KULAY, MGA
Sa mga salita at mga ekspresyon sa Bibliya na tumutukoy sa kulay, hindi ginagamit ang maraming eksaktong termino na makikita sa makabagong mga tsart ng kulay. Itinawid ng mga manunulat ng Bibliya ang mga ideya ng kulay sa pamamagitan ng paglalarawan sa paksang isinasaalang-alang, o sa pamamagitan ng paghahalintulad ng mga bagay na di-pamilyar sa mga bagay na kilalang-kilala. (Exo 16:31; Apo 1:14) Ang hitsura ng pangkaraniwang mga bagay gaya ng dugo, niyebe, ilang uri ng ibon, apoy, mahahalagang bato, at iba pa, ay ginamit upang tumukoy sa kulay. (2Ha 3:22; Aw 51:7; Sol 5:11; Mat 16:2, 3; Apo 9:17) Ginagamit din ang mga kulay sa makasagisag na paraan at kung minsan ay may partikular na ideyang iniuugnay sa espesipikong mga kulay.
Ang itim ay binabanggit upang ilarawan ang buhok (Lev 13:31; Mat 5:36), mga kabayo (Zac 6:2, 6), balat (Job 30:30), at ang araw (Apo 6:12). Sa Apocalipsis 6:5, 6, ang kabayong itim ay lumalarawan sa taggutom. Binabanggit din ng Kasulatan ang “itim na marmol” at “itim na pinta.”—Es 1:6; Jer 4:30.
Ang asul ay ginagamit upang ilarawan ang iba’t ibang anyo ng mga tininang materyales, gaya ng sinulid, panali, tela, at kasuutan. (Exo 26:4, 31, 36; 39:22; Bil 4:7) Dapat lagyan ng panaling asul ang ibabaw ng panggilid na palawit ng bawat kasuutan ng mga Israelita. (Bil 15:38, 39) Kabilang ang asul na gaya ng jacinto sa magagandang kulay na nakapalamuti sa mga baluting binanggit sa Apocalipsis 9:17.
Ang kayumanggi ay masusumpungan lamang sa isang paglalarawan sa mga tupa.—Gen 30:32, 33, 35, 40.
Krimson ang isa sa mga kulay ng mamahaling tininang materyales. (2Cr 2:7, 14; 3:14; Na 2:3) Ang mga kasalanan ay inihahalintulad din sa matingkad na kulay ng krimson.—Isa 1:18.
Makasagisag na inilalarawan na kulay-apoy ang kaanyuan ng malaking dragon na si Satanas na Diyablo. (Apo 12:3) Ang kabayo na ganito ang kulay ay sumasagisag naman sa digmaan, gaya ng ipinakikita sa Apocalipsis 6:4.
Kung minsan, ang kulay noon ng mamahaling lana ay mamula-mulang abuhin.—Eze 27:18.
Ang luntian (o berde) ay malimit na masumpungan sa Kasulatan, ngunit kadalasan ay hindi ito tumutukoy sa kulay lamang. Sa halip, ipinagugunita nito ang kasariwaan at kasiglahan ng tumutubong pananim, o kaya’y ipinahihiwatig nito ang malusog at masaganang kalagayan ng mga bagay. (Gen 1:30; 9:3; Exo 10:15; 2Ha 19:26; Apo 8:7) Ang manilaw-nilaw na luntian ay ginagamit naman may kinalaman sa kulay ng mga bagay na gaya ng mga bahid ng ketong sa tela at sa mga bahay na bato at argamasa o kapag inilalarawan ang dalisay na ginto.—Lev 13:49; 14:37; Aw 68:13.
Ang purpura at mamula-mulang purpura ay madalas tukuyin sa Kasulatan, bagaman walang mga pagtukoy hinggil sa pagkakaiba ng maraming sari-saring kulay na purpura na nalilikha ng iba’t ibang tina o ng iba’t ibang paraan ng pagtitina. (Exo 25:4; Bil 4:13; Eze 27:7, 16; Dan 5:7, 29; Mar 15:17, 20; Luc 16:19; Apo 17:4) Dahil sa pagiging mamahalin nito, ang kulay na ito ay kadalasang iniuugnay o sumasagisag sa kayamanan, karangalan, at maharlikang karingalan.
Ang pula o mapula, mapulang gaya ng apoy, at manilaw-nilaw na pula ay mga terminong ginagamit upang ilarawan ang iba’t ibang mga bagay, gaya ng balahibo (Gen 25:25), mga tininang balat ng barakong tupa (Exo 25:5), mga hayop (Bil 19:2; Huk 5:10; Zac 1:8), pananamit (Isa 63:2), at ang kalangitan sa gabi (Mat 16:2, 3). Ang salitang Hebreo para sa “pula” o “mapula” (ʼa·dhomʹ) ay nagmula sa dam, nangangahulugang “dugo.”—Gen 25:30; 9:6.
Ang iskarlata, na isang napakatingkad na pula, ay masusumpungan sa mga pagtukoy sa panali o sinulid, tela at kasuutan; gayundin sa kasalanan. (Gen 38:28, 30; Bil 4:8; Jos 2:18; Jer 4:30; Mat 27:28; Isa 1:18) “Ang mabangis na hayop” na inilalarawan sa Apocalipsis 17 ay kulay iskarlata (tal 3), anupat ipinakikitang iba ito sa “mabangis na hayop” ng kabanata 13. Nagagayakan ng purpura at iskarlata ang patutot na nakaupo sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop. (Apo 17:3-5) Kaya naman ang pangitaing ito ay makalarawang sumasagisag sa pag-aangkin ng “mabangis na hayop” sa pagkahari at sa tinatamasang karangyaan at pagkamaharlika ng babaing nakasakay roon.
Ang matingkad na pula [sa Ingles, vermilion] (Jer 22:14; Eze 23:14) ay tumutukoy sa isang uri ng pinta na nalilikha mula sa mga oxide ng bakal o ng tingga. Waring una itong ginamit ng mga taga-Fenicia, na nag-angkat nito mula sa likas na mga deposito na matatagpuan sa Hilagang Aprika. Nang maglaon, ang mga depositong katulad niyaon sa Gitnang Silangan ay nilinang.
Puti ang kulay na pinakamadalas banggitin sa Kasulatan. Hindi lamang ito ginagamit sa paglalarawan kundi ginagamit din bilang sagisag ng katuwiran at espirituwal na kalinisan. (Apo 3:4; 7:9, 13, 14) Ang kabayong puti, gaya ng pagkakalarawan sa Apocalipsis 6:2 at 19:11, ay sumasagisag sa malinis at matuwid na pakikipagdigma sa ilalim ng pangunguna ni Jesu-Kristo.
Noon, ang puting kasuutan ay isinusuot kapuwa ng mga dukha at ng may matataas na katayuan. Kapag binabanggit naman ang kasuutan ng mga anghel, kadalasang inilalarawan sila bilang nakadamit ng puti. (Mar 16:5; Ju 20:12; Apo 19:14) Ang ilan pang mga bagay na inilalarawan bilang puti ay ang balahibo o buhok (Lev 13:3; Mat 5:36), laman (Lev 13:16), mga bukid ng butil na maaari nang anihin (Ju 4:35), at ang trono ng matuwid na paghatol ng Diyos (Apo 20:11). Inihalintulad naman ni Jesus ang mga eskriba at mga Pariseo sa mga pinaputing libingan. (Mat 23:27) Hinango niya ang ilustrasyong ito mula sa kaugalian na pagpapaputi sa mga libingan sa kapaligiran ng Jerusalem bago ang Paskuwa; ginagawa iyon noon upang ang mga taong magtutungo roon para ipagdiwang ang Paskuwa ay hindi maging marumi dahil sa paghipo sa mga libingan. Sa Bibliya, may binabanggit na iba’t ibang antas ng kaputian, gaya halimbawa ng mamula-mulang puti (Lev 13:19, 24) at maputlang puti.—Lev 13:39.
Binabanggit din ang naninilaw at dilaw na gaya ng asupre.—Lev 13:30, 32, 36; Apo 9:17.
Halu-halong mga kulay. Bukod sa mas espesipikong mga kulay, marami ring pananalita sa Bibliya na naglalarawan ng mga bagay na waring may di-tiyak na mga kulay o may haluang mga kulay—bilang halimbawa: tagping kulay (Gen 30:32, 33), matitingkad na kulay (Isa 63:1), maraming kulay (Jer 12:9), iba’t ibang kulay (Eze 27:7, 16, 24; Zac 6:3, 7), mapula (1Sa 16:12; Sol 5:10), batik-batik (Zac 6:3, 6), may tagpi (Gen 31:10, 12), guhit-guhit (Gen 37:3; 2Sa 13:19), may kaitiman (Sol 1:6), may dalawang kulay (Eze 27:24), at sari-saring kulay (Eze 16:16; Eze 17:3).—Tingnan ang TINA, PAGTITINA.
Ang Balabal ni Kristo. Dahil sa kulay ng balabal na isinuot kay Jesu-Kristo noong araw na papatayin na siya, ipinangangatuwiran ng ilang tao na may pagkakasalungatan sa ulat ng Bibliya may kinalaman sa kasuutang iyon. Sinabi ni Mateo na sinuutan siya ng mga kawal ng “iskarlatang balabal” (Mat 27:28), samantalang sinasabi naman nina Marcos at Juan na ang kulay niyaon ay purpura. (Mar 15:17; Ju 19:2) Gayunman, sa halip na ituring na isang pagkakasalungatan, ang ganitong pagkakaiba sa paglalarawan sa kulay ng kasuutan ay katibayan ng pagkakaiba-iba ng indibiduwalidad ng mga manunulat ng Ebanghelyo at na hindi sila nagsabuwatan. Inilarawan ni Mateo ang balabal batay sa kung ano ang tingin niya rito, samakatuwid nga, ayon sa kaniyang pagtantiya sa kulay nito, at ang idiniin niya ay ang pagiging pula ng kasuutan. Hindi naman ang kapulahan nito ang idiniin nina Juan at Marcos, anupat tinawag nila itong purpura. Maaaring tawaging “purpura” ang anumang kulay na may mga sangkap kapuwa ng asul at ng pula. Kaya, sina Marcos at Juan ay nakakasuwato ni Mateo sa pagsasabing ang kasuutan ay may pagkapula. Sabihin pa, maaaring naiba nang kaunti ang kulay dahil sa kapaligiran at sinag ng liwanag. Sa pana-panahon, nag-iiba-iba ang kulay ng isang katubigan, depende sa partikular na kulay ng kalangitan at sa sinag ng liwanag sa isang takdang panahon. Kaya naman kung isasaalang-alang ang gayong mga salik, mauunawaan na hindi nagkakasalungatan ang mga manunulat ng Ebanghelyo nang ilarawan nila ang kulay ng balabal na isinuot kay Kristo ng mga nanlilibak na mga kawal na Romano noong huling araw ng kaniyang buhay bilang tao.