PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Juan 14:27—“Kapayapaan ang Iniiwan Ko sa Inyo”
“Ang kapayapaang ibinibigay ko sa inyo ay mananatili sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag kayong mag-alala o matakot.”—Juan 14:27, Bagong Sanlibutang Salin.
“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot.”—Juan 14:27, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Juan 14:27
Gamit ang mga salitang ito, tiniyak ni Jesus sa mga apostol niya na hindi sila dapat masyadong mag-alala kapag may mga problema sila. Gaya ni Jesus, puwede silang manatiling kalmado sa tulong ng Diyos.
Ano ang kapayapaang iniwan, o ibinigay ni Jesus sa mga apostol niya? Ibinigay ni Jesus ang kapayapaan niya, na pareho sa kapayapaang naranasan niya. Hindi ito ang kapayapaan na walang pag-aaway o pag-uusig. (Juan 15:20; 16:33) Kahit pinakitunguhan nang di-patas si Jesus at ipinapatay pa nga, mayroon pa rin siyang kapayapaan ng isip at puso. (Lucas 23:27, 28, 32-34; 1 Pedro 2:23) Panatag ang loob niya dahil alam niya na mahal siya at sinasang-ayunan ng kaniyang Ama, si Jehova.a—Mateo 3:16, 17.
Binigyan ni Jesus ng kapayapaan ang mga apostol niya nang tiyakin niya sa kanila na mahal at sinasang-ayunan niya sila at ng kaniyang Ama. (Juan 14:23; 15:9, 10; Roma 5:1) Nananampalataya ang mga apostol na si Jesus ang Anak ng Diyos, kaya nakatulong ang kapayapaang tinanggap nila para hindi sila masyadong matakot at mag-alala. (Juan 14:1) Hindi na makakasama noon ng mga alagad si Jesus, pero ipinangako niya na tutulungan sila ng banal na espiritu ng Diyos na maging panatag at matatag. (Juan 14:25-27) Walang takot na mahaharap ng mga tagasunod ni Jesus ang mga mahihirap na sitwasyon dahil alam nila na sinusuportahan sila at sinasang-ayunan ni Jehova.—Hebreo 13:6.
Noong nasa lupa si Jesus, kaugalian ng mga tao na batiin ang isa’t isa at sabihing sumakanila nawa ang kapayapaan. (Mateo 10:12, 13) Pero hindi lang binati ni Jesus sa ganitong paraan ang mga apostol niya, kundi binigyan niya sila mismo ng kapayapaan. At ibang-iba ang kapayapaang ibinigay ni Jesus sa kapayapaang maibibigay ng mundongb ito. May kapayapaan din namang maibibigay ang mundong ito kapag ang isa ay nagkaroon ng magandang relasyon sa iba, kayamanan, kasikatan, o posisyon. Pero ang kapayapaan ni Jesus ay hindi nakadepende sa mga bagay na gaya nito. Kapayapaan ito ng puso at isip na hindi nawawala.
Konteksto ng Juan 14:27
Sinabi ito ni Jesus sa mga tapat na apostol niya noong gabi bago siya mamatay. Sinabi rin niya noon na malapit na niya silang iwan. (Juan 13:33, 36) Dahil dito, talagang nalungkot ang mga apostol niya. (Juan 16:6) Kaya pinatibay sila ni Jesus at ipinaliwanag sa kanila kung bakit hindi sila dapat masyadong mag-alala sa pag-alis niya.
Mapapatibay din ng mga salitang ito ni Jesus ang mga Kristiyano ngayon. Puwede rin tayong magkaroon ng kapayapaan. (2 Tesalonica 3:16) Nang maging alagad tayo ni Jesus, nalaman natin na mahal at sinasang-ayunan niya tayo at ng kaniyang Ama, si Jehova. (Colosas 3:15; 1 Juan 4:16) Kaya hindi na tayo dapat masyadong mag-alala. Bakit? Kasi alam natin na laging nandiyan ang Diyos para sa atin.—Awit 118:6; Filipos 4:6, 7; 2 Pedro 1:2.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Juan.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
b Sa Bibliya, ang salitang “mundo” ay puwedeng tumukoy sa masamang lipunan ng mga tao na hiwalay sa Diyos.