ARALIN 16
Ano ang Ginawa ni Jesus Noong Nasa Lupa Siya?
Para sa marami, si Jesus ay isang kaawa-awang sanggol sa sabsaban, isang matalinong propeta, o isang tao na malapit nang mamatay. Pero mas makikilala pa natin siya kung pag-aaralan natin ang naging buhay niya sa lupa. Sa araling ito, tatalakayin natin ang ilang mahahalagang ginawa ni Jesus at kung paano ito makakatulong sa iyo.
1. Ano ang pinakamahalagang gawain ni Jesus?
Ang pinakamahalagang gawain ni Jesus ay ang paghahayag ng “mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.” (Basahin ang Lucas 4:43.) Ipinangaral niya na magtatatag ang Diyos ng isang kaharian, o gobyerno, na magbibigay ng solusyon sa lahat ng problema ng tao.a Ginawa ni Jesus ang buong makakaya niya para ipangaral ang mabuting balita sa loob ng tatlo at kalahating taon.—Mateo 9:35.
2. Bakit gumawa si Jesus ng mga himala?
Sinasabi ng Bibliya na sa pamamagitan ni Jesus, “nagpakita . . . ang Diyos ng makapangyarihang mga gawa, kamangha-manghang mga bagay, at mga tanda.” (Gawa 2:22) Dahil sa kapangyarihan ng Diyos, nakontrol ni Jesus ang bagyo, nagpakain siya ng libo-libo, nagpagaling ng maysakit, at bumuhay ng mga patay. (Mateo 8:23-27; 14:15-21; Marcos 6:56; Lucas 7:11-17) Ipinapakita ng mga himala ni Jesus na isinugo siya ng Diyos, at na may kapangyarihan si Jehova na alisin ang lahat ng problema natin.
3. Ano ang matututuhan natin sa naging buhay ni Jesus?
Laging sinusunod ni Jesus si Jehova. (Basahin ang Juan 8:29.) Kahit may mga kumokontra kay Jesus, ginawa niya ang lahat ng gusto ng kaniyang Ama, at naging tapat siya hanggang kamatayan. Ipinakita ni Jesus na puwedeng maglingkod sa Diyos ang mga tao kahit sa mahihirap na sitwasyon. “Nag-iwan siya ng huwaran para sundan [nating] mabuti ang mga yapak niya.”—1 Pedro 2:21.
PAG-ARALAN
Alamin kung paano nangaral ng mabuting balita at gumawa ng himala si Jesus.
4. Ipinangaral ni Jesus ang mabuting balita
Naglakbay si Jesus nang daan-daang kilometro sa maalikabok na mga daan para maipangaral ang mabuting balita sa pinakamaraming tao. Basahin ang Lucas 8:1. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Nangaral lang ba si Jesus sa mga tao na nagpupunta sa kaniya para mapakinggan siya?
Anong pagsisikap ang ginawa ni Jesus para mapangaralan ang mga tao?
Inihula ng Diyos na maghahayag ang Mesiyas ng mabuting balita. Basahin ang Isaias 61:1, 2. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Paano ito natupad kay Jesus?
Sa tingin mo, kailangan din bang marinig ng mga tao ang mabuting balitang ito?
5. Nagturo si Jesus ng mahahalagang aral
Hindi lang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos ang itinuro ni Jesus. Nagturo din siya ng mga aral sa buhay. Tingnan ang ilan sa mga ito sa kaniyang Sermon sa Bundok. Basahin ang Mateo 6:14, 34 at 7:12. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Anong mga payo ni Jesus ang magagamit natin sa buhay sa mga talatang ito?
Sa tingin mo, makakatulong pa rin ba ang mga payong ito?
6. Gumawa ng mga himala si Jesus
Binigyan ni Jehova si Jesus ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Para makita ang isang halimbawa, basahin ang Marcos 5:25-34 o panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Sa video, saan sigurado ang babaeng may sakit?
Ano ang nagustuhan mo sa himalang ito ni Jesus?
Basahin ang Juan 5:36. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang pinapatunayan ng mga ginawang himala ni Jesus?
Alam mo ba?
Karamihan sa mga alam natin tungkol kay Jesus ay makikita sa apat na aklat ng Bibliya na tinatawag na mga Ebanghelyo—Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Magkakaibang detalye ang inirekord ng mga manunulat ng Ebanghelyo tungkol kay Jesus. Pero kapag pinagsama-sama ang mga detalyeng ito, makikita natin ang kahanga-hangang buhay ni Jesus.
MATEO
Siya ang unang manunulat ng Ebanghelyo. Marami siyang isinulat tungkol sa mga turo ni Jesus, lalo na ang tungkol sa Kaharian ng Diyos.
MARCOS
Siya ang may pinakamaikling rekord sa Ebanghelyo. Isinulat niya ang mga exciting na pangyayari sa buhay ni Jesus.
LUCAS
Isinulat naman niya kung gaano kahalaga kay Jesus ang panalangin at kung paano niya pinakitunguhan ang mga babae.
JUAN
Nagpokus siya sa mga katangian ni Jesus, at sa mga pakikipag-usap ni Jesus sa mga kaibigan nito at sa iba.
MAY NAGSASABI: “Mabuting tao lang si Jesus.”
Ano sa tingin mo?
SUMARYO
Ipinangaral ni Jesus ang Kaharian ng Diyos, gumawa siya ng mga himala, at lagi niyang sinusunod si Jehova.
Ano ang Natutuhan Mo?
Anong gawain ang pinakamahalaga kay Jesus noong nandito siya sa lupa?
Ano ang pinapatunayan ng mga himala ni Jesus?
Anong mga aral sa buhay ang itinuro ni Jesus?
TINGNAN DIN
Ano ang laging ipinapakipag-usap ni Jesus?
“Kaharian ng Diyos—Bakit Ito Mahalaga kay Jesus?” (Ang Bantayan, Oktubre 1, 2014)
Tingnan kung bakit tayo makakapagtiwala na talagang nangyari ang mga himala ni Jesus.
“Ang mga Himala ni Jesus—Ano ang Iyong Matututuhan?” (Ang Bantayan, Hulyo 15, 2004)
Basahin kung paano nagbago ang buhay ng isang lalaki nang malaman niya ang ginawang sakripisyo ni Jesus.
“Sarili Ko Lang ang Iniisip Ko” (Ang Bantayan, Oktubre 1, 2014)
Tingnan ang mahahalagang ginawa ni Jesus sa ministeryo niya ayon sa pagkakasunod-sunod.
a Tatalakayin sa Aralin 31-33 ang tungkol sa Kaharian ng Diyos.