PAMILYA
Ang terminong Hebreo na mish·pa·chahʹ (pamilya), na tumutukoy sa isang sambahayan, ay maaari ring mangahulugang isang tribo, bayan, o bansa, kung palalawakin ang pagkakapit. Malawak din ang saklaw ng salitang Griego na pa·tri·aʹ. Ang Diyos na Jehova ang tagapagpasimula ng kaayusan ng pamilya. Siya ang Ama ng kaniyang makalangit na pamilya at ang ‘pinagkakautangan ng pangalan ng lahat ng pamilya sa lupa.’ (Efe 3:14, 15) Ito ay dahil si Jehova ang nagtatag ng unang pamilya ng tao, at nilayon niyang mapuno ang lupa sa pamamagitan nito. Karagdagan pa, bagaman naging makasalanan si Adan, pinahintulutan niya ito na magkaroon ng pamilya at magkaroon ng mga anak “ayon sa kaniyang wangis, ayon sa kaniyang larawan.” (Gen 5:3) Sa Bibliya, nang maglaon ay nilinaw ni Jehova na itinuturing niyang lubhang mahalaga ang ipinagkaloob niyang kakayahan sa pag-aanak, na sa pamamagitan nito ay mapananatili ng isang tao ang kaniyang pangalan at linya ng pamilya sa lupa.—Gen 38:8-10; Deu 25:5, 6, 11, 12.
Kayarian at Pagpapanatiling Matatag ng Pamilya. Sa sinaunang lipunang Hebreo, ang pamilya ang saligang yunit. Ang pamilya ay isang maliit na pamahalaan at ang ama, bilang ulo, ang may pananagutan sa Diyos, at ang ina naman ang nakabababang tagapamahala sa mga anak sa sambahayan. (Gaw 2:29; Heb 7:4) Sa isang maliit na antas, masasalamin sa pamilya ang malaking pamilya ng Diyos. Sa Bibliya, ang Diyos ay inilalarawan bilang asawang lalaki, anupat ang “Jerusalem sa itaas” naman ang ina ng kaniyang mga anak.—Gal 4:26; ihambing ang Isa 54:5.
Ang pamilya noong panahon ng mga patriyarka ay maihahambing sa makabagong korporasyon. May ilang bagay na personal na pag-aari ng mga miyembro ng pamilya. Ngunit, sa kalakhang bahagi, ang mga ari-arian ay pag-aari nilang lahat, anupat ang ama ang nangangasiwa sa mga ito. Ang isang kamalian na ginawa ng isang miyembro ng pamilya ay itinuturing na kamalian laban sa pamilya mismo, lalo na sa ulo nito. Nagdadala ito sa kaniya ng kadustaan, at bilang hukom ng sambahayan, siya ang may pananagutang gumawa ng kinakailangang pagkilos hinggil sa bagay na iyon.—Gen 31:32, 34; Lev 21:9; Deu 22:21; Jos 7:16-25.
Monogamya ang orihinal na pamantayang itinatag ni Jehova para sa pamilya. Bagaman nang maglaon ay naging kaugalian ang poligamya, mula’t sapol ay labag ito sa orihinal na simulaing itinakda ng Diyos. Gayunman, pinahintulutan niya ito hanggang noong dumating ang kaniyang takdang panahon para isauli ang kaniyang orihinal na pamantayan, na ginawa niya sa kongregasyong Kristiyano. (1Ti 3:2; Ro 7:2, 3) Sa ilalim ng tipang Kautusan, kinilala niya ang pag-iral ng poligamya at nagbigay siya ng mga batas hinggil dito upang mapanatiling buo ang yunit ng pamilya at patuloy itong gumana. Ngunit si Jehova mismo ang nagsabi: “Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” At ang kaniyang Anak ang sumipi sa mga salitang ito at nagsabi: “Kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Gen 2:24; Mat 19:4-6) Ipinakikita ng rekord na si Adan ay nagkaroon lamang ng isang asawa, na naging “ina ng lahat ng nabubuhay.” (Gen 3:20) Ang tatlong anak ni Noe, na nagpasimula ng muling pagpaparami ng tao sa lupa pagkatapos ng pangglobong Baha, ay pawang mga anak ng iisang ama at ng iisang ina, at ang bawat anak na ito na nakaligtas sa Baha ay may isang asawa lamang.—Gen 8:18; 9:1; 1Pe 3:20.
Sa Ilalim ng Tipang Kautusan. Nang ibigay ng Diyos sa Israel ang Sampung Utos, binigyang-pansin niya ang pagpapatatag sa yunit ng pamilya. Ang ikalimang utos ay “Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina,” ang unang utos na may pangako. (Deu 5:16; Efe 6:2) Ang isang anak na mapaghimagsik sa kaniyang mga magulang ay mapaghimagsik din sa kaayusan ng pamamahala na itinatag ng Diyos at sa Diyos mismo. Kapag sinaktan o isinumpa niya ang kaniyang ama o ina, o kapag talagang hindi na siya masupil, siya ay papatayin. (Exo 21:15, 17; Lev 20:9; Deu 21:18-21) Dapat na magkaroon ang mga anak ng wastong pagkatakot sa kanilang mga magulang, at ang anak na humahamak sa kaniyang ama o ina ay isinusumpa.—Lev 19:3; Deu 27:16.
Ang ikapitong utos, “Huwag kang mangangalunya,” ay nagbabawal sa anumang seksuwal na pakikipagtalik ng isang taong may asawa sa hindi niya asawa. (Exo 20:14) Ang lahat ng anak ay dapat na isilang sa isang pamilya. Ang anak sa ligaw ay hindi kinikilala, ni pinahihintulutan man ang kaniyang mga inapo na maging mga miyembro ng kongregasyon ng Israel maging hanggang sa ikasampung salinlahi.—Deu 23:2.
Bagaman ipinagsanggalang ng ikapitong utos ang yunit ng pamilya sa pamamagitan ng pagbabawal nito sa pangangalunya, higit pang ipinagsanggalang ng ikasampung utos, sa pamamagitan naman ng pagbabawal sa maling mga pagnanasa, ang katatagan ng sariling pamilya ng isang tao pati na yaong sambahayan at pamilya ng kaniyang kapuwa. Ipinagsanggalang ng utos na ito ang mga bagay na pinakakaraniwang nauugnay sa buhay pampamilya, samakatuwid nga, bahay, asawa, mga lingkod, mga hayop, at iba pang mga ari-arian.—Exo 20:17.
Sa ilalim ng Kautusan, isang tumpak na rekord ng mga talaangkanan ang iningatan. Ang katatagan ng pamilya ay higit pang idiniin may kinalaman sa lupaing minana mula sa mga ninuno. Partikular nang mahalaga ang mga talaangkanan sa linya ng pamilya ni Juda at, nang maglaon, sa angkan ng inapo ni Juda na si David. Dahil sa pangako na ang Mesiyas na Hari ay manggagaling sa mga pamilyang ito, ang rekord ng mga kaugnayang pampamilya ay maingat na binantayan. At bagaman ang poligamya ay hindi pinawi ng Kautusan, ang katatagan ng pamilya at ang talaangkanan nito ay naingatan dahil sa mahihigpit na kautusan may kaugnayan sa poligamya. Kailanman ay hindi pinahintulutan ng batas ang kahalayan o imoral na pakikipagtalik sa iba’t ibang kapareha. Ang mga anak na bunga ng poligamya o isinilang ng mga babae (concubine) ay lehitimo at tunay na mga anak ng kanilang ama.—Tingnan ang BABAE BILANG PANGALAWAHING ASAWA.
Espesipikong ipinagbawal ng Kautusan ang pakikipag-alyansa ukol sa pag-aasawa sa pitong bansang Canaanita na palalayasin noon mula sa lupain. (Deu 7:1-4) Dahil sa hindi pagsunod sa utos na ito, ang bansang Israel ay nasilo sa pagsamba sa huwad na mga diyos at nang dakong huli ay dinalang bihag ng kanilang mga kaaway. Si Solomon ay isang kilaláng halimbawa ng isa na nagkasala sa ganitong paraan. (Ne 13:26) Sina Ezra at Nehemias naman ay masikap na nagsagawa ng mga reporma sa gitna niyaong nakabalik na mga Israelita na nagparumi sa kanilang mga pamilya at sa Israel mismo dahil sa pag-aasawa ng mga babaing banyaga.—Ezr 9:1, 2; 10:11; Ne 13:23-27.
Nang isugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa lupa, pinangyari niyang isilang ito sa isang pamilya ng mga tao. Isinaayos niya na magkaroon ito ng isang ama-amahang may takot sa Diyos at isang mapagmahal na ina. Bilang isang anak, si Jesus ay nagpasakop sa kaniyang mga magulang at iginalang at sinunod niya sila. (Luc 2:40, 51) Kahit noong malapit na siyang mamatay sa pahirapang tulos, nagpakita siya ng paggalang at maibiging pangangalaga sa kaniyang ina, na lumilitaw na isa nang balo noon, nang sabihin niya rito: “Babae, tingnan mo! Ang iyong anak!” at sa alagad naman na kaniyang minamahal: “Tingnan mo! Ang iyong ina!” sa gayon ay maliwanag na inutusan niya ang alagad na ito na alagaan sa sarili nitong tahanan ang kaniyang ina.—Ju 19:26, 27.
Paano ipinakikita ng Bibliya ang kahalagahan ng pamilya sa kongregasyong Kristiyano?
Sa kongregasyong Kristiyano, ang pamilya ay kinikilala bilang ang saligang yunit ng lipunang Kristiyano. Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay naglalaman ng napakaraming tagubilin tungkol sa ugnayang pampamilya. Muli, ang lalaki ay binigyang-dangal na maging ulo ng pamilya, anupat ang asawang babae ay nagpapasakop sa kaniyang asawang lalaki at namamahala sa sambahayan sa ilalim ng pangangasiwa nito. (1Co 11:3; 1Ti 2:11-15; 5:14) Inihalintulad ni Pablo si Jesus sa asawang lalaki at ulo ng pamilya na namamahala sa kongregasyon na kaniyang ‘asawa,’ at pinaalalahanan niya ang mga asawang lalaki na isagawa ang kanilang pagkaulo nang may pag-ibig, at pinayuhan din ang mga asawang babae na igalang ang kani-kanilang asawang lalaki at magpasakop sa mga ito. (Efe 5:21-33) Ang mga anak ay inutusang sumunod sa kanilang mga magulang, at ang mga ama ang binigyan ng pangunahing pananagutan sa pagpapalaki sa kanilang mga anak sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.—Efe 6:1-4.
Ang lalaking ginagamit bilang tagapangasiwa sa kongregasyong Kristiyano, kung may asawa, ay dapat na magpamalas ng matataas na pamantayan bilang ulo ng pamilya, anupat nangangasiwa sa wastong paraan at ang mga anak ay nagpapasakop, nasusupil at hindi mapararatangan ng kabuktutan, sapagkat, itinanong ni Pablo: “Kung hindi nga alam ng sinumang lalaki kung paano mamuno sa kaniyang sariling sambahayan, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?” yamang ang kongregasyon ay katulad ng isang pamilya. (1Ti 3:2-5; Tit 1:6) Ang mga asawang babae ay pinapayuhan na ibigin ang kani-kanilang asawa at mga anak, maging mga manggagawa sa tahanan, at magpasakop sa kani-kanilang asawa.—Tit 2:4, 5.
Inihula ni Jesus na magkakabaha-bahagi ang mga pamilya dahil sa pagsalansang ng ilan sa katotohanan ng Diyos. (Mat 10:32-37; Luc 12:51-53) Ngunit mariing pinaalalahanan ng apostol na si Pablo ang mga mananampalataya na huwag sirain ang kaugnayang pangmag-asawa, anupat isinaalang-alang niya ang kapakanan ng di-sumasampalatayang asawa at ng mga anak. Idiniin niya ang kahalagahan ng kaugnayang pampamilya nang itawag-pansin niya na itinuturing ng Diyos ang mga anak bilang banal, kahit ang di-sumasampalatayang asawa ay hindi pa nalilinisan mula sa mga kasalanan nito salig sa pananampalataya kay Kristo. Sa katunayan, maaaring ginagawa ng isang di-sumasampalataya ang ilan sa mga bagay na ayon kay Pablo ay dating ginagawa ng ilang Kristiyano bago nila tinanggap ang mabuting balita tungkol sa Kristo. (1Co 7:10-16; 6:9-11) Pinangalagaan din ng apostol ang pagkakaisa ng pamilyang Kristiyano sa pamamagitan ng paglalaan ng mga tagubilin sa mga asawang lalaki at mga asawang babae hinggil sa pagbibigay ng kaukulang pangmag-asawa.—1Co 7:3-5.
Ang mga ugnayang pampamilya ay naging pagpapala sa marami may kaugnayan sa Kristiyanismo, “sapagkat, asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O, asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?” (1Co 7:16) Pinatutunayan din ito ng mga nilalaman ng mga pagbati ng apostol na si Pablo sa ilang sambahayan. Ang ilang mananampalataya ay nagkapribilehiyo na ipagamit ang tahanan ng kanilang pamilya bilang dakong tipunan ng kongregasyon. (Ro 16:1-15) Ang misyonerong Kristiyano na si Felipe ay isang lalaking may pamilya, anupat may apat na anak na babae na mga tapat na Kristiyano. Pinagpala siya na maasikaso nang sandaling panahon ang apostol na si Pablo at ang mga kamanggagawa nito sa kaniyang tahanan sa Cesarea. (Gaw 21:8-10) Ang kongregasyong Kristiyano mismo ay tinatawag na “sambahayan ng Diyos.” Ang pangunahing miyembro at ulo nito ay si Jesu-Kristo, at kinikilala siya ng ‘sambahayang’ ito bilang ang Binhi na sa pamamagitan niya ay pagpapalain ng lahat ng mga pamilya sa lupa ang kanilang sarili.—1Ti 3:15; Efe 2:19; Col 1:17, 18; Gen 22:18; 28:14.
Inihula ng kinasihang Kasulatan ang isang matinding pagsalakay sa institusyon ng pamilya na magbubunga ng pagguho ng moralidad at ng lipunan ng tao sa labas ng kongregasyong Kristiyano. Sinabi ni Pablo na kasama sa mga doktrinang kinasihan ng demonyo sa “mga huling yugto ng panahon” ang ‘pagbabawal na mag-asawa.’ Inihula niya na sa “mga huling araw” ay magiging laganap ang pagsuway sa mga magulang, kawalang-katapatan, at kawalan ng “likas na pagmamahal,” maging sa gitna niyaong mga “may anyo ng makadiyos na debosyon.” Binabalaan niya ang mga Kristiyano na lumayo sa mga ito.—1Ti 4:1-3; 2Ti 3:1-5.
Ang Babilonyang Dakila, ang kaaway ng “babae” ng Diyos (Gen 3:15; Gal 4:27) at ng “kasintahang babae” ni Kristo (Apo 21:9), ay isang dakilang “patutot” na organisasyon, anupat nakikiapid sa mga hari sa lupa. Ang kaniyang pagiging “ina ng mga patutot at ng mga kasuklam-suklam na bagay sa lupa” ay nagpapahiwatig na ang kaniyang “mga anak na babae” ay mga patutot, at na itinataguyod niya ang pagwawalang-bahala sa mga institusyon at mga utos ng Diyos na Jehova, pati na sa Kaniyang mga kahilingan na tumutulong sa ikatatatag ng pamilya. (Apo 17:1-6) Sinisikap niyang udyukan ang iba na magpatutot at nagtagumpay naman siya na magkaroon ng maraming anak na babaing “patutot,” anupat sinisikap din niyang dungisan ang malinis na “kasintahang babae” ni Kristo. Gayunpaman, ang “kasintahang babae” ni Kristo ay nagtatagumpay, anupat nananatiling malinis, matuwid at karapat-dapat na maging bahagi ng “pamilya” ni Jehova bilang ang “asawa” ni Jesu-Kristo, upang magdulot ng pagpapala at kagalakan sa buong sansinukob.—2Co 11:2, 3; Apo 19:2, 6-8; tingnan ang PAG-AASAWA at iba pang mga kaugnayang pampamilya sa ilalim ng kani-kanilang pangalan.