Ang Pag-uusig ang Nag-udyok ng Paglago sa Antioquia
NANG sumiklab ang pag-uusig pagkamatay ni Esteban bilang isang martir, marami sa mga alagad ni Jesus ang tumakas mula sa Jerusalem. Ang isa sa mga dako kung saan sila nanganlong ay ang Antioquia, Sirya, mga 550 kilometro sa hilaga ng Jerusalem. (Gawa 11:19) Ang sumunod na mga pangyayari roon ay nakaapekto sa buong takbo ng kasaysayang Kristiyano. Upang maunawaan kung ano ang nangyari, makabubuting alamin ang ilang bagay hinggil sa Antioquia.
Kung ang pag-uusapan ay ang laki, kasaganaan, at kahalagahan ng mga lunsod sa Imperyong Romano, ang nakahigit lamang sa Antioquia ay ang Roma at ang Alexandria. Ang kabiserang lunsod na ito ng Sirya ang nangibabaw sa hilagang-silangang bahagi ng lunas ng Mediteraneo. Ang Antioquia (makabagong-panahong Antakya, Turkey) ay nasa napaglalayagang Ilog Orontes, na nag-uugnay rito sa daungan-dagat nito, ang Seleucia Pieria, 32 kilometro ang layo. Hawak nito ang isa sa pinakamahalagang ruta ng kalakalan sa pagitan ng Roma at ng Libis ng Tigris-Eufrates. Bilang sentro ng komersiyo, nakipagkalakalan ito sa buong imperyo at nakita nito ang lahat ng uri ng tao na, paroo’t parito, na nagdala ng balita hinggil sa mga kilusang relihiyoso saanman sa Romanong daigdig.
Umunlad ang relihiyon at pilosopiyang Helleniko sa Antioquia. Subalit “noong panahon ni Kristo,” sabi ng mananalaysay na si Glanville Downey, “ang dating relihiyosong mga kulto at mga pilosopiya ay nagiging pang-indibiduwal na paniniwala na lamang, habang hinahanap ng mga tao nang sarilinan ang kasiyahan sa relihiyon para sa kanilang sariling mga problema at mga naisin.” (A History of Antioch in Syria) Marami ang nakasumpong ng kasiyahan sa pagsamba sa isang Diyos lamang, mga seremonya, at mga etika ng Judaismo.
Isang malaking pamayanang Judio ang nanirahan sa Antioquia mula nang itatag ang lunsod noong 300 B.C.E. Ito ay tinatayang mayroong mga 20,000 hanggang 60,000, na bumubuo nang mahigit na 10 porsiyento ng populasyon. Ang mananalaysay na si Josephus ay nagsabi na hinimok ng dinastiya ng mga hari ng Seleucia ang mga Judio na manirahan sa lunsod, anupat binibigyan sila ng lahat ng mga karapatan ng pagkamamamayan. Noong panahong iyon, ang Hebreong Kasulatan ay makukuha na sa wikang Griego. Ito ang pumukaw sa interes ng mga nakikiisa sa Mesiyanikong mga hangarin ng mga Judio. Kaya, marami sa mga Griego ang naging mga proselita. Lahat ng mga salik na ito ang nagpangyari sa Antioquia na maging isang matabang lupa para sa paggawa ng Kristiyanong alagad.
Pagpapatotoo sa mga Gentil
Ibinahagi ng karamihan sa pinag-usig na mga tagasunod ni Jesus na nangalat mula sa Jerusalem ang kanilang pananampalataya sa mga Judio lamang. Gayunman, sa Antioquia, ang ilan sa mga alagad mula sa Ciprus at Cirene ay nakipag-usap sa “mga taong nagsasalita ng Griego.” (Gawa 11:20) Bagaman ang pangangaral sa mga Judiong nagsasalita ng Griego at sa mga proselita ay nagsimula noon pang Pentecostes ng 33 C.E., ang pangangaral sa Antioquia ay tila isang bagay na bago. Hindi lamang ito ipinatungkol sa mga Judio. Totoo, naging mga alagad na ang Gentil na si Cornelio at ang kaniyang sambahayan. Subalit nangailangan pa ng isang pangitain mula kay Jehova upang makumbinsi si apostol Pedro may kinalaman sa pagiging wasto ng pangangaral sa mga Gentil, o sa mga tao ng mga bansa.—Gawa 10:1-48.
Sa isang lunsod na nagpapatuloy sa malaki at malaon nang umiiral na pamayanang Judio at walang gaanong pagkakapootan sa pagitan ng mga Judio at ng mga Gentil, ang mga hindi Judio ay tumatanggap ng patotoo at tumutugon nang may pagsang-ayon sa mabuting balita. Ayon sa makukuhang katibayan, ang Antioquia ay naging tamang-tamang kapaligiran para sa gayong pag-unlad, at ‘malaking bilang ang naging mga mananampalataya.’ (Gawa 11:21) At nang ang mga proselita, na dating sumasamba sa paganong mga diyos, ay naging mga Kristiyano, sila ay nasangkapan sa natatanging paraan upang magpatotoo sa iba pang Gentil na sumasamba pa rin sa mga paganong diyos.
Nang marinig ang mga pag-unlad sa Antioquia, isinugo ng kongregasyon sa Jerusalem si Bernabe upang alamin ang tungkol sa bagay na ito. Ang pagpiling iyon ay matalino at maibigin. Siya ay isang taga-Ciprus, katulad ng ilan sa mga nagsimulang mangaral sa mga hindi Judio. Palagay ang loob ni Bernabe sa gitna ng mga Gentil sa Antioquia. Kaya naman siya’y minamalas nila bilang isang miyembro ng isang kalapit na pamayanan na pamilyar sa kanila.a Nauunawaan niya ang trabahong isinasagawa. Kaya “nang siya ay dumating at makita ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, siya ay nagsaya at nagpasimulang patibaying-loob silang lahat na magpatuloy sa Panginoon na may taos-pusong layunin,” at “isang malaking pulutong ang nadagdag sa Panginoon.”—Gawa 11:22-24.
“Ang praktikal na mga kadahilanan sa tagumpay ng unang misyon sa Antioquia,” sabi ng mananalaysay na si Downey, “ay maaaring dahil sa lunsod na ito ay hindi kailangang katakutan ng mga misyonero ang mga panatikong Judio na gaya niyaong nakaharap nila sa Jerusalem; gayundin naman na ang lunsod, bilang ang kabisera ng Sirya, ay pinamamahalaan ng isang komandante ng militar, anupat nagtatamasa ng higit na antas ng katahimikang pambayan, walang gaanong pagkakataon para sa marahas na pang-uumog gaya niyaong nangyari sa Jerusalem, kung saan tila hindi masawata ng mga prokurador ng Judea (sa paano man nang panahong ito) ang mga panatikong Judio.”
Sa gayong kaayaayang kalagayan at maraming gagawin, marahil ay natalos ni Bernabe na kailangan niya ng tulong, at naisip niya ang kaniyang kaibigang si Saulo. Bakit si Saulo, o Pablo? Marahil sapagkat si Pablo, bagaman hindi isa sa 12 apostol, ay tumanggap ng atas na pagiging apostol sa mga bansa. (Gawa 9:15, 27; Roma 1:5; Apocalipsis 21:14) Kaya, si Pablo ay nababagay bilang isang kasama sa paghahayag ng mabuting balita sa Gentil na lunsod ng Antioquia. (Galacia 1:16) Kaya nagtungo si Bernabe sa Tarsus, nasumpungan si Saulo, at isinama siya sa Antioquia.—Gawa 11:25, 26; tingnan ang kahon sa pahina 26-7.
Tinawag na mga Kristiyano sa Pamamagitan ng Mula-sa-Diyos na Patnubay
Sa loob ng isang taon, sina Bernabe at Saulo ay “nagturo sa isang malaking pulutong, at sa Antioquia unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng mula-sa-Diyos na patnubay.” Malamang na hindi ang mga Judio ang unang tumawag sa mga tagasunod ni Jesus na mga Kristiyano (Griego) o mga Mesiyanista (Hebreo), sapagkat tinanggihan nila si Jesus bilang ang Mesiyas, o Kristo, at samakatuwid ay maliwanag na hindi nila siya kikilalanin na gayon nga sa pamamagitan ng pagtawag sa kaniyang mga tagasunod na mga Kristiyano. Inaakala ng ilan na binansagan silang mga Kristiyano ng mga paganong populasyon bilang pagkantiyaw o paglibak sa kanila. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na ang pangalang mga Kristiyano ay bigay-Diyos.—Gawa 11:26.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang ginamit may kaugnayan sa bagong pangalan, na karaniwang isinasaling “tinawag,” ay laging iniuugnay sa isang bagay na sobrenatural, tila-orakulo, o mula sa Diyos. Sa gayo’y isinasalin ito ng mga iskolar na “bumigkas ng isang orakulo,” “isang bagay na mula sa Diyos,” o “magbigay ng isang banal na utos o payo, magturo mula sa langit.” Yamang ang mga tagasunod ni Jesus ay tinawag na mga Kristiyano “sa pamamagitan ng mula-sa-Diyos na patnubay,” maaaring pinatnubayan ni Jehova sina Saulo at Bernabe na siyang magbigay ng pangalang ito.
Patuloy na ginamit ang bagong pangalan. Ang mga alagad ni Jesus ay hindi na mapagkakamalan na isang sekta ng Judaismo, na mula rito ay lubha silang naiiba. Noong mga 58 C.E., kilalang-kilala ng mga opisyal na Romano kung sino ang mga Kristiyano. (Gawa 26:28) Ayon sa mananalaysay na si Tacitus, noong 64 C.E., ang pangalan ay kilalang-kilala rin ng karamihan ng tao sa Roma.
Ginagamit ni Jehova ang mga Tapat sa Kaniya
Ang mabuting balita ay sumulong nang mabuti sa Antioquia. Taglay ang pagpapala ni Jehova at ang pasiya ng mga tagasunod ni Jesus na patuloy na mangaral, ang Antioquia ay naging isang sentro ng unang-siglong Kristiyanismo. Ginamit ng Diyos ang kongregasyon doon na siyang pagmumulan upang mapalaganap ang mabuting balita sa malalayong lupain. Halimbawa, ang Antioquia ang pinagmulang dako sa bawat paglalakbay misyonero na pinasimulan ni apostol Pablo.
Sa makabagong panahon ang sigasig at determinasyon sa harap ng pagsalansang ay nagkaroon din ng mabuting epekto sa paglaganap ng tunay na Kristiyanismo, anupat pinangyayari na marinig ng marami ang mabuting balita at magpakita ng pagpapahalaga rito.b Kaya kung mapaharap ka sa pagsalansang dahil sa pagsuporta mo sa dalisay na pagsamba, isaisip na may mga dahilan si Jehova sa pagpapahintulot nito. Gaya noong unang siglo, ang mga tao sa ngayon ay dapat ding mabigyan ng pagkakataon na marinig ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at manindigan sa panig nito. Ang iyong determinasyon na patuloy na maglingkod kay Jehova nang may katapatan ay maaaring siyang hinihiling lamang upang matulungan ang isa na magtamo ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.
[Mga talababa]
a Sa isang maaliwalas na araw, ang isla ng Ciprus ay makikita mula sa Bundok ng Casius, na nasa timog-kanluran ng Antioquia.
b Tingnan Ang Bantayan, Agosto 1, 1999, pahina 9; Gumising!, Abril 22, 1999, pahina 21-2; 1999 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 250-2.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 26, 27]
“Hindi Nabanggit na mga Taon” ni Saulo
ANG huling banggit tungkol kay Saulo sa aklat ng Mga Gawa bago siya lumipat sa Antioquia noong mga 45 C.E. ay nang mabigo ang isang pakanang patayin siya sa Jerusalem at ipadala siya ng mga kapananampalataya sa Tarsus. (Gawa 9:28-30; 11:25) Subalit iyan ay siyam na taon nang nakalipas, noong mga 36 C.E. Samantala, ano ang ginawa niya—isang yugto ng panahon na tinawag na hindi nabanggit na mga taon ni Saulo?
Mula sa Jerusalem, si Saulo ay nagtungo sa mga rehiyon ng Sirya at ng Cilicia, at narinig ng mga kongregasyon sa Judea: “Ang tao na umuusig sa atin noong una ay nagpapahayag na ngayon ng mabuting balita tungkol sa pananampalataya na noong una ay niwasak niya.” (Galacia 1:21-23) Ang ulat na iyon ay maaaring tumukoy sa gawain sa Antioquia na kasama ni Bernabe, subalit kahit na bago pa niyan, walang alinlangang abala si Saulo. Noong 49 C.E., maraming kongregasyon ang umiral sa Sirya at Cilicia. Ang isa ay nasa Antioquia, subalit inaakala ng ilan na ang iba ay maaaring naging resulta ng gawain ni Saulo noong tinatawag na kaniyang hindi nabanggit na mga taon.—Gawa 11:26; 15:23, 41.
Naniniwala ang ilang iskolar na ang madulang mga pangyayari sa buhay ni Saulo ay dapat na petsahan sa gayunding yugto ng panahon. Maraming hirap na dinanas si Saulo bilang isang ‘ministro ni Kristo’ na sa ibang banda ay mahirap matiyak kung kailan ito nangyari sa panahon ng kaniyang pagmimisyonero. (2 Corinto 11:23-27) Kailan limang ulit na tumanggap si Saulo ng 39 na hampas mula sa mga Judio? Saan siya tatlong ulit na hinampas ng mga pamalo? Saan siya nakaranas ng ‘maraming’ pagkabilanggo? Ang pagkakulong niya sa Roma ay nangyari noong dakong huli. Mayroon tayong ulat tungkol sa isang pagkakataon na siya’y hinampas at ikinulong—sa Filipos. Subalit kumusta naman ang iba pa? (Gawa 16:22, 23) Sinabi ng isang manunulat na noong panahong ito, si Saulo ay “nagpapatotoo hinggil kay Kristo sa loob ng mga sinagoga ng Diaspora sa gayong paraan anupat ito ang pinagmulan ng pag-uusig mula sa relihiyoso at sibil na mga awtoridad.”
Si Saulo ay nakaranas ng apat na pagkasira ng barko, subalit ang Kasulatan ay nagbibigay ng mga detalye tungkol sa isa lamang, na nangyari pagkatapos na maitala niya ang kaniyang mga paghihirap nang sumusulat siya sa mga taga-Corinto. (Gawa 27:27-44) Kaya ang tatlong iba pa ay malamang na nangyari sa kaniya sa mga paglalayag na hindi natin alam. Alinman o ang lahat ng mga pangyayaring ito ay maaaring kabilang sa “hindi nabanggit na mga taon.”
Ang isa pang pangyayari na tila kasabay ng panahong ito ay inilarawan sa 2 Corinto 12:2-5. Sinabi ni Saulo: ‘May kilala akong isang tao na kaisa ni Kristo na, labing-apat na taon na ang nakararaan ay inagaw na gayon sa ikatlong langit, patungong paraiso, at nakarinig ng di-mabigkas na mga salita na hindi kaayon ng batas na salitain ng tao.’ Sa wari, tinutukoy ni Saulo ang kaniyang sarili. Yamang isinulat niya ito noong mga 55 C.E., dadalhin tayong pabalik sa taóng 41 C.E. kung aatras tayo nang 14 na taon, sa kalagitnaan ng “hindi nabanggit na mga taon.”
Ang pangitaing iyon ay tiyak na nagbigay kay Saulo ng pambihirang kaunawaan. Ito ba’y upang sangkapan siya bilang “isang apostol sa mga bansa?” (Roma 11:13) Nakaapekto ba ito sa paraan ng kaniyang pag-iisip, pagsulat, at pagsasalita nang maglaon? Ang mga taon ba sa pagitan ng pagkakumberte ni Saulo at ng pagtawag sa kaniya sa Antioquia ay nagsilbi upang sanayin at gawin siyang maygulang para sa mga pananagutan sa hinaharap? Anuman ang mga kasagutan sa mga tanong na ito, nakatitiyak tayo na nang anyayahan siya ni Bernabe na tumulong na manguna sa gawaing pangangaral sa Antioquia, ang masigasig na si Saulo ay lubusang kuwalipikado upang ganapin ang atas.—Gawa 11:19-26.
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SIRYA
Orontes
Antioquia
Seleucia
CIPRUS
DAGAT MEDITERANEO
Jerusalem
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.
[Mga larawan sa pahina 24]
Itaas: Modernong-panahong Antioquia
Gitna: Gawing timog na tanawin ng Seleucia
Ibaba: Daungang pader ng Seleucia