Nanganganlong Ka Ba kay Jehova?
“Tinutubos ni Jehova ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod; at walang sinuman sa mga nanganganlong sa kaniya ang ituturing na may-sala.”—AWIT 34:22.
1. Dahil sa kasalanan, ano ang nararamdaman ng maraming tapat na lingkod ng Diyos?
“MISERABLENG tao ako!” (Roma 7:24) Gaya ni apostol Pablo, maraming tapat na lingkod ng Diyos ang nakadarama rin ng ganiyan. Bakit? Dahil lahat tayo ay nagmana ng kasalanan, at kung minsan, hindi natin nagagawa ang nakalulugod kay Jehova. Iniisip pa nga ng ilan na hindi na sila mapapatawad ng Diyos dahil nakagawa sila ng malubhang kasalanan.
2. (a) Paano ipinakikita ng Awit 34:22 na hindi dapat magpadaig sa panunumbat ng budhi ang mga lingkod ng Diyos? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Tingnan ang kahong “Mga Aral o mga Antitipikong Paglalarawan?”)
2 Pero tinitiyak ng Kasulatan na ang mga nanganganlong kay Jehova ay hindi dapat magpadaig sa panunumbat ng budhi. (Basahin ang Awit 34:22.) Ano ba ang kahulugan ng panganganlong kay Jehova? Anong mga hakbang ang dapat nating gawin para tumanggap ng awa at kapatawaran niya? Malalaman natin ang sagot kung isasaalang-alang natin ang tungkol sa mga kanlungang lunsod sa sinaunang Israel. Bagaman ang kaayusang ito ay ginawa sa ilalim ng tipang Kautusan, na hinalinhan noong Pentecostes 33 C.E., tandaan na ang Kautusan ay galing kay Jehova. Kaya matututuhan natin sa kaayusang iyon ang pananaw ni Jehova tungkol sa kasalanan, sa mga nagkasala, at sa pagsisisi. Alamin muna natin kung ano ang layunin ng mga kanlungang lunsod.
“MAGBIGAY KAYO PARA SA INYO NG MGA KANLUNGANG LUNSOD”
3. Sa Israel, paano hinahawakan ang mga kaso ng sadyang pagpatay?
3 Seryosong bagay para kay Jehova ang lahat ng kaso ng pagpatay. Sa sinaunang Israel, ang mga pumatay nang sinasadya ay papatayin ng “tagapaghiganti ng dugo,” ang pinakamalapit na kamag-anak na lalaki ng biktima. (Bil. 35:19) Sa ganitong paraan, maipagbabayad-sala ang dumanak na dugo. Ang mabilis na paglalapat ng hatol ay tutulong para maiwasang marumhan ang Lupang Pangako, dahil iniutos ni Jehova: “Huwag ninyong durumhan ang lupain na kinaroroonan ninyo; sapagkat [ang pagbububo ng] dugo [ng tao] ang nagpaparumi sa lupain.”—Bil. 35:33, 34.
4. Paano hinahawakan ang kaso ng mga nakapatay nang di-sinasadya sa Israel?
4 Pero paano naman ang kaso ng mga nakapatay nang di-sinasadya? Kahit aksidente lang iyon, may pagkakasala pa rin sila dahil nagbubo sila ng dugong walang-sala. (Gen. 9:5) Pero dahil sa awa ni Jehova, pinahihintulutan silang pumunta sa isa sa anim na kanlungang lunsod. Doon, protektado sila sa tagapaghiganti ng dugo. Ang nakapatay nang di-sinasadya ay dapat manatili sa kanlungang lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote.—Bil. 35:15, 28.
5. Paano makatutulong ang kaayusan tungkol sa mga kanlungang lunsod para mas makilala natin si Jehova?
5 Ang kaayusan para sa mga kanlungang lunsod ay hindi ideya ng tao. Si Jehova mismo ang nag-utos kay Josue: “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, na sinasabi, ‘Magbigay kayo para sa inyo ng mga kanlungang lunsod.’” Ang mga lunsod na ito ay binigyan ng “sagradong katayuan.” (Jos. 20:1, 2, 7, 8) Dahil si Jehova ang nagbukod ng mga lunsod na ito para sa espesyal na layunin, maitatanong natin: Paano makatutulong ang kaayusang ito para mas maunawaan natin ang awa ni Jehova? At ano ang matututuhan natin dito tungkol sa panganganlong natin kay Jehova ngayon?
IHAHARAP NIYA ANG KANIYANG KASO “SA PANDINIG NG MATATANDANG LALAKI”
6, 7. (a) Ilarawan ang papel ng matatandang lalaki sa paghatol sa isang nakapatay nang di-sinasadya. (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Bakit dapat lumapit sa matatandang lalaki ang nakapatay nang di-sinasadya?
6 Kung ang isang Israelita ay nakapatay nang di-sinasadya, kailangan muna niyang iharap ang kaniyang kaso “sa pandinig ng matatandang lalaki” sa pintuang-daan ng kanlungang lunsod na pinuntahan niya, at tatanggapin nila siya doon. (Jos. 20:4) Pagkalipas ng ilang panahon, pababalikin nila siya sa lunsod kung saan nangyari ang pagpatay para malitis siya ng matatandang lalaki roon. (Basahin ang Bilang 35:24, 25.) Kapag idineklara ng matatandang lalaki na talagang aksidente ang nangyari, saka lang nila siya pababalikin sa kanlungang lunsod.
7 Bakit dapat iharap sa matatandang lalaki ang kaso? Pananagutan nilang panatilihing malinis ang kongregasyon ng Israel at tulungan ang di-sinasadyang nakapatay na makinabang sa awa ni Jehova. Sinabi ng isang iskolar ng Bibliya na kung ang nakapatay ay hindi lalapit sa matatandang lalaki, “manganganib siya.” Idinagdag pa ng iskolar: “Ang dugo niya ay nasa kaniyang ulo dahil hindi niya sinamantala ang proteksiyong inilaan ng Diyos para sa kaniya.” May inilaang tulong para sa nakapatay nang di-sinasadya, pero kailangan niyang kumilos at samantalahin ito. Kung hindi siya manganganlong sa isa sa mga lunsod na ibinukod ni Jehova, may karapatan ang pinakamalapit na kamag-anak ng biktima na patayin siya.
8, 9. Bakit dapat lumapit sa mga elder ang isang Kristiyanong nakagawa ng malubhang kasalanan?
8 Sa ngayon, ang Kristiyanong nakagawa ng malubhang kasalanan ay kailangan ding humingi ng tulong sa mga elder sa kongregasyon. Bakit napakahalaga nito? Una, ang paghawak ng mga elder sa mga kaso ng malulubhang kasalanan ay kaayusan ni Jehova, ayon sa ipinakikita ng kaniyang Salita. (Sant. 5:14-16) Ikalawa, ang kaayusang ito ay tutulong sa mga nagsisising nagkasala na makapanatili sa lingap ng Diyos at maiwasan ang pamimihasa sa kasalanan. (Gal. 6:1; Heb. 12:11) Ikatlo, ang mga elder ay inatasan at sinanay na patibayin ang mga nagsisising nagkasala at tulungan silang maibsan ang bigat na kanilang nadarama. Tinatawag ni Jehova ang matatandang lalaking ito na “dakong kublihan [o, kanlungan] sa bagyong maulan.” (Isa. 32:1, 2) Talagang isang kapahayagan ng awa ng Diyos ang kaayusang ito!
9 Nakadama ng kaginhawahan ang maraming lingkod ng Diyos nang humingi sila at tumanggap ng tulong sa mga elder. Halimbawa, si Daniel, isang brother na nakagawa ng malubhang kasalanan, ay ilang-buwang nag-aatubiling lumapit sa mga elder. “Sa tagal ng panahong lumipas,” ang pag-amin niya, “inisip kong wala nang maitutulong ang mga elder. Pero hindi pa rin ako mapakali; alam kong matutuklasan din ang ginawa ko. At kapag nananalangin ako kay Jehova, kailangan ko munang simulan ito sa paghingi ng tawad sa kasalanan ko.” Sa wakas, lumapit din si Daniel sa mga elder para humingi ng tulong. Nang maglaon, sinabi niya: “Oo, takót akong lumapit sa kanila. Pero pagkatapos n’on, parang nabunutan ako ng tinik sa dibdib. Ngayon, wala nang hadlang sa paglapit ko kay Jehova.” Malinis na ang budhi ni Daniel, at kamakailan, nahirang siya bilang ministeryal na lingkod.
“SIYA AY TATAKAS PATUNGO SA ISA SA MGA LUNSOD”
10. Para makatanggap ng awa, ano ang dapat gawin agad ng nakapatay nang di-sinasadya?
10 Kailangang kumilos agad ang nakapatay nang di-sinasadya para tumanggap ng awa. Dapat siyang tumakas patungo sa pinakamalapit na kanlungang lunsod. (Basahin ang Josue 20:4.) Hindi niya ito dapat bale-walain; buhay niya ang nakataya! May mga isasakripisyo siya. Kailangan niyang iwan ang kaniyang trabaho, tahanan, at mawawalan siya ng kalayaang maglakbay—hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote.a (Bil. 35:25) Pero sulit ang lahat ng iyon. Kung aalis siya sa lunsod, ipakikita niyang bale-wala lang sa kaniya ang nagawa niyang pagpatay, at manganganib ang sarili niyang buhay.
11. Paano maipakikita ng isang nagsisising Kristiyano na hindi niya binabale-wala ang awa ng Diyos?
11 Para matanggap ang awa ng Diyos, dapat ding kumilos ang mga nagsisising nagkasala sa ngayon. Dapat nilang lubusang talikuran ang paggawa ng kasalanan—takasan hindi lang ang malubhang kasalanan kundi maging ang maliliit na kasalanang umaakay rito. Inilarawan ni apostol Pablo ang ginawa ng mga nagsisising Kristiyano sa Corinto. Isinulat niya: “Ang mismong bagay na ito, ang pagpapalungkot sa inyo sa makadiyos na paraan, kay laki ngang kasigasigan ang ibinunga nito sa inyo, oo, pagpapawalang-sala sa inyong sarili, oo, pagkagalit, oo, takot, oo, pananabik, oo, sigasig, oo, pagtatama ng mali!” (2 Cor. 7:10, 11) Kung gagawa tayo ng matinding pagsisikap para talikuran ang paggawa ng kasalanan, maipakikita natin kay Jehova na hindi natin binabale-wala o inaabuso ang kaniyang awa.
12. Ano ang dapat na handang isakripisyo ng isang Kristiyano para patuloy siyang tumanggap ng awa ng Diyos?
12 Ano ang kailangang isakripisyo ng isang Kristiyano para patuloy siyang tumanggap ng awa ng Diyos? Dapat ay handa niyang isakripisyo ang anumang mahalaga sa kaniya, kung aakay ito sa kasalanan. (Mat. 18:8, 9) Halimbawa, kung iniimpluwensiyahan ka ng ilang kaibigan mo na gumawa ng mga bagay na ayaw ni Jehova, titigilan mo ba ang pakikisama sa kanila? Kung nahihirapan kang maging katamtaman sa pag-inom ng alak, iiwasan mo ba ang mga sitwasyon na tutukso sa iyo na uminom nang sobra? Kung nakikipaglaban ka sa imoral na mga pagnanasa, iniiwasan mo ba ang mga pelikula, website, o gawain na puwedeng pumukaw ng maruruming kaisipan? Tandaan, sulit ang anumang sakripisyo para makapanatiling tapat kay Jehova. Wala nang mas masakit kaysa sa pakiramdam na iniwan ka ni Jehova. Pero wala ring mas masarap kaysa sa pakiramdam na nasa iyo ang kaniyang walang-hanggang tapat na pag-ibig.—Isa. 54:7, 8.
“ANG MGA IYON AY MAGSISILBING KANLUNGAN NINYO”
13. Ipaliwanag kung bakit ligtas at puwedeng mabuhay nang masaya sa kanlungang lunsod ang di-sinasadyang nakapatay.
13 Kapag nasa loob na ng kanlungang lunsod, ligtas na ang nakapatay nang di-sinasadya. Sinabi ni Jehova: “Ang mga [lunsod na] iyon ay magsisilbing kanlungan ninyo.” (Jos. 20:2, 3) Hindi na muling lilitisin ang kaso ng nakapatay, at hindi pahihintulutang pumasok sa lunsod ang tagapaghiganti ng dugo para patayin siya. Kaya hindi na niya kailangang matakot dahil hangga’t nasa loob siya ng lunsod, nasa ilalim siya ng proteksiyon ni Jehova. Pero hindi ito bilangguan. Makapagtatrabaho siya rito, makatutulong sa iba, at makapaglilingkod nang payapa kay Jehova. Oo, puwede pa rin siyang mabuhay nang masaya at may kabuluhan!
14. Sa ano makatitiyak ang isang nagsisising Kristiyano?
14 Dahil sa nagawa nilang malubhang pagkakasala, ang ilan sa bayan ng Diyos ay nagsisi na pero parang bilanggo pa rin ng panunumbat ng kanilang budhi. Iniisip pa nga nila na habambuhay na silang nadungisan sa pananaw ni Jehova. Kung ganiyan ang nadarama mo, makatitiyak ka na kapag pinatawad ka ni Jehova, puwede ka nang mapanatag sa kaniyang awa. Napatunayan iyan ni Daniel, na nabanggit kanina. Matapos siyang ituwid ng mga elder at tulungang magkaroon uli ng malinis na budhi, sinabi niya: “Nakahinga na ako nang maluwag. Dahil naasikaso ang kaso ko sa tamang paraan, hindi na ako kailangang makonsensiya pa. Kapag pinatawad na ang kasalanan, burado na ito. Gaya ng sabi ni Jehova, inaalis niya ang ating mga pasanin at inilalayo ang mga iyon sa atin. Hindi mo na makikita pa ang mga iyon.” Kapag nasa loob na ng kanlungang lunsod, ang di-sinasadyang nakapatay ay hindi na kailangang matakot na darating ang tagapaghiganti ng dugo para patayin siya. Kaya kapag pinatawad na ni Jehova ang ating kasalanan, hindi na tayo dapat matakot na uungkatin pa niya iyon o na parurusahan pa rin niya tayo dahil doon.—Basahin ang Awit 103:8-12.
15, 16. Paano mapatitibay ng papel ni Jesus bilang Manunubos at Mataas na Saserdote ang iyong pagtitiwala sa awa ng Diyos?
15 Sa katunayan, kumpara sa mga Israelita, mas may dahilan tayo na magtiwala sa awa ni Jehova. Pagkatapos sabihin ni Pablo na miserable siya dahil hindi niya lubusang nasusunod si Jehova, sinabi niya: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7:25) Kahit nakikipagpunyagi si Pablo laban sa kasalanan at sa nagawa niyang mga pagkakamali—na pinagsisihan na niya—may tiwala si Pablo sa kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Bilang ating Manunubos, nililinis ni Jesus ang ating budhi at binibigyan tayo ng panloob na kapayapaan. (Heb. 9:13, 14) Bilang ating Mataas na Saserdote, “nagagawa rin niyang iligtas nang lubusan yaong mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya ay laging buháy upang makiusap para sa kanila.” (Heb. 7:24, 25) Kung ang papel ng mataas na saserdote sa Israel ay nagbibigay-katiyakan sa mga Israelita na mapapatawad ang kanilang kasalanan, mas nagbibigay-katiyakan ang paglilingkod ng ating Mataas na Saserdote, si Jesus, na ‘makapagtatamo tayo ng awa at makasusumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.’—Heb. 4:15, 16.
16 Kaya para maging kanlungan natin si Jehova, dapat tayong manampalataya sa hain ni Jesus. Sa halip na basta isipin na ang halaga ng pantubos ay para sa kapakinabangan ng marami, manampalataya ka na para ito sa iyo bilang indibiduwal. (Gal. 2:20, 21) Manampalataya ka na salig sa pantubos, mapapatawad ang mga kasalanan mo. Manampalataya ka na dahil sa pantubos, mayroon kang pag-asa na buhay na walang hanggan. Ang hain ni Jesus ay regalo ni Jehova sa iyo.
17. Bakit mo gustong manganlong kay Jehova?
17 Masasalamin sa mga kanlungang lunsod ang awa ni Jehova. Sa kaayusang ito, idiniin ng Diyos ang pagiging sagrado ng buhay. Ipinakita rin nito kung paano tayo tinutulungan ng mga elder, kung ano ang ibig sabihin ng tunay na pagsisisi, at kung bakit lubusan tayong makapagtitiwala sa kapatawaran ni Jehova. Nanganganlong ka ba kay Jehova? Wala nang mas ligtas na dako! (Awit 91:1, 2) Sa susunod na artikulo, tingnan natin kung paano tayo matutulungan ng mga kanlungang lunsod na tularan si Jehova, ang pinakadakilang halimbawa ng katarungan at awa.
a Ayon sa mga reperensiyang Judio, maliwanag na ang malalapít na kapamilya ng nakapatay nang di-sinasadya ay sasama sa kaniya sa kanlungang lunsod.