Ayon kay Juan
18 Pagkasabi nito, tinawid ni Jesus at ng mga alagad niya ang Lambak ng Kidron+ para pumunta sa isang hardin, at pumasok sila roon.+ 2 Alam ni Hudas, na magtatraidor sa kaniya,+ ang lugar na iyon dahil madalas pumunta roon si Jesus at ang mga alagad niya. 3 Kaya isinama roon ni Hudas ang mga sundalo at ang mga guwardiya ng mga punong saserdote at mga Pariseo, at may dala silang mga sulo, lampara, at sandata.+ 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kaniya, kaya hinarap niya sila at sinabi: “Sino ang hinahanap ninyo?” 5 Sumagot sila: “Si Jesus na Nazareno.”+ Sinabi niya: “Ako ang hinahanap ninyo.” Kasama rin nila si Hudas, na nagtraidor sa kaniya.+
6 Pero nang sabihin ni Jesus, “Ako ang hinahanap ninyo,” napaatras sila at nabuwal.+ 7 Kaya tinanong niya ulit sila: “Sino ang hinahanap ninyo?” Sinabi nila: “Si Jesus na Nazareno.” 8 Sumagot si Jesus: “Sinabi ko na sa inyo na ako iyon. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga lalaking ito.” 9 Nangyari ito para matupad ang sinabi niya: “Hindi ko naiwala ang kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.”+
10 Pagkatapos, hinugot ni Simon Pedro ang dala niyang espada at tinaga ang alipin ng mataas na saserdote, at natagpas ang kanang tainga nito.+ Ang pangalan ng alipin ay Malco. 11 Kaya sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ibalik mo ang espada sa lalagyan nito.+ Hindi ko ba dapat inuman ang kopa na ibinigay sa akin ng Ama?”+
12 Pagkatapos, dinakip si Jesus ng mga sundalo at ng kumandante ng militar at ng mga guwardiya ng mga Judio, at iginapos nila siya. 13 Dinala muna nila si Jesus kay Anas, dahil siya ang biyenan ni Caifas,+ ang mataas na saserdote nang taóng iyon.+ 14 Si Caifas ang nagsabi noon sa mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan.+
15 Si Simon Pedro, pati na ang isa pang alagad, ay sumusunod kay Jesus.+ Ang alagad na iyon ay kilala ng mataas na saserdote, at sumama siya kay Jesus sa looban ng bahay ng mataas na saserdote, 16 pero si Pedro ay naiwan sa labas ng pinto.* Kaya ang alagad na kilala ng mataas na saserdote ay lumabas at nakipag-usap sa bantay sa pinto at isinama si Pedro sa loob. 17 At sinabi kay Pedro ng alilang babae na nagbabantay sa pinto: “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Sinabi niya: “Hindi.”+ 18 Malamig noon, kaya nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga sundalo at tumayo sa paligid nito para magpainit. Si Pedro ay nakatayo ring kasama nila at nagpapainit.
19 Tinanong ng punong saserdote si Jesus tungkol sa mga alagad niya at sa kaniyang turo. 20 Sumagot si Jesus: “Hayagan akong nagsalita sa lahat ng tao.* Lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo,+ kung saan nagtitipon ang lahat ng Judio, at wala akong sinabi nang palihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa mga sinabi ko. Alam nila kung ano ang sinabi ko.” 22 Pagkasabi nito, sinampal si Jesus ng isa sa mga guwardiya+ at sinabi: “Ganiyan ka ba sumagot sa punong saserdote?” 23 Sinabi ni Jesus: “Kung may sinabi akong mali, patunayan mo;* pero kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” 24 Pagkatapos, nakagapos siyang ipinadala ni Anas kay Caifas na mataas na saserdote.+
25 Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro sa tabi ng apoy at nagpapainit. Sinabi nila: “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad niya?” Ikinaila niya iyon at sinabi: “Hindi.”+ 26 Sinabi ng isa sa mga alipin ng mataas na saserdote, na kamag-anak ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga:+ “Hindi ba kasama ka niya sa hardin? Nakita kita!” 27 Pero ikinaila ito ulit ni Pedro, at agad na tumilaok ang tandang.+
28 Pagkatapos, dinala nila si Jesus mula kay Caifas papunta sa bahay ng gobernador.+ Umaga na noon. Pero hindi sila pumasok sa bahay ng gobernador para hindi sila madungisan+ at sa gayon ay makakain sila ng hapunan para sa Paskuwa. 29 Kaya lumabas si Pilato at sinabi niya: “Ano ang akusasyon ninyo sa taong ito?” 30 Sumagot sila: “Kung walang ginawang masama* ang taong ito, hindi namin siya dadalhin sa iyo.” 31 Sinabi ni Pilato: “Kung gayon, kunin ninyo siya at hatulan ninyo ayon sa inyong kautusan.”+ Sinabi ng mga Judio: “Wala kaming awtoridad na pumatay ng sinuman.”+ 32 Nangyari ito para matupad ang sinabi ni Jesus na nagpapahiwatig kung anong uri ng kamatayan ang malapit na niyang danasin.+
33 Kaya muling pumasok si Pilato sa bahay ng gobernador, at tinawag niya si Jesus at sinabi: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”+ 34 Sumagot si Jesus: “Itinatanong mo ba iyan dahil iyan ang iniisip mo, o may mga nagsabi sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato: “Hindi naman ako Judio. Sarili mong bansa at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo sa akin. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus:+ “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.+ Kung ang Kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagasunod* ko para hindi ako madakip ng mga Judio.+ Pero ang totoo, hindi nagmumula rito ang Kaharian ko.” 37 Kaya sinabi ni Pilato: “Kung gayon, hari ka nga ba?” Sumagot si Jesus: “Ikaw mismo ang nagsasabi na ako ay hari.+ Ipinanganak ako at dumating sa sanlibutan para magpatotoo tungkol sa katotohanan.+ Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.”+ 38 Sinabi ni Pilato sa kaniya: “Ano ang katotohanan?”
Pagkasabi nito, lumabas ulit si Pilato at sinabi niya sa mga Judio: “Wala akong makitang dahilan para hatulan siya.*+ 39 Isa pa, may kaugalian kayo na magpapalaya ako ng isang tao kapag Paskuwa.+ Gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40 Sumigaw silang muli: “Huwag ang taong iyan, kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang magnanakaw.+