Mga Submarino at “Bathyscaphe” ng Kalikasan
“Ang ating pagmamataas sa pinakabagong mga tuklas ng tao ay dapat na mapigil ng kaalaman na maaaring ginagamit na ng ibang mga hayop ang mga ito mula pa noong panahong hindi maalaala.”—Scientific American, Hulyo 1960.
“Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa noong paglalang ng sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Tunay, ang may layuning karunungan ng Diyos na Jehova ay isinisiwalat ng mga hayop na ito na lumulutang sa dagat.
● ANG CHAMBERED NAUTILUS. Ang nautilus ay nasa ilalim na ng tubig sa loob ng libu-libong mga taon bago pa umiral ang tao sa lupa upang pangarapin ang gayong kababalaghan. Mula sa pagkasanggol ito ang gumagawa ng sarili nitong bahay, dinaragdagan ng mas malaking mga silid habang ito ay lumalaki. Binabahagi nito ang nabakanteng mga silid na iniwan nito, hanggang sa ang magandang shell nito ay umikid palabas ng hanggang sampung pulgada sa diyametro. Karamihan nito ay nagagayakan ng makinis na kayumangging mga guhit na animo’y zebra, at sa pinakahuli at pinakamalaking silid na nakabukas ay doon nakatira ang nautilus. Sa pinagdaanan nito ay maaaring naiwanan nito ang 30 o higit pang mga silid, dating mga tirahan noong panahon ng kaniyang kabataan. Subalit tuwing lilipat ang nautilus sa bago, mas malaking mga silid, iniiwan nito ang isang bahagi ng kaniyang sarili—isang tulad-tubo na siphuncle (Latin para sa “maliit na tubo”). At sa tuwing babahagiin ng nautilus ang isang silid, nag-iiwan ito ng isang maliit na butas sa partisyon. Sa pamamagitan ng mga butas na ito ang siphuncle, isang tulad-tubong panghigop ng nautilus, ay lumulusot sa mga silid, hanggang sa unang pinakamaliit na silid. Ang mga silid na ito at ang siphuncle na naglalagos dito ang nagbibigay sa nautilus ng kakayahan nito na lumutang sa tubig. Ang mga silid ay nagsisilbing mga tankeng panlutang. Ang mga ito ay punô ng gas. Ang siphuncle na naglalagos dito ay maaaring magdagdag ng tubig, o magbawas ng tubig. Maaari nitong baguhin ang katumbasan ng gas/tubig at sa gayo’y baguhin ang paglutang. Kaya ang nautilus ay maaaring nasa ibabaw ng tubig o dalawang libong piye sa ilalim ng tubig, o lumutang saanman sa pagitan niyan.
● ANG CUTTLEFISH. Ang karaniwang cuttlefish ay masusumpungan sa mga karagatan sa Mediteraneo at sa silangang Atlantiko. Ang isang malaking uri nito ay maaaring magkaroon ng katawan na umaabot ng dalawang piye ang haba, ang walong kamay nito ay umaabot ng isa pang sampu o labindalawang pulgada, at karagdagan pa, ang dalawang mahabang galamay ay maaaring humaba pa sa mga kamay na ito upang sumunggab ng mga pagkain. Para sa pagkilos mayroon itong mga palikpik sa gilid ng katawan nito, at isang imbudo, o tubong panghigop, na nagsisilbi para sa jet propulsion. Gaya ng chambered nautilus, mayroon itong tulad-submarinong mekanismo para sa iba’t ibang paglutang nito. Subalit di-tulad ng shell na mga silid ng nautilis, ang mekanismo sa paglutang ng cuttlefish ay yari sa buto, ang cuttlebone. Naroroon ito sa ilalim mismo ng balat ng likod ng cuttlefish. Ito ay isang malambot, animo’y tisa, na naglalaman ng hanggang isang daang maninipis na pohas na pinaghihiwalay ng mga haligi, at butas-butas na may magkakahiwalay na mga silid. Ang butong ito ang nagsisilbing pinaka-tankeng panlutang ng cuttlefish. Habang lumalaki at bumibigat ang cuttlefish, mas maraming mga silid ang idinaragdag sa cuttlebone upang dagdagan ang lakas ng paglutang nito. (Itong cuttlebone na ito ang inilalagay sa mga hawla ng mga ibon.) Sa pamamagitan ng osmosis maaaring ilabas ng cuttlefish ang tubig mula sa mga butas ng cuttlebone nito o pahintulutang pumasok ang tubig. Sa ganitong paraan nababagu-bago nito ang paglutang upang tumaas o bumaba sa karagatan. Sa simulain, ang mga butas sa cuttlebone nito ay parang mga tangke ng tubig sa isang submarino. Ang cuttlefish ay karaniwang lumalagi sa 100 hanggang 250 piye ang lalim subalit maaari rin itong bumaba hanggang 600 piye.
● ANG PUSIT SA LAOT. Ang dambuhalang pusit na ito ay malamang na siyang pinagmulan ng mga kuwentong alamat tungkol sa mga dambuhala sa dagat na sinusunggaban ang mga barko sa pamamagitan ng kanilang mga galamay. Mga katawan na mahigit 10 piye ang haba ang nasumpungan—kung isasama pati ang mga galamay, 65 piye! Sa mga hayop, ito ang may pinakamalaking mata—16 pulgada ang diyametro! Mabilis itong kumikilos sa pamamaraang tulad ng jet propulsion. Ito, gaya ng nautilus at ng cuttlefish, ay maaaring makibagay sa iba’t ibang lalim sa dagat subalit kakaiba ang paggawa niya nito. Ang dalawang-ikatlo ng itaas ng katawan nito ay isang malaking espasyo, ang coelomic cavity. Ito ay punô ng likido. Kapag naalis ang likidong ito, ang pusit ay lulubog. Ang likidong ito ang nagbibigay sa hayop ng neutral na densidad nito sa tubig-dagat. Ipinakikita ng mga pagsusuri na ito ay may napakatapang na amonia, 1.2 onsa sa bawat galon. Bakit gayon? Di-tulad ng ibang mga mamal, inilalabas ng pusit ang nitrohenong dumi nito bilang amonia sa halip na urea. Ang amoniang ito ay kumakalat mula sa dugo tungo sa likido sa coelomic cavity, kung saan ito ay humihiwalay tungo sa mga ammonium ions. Ang mga ions na ito ay magaang at ginagawa nitong mas magaang ang likido kaysa tubig-alat, pinalulutang ang pusit. Inihahambing ito ng magasing Scientific American sa bathyscaphe ni Auguste Piccard na nagtungo sa kalaliman ng karagatan. Ang malaking silid ng bathyscaphe na punô ng gasolina, na mas magaang kaysa tubig-alat ang sumusuporta sa silid na ginagamit sa pagmamasid na nakabitin sa ibaba nito. Sa gayunding paraan, ang likido sa coelomic cavity ng pusit sa laot ang nagsisilbing gamit nito sa paglutang. Subalit una itong ginawa ng pusit, sapagkat una itong naisip ng Maylikha nito.
● ANG SWIM-BLADDER FISH. Maraming isda ang may mga pantog sa paglangoy na punô ng gas. Kapag ang mga isda ay bumababa, sinisiksik ng presyon ng tubig ang gas at pinaliliit ang pantog. Kapag ang isda ay tumataas, ang presyon ng tubig ay nababawasan, ang gas ay lumalaki, at ang pantog ay lumalaki. Kapag lumalaki ang pantog, lumalaki rin ang isda. Kaya kapag ito ay bumababa, binabawasan ng tumitinding presyon ang laki nito, na nangangahulugan na ang katamtamang densidad nito ay dumarami, at binabawasan nito ang paglutang. Kaya kapag ito ay tumataas, ito ay lumalaki, at binabawasan nito ang katamtamang densidad, at ito naman ang nagpaparami sa paglutang nito. Sa gayon ang pantog sa paglangoy ay kumikilos upang panatilihin ang densidad ng isda na katulad ng densidad ng tubig-alat sa paligid nito, pinangyayari ang isda na lumutang saanmang lalim. Subalit hindi ganiyan laging kasimple. Sa lalim na 6,500 piye, pinaliliit ng presyon ang laki ng pantog hanggang sa 1/ika-200 ng laki nito sa ibabaw, ang gas nito ay 200 ulit na mas siksik, at ang paglutang ay halos naglaho. Gayunman ang isda ay walang kakilus-kilos na nananatili sa doble ng lalim niyan, ang gas sa kaniyang pantog ay may presyon na mahigit 7,000 libra sa bawat pulgada kuwadrado upang matiis ang presyon ng dagat! Gayunman paano nila napananatili ang paglutang? Maaari nilang unti-unting dagdagan ang gas sa kanilang mga pantog habang sila ay papailalim at binabawasan ito habang sila ay pumapaitaas. Subalit paano maaaring dagdagan ng mga isda sa kalaliman ang gas sa pantog samantalang ang presyon dito ay napakatindi na? Walang kasagutan. Ang mekanismo sa pagbombang ito ng gas ay isa pa ring palaisipan.