Genesis
13 Pagkatapos, si Abram ay umalis sa Ehipto at pumunta sa Negeb.+ Kasama niya ang asawa niya at lahat ng pag-aari niya, pati na si Lot. 2 Napakarami niyang alagang hayop, pilak, at ginto.+ 3 Nagpalipat-lipat siya ng kampo habang naglalakbay mula Negeb hanggang Bethel, at nakarating siya sa lugar na pinagtayuan niya noon ng tolda sa pagitan ng Bethel at Ai,+ 4 sa lugar kung saan siya nagtayo noon ng altar. Doon pumuri si Abram kay Jehova.*
5 Si Lot, na naglalakbay kasama ni Abram, ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda. 6 At hindi na posible para sa kanila na manirahang magkakasama sa iisang lugar dahil naging napakarami ng pag-aari nila. 7 Dahil dito, nag-away ang mga pastol ng alagang hayop ni Abram at ang mga pastol ni Lot. (Nang panahong iyon, nakatira sa lupain ang mga Canaanita at Perizita.)+ 8 Kaya sinabi ni Abram kay Lot:+ “Nakikiusap ako sa iyo, huwag tayong mag-away o ang ating mga pastol, dahil magkapatid tayo. 9 Makakabuti kung maghiwalay tayo. Puwede mong piliin ang anumang bahagi ng lupain na gusto mo. Kung pupunta ka sa kaliwa, pupunta ako sa kanan; pero kung pupunta ka sa kanan, pupunta ako sa kaliwa.” 10 Kaya tumingin si Lot sa paligid, at nakita niya na ang buong distrito ng Jordan+ hanggang sa Zoar+ ay sagana sa tubig (noong hindi pa winawasak ni Jehova ang Sodoma at Gomorra), gaya ng hardin* ni Jehova+ at lupain ng Ehipto. 11 At pinili ni Lot ang buong distrito ng Jordan at inilipat ang kampo niya sa silangan. Kaya naghiwalay sila. 12 Si Abram ay tumira sa Canaan, pero si Lot ay tumira malapit sa mga lunsod ng distrito.+ Nang dakong huli, itinayo niya ang kaniyang tolda malapit sa Sodoma. 13 At ang mga lalaki ng Sodoma ay napakasama at talagang makasalanan sa paningin ni Jehova.+
14 Sinabi ni Jehova kay Abram pagkatapos humiwalay ni Lot sa kaniya: “Pakisuyo, mula sa kinaroroonan mo ay tumingin ka sa paligid mo, sa hilaga, sa timog, sa silangan, at sa kanluran, 15 dahil ang lahat ng lupain na natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga supling* mo para maging pag-aari ninyo magpakailanman.+ 16 At gagawin kong kasindami ng mga butil ng alabok sa lupa ang mga supling* mo; kung paanong hindi kayang bilangin ang mga butil ng alabok sa lupa, hindi rin mabibilang ang mga supling* mo.+ 17 At libutin mo ang buong haba at lapad ng lupain, dahil sa iyo ko ibibigay iyon.” 18 Kaya patuloy na nanirahan si Abram sa mga tolda. Nang maglaon, nakarating siya malapit sa malalaking puno sa Mamre,+ na nasa Hebron,+ at tumira doon. Nagtayo siya roon ng isang altar para kay Jehova.+