Si Jehova ang Aming Pinunò!
“Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinunò bago sa mga tao.”—GAWA 5:29.
1, 2. Ano ang apostolikong paninindigan ng mga Saksi ni Jehova pagka ang kahilingan ng mga tao ay laban sa kalooban ng Diyos?
PINAYAGAN ng Diyos na Jehova ang 12 lalaki na maiharap sa isang mataas na hukuman. Ang taon ay 33 C.E., at ang hukuman ay ang Judiong Sanedrin. Ang nililitis ay mga apostol ni Jesu-Kristo. Pakinggan! ‘Pinagbabawalan namin kayo na huwag magturo ng tungkol sa pangalang ito,’ ang sabi ng mataas na saserdote, ‘ngunit pinunô ninyo ang Jerusalem ng inyong turo.’ Bilang sagot, si Pedro at ang mga ibang apostol ay nagsabi: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinunò bago sa mga tao.” (Gawa 5:27-29) Sa katunayan, kanilang sinabi: “Si Jehova ang aming Pinunò!”
2 Oo, si Jehova ang Pinunò ng mga tunay na tagasunod ni Jesus. Ito’y nililiwanag sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa ng mga Apostol, isinulat sa Roma humigit-kumulang 61 C.E. ni “Lucas ang minamahal na manggagamot.” (Colosas 4:14) Tulad ng mga apostol, ang bayan ni Jehova sa ngayon ay tumatalima sa kanilang makalangit na Pinunò pagka ang kahilingan ng mga tao ay laban sa kaniyang kalooban. Ngunit ano pa ang matututuhan natin buhat sa Mga Gawa? (Sa personal na pag-aaral, aming iminumungkahi na basahin mo ang mga bahagi ng aklat na tinukoy sa maririing titik.)
Sinusugo ni Jesus ang mga Saksi
3. Nang ang mga tagasunod ni Jesus ay “bautismuhan sa banal na espiritu,” ano ang kanilang pangunahing tungkulin?
3 Ang mga apostol ay maaaring manindigang matatag sa panig ng Diyos sapagkat sila’y pinalakas sa espirituwal. Si Jesus ay namatay sa isang pahirapang tulos, ngunit batid nila na siya’y binuhay-muli. (1:1-5) Si Jesus ay “nagpakita na buháy” at siya’y nagturo ng mga katotohanan sa Kaharian samantalang nasa mga katawang-tao sa buong 40 araw. Kaniya ring sinabi sa kaniyang mga alagad na maghintay sa Jerusalem para sa bautismo “sa banal na espiritu.” Ang pangangaral ay magiging kanilang pangunahing tungkulin, pareho rin ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon.—Lucas 24:27, 49; Juan 20:19–21:24.
4. Ano ang mangyayari pagka ang banal na espiritu ay dumating na sa mga tagasunod ni Jesus?
4 Palibhasa’y hindi pa nababautismuhan sa banal na espiritu, mali ang akala ng mga apostol tungkol sa makalupang pamamahala bilang tatapos sa pamamahala ng mga Romano nang kanilang itanong: “Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian ng Israel sa panahong ito?” (1:6-8) Sa katunayan, sinabi ni Jesus na hindi, sapagkat ‘hindi para sa kanila na makaalam ng mga panahon at mga bahagi ng panahon.’ ‘Pagka ang banal na espiritu’y dumating na sa kanila,’ ito ang magbibigay sa kanila ng kapangyarihang magpatotoo tungkol sa makalangit na Kaharian ng Diyos, hindi isa na nasa lupang ito. Sila’y mangangaral sa Jerusalem, Judea, at Samaria, “at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” Sa tulong ng espiritu, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagawa ng gayong gawain sa buong globo sa mga huling araw na ito.
5. Papaanong si Jesus ay paparito na gaya rin ng kaniyang pag-alis?
5 Kabibigay lamang ni Jesus ng pambuong-daigdig na atas na iyan na mangaral nang siya’y magpasimulang umakyat sa langit. Ang pag-akyat na iyan ay nagsimula sa paitaas na kilos palayo sa kaniyang mga alagad, at nang bandang huli si Jesus ay nakapasok sa presensiya ng kaniyang makalangit na Pinunò at tungo sa gawain sa dako ng mga espiritu. (1:9-11) Pagkatapos na isang alapaap ang tumakip upang si Jesus ay hindi na matanaw ng mga apostol, siya’y umalis na sa kaniyang katawang-tao. Dalawang anghel ang dumating at sinabi nila na siya’y ‘paparitong gaya rin ng kaniyang pag-alis.’ At gayon na nga ang nangyari. Ang mga alagad ni Jesus lamang ang nakakita sa kaniya ng pag-alis, gaya ng kung papaanong ang mga Saksi ni Jehova lamang ang nakakakilala sa kaniyang di-nakikitang pagbabalik.
Pumipili si Jehova
6. Papaano pumili ng kahalili ni Judas Iscariote?
6 Hindi nagtagal at ang mga apostol ay nakabalik na sa Jerusalem. (1:12-26) Sa isang silid sa itaas (marahil sa tahanan ng ina ni Marcos, si Maria), ang 11 tapat na mga apostol ay nanatili sa pananalangin kasama ng mga kapatid ni Jesus sa ina, ng kaniyang mga iba pang alagad, at ng kaniyang ina, si Maria. (Marcos 6:3 Santiago 1:1) Ngunit sino ang tatanggap ng “katungkulan ng pangangasiwa” ni Judas? (Awit 109:8) Humigit-kumulang 120 alagad ang naroon nang pumili ang Diyos ng isang lalaking hahalili sa nagkanulo kay Jesus, si Judas, na isinasauli sa 12 ang bilang ng mga apostol. Ang dapat piliin ay isa na naging alagad sa panahon ng ministeryo ni Jesus at isang nakasaksi ng kaniyang pagkabuhay-muli. Mangyari pa, ang taong iyon ay kailangan ding kumilala kay Jehova bilang kaniyang Pinunò. Pagkatapos ng panalangin, nagpalabunutan kina Matias at Jose Barsabas. Si Matias ang pinapangyari ng Diyos na mabunot.—Kawikaan 16:33.
7. (a) Papaanong si Judas ay “bumili ng isang bukid na ang upa sa kalikuan ang kabayaran”? (b) Papaano namatay si Judas?
7 Tunay na hindi kinilala ni Judas Iscariote si Jehova bilang kaniyang Pinunò. Akalain mo, kaniyang ipinagkanulo ang Anak ng Diyos sa halagang 30 putol ng pilak! Ang salaping iyon ay isinauli ni Judas sa mga pangulong saserdote, ngunit sinabi ni Pedro na ang tagapagkanulo ay “bumili ng isang bukid na ang upa sa kalikuan ang kabayaran.” Papaano nagkagayon? Bueno, siya ang nagbigay ng salaping pantustos at ng dahilan upang bilhin ang “Bukid ng Dugo,” gaya ng tawag doon. Ito’y nakilala na karatig ng isang patag na lupain sa gawing timog ng Libis ng Hinnom. Ngayon na ang kaniyang kaugnayan sa kaniyang makalangit na Pinunò ay lubusang nawasak na, si Judas ay “nagbigti ng kaniyang sarili.” (Mateo 27:3-10) Marahil ang lubid o sanga ng punò ay naputol, kung kaya’t siya’y ‘nahulog nang patiwarik, sumambulat ang lahat ng mga laman ng kaniyang tiyan’ nang siya’y tumama sa tulis-tulis na batuhan. Sana ay huwag maging isang traidor na kapatid ang sinuman sa atin!
Napuspos ng Banal na Espiritu!
8. Kailan nabautismuhan sa banal na espiritu ang mga alagad ni Jesus, at ano ang naging epekto?
8 Kumusta naman ang tungkol sa ipinangakong bautismo sa banal na espiritu? Ito ay naganap noong Pentecostes 33 C.E., sampung araw pagkaakyat ni Jesus. (2:1-4) Anong kapana-panabik na pangyayari ang bautismong iyon! Gunigunihin ang tanawin. Mga 120 alagad ang nasa itaas ng silid nang ‘biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinunô ang buong bahay.’ Iyon ay hindi isang hangin, ngunit ang ugong ay katulad ng hangin. Mga dilang “kawangis ng apoy” ang dumapo sa bawat isa sa mga alagad at apostol. “Silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagpasimulang magsalita ng iba’t ibang wika.” Nang maganap ang bautismong iyon, sila ay naging mga anak din naman sa pamamagitan ng banal na espiritu, pinahiran, at tinatakan bilang tanda ng espirituwal na mana.—Juan 3:3, 5; 2 Corinto 1:21, 22; 1 Juan 2:20.
9. Tungkol sa ano ang sinalita ng puspos-espiritung mga alagad?
9 Naapektuhan ng pangyayaring ito ang mga Judio at mga proselita sa Jerusalem buhat sa ‘bawat bansa sa silong ng langit.’ (2:5-13) Sa laki ng pagtataka, sila’y nagtanong: ‘Ano’t ang naririnig ng bawat isa sa atin ay ang kaniyang sariling wika na kinamulatan niya?’ Marahil iyon ay ang wika ng gayong mga lugar na gaya baga ng Media (nasa silangan ng Judea), Phrygia (sa Asia Minor), at Roma (sa Europa). Samantalang ang mga alagad ay nagsasalita noon sa iba‘t ibang wika “tungkol sa kagila-gilalas na mga bagay ng Diyos,” maraming tagapakinig ang nangamangha, ngunit ang mga manlilibak ay nagsabing sila ay mga lasing.
Si Pedro ay Nagbigay ng Isang Matinding Pagpapatotoo
10. Ang pangyayari noong Pentecostes 33 C.E. ay katuparan ng anong hula, at ito ba ay may modernong-panahong kahalintulad?
10 Si Pedro ay nagsimulang magpatotoo sa pamamagitan ng pagpapakita na ang oras na ikasiyam ng umaga ay totoong maaga upang malasing ang sinuman. (2:14-21) Sa halip, ang pangyayaring ito ay katuparan ng pangako ng Diyos na ibuhos sa kaniyang mga lingkod ang banal na espiritu. Kinasihan ng Diyos si Pedro upang tumukoy sa panahon natin sa pamamagitan ng pagsususog ng mga salitang “sa mga huling araw” at “sila’y magsisipanghula.” (Joel 2:28-32) Si Jehova ay magpapakita ng mga kababalaghan sa langit at mga tanda sa lupa bago sumapit ang kaniyang dakilang araw, at yaon lamang nagsisitawag sa kaniyang pangalan nang may pananampalataya ang mangaliligtas. Dahil sa katulad na pagbubuhos ng espiritu sa mga pinahiran sila ay “nakapanghuhula” nang buong kasiglahan at kahusayan sa ngayon.
11. Tungkol kay Jesus, ano ang ginawa ng mga Judio at ng Diyos?
11 Pagkatapos ay ipinakilala ni Pedro ang Mesiyas. (2:22-28) Pinatunayan ng Diyos ang pagka-Mesiyas ni Jesus sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng kapangyarihang gumawa ng makapangyarihang mga gawa, mga tanda, at kababalaghan. (Hebreo 2:3, 4) Ngunit pinangyari ng mga Judio na siya’y maibayubay sa tulos “ng kamay ng mga taong tampalasan,” ang mga Romanong hindi sumusunod sa kautusan ng Diyos. Si Jesus ay “ibinigay sa pamamagitan ng takdang pasiya at patiunang kaalaman ng Diyos” sa bagay na ito ang kalooban ng Diyos. Gayunman, si Jesus ay binuhay-muli ng Diyos at isinaayos na ang kaniyang katawang-tao ay huwag makaranas ng pagkabulok.—Awit 16:8-11.
12. Ano ang nakita ni David bago pa man, at sa ano depende ang kaligtasan?
12 Ang hula tungkol sa Mesiyas ay patuloy na idiniin sa pagpapatuloy ng pagpapatotoo ni Pedro. (2:29-36) Kaniyang sinabi na nakita ni David bago pa man ang pagkabuhay-muli ng kaniyang pinakadakilang anak, si Jesus na Mesiyas. Buhat sa kaitaasan sa kanan ng Diyos sa langit, ibinuhos ni Jesus ang banal na espiritu na tinanggap sa kaniyang Ama. (Awit 110:1) ‘Nakita at narinig’ ng mga nakikinig kay Pedro ang pagkilos niyaon sa anyong mga dilang apoy na dumapo sa mga ulo ng mga alagad at narinig ang iba’t ibang mga wika na kanilang sinalita. Kaniya ring ipinakita na ang kaligtasan ay depende sa pagtanggap kay Jesus bilang Panginoon at Mesiyas.—Roma 10:9; Filipos 2:9-11.
Si Jehova ang Nagpapalago
13. (a) Upang wastong mabautismuhan, ano ang kailangang tanggapin ng mga Judio at mga proselita? (b) Ilan ang nabautismuhan, at ano ang epekto sa Jerusalem?
13 Napakabisa ang mga salita ni Pedro! (2:37-42) Ang kaniyang mga tagapakinig ay nangasaktan ang puso dahil sa sila’y naging kunsintidor sa pagpatay sa Mesiyas. Kaya siya’y nagpayo: “Mangagsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Kristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang walang-bayad na kaloob ng banal na espiritu.” Tinanggap na ng mga Judio at mga proselita si Jehova bilang Diyos at ang kanilang pangangailangan ng kaniyang espiritu. Ngayon ay nangangailangan na sila’y magsisi at tanggapin si Jesus bilang ang Mesiyas upang sila’y mabautismuhan sa pangalan (pagkilala sa tungkulin o gawain) ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu. (Mateo 28:19, 20) Sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga Judio at mga proselitang iyon, ginamit ni Pedro ang unang espirituwal na susi na ibinigay sa kaniya ni Jesus upang buksan ang pinto ng kaalaman at pagkakataon sa sumasampalatayang mga Judio upang makapasok sa makalangit na Kaharian. (Mateo 16:19) Sa kaisa-isang araw na iyon, 3,000 ang nabautismuhan! Gunigunihin ang ganiyang karaming mga Saksi ni Jehova na nangangaral sa munting teritoryo ng Jerusalem!
14. Bakit at papaanong lahat ng ari-arian ng mga mananampalataya “ay sa kalahatan”?
14 Maraming galing sa malalayong dako ang walang mga paglalaan para sa mas matagal na pamamalagi roon ngunit ibig nilang matuto pa nang higit tungkol sa kanilang bagong pananampalataya at mangaral sa iba. Kaya’t ang mga sinaunang tagasunod ni Jesus ay buong-pag-ibig na nagtulungan sa isa’t isa, gaya rin naman ng ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. (2:43-47) Lahat ng ari-arian ng mga mananampalataya “ay sa kalahatan.” Ang iba’y nagbili ng kanilang ari-arian, at ang mga salaping pinagbilhan ay ipinamahagi sa kaninuman na nasa pangangailangan. Ito ang sa pasimula ay nagpatatag sa kongregasyon samantalang ‘sa kanila’y idinaragdag ni Jehova sa araw-araw yaong nangaliligtas.’
Isang Pagpapagaling at ang Ibinunga Nito
15. Ano ang nangyari samantalang si Pedro at si Juan ay papasók sa templo, at ano ang ikinilos ng mga tao?
15 Inalalayan ni Jehova ang mga tagasunod ni Jesus sa pamamagitan ng “mga tanda.” (3:1-10) Sa gayon, samantalang si Pedro at si Juan ay papasók sa templo sa ganap na ika-3:00 n.h. para sa oras ng pananalangin na kaugnay ng panggabing paghahandog ng hain, isang lalaking pilay na nang isilang ang naroon malapit sa Magandang Pintuan at nanghihingi ng “limos.” ‘Pilak at ginto ay wala ako,’ sabi ni Pedro, ‘pero ang mayroon ako ay ibibigay ko sa iyo: Sa pangalan ni Jesu-Kristo na Nazareno, lumakad ka!’ Ang tao ay gumaling sa isang kisapmata! Samantalang siya’y papasók sa templo na “lumalakad at lumulukso at nagpupuri sa Diyos,” ang mga tao ay ‘di-magkamayaw sa labis na kagalakan.’ Marahil naaalaala ng iba ang mga salitang: “Ang pilay ay lulukso na parang usa.”—Isaias 35:6.
16. Papaanong ang mga apostol ay nakapagpagaling ng isang lalaking pilay?
16 Ang namanghang mga tao ay nagtipon sa colonna ni Solomon, isang may habong na portico sa templo sa gawing silangan. Doon ay nagbigay si Pedro ng patotoo. (3:11-18) Kaniyang ipinakita na binigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang mga apostol upang pagalingin ang taong pilay sa pamamagitan ng Kaniyang niluwalhating Lingkod, si Jesus. (Isaias 52:13–53:12) Itinakuwil ng mga Judio “ang banal at matuwid na isang iyon”; gayunman siya’y binuhay-muli ni Jehova. Bagaman walang malay ang mga mamamayan at ang kanilang mga pinunò na ang Mesiyas ang kanilang papatayin noon, tinupad sa gayon ng Diyos ang mga salitang hula na “maghihirap ang kaniyang Kristo.”—Daniel 9:26.
17. (a) Ano ang kailangang gawin noon ng mga Judio? (b) Ano ba ang nangyari mula nang ‘suguin si Kristo’ sa kaarawan natin?
17 Dahil sa kanilang ginawang trato sa Mesiyas, ipinakita ni Pedro kung ano ang dapat na gawin ng mga Judio. (3:19-26) Sila’y kailangang “magsisi,” o pagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan, at “magbalik-loob,” o makumberte, gumawa ng kabaligtaran niyaon. Kung sila’y nagsasagawa ng pananampalataya kay Jesus bilang ang Mesiyas, na tinatanggap ang pantubos, kaginhawahan ang darating sa kanila buhat kay Jehova bilang mga pinatawad sa kasalanan. (Roma 5:6-11) Sa mga Judio ay ipinaalaala na sila’y mga anak ng tipan na ginawa ng Diyos sa kanilang mga ninuno, na sinasabi kay Abraham: “Sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.” Kaya unang sinugo ng Diyos ang kaniyang Mesiyanikong Lingkod upang tubusin ang nagsisising mga Judio. Kapuna-puna, buhat nang ‘suguin si Kristo’ na taglay ang makalangit na kapangyarihang pang-Kaharian noong 1914, nagkaroon na ng nakagiginhawang pagsasauli ng mga katotohanan at teokratikong organisasyon sa gitna ng mga Saksi ni Jehova.—Genesis 12:3; 18:18; 22:18.
Sila’y Hindi Huminto!
18. Anong “bato” ang itinakuwil ng mga Judiong “tagapagtayo,” at sa kanino lamang may kaligtasan?
18 Palibhasa’y pinagalit ng pagbabalita nina Pedro at Juan ng pagkabuhay-muli ni Jesus, ang mga pangulong saserdote, punò sa templo, at mga Saduceo ay nagsikilos upang dakpin sila. (4:1-12) Ang mga Saduceo ay hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli, ngunit marami pa ang naging mananampalataya, ang mga lalaki lamang ay may bilang na mga 5,000. Nang tanungin sa harap ng mataas na hukuman sa Jerusalem, sinabi ni Pedro na ang taong pilay ay gumaling “sa ngalan ni Jesu-Kristo na Nazareno,” na ibinayubay nila ngunit binuhay-muli ng Diyos. Itong “bato” na itinakuwil ng mga Judiong “tagapagtayo” ay naging “ang pangulo sa sulok.” (Awit 118:22) “Isa pa,” sabi ni Pedro, “sa kanino mang iba ay walang kaligtasan.”
19. Nang pagsabihang huminto na ng pangangaral, papaano tumugon ang mga apostol?
19 Tinangka na pahintuin ang gayong pagsasalita. (4:13-22) Samantalang naroroon ang pinagaling na lalaki, imposible na itatuwa ang ganitong “kahima-himalang tanda,” ngunit si Pedro at si Juan ay pinagsabihan na ‘huwag silang magsalita ni magturo man tungkol sa pangalan ni Jesus.’ Ang kanilang tugon? ‘Hindi kami makatitigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.’ Sila’y tumalima kay Jehova bilang kanilang Pinunò!
Sinagot ang mga Panalangin!
20. Ano ang ipinanalangin ng mga alagad, at ano ang ibinunga?
20 Gaya ng mga Saksi ni Jehova na nagsisipanalangin sa mga pulong, ganoon din na ang mga alagad ay nagsipanalangin nang iulat ng pinalayang mga apostol ang nangyari sa kanila. (4:23-31) Mapapansin na ang mga pinunong sina Herodes Antipas at Poncio Pilato, kasama ang mga Romanong Gentil at ang mga mamamayan ng Israel, ay nagtipun-tipong sama-sama laban sa Mesiyas. (Awit 2:1, 2; Lucas 23:1-12) Bilang sagot sa panalangin, ang mga alagad ay pinuspos ni Jehova ng banal na espiritu, kung kaya’t sila’y nagsalita ng salita ng Diyos nang buong tapang. Sa kanilang Pinunò ay hindi hiniling na pahintuin na ang pag-uusig kundi kanilang hiniling na sila’y buong-tapang na makapangaral sa kabila niyaon.
21. Sino si Bernabe, at ano ang kaniyang mga katangian?
21 Patuloy na ang lahat ng ari-arian ng mga mananampalataya ay sa kalahatan, at walang isa man na nasa paghihikahos. (4:32-37) Ang isa sa mga nag-abuloy ay ang Levitang si Jose na tubò sa Chipre. Siya’y tinaguriang Bernabe ng mga apostol, ang ibig sabihin ay “Anak ng Kaaliwan,” malamang na dahil sa siya’y matulungin at maawain. Tiyak naman, nais nating lahat na maging ganiyang uri ng tao.—Gawa 11:22-24.
Napalantad ang mga Sinungaling
22, 23. Ano ba ang kasalanan ni Ananias at ni Safira, at papaano tayo makikinabang sa kanilang karanasan?
22 Gayunman, si Ananias at ang kaniyang asawa, si Safira ay huminto ng pagtanggap kay Jehova bilang kanilang Pinunò. (5:1-11) Sila’y nagbili ng isang bukid at itinago nila ang isang bahagi ng salapi para sa kanilang sarili habang nagkukunwari sila na ibinigay sa mga apostol ang lahat ng salapi. Dahilan sa kaalaman na ibinigay ng espiritu ng Diyos nahalata ni Pedro ang kanilang pagpapaimbabaw, na humantong sa kanilang kamatayan. Anong inam na babala ito sa mga tinutukso ni Satanas na mandaya!—Kawikaan 3:32; 6:16-19.
23 Pagkatapos ng pangyayaring ito, walang sinuman na may masasamang motibo ang nagkaroon ng lakas ng loob na sumama sa mga alagad. Ang iba’y naging mga mananampalataya. (5:12-16) Isa pa, pagka ang mga maysakit at ang mga inaalihan ng masasamang espiritu ay sumampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, ‘silang lahat ay pawang nagsigaling.’
Sundin ang Diyos Bago ang mga Tao
24, 25. Bakit pinag-usig ng mga pinunong Judio ang mga apostol, ngunit anong pamantayan ang sinunod ng mga tapat na lingkod na ito para tularan ng lahat ng mga lingkod ni Jehova?
24 Ang mataas na saserdote at ang mga Saduceo ay kumilos na ngayon upang sugpuin ang kagila-gilalas na paglago sa pamamagitan ng pagbibilanggo sa lahat ng mga apostol. (5:17-25) Ngunit nang gabing iyon sila ay pinalaya ng anghel ng Diyos. At sa pagbubukang-liwayway sila ay nagtuturo sa templo! Ang pag-uusig ay hindi makapagpahinto sa mga lingkod ni Jehova.
25 Gayunman, gumamit ng panggigipit nang ang mga apostol ay dalhin sa harap ng Sanedrin. (5:26-42) Gayumpaman, nang iutos na sila’y huminto ng pagtuturo, kanilang sinabi: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinunò bago sa mga tao.” Ito’y nagsilbing isang pamantayan para sa mga alagad ni Jesus, isa na sinusunod ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Pagkatapos ng isang babala buhat sa guro ng Kautusan na si Gamaliel, ginulpi ng mga pinunò ang mga apostol, iniutos sa kanila na huminto na ng pangangaral, at pinalaya sila.
26. Papaanong maihahambing ang ministeryo ng mga apostol sa ministeryo ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?
26 Ang mga apostol ay nangagalak na sila’y ibinilang na karapat-dapat magbata ng kadustaan alang-alang sa pangalan ni Jesus. “At araw-araw sa templo at sa bahay-bahay sila’y nagpatuloy nang walang-lubay sa pagtuturo at pangangaral ng mabuting balita.” Oo, sila’y mga ministro sa bahay-bahay. Gayundin ang modernong-panahong mga Saksi ng Diyos, na tumanggap din naman ng kaniyang espiritu dahil sa sila’y sumusunod sa kaniya at nagsasabi, “Si Jehova ang aming Pinunò!”
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong utos ang kailangang tuparin ng mga tagasunod ni Jesus, noong nakalipas at sa kasalukuyan?
◻ Ano ang nangyari noong araw ng Pentecostes 33 C.E.?
◻ Kailan at papaanong ginamit ni Pedro ang unang espirituwal na susi na ibinigay sa kaniya ni Jesus?
◻ Ano ang matututuhan natin buhat sa karanasan ni Ananias at ni Safira?
◻ Nang pag-utusan na huminto na sa pangangaral, anong pamantayan ang sinunod ng mga apostol para tularan ng lahat ng mga Saksi ni Jehova?