DRUSILA
Ang ikatlo at bunsong anak na babae ni Herodes Agripa I, ipinanganak noong mga 38 C.E.; kapatid nina Agripa II, Bernice, at Mariamne III. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Cypros. Bago siya mag-anim na taóng gulang, isinaayos na mapangasawa niya ang prinsipeng si Epiphanes ng Commagene, ngunit hindi ito natuloy dahil ayaw tanggapin ni Epiphanes ang Judaismo. Isang haring Siryano, si Azizus ng Emesa, ang nakatugon sa kundisyon ng pagtutuli, at naging asawa nito si Drusila sa edad na 14. Dahil sa kalupitan ni Azizus kay Drusila at sa pagkayamot niya sa kaniyang mainggitin at di-gaanong kaakit-akit na kapatid na si Bernice, madaling naganyak si Drusila na diborsiyuhin si Azizus, bagaman salungat ito sa kautusang Judio, at nagpakasal siya kay Gobernador Felix noong mga 54 C.E. Marahil ay naroon siya nang ang bilanggong si Pablo ay ‘magsalita tungkol sa katuwiran at pagpipigil sa sarili at sa paghatol na darating,’ na mga paksang lubhang nakabalisa kay Gobernador Felix. Pagkaraan ng dalawang taon, nang isalin ni Felix kay Festo ang pagkagobernador, iniwan niyang nakatanikala si Pablo upang “kamtin ang pabor ng mga Judio,” na ipinapalagay ng iba na ginawa niya upang palugdan ang kaniyang kabataang asawa “na isang babaing Judio.” (Gaw 24:24-27) Ang anak ni Drusila kay Felix ay pinanganlan ding Agripa, na ayon sa ulat ay namatay sa malakas na pagputok ng Bundok Vesuvius noong 79 C.E.