sa buhay para maging sakop ng Kaharian ng Diyos. (Roma 12:2) Pero hindi pa tapos ang ating laban. Kailangan tayong maging mapagbantay sa mga bagay na nagpapahina sa ating pag-ibig sa Kaharian, gaya ng paghahangad sa materyal na mga bagay at imoral na mga pagnanasa. (Kaw. 4:23; Mat. 5:27-29) Para mapanatili natin ang buong-pusong pag-ibig sa Kaharian, binigyan tayo ni Jehova ng isa pang napakahalagang kayamanan.
ANG ATING NAGLILIGTAS-BUHAY NA MINISTERYO
8. (a) Bakit inilarawan ni apostol Pablo ang ating ministeryo bilang ‘kayamanan sa mga sisidlang luwad’? (b) Paano ipinakita ni Pablo na mahalaga ang kaniyang ministeryo?
8 Inatasan tayo ni Jesus na ipangaral at ituro ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mat. 28:19, 20) Kinilala ni apostol Pablo ang kahalagahan ng ministeryo. Inilarawan niya ang ministeryo ng bagong tipan bilang ‘kayamanan sa mga sisidlang luwad.’ (2 Cor. 4:7; 1 Tim. 1:12) Hindi tayo sakdal at katulad ng mga sisidlang luwad. Pero ang mensahe na ipinangangaral natin ay makapagbibigay ng buhay na walang hanggan sa atin at sa mga nakikinig sa atin. Kaya sinabi ni Pablo: “Ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.” (1 Cor. 9:23) Oo, pinakilos si Pablo ng kaniyang pag-ibig sa ministeryo para magpagal sa paggawa ng mga alagad. (Basahin ang Roma 1:14, 15; 2 Timoteo 4:2.) Nakatulong iyan para makayanan niya ang matinding pagsalansang. (1 Tes. 2:2) Paano natin maipakikita ang gayong pag-ibig sa ministeryo?
9. Ano ang ilang paraan para maipakita natin ang pagpapahalaga sa ministeryo?
9 Ipinakita ni Pablo ang kaniyang pagpapahalaga sa ministeryo sa pamamagitan ng pagiging handang mangaral sa bawat pagkakataon. Tulad ng mga apostol at ng unang mga Kristiyano, nangangaral tayo sa bahay-bahay, sa pampublikong mga lugar, at sa di-pormal na paraan. (Gawa 5:42; 20:20) Kung nasa kalagayan tayo, pinalalawak natin ang ating ministeryo, marahil bilang auxiliary o regular pioneer. Puwede rin tayong mag-aral ng ibang wika at lumipat sa ibang lugar—sa sarili nating bansa o sa ibang bansa pa nga.—Gawa 16:9, 10.
10. Paano pinagpala si Irene dahil sa determinasyon niyang ibahagi ang mabuting balita?
10 Si Irene, isang single na sister sa United States, ay gustong-gustong mangaral sa mga Russian na nandayuhan. Kaya noong 1993, umugnay siya sa isang Russian-language group sa New York City na 20 lang ang mamamahayag. Sa loob ng 20 taon, nagpagal si Irene sa teritoryo ng wikang iyon. “Hindi pa rin ako mahusay magsalita ng Russian,” ang sabi niya. Pero pinagpala ni Jehova ang sigasig niya at ng iba pang tulad niya. Sa ngayon, mayroon nang anim na Russian congregation sa New York City. Labinlima sa mga Bible study ni Irene ang nabautismuhan. Ang ilan sa kanila ay naglilingkod bilang mga Bethelite, payunir, at mga elder. Sinabi niya, “Kapag iniisip ko ang mga tunguhin na puwede ko sanang abutin, wala sa mga ito ang makapagbibigay ng kagalakang nadarama ko ngayon.” Talagang pinahahalagahan niya ang kaniyang ministeryo!
11. Ano ang mga resulta ng patuloy na pangangaral sa kabila ng pag-uusig?
11 Kung pinahahalagahan natin ang ating ministeryo, tutularan natin si Pablo, na patuloy na nangaral sa kabila ng pag-uusig. (Gawa 14:19-22) Noong mga dekada ’30 at ’40, napaharap sa matinding pag-uusig ang ating mga kapatid sa United States. Pero gaya ni Pablo, naging matatag sila at patuloy na nangaral. Para ipagtanggol ang karapatan nating mangaral, dumulog sa korte ang mga kapatid at naipanalo ang maraming kaso. Noong 1943, nagkomento si Brother Nathan H. Knorr tungkol sa isang tagumpay natin sa U.S. Supreme Court. Sinabi niya: “Ang mga tagumpay natin ay dahil sa inyong pakikipagpunyagi. Kung ang mga mamamahayag ay hindi nagpursigi sa larangan, walang kasong maisasampa sa Korte Suprema; pero dahil kayo, ang mga mamamahayag, mga kapatid sa buong mundo, ay hindi huminto kundi nagpatuloy, nagapi ang pag-uusig. Dahil matagumpay na nanindigang matatag ang bayan ng Panginoon, sa wakas ay naibaba ang desisyong ito.” Ang katulad na paninindigan ng mga kapatid sa ibang mga bansa ay nagdulot din ng tagumpay sa korte. Oo, magagapi ng ating pag-ibig sa ministeryo ang pag-uusig.
12. Ano ang determinasyon mo pagdating sa iyong ministeryo?
12 Kapag itinuturing natin ang ating ministeryo bilang napakahalagang kayamanan mula kay Jehova, hindi tayo makokontentong mangaral para lang may maireport na oras. Sa halip, gagawin natin ang ating buong makakaya para “lubusang magpatotoo sa mabuting balita.” (Gawa 20:24; 2 Tim. 4:5) Pero ano ang ituturo natin sa iba? Talakayin natin ang isa pang kayamanan mula sa Diyos.
ANG ATING IMBAKAN NG NATUTUHANG MGA KATOTOHANAN
13, 14. Ano ang “imbakan ng kayamanan” na binanggit ni Jesus sa Mateo 13:52? At paano natin ito pupunuin?
13 Ang ikatlong espirituwal na kayamanan ay ang ating imbakan ng natutuhang mga katotohanan. Si Jehova ang Diyos ng katotohanan. (2 Sam. 7:28; Awit 31:5) Siya ay isang bukas-palad na Ama na nagbabahagi ng mga katotohanan sa mga may takot sa kaniya. Mula nang malaman natin ang katotohanan, nakapagtipon na tayo ng mga katotohanan mula sa Bibliya, mula sa ating mga publikasyon, at mula sa ating mga kombensiyon, asamblea, at lingguhang pagpupulong. Sa paglipas ng panahon, nakakaipon tayo ng mga bago at lumang katotohanan sa tinutukoy ni Jesus na “imbakan ng kayamanan.” (Basahin ang Mateo 13:52.) Tutulungan tayo ni Jehova na makaipon ng mga bagong katotohanan sa ating “imbakan ng kayamanan” kung sasaliksikin natin ang mga iyon gaya ng nakatagong kayamanan. (Basahin ang Kawikaan 2:4-7.) Paano natin gagawin iyan?
14 Kailangan natin ang mahusay at regular na personal na pag-aaral at maingat na pagsasaliksik sa Salita ng Diyos at sa ating mga publikasyon. Tutulong ito para matuklasan natin ang mga katotohanang “bago,” sa diwa na ngayon lang natin nalaman ang mga ito. (Jos. 1:8, 9; Awit 1:2, 3) Ganito ang sabi ng pinakaunang isyu ng Watch Tower, na inilathala noong Hulyo 1879: “Ang katotohanan, tulad ng isang mahinhing bulaklak sa kaparangan ng buhay, ay napalilibutan at halos nasasakal ng malagong pagtubo ng damo ng kamalian. Kung ibig mong masumpungan ito ay kailangang lagi kang mapagbantay. . . . Kung ibig mong makuha ito ay kailangan kang yumuko upang abutin ito. Huwag makontento sa isang bulaklak ng katotohanan. . . . Patuloy na magtipon, humanap ng higit pa.” Kaya naman, kailangan tayong magsikap na punuin ng mga katotohanan ang ating imbakan ng kayamanan.
15. Bakit maituturing na “luma” ang ilang katotohanan? At ano ang ilan na partikular mong pinahahalagahan?
15 Nang magsimula tayong makisama sa bayan ng Diyos, may natuklasan tayong napakahalagang mga katotohanan. Maituturing ang mga ito na “luma,” dahil nalaman natin at napahalagahan ang mga ito nang magsimula tayong mamuhay bilang Kristiyano. Ano ang ilan sa mga ito? Natutuhan natin na si Jehova ang ating Maylikha at Tagapagbigay-Buhay, at na may layunin siya sa sangkatauhan. Nalaman din natin na maibiging inilaan ng Diyos ang haing pantubos ng kaniyang Anak para mapalaya tayo sa kasalanan at kamatayan. At naunawaan natin na wawakasan ng Kaharian ang lahat ng pagdurusa at may pag-asa tayong mabuhay magpakailanman nang mapayapa at maligaya sa ilalim ng pamamahala nito.—Juan 3:16; Apoc. 4:11; 21:3, 4.
16. Ano ang kailangan nating gawin kapag may pagbabago sa ating pagkaunawa sa isang katotohanan sa Bibliya?
16 Sa pana-panahon, baka kailangang baguhin ang ating pagkaunawa sa isang hula o bahagi ng Kasulatan. Kapag nangyari iyan, kailangan nating maingat na pag-aralan ang impormasyon at bulay-bulayin ito. (Gawa 17:11; 1 Tim. 4:15) Sinisikap nating maintindihan hindi lang ang malalaking pagbabago kundi pati na ang maliliit na pagkakaiba ng luma at ng bagong pagkaunawa. Sa ganitong paraan, tiyak na maidaragdag natin ang bagong katotohanan sa ating imbakan ng kayamanan. Bakit sulit ang mga pagsisikap na ito?
17, 18. Paano makatutulong sa atin ang banal na espiritu?
17 Itinuro ni Jesus na maibabalik ng espiritu ng Diyos sa ating pag-iisip ang mga bagay na natutuhan natin. (Juan 14:25, 26) Paano ito makatutulong sa atin na mga pangmadlang tagapagturo ng mabuting balita? Isaalang-alang ang karanasan ni Peter. Noong 1970, siya ay 19 na taóng gulang at kasisimula lang maglingkod sa Bethel sa Britain. Habang nagbabahay-bahay, may nakausap siyang lalaking balbas-sarado. Tinanong siya ni Peter kung gusto niyang maunawaan ang Bibliya. Nagulat ang lalaki at sinabing isa siyang Judiong rabbi. Para subukin si Peter, tinanong siya ng rabbi, “Iho, sa anong wika isinulat ang aklat ng Daniel?” Sumagot si Peter, “Ang ilang bahagi po nito ay isinulat sa Aramaiko.” Sinabi ni Peter: “Nagulat ang rabbi na alam ko ang sagot—pero mas nagulat ako! Paano ko nalaman ang sagot? Pag-uwi ko, tiningnan ko ang mga magasing Bantayan at Gumising! ng nagdaang mga buwan, at nakakita ako ng artikulong nagpapaliwanag na ang Daniel ay isinulat sa Aramaiko.” (Dan. 2:4) Oo, maibabalik ng banal na espiritu sa ating pag-iisip ang mga bagay na nabasa natin at nailagay sa ating imbakan ng kayamanan.—Luc. 12:11, 12; 21:13-15.
18 Kung pinahahalagahan natin ang karunungan mula kay Jehova, mauudyukan tayong punuin ang ating imbakan ng kayamanan ng mga katotohanang bago at luma. Habang lumalago ang ating pag-ibig at pagpapahalaga sa karunungan ni Jehova, lubusan tayong masasangkapan bilang mga pangmadlang tagapagturo.
INGATAN ANG IYONG MGA KAYAMANAN
19. Bakit dapat nating ingatan ang ating espirituwal na mga kayamanan?
19 Patuloy na pinahihina o sinisira ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan ang ating pagpapahalaga sa espirituwal na mga kayamanang tinalakay natin sa artikulong ito. Hindi tayo ligtas sa mga taktika niya. Maaari tayong maakit ng mga pangako ng trabahong may malaking suweldo, maluhong pamumuhay, o pagpaparangya ng materyal na kayamanan. Pinaalalahanan tayo ni apostol Juan na ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito. (1 Juan 2:15-17) Kaya dapat tayong magsikap na ingatan ang ating puso gayundin ang ating pag-ibig at pagpapahalaga sa espirituwal na mga kayamanan.
20. Para maingatan ang iyong espirituwal na mga kayamanan, ano ang iyong determinasyon?
20 Maging handang iwan ang lahat ng bagay na makasisira sa iyong buong-pusong pag-ibig sa Kaharian ng Diyos. Patuloy na mangaral nang may sigasig, at huwag hayaang mawala ang iyong pagpapahalaga sa ating nagliligtas-buhay na ministeryo. Patuloy na maghanap ng mga katotohanan sa Bibliya. Habang ginagawa mo ito, makapagtitipon ka ng “kayamanan sa langit, kung saan ang magnanakaw ay hindi nakalalapit ni ang tangà man ay nang-uubos. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan, doroon din ang inyong mga puso.”—Luc. 12:33, 34.