Paano Kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa Ngayon?
SIYA ay lumpo mula sa bahay-bata ng kaniyang ina. Araw-araw, umuupo siya sa pintuang-daan ng templo na tinatawag na Maganda upang sa gayon ay makahingi ng mga kaloob ng awa mula sa mga pumapasok sa templo. Gayunman, sa isang pagkakataon, tumanggap ang may-kapansanang pulubi na ito ng kaloob na hindi matutumbasan ng ilang maliliit na barya. Siya ay pinagaling!—Gawa 3:2-8.
Bagaman sina apostol Pedro at Juan ang siyang ‘nagbangon sa kaniya’ anupat “ang mga talampakan ng kaniyang mga paa . . . ay napatatag,” hindi nila inangkin ang karangalan sa pagpapagaling. Bakit hindi? Si Pedro mismo ang nagpaliwanag: “Mga lalaki ng Israel, bakit kayo namamangha rito, o bakit kayo nakatitig sa amin na para bang sa pamamagitan ng pansariling kapangyarihan o maka-Diyos na debosyon ay nagawa naming makalakad siya?” Tunay, natanto kapuwa nina Pedro at Juan na magagawa ang gayong bagay, hindi sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos.—Gawa 3:7-16; 4:29-31.
Noong panahong iyon, inilaan ang gayong “makapangyarihang mga gawa” upang ipakita na taglay ng bagong kongregasyong Kristiyano ang suporta ng Diyos. (Hebreo 2:4) Ngunit pagkatapos na maisakatuparan ng makapangyarihang mga gawa ang layunin para rito, “aalisin” na ang mga ito, sabi ni apostol Pablo.a (1 Corinto 13:8) Kaya, hindi na natin nakikita ngayon sa tunay na kongregasyong Kristiyano ang anumang itinalaga ng Diyos na pagpapagaling, makahulang mga mensahe, o ang pagpapalayas ng mga demonyo.
Gayunman, nangangahulugan ba ito na ang banal na espiritu ng Diyos ay hindi na kumikilos? Hinding-hindi! Isaalang-alang natin ang ibang mga paraan kung paano kumilos ang espiritu ng Diyos noong unang siglo at kung paano ito kumikilos sa ating kaarawan.
“Ang Espiritu ng Katotohanan”
Ang isang pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos ay upang magbigay-alam, upang magbigay-liwanag, at upang magsiwalat ng mga katotohanan. Sandaling panahon bago ang kaniyang kamatayan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Marami pa akong mga bagay na sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo makakayang batahin ang mga iyon sa kasalukuyan. Gayunman, kapag ang isang iyon ay dumating, ang espiritu ng katotohanan, ay aakayin niya kayo sa lahat ng katotohanan.”—Juan 16:12, 13.
Ibinuhos “ang espiritu ng katotohanan” noong Pentecostes 33 C.E. nang mga 120 alagad na natipon sa itaas na silid sa Jerusalem ay nabautismuhan ng banal na espiritu. (Gawa 2:1-4) Isa si apostol Pedro sa mga naroroon para sa taunang kapistahang iyon. Puspos ng banal na espiritu, “tumayo” si Pedro at pinalawak, o nilinaw, ang ilang mga katotohanan tungkol kay Jesus. Halimbawa, inilahad niya kung paanong “si Jesus na Nazareno” ay “itinaas sa kanang kamay ng Diyos.” (Gawa 2:14, 22, 33) Pinakilos din ng espiritu ng Diyos si Pedro upang ihayag nang may katapangan sa kaniyang mga tagapakinig na Judio: “Alamin ngang may katiyakan ng buong bahay ng Israel na siya ay ginawa ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ipinako.” (Gawa 2:36) Bunga ng kinasihan ng espiritu na mensahe ni Pedro, halos tatlong libong mga tao ang “yumakap sa kaniyang salita nang buong-puso” at nabautismuhan. Sa ganitong paraan, nakatulong ang banal na espiritu ng Diyos upang akayin sila sa katotohanan.—Gawa 2:37-41.
Nagsilbi rin ang banal na espiritu ng Diyos bilang guro at tagapagpaalaala. Sinabi ni Jesus: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa aking pangalan, ang isang iyon ay magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at ibabalik sa inyong mga pag-iisip ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.”—Juan 14:26.
Paano kumikilos ang banal na espiritu bilang isang guro? Binuksan ng espiritu ng Diyos ang isipan ng mga alagad sa mga bagay na narinig na nila noon mula kay Jesus ngunit hindi lubos na naunawaan. Halimbawa, alam ng mga apostol na noong panahon ng kaniyang paglilitis, sinabi ni Jesus sa Romanong gobernador ng Judea, si Poncio Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” Gayunman, sa panahon ng pag-akyat ni Jesus sa langit pagkalipas ng mahigit na 40 araw, ang mga apostol ay nagtataglay pa rin ng maling pangmalas na ang Kaharian ay itatatag dito sa lupa. (Juan 18:36; Gawa 1:6) Malamang, hindi lubos na naintindihan ng mga apostol ang kahulugan ng mga salita ni Jesus hanggang pagkatapos ng pagbubuhos ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E.
Nagsilbi rin ang espiritu ng Diyos bilang isang tagapagpaalaala sa pamamagitan ng pagpapaalaala sa iba’t ibang mga turo ni Jesus. Halimbawa, nagkaroon ng bagong kahulugan ang mga hula hinggil sa kamatayan at pagkabuhay muli ng Kristo sa tulong ng banal na espiritu. (Mateo 16:21; Juan 12:16) Ang paggunita sa mga turo ni Jesus ay nagpangyari sa mga apostol na maipagtanggol nang may katapangan ang kanilang katayuan sa harap ng mga hari, mahistrado, at relihiyosong mga lider.—Marcos 13:9-11; Gawa 4:5-20.
Karagdagan pa, tumulong ang banal na espiritu ng Diyos upang akayin ang sinaunang mga Kristiyano sa mabubungang teritoryo sa ministeryo. (Gawa 16:6-10) Pinakilos din ng espiritu ng Diyos ang sinaunang mga Kristiyano upang makibahagi sa pagsulat ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan. (2 Timoteo 3:16) Maliwanag, kung gayon, ang banal na espiritu ay kumilos sa maraming paraan noong unang siglo. Hindi ito inilaan para lamang sa paggawa ng mga himala.
Ang Banal na Espiritu sa Ating Panahon
Ang banal na espiritu ay kumikilos din sa ating panahon alang-alang sa tunay na mga Kristiyano. Ito ay naging maliwanag sa isang maliit na grupo ng mga estudyante sa Bibliya sa Allegheny, Pennsylvania, E.U.A., noong huling kalahating bahagi ng ika-19 na siglo. Nanabik ang masisigasig na estudyanteng ito ng Bibliya na malaman “ang katotohanan.”—Juan 8:32; 16:13.
Isang miyembro ng grupong ito, si Charles Taze Russell, ay nagsabi hinggil sa kaniyang paghahanap para sa maka-Kasulatang katotohanan: “Nanalangin ako . . . na magawa kong alisin sa aking puso at isipan ang anumang maling akala na maaaring maging hadlang at maakay ng kaniyang espiritu sa tamang pagkaunawa.” Pinagpala ng Diyos ang mapagpakumbabang panalanging ito.
Habang masikap na sinasaliksik ni Russell at ng kaniyang mga kasama ang Kasulatan, naging malinaw ang ilang bagay. “Nakita namin na sa nakaraang mga siglo,” paliwanag ni Russell, “pinaghati-hatian ng iba’t ibang mga sekta at mga pangkat ang mga doktrina ng Bibliya, na hinaluan ang mga iyon ng ilang haka-haka at kamalian ng tao.” Ito ay nagbunga sa tinatawag niyang “ang maling pagkakapit ng katotohanan.” Tunay, natabunan ang maka-Kasulatang katotohanan sa ilalim ng koleksiyon ng paganong mga turo na nakapasok sa Sangkakristiyanuhan sa paglipas ng mga siglo. Ngunit determinado si Russell na malaman at ihayag ang katotohanan.
Sa pamamagitan ng mga pahina ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, buong tapang na tinuligsa ni Russell at ng kaniyang mga kasama ang huwad na relihiyosong mga doktrina na maling kumakatawan sa Diyos. Kanilang napag-unawa na—salungat sa popular na relihiyosong palagay—ang kaluluwa ay mortal, na sa kamatayan tayo ay nagtutungo sa libingan, at na si Jehova ang tanging Diyos na totoo at sa gayo’y hindi bahagi ng isang Trinidad.
Gayunman, gaya ng maguguniguni mo, nagalit ang klero ng Sangkakristiyanuhan sa gayong paglalantad ng huwad na mga turo. Palibhasa’y masidhi ang hangarin na mangunyapit sa kanilang maimpluwensiyang mga posisyon, maraming klerong Katoliko at Protestante ang nag-organisa ng mga kampanya na nilayon upang sirain si Russell. Ngunit siya at ang kaniyang mga kasama ay hindi sumuko. Taglay ang pagtitiwala, sila’y umasa sa espiritu ng Diyos para sa patnubay. “Ang katiyakan ng ating Panginoon,” sabi ni Russell, “ay na . . . ang banal na espiritu ng Ama, na ipinadala dahil sa at sa marubdob na hiling ni Jesus na ating Tagatubos, Tagapamagitan at Ulo, ang ating magiging tagapagturo.” At nagturo nga ito! Nagpatuloy na uminom ang taimtim na mga estudyanteng ito ng Bibliya ng dalisay na tubig ng katotohanan mula sa Bibliya at inihayag ang mga ito sa buong daigdig.—Apocalipsis 22:17.
Ang makabagong-panahong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nanatiling handang tumugon sa mga pag-akay ng banal na espiritu ng Diyos sa loob ng mahigit sa isang siglo na ngayon. Habang pasulong na nililiwanag ng espiritu ni Jehova ang kanilang espirituwal na paningin, ang mga Saksi ay handang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago upang makaayon sa binagong unawa.—Kawikaan 4:18.
“Magiging mga Saksi Ko Kayo”
Tinukoy ni Jesus ang isa pang paghahayag ng banal na espiritu ng Diyos nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay dumating sa inyo, at magiging mga saksi ko kayo . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Ang pangako ni Jesus na pupuspusin ang kaniyang mga alagad ng “kapangyarihan” at “banal na espiritu” upang isagawa ang kanilang bigay-Diyos na gawain ay kumakapit pa rin sa ngayon.
Bilang isang grupo, kilala ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang mga gawaing pangangaral. (Tingnan ang kahon.) Tunay, sinasalita ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ng katotohanan sa mahigit na 230 lupain at mga grupo ng isla. Sa ilalim ng lahat ng maguguniguning kalagayan, kabilang na ang pagsasapanganib ng kanilang mga buhay sa mga dakong giniyagis ng digmaan, may katapangan silang naglakas ng kanilang mga tinig sa pagsuporta sa Kaharian ng Diyos. Ang kanilang sigasig para sa ministeryong Kristiyano ay nagbibigay ng makapangyarihang patotoo na ang banal na espiritu ay kumikilos sa ngayon. At maliwanag na pinagpapala ng Diyos na Jehova ang kanilang mga pagsisikap.
Halimbawa, noong nakaraang taon, mahigit sa isang bilyong oras ang inilaan sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Taglay ang anong resulta? Sinagisagan ng 323,439 katao ang kanilang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Isa pa, 4,433,884 na lingguhang pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya ang idinaos sa bagong mga interesado. Sa kabuuan, 24,607,741 aklat, 631,162,309 na magasin, at 63,495,728 brosyur at mga buklet ang naipasakamay. Isang makapangyarihang patotoo sa pagkilos ng espiritu ng Diyos!
Ang Espiritu ng Diyos at Ikaw
Kapag ang isang tao ay tumugon nang may pagsang-ayon sa mabuting balita, iniaayon ang kaniyang buhay sa mga pamantayan ng Diyos, at nagpapahayag ng pananampalataya sa paglalaan ng pantubos, ang daan ay nabuksan na para sa isang malinis na katayuan sa Diyos. Ganito ang sinabi ni apostol Pablo sa gayong mga tao: “Diyos . . . [ang] naglalagay ng kaniyang banal na espiritu sa inyo.”—1 Tesalonica 4:7, 8; 1 Corinto 6:9-11.
Ang pagtataglay ng espiritu ng Diyos ay nagbubunga ng maraming maiinam na pagpapala. Anong uri ng mga pagpapala? Una sa lahat, ang kinasihang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Ang bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, [at] pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Kaya naman, ang banal na espiritu ng Diyos ay isang makapangyarihang puwersa para sa ikabubuti, na nagpapangyaring makapagpakita ang isa ng makadiyos na mga katangian.
Isa pa, kung babasahin mo ang Bibliya at ikakapit ang iyong natutuhan, makatutulong sa iyo ang espiritu ng Diyos upang lumago ang iyong karunungan, kaalaman, malalim na unawa, kahatulan, at kakayahang mag-isip. Tumanggap si Haring Solomon ng “napakalaking karunungan at unawa at ng lawak ng puso” sapagkat kaniyang sinikap na palugdan ang Diyos sa halip na ang mga tao. (1 Hari 4:29) Yamang pinagkalooban ni Jehova si Solomon ng banal na espiritu, tiyak na hindi niya ipagkakait ang kaniyang banal na espiritu doon sa nagsisikap na palugdan siya sa ngayon.
Tinutulungan din ng banal na espiritu ng Diyos ang mga Kristiyano na labanan si Satanas at ang mga demonyo, ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay, at ang makasalanang mga hilig ng kanilang makasalanang laman. Paano naging posible ito? Sumagot si apostol Pablo: “Sa lahat ng mga bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” (Filipos 4:13) Maaaring hindi inaalis ng banal na espiritu ang mga pagsubok o mga tukso; gayunman, makatutulong ito sa iyo na mabata ang mga ito. Sa pagtitiwala sa espiritu ng Diyos, makatatanggap tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” upang maharap ang anumang kabagabagan o kapighatian.—2 Corinto 4:7; 1 Corinto 10:13.
Kapag isinaalang-alang mo ang lahat ng patotoo, walang alinlangan na kumikilos sa ngayon ang banal na espiritu ng Diyos. Pinalalakas ng espiritu ni Jehova ang kaniyang mga lingkod upang magpatotoo tungkol sa kaniyang dakilang mga layunin. Patuloy itong nagsisiwalat ng mga sinag ng espirituwal na liwanag, at pinatitibay nito ang ating pananampalataya, anupat tinutulungan tayo na manatiling tapat sa ating Maylalang. Kay laking pasasalamat natin na ang Diyos ay nananatiling totoo sa kaniyang pangako sa pamamagitan ng paglalaan ng banal na espiritu sa kaniyang mga tapat na lingkod sa ngayon!
[Talababa]
a Tingnan ang artikulong “Bakit ba Huminto Na ang Makahimalang mga Kaloob ng Espiritu”? sa Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1972, pahina 120-4.
[Kahon sa pahina 10]
Kung Ano ang Sinasabi ng Iba Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
“Samantalang ang ilang mga simbahan ay umuupa ng mga kasangguni upang akitin ang mga tao sa loob ng simbahan o makipagtalo sa makabagong panahong mga isyu tulad ng homoseksuwalidad at aborsiyon, ang mga Saksi ay hindi nakikipagkompromiso sa nagbabagong daigdig. Patuloy pa rin nilang nilalaganapan ang Lupa.”—The Orange County Register ng Orange County, California, E.U.A.
“Kung tungkol sa pagpapalaganap ng pananampalataya, iilang relihiyon ang kasinsigla . . . gaya ng mga Saksi ni Jehova.”—The Republic ng Columbus, Indiana, E.U.A.
“Sila lamang ang nagtutungo sa bawat pinto taglay ‘ang mabuting balita,’ anupat ikinakapit ang mga simulain ng Bibliya.”—Życie Literackie, Poland.
“Sa pinakamalaking kampanya ng pangangaral na nakita kailanman, dinala ng mga Saksi ni Jehova ang mensahe ni Jehova sa buong daigdig.”—News-Observer, Tamaqua, Pennsylvania, E.U.A.
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang banal na espiritu ng Diyos ay tumatanglaw sa atin sa espirituwal,
. . . nagtataguyod ng maiinam na katangiang Kristiyano,
. . . at sumusuporta sa atin sa pambuong daigdig na gawaing pangangaral