Nehemias
13 Nang araw na iyon, binasa ang aklat ni Moises sa harap ng bayan,+ at nakitang nakasulat doon na ang mga Ammonita o Moabita+ ay hindi dapat tanggapin kailanman sa kongregasyon ng tunay na Diyos,+ 2 dahil hindi nila binigyan ng tinapay at tubig ang mga Israelita, kundi binayaran nila si Balaam para isumpa ang mga Israelita.+ Pero binaligtad ng aming Diyos ang sumpa at ginawa itong pagpapala.+ 3 Nang marinig ng bayan ang Kautusan, pinasimulan nilang paalisin sa Israel ang lahat ng dayuhan at anak ng mga ito.+
4 Bago ito nangyari, ang saserdoteng nangangasiwa sa mga silid-imbakan* sa bahay* ng aming Diyos+ ay si Eliasib,+ na kamag-anak ni Tobia.+ 5 Ipinagamit niya kay Tobia ang isang malaking silid-imbakan,* kung saan nila dating inilalagay ang handog na mga butil,* ang olibano, at ang mga kagamitan at ang ikasampu* ng butil, bagong alak, at langis,+ na para sa mga Levita,+ mang-aawit, at bantay ng pintuang-daan, pati na ang abuloy para sa mga saserdote.+
6 Wala ako sa Jerusalem nang mga panahong iyon dahil pumunta ako sa hari noong ika-32 taon+ ni Haring Artajerjes+ ng Babilonya; at makalipas ang ilang panahon, nagpaalam ako sa hari para umalis. 7 Pagdating ko sa Jerusalem, nakita ko ang napakasamang ginawa ni Eliasib.+ Ipinagamit niya kay Tobia+ ang isang silid-imbakan sa looban* ng bahay ng tunay na Diyos. 8 Talagang ikinagalit ko ito, kaya inihagis ko sa labas ang lahat ng muwebles na pag-aari ni Tobia na nasa silid-imbakan.* 9 Pagkatapos, iniutos kong linisin nila ang mga silid-imbakan;* at ibinalik ko roon ang mga kagamitan sa bahay ng tunay na Diyos,+ pati na ang handog na mga butil at ang olibano.+
10 Natuklasan ko rin na hindi naibibigay sa mga Levita ang mga bahaging nakalaan para sa kanila,+ kaya ang naglilingkod na mga Levita at mang-aawit ay umalis para magtrabaho sa kani-kaniyang bukid.+ 11 Kaya sinaway ko ang mga kinatawang opisyal,+ at sinabi ko: “Bakit pinababayaan ang bahay ng tunay na Diyos?”+ Pagkatapos, tinipon ko ang mga Levita at ibinalik sa kani-kanilang atas. 12 At ang buong Juda ay nagdala ng ikasampu+ ng butil, bagong alak, at langis sa mga silid-imbakan.+ 13 Pagkatapos, nag-atas ako ng maaasahang mga lalaki para mangasiwa sa mga silid-imbakan—si Selemias na saserdote, si Zadok na tagakopya,* at si Pedaias na Levita—at ang katulong nila ay si Hanan na anak ni Zacur na anak ni Matanias. Nakaatas sa kanila ang pamamahagi sa mga kapatid nila.
14 O aking Diyos, alalahanin mo ako+ dahil dito, at huwag mong kalimutan ang tapat na pag-ibig na ipinakita ko para sa bahay ng aking Diyos at sa mga gawain* dito.+
15 Nang panahong iyon, nakita kong ang mga tao sa Juda ay nagtatrabaho* sa mga pisaan ng ubas kapag Sabbath,+ nagtitipon ng mga bunton ng butil at ipinapasan ang mga ito sa mga asno nila, at nagdadala sa Jerusalem ng alak, ubas, igos, at iba pang produkto sa araw ng Sabbath.+ Kaya pinagsabihan ko sila na huwag magtinda ng anumang produkto sa araw na iyon.* 16 At ang mga taga-Tiro na nakatira sa lunsod ay nagpapasok ng isda at lahat ng klase ng paninda at ibinebenta ang mga ito kapag Sabbath sa mga inapo ni Juda na nasa Jerusalem.+ 17 Kaya sinaway ko ang mga prominenteng tao ng Juda, at sinabi ko sa kanila: “Ano itong kasamaang ginagawa ninyo? Nilalabag ninyo ang kautusan ng Sabbath. 18 Hindi ba ito ang ginawa ng inyong mga ninuno, kaya pinarusahan tayo ng ating Diyos, pati na ang lunsod na ito? Lalo ninyong pinatitindi ang galit ng Diyos laban sa Israel dahil nilalabag ninyo ang kautusan ng Sabbath.”+
19 Bago dumilim at magsimula ang araw ng Sabbath, ipinasara ko ang mga pintuang-daan ng Jerusalem. Sinabi ko rin na huwag nilang bubuksan ang mga iyon hanggang sa matapos ang Sabbath, at inilagay ko sa mga pintuang-daan ang ilan sa sarili kong mga tagapaglingkod para walang maipasok na produkto sa araw ng Sabbath. 20 Kaya ang mga negosyante at nagbebenta ng lahat ng klase ng paninda ay nagpalipas ng gabi sa labas ng Jerusalem nang isa o dalawang beses. 21 Sinabihan ko sila: “Bakit kayo nagpapalipas ng gabi sa harap ng pader? Kapag inulit pa ninyo iyan, puwersahan ko kayong paaalisin.” Mula noon, hindi na sila pumupunta kapag Sabbath.
22 At sinabi ko sa mga Levita na dapat ay lagi nilang pabanalin ang kanilang sarili at lagi silang pumunta at magbantay sa mga pintuang-daan para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.+ O aking Diyos, alalahanin mo rin ang ginawa kong ito at kaawaan mo ako ayon sa iyong saganang tapat na pag-ibig.+
23 Nang panahong iyon, natuklasan ko rin na may mga Judiong nag-asawa* ng mga babaeng Asdodita,+ Ammonita, at Moabita.+ 24 Ang kalahati sa mga anak nila ay nagsasalita ng wikang Asdodita at ang kalahati ay nagsasalita ng wika ng ibang bayan, pero walang isa man sa kanila ang marunong magsalita ng wika ng mga Judio. 25 Kaya sinaway ko ang mga Judiong iyon at isinumpa sila at sinaktan ang ilan sa mga lalaki+ at binunot ang kanilang buhok, at sinabi ko: “Sumumpa kayo sa Diyos na hindi ninyo ibibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki at hindi ninyo tatanggapin ang sinuman sa kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki o para sa inyong sarili.+ 26 Hindi ba ito ang dahilan kaya nagkasala si Haring Solomon ng Israel? Walang haring tulad niya saanmang bansa;+ minahal siya ng kaniyang Diyos+ at ginawang hari sa buong Israel. Pero kahit siya, nagkasala dahil sa mga asawang banyaga.+ 27 Kaya paano ninyo nagawa ang napakalaking kasalanang ito na mag-asawa ng mga babaeng banyaga at maging di-tapat sa Diyos?”+
28 Ang isa sa mga anak ni Joiada+ na anak ni Eliasib+ na mataas na saserdote ay naging manugang ni Sanbalat+ na Horonita. Kaya pinaalis ko siya.
29 Huwag mong kalimutan, O Diyos ko, na dinungisan nila ang pagkasaserdote at ang tipan sa mga saserdote+ at mga Levita.+
30 At nilinis* ko sila mula sa lahat ng masasamang impluwensiya ng mga dayuhan, at binigyan ko ng kani-kaniyang atas ang mga saserdote at mga Levita.+ 31 Isinaayos ko rin ang pagkakaroon ng regular na suplay ng kahoy+ at pagdadala ng mga unang hinog na bunga.