Pagtupad sa Ating Pag-aalay sa “Araw-Araw”
“Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos sa araw-araw at sundan ako nang patuluyan.”—LUCAS 9:23.
1. Ano ang isang paraan upang masukat natin ang ating tagumpay bilang mga Kristiyano?
“TALAGA nga bang tayo’y mga taong nakaalay?” Ang sagot sa tanong na ito, ayon kay John F. Kennedy, ang ika-35 Presidente ng Estados Unidos, ay isang salik sa pagsukat ng tagumpay niyaong mga nasa pampublikong tanggapan. Ang tanong ay maaaring iharap taglay ang isang mas malalim na kahulugan bilang pagsubok sa ating tagumpay bilang Kristiyanong mga ministro.
2. Papaano binibigyang-kahulugan ng isang diksyunaryo ang salitang “pag-aalay”?
2 Kung gayon, ano ang pag-aalay? Ang Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary ay nagbibigay ng kahulugan dito bilang “isang gawa o seremonya ng pag-aalay sa maykapal o sa isang sagradong gawain,” “isang pagtatalaga o pagbubukod para sa isang partikular na layunin,” “debosyon na may pagsasakripisyo sa sarili.” Sa wari’y ginamit ni John F. Kennedy ang salita upang ipakahulugang “debosyon na may pagsasakripisyo sa sarili.” Para sa isang Kristiyano, ang pag-aalay ay may higit pang kahulugan.
3. Ano ang Kristiyanong pag-aalay?
3 Sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Kung ang sinuman ay nagnanais na sumunod sa akin, itatwa niya ang kaniyang sarili at buhatin ang kaniyang pahirapang tulos at patuluyang sundan ako.” (Mateo 16:24) Ang pagkakatalaga para sa isang banal na gawain ay hindi lamang nagsasangkot sa isang gawang pagsamba kung Linggo o kung pumupunta sa isang dako ng pagsamba. Kasangkot dito ang buong istilo ng pamumuhay ng isa. Ang pagiging Kristiyano ay nangangahulugan ng pagtatatwa sa sarili o pagtatakwil sa sarili habang naglilingkod sa Diyos na pinaglingkuran ni Jesu-Kristo, si Jehova. Isa pa, binubuhat ng isang Kristiyano ang kaniyang “pahirapang tulos” sa pamamagitan ng pagtitiis sa ilalim ng anumang pagdurusa na maaaring danasin dahil sa pagiging isang tagasunod ni Kristo.
Ang Sakdal na Halimbawa
4. Ano ang kahulugan ng bautismo ni Jesus?
4 Samantalang nasa lupa, ipinakita ni Jesus kung ano ang nasasangkot sa pag-aalay ng sarili kay Jehova. Ganito ang nasa kaniyang kalooban: “Hain at handog ay hindi mo ninais, ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Narito! Ako ay pumarito (sa rolyo ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin) upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.” (Hebreo 10:5-7) Bilang miyembro ng nakaalay na bansa, nakaalay na siya kay Jehova pagkapanganak sa kaniya. Gayunman, sa pagsisimula ng kaniyang ministeryo sa lupa, inihandog niya ang kaniyang sarili para sa bautismo bilang sagisag ng paghaharap ng kaniyang sarili na gawin ang kalooban ni Jehova, na para sa kaniya’y saklaw ang paghahandog ng kaniyang buhay bilang haing pantubos. Sa gayon ay naglagay siya ng isang halimbawa para sa mga Kristiyano na gawin anuman ang loobin ni Jehova.
5. Papaano ipinakita ni Jesus ang isang ulirang pangmalas sa materyal na mga bagay?
5 Pagkabautismo sa kaniya si Jesus ay sumunod sa isang landasin sa buhay na sa wakas ay umakay sa isang sakripisyong kamatayan. Hindi siya interesado sa pagkakamal ng salapi o sa maalwang pamumuhay. Sa halip, ang buong buhay niya’y uminog sa kaniyang ministeryo. Pinayuhan niya ang kaniyang mga alagad na “patuloy . . . na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran,” at siya mismo ay tumupad sa mga salitang ito. (Mateo 6:33) Aba, minsan ay sinabi pa nga niya: “Ang mga sorra ay may mga lungga at ang mga ibon sa langit ay may mga dapuan, subalit ang Anak ng tao ay walang dakong mapaghigan ng kaniyang ulo.” (Mateo 8:20) Maaari namang ibagay niya ang kaniyang mga turo upang makapanghuthot ng salapi mula sa kaniyang mga tagasunod. Sa pagiging karpintero ay maaari naman siyang magbakasyon para makagawa ng isang magandang kagamitan na maipagbibili upang magkaroon siya ng ilang ekstrang piraso ng pilak. Ngunit hindi niya ginamit ang kaniyang kakayahan upang magtamo ng materyal na kasaganaan. Bilang mga nakaalay na lingkod ng Diyos, tinutularan ba natin si Jesus sa pagkakaroon ng wastong pangmalas sa materyal na mga bagay?—Mateo 6:24-34.
6. Papaano natin matutularan si Jesus sa pagiging mapagsakripisyo sa sarili, nakaalay na mga lingkod ng Diyos?
6 Sa paglalagay ng kaniyang paglilingkod sa Diyos sa unahan, hindi hinangad ni Jesus ang kaniyang sariling mga kapakanan. Ang kaniyang buhay sa loob ng tatlo at kalahating taon ng kaniyang pangmadlang ministeryo ay isang pagsasakripisyo sa sarili. Minsan pagkatapos ng isang abalang araw, ni hindi pa man nakakakain, si Jesus ay nakahanda pa ring magturo sa mga tao na “nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36; Marcos 6:31-34) Bagaman “pagod mula sa paglalakbay,” siya ay nagkusa sa pakikipag-usap sa isang Samaritana na dumating sa bukal ni Jacob sa Sicar. (Juan 4:6, 7, 13-15) Lagi niyang isinasaalang-alang ang kapakanan ng iba bago ang sa kaniya. (Juan 11:5-15) Matutularan natin si Jesus sa pamamagitan ng kusang-loob na pagsasakripisyo ng ating sariling kapakanan upang makapaglingkod sa Diyos at sa iba. (Juan 6:38) Sa pamamagitan ng pag-iisip kung papaano natin tunay na mapaluluguran ang Diyos sa halip na gawin lamang ang pinakamaliit na hinihiling, tayo’y makatutupad sa ating pag-aalay.
7. Papaano natin matutularan si Jesus sa palagiang pagbibigay ng karangalan kay Jehova?
7 Sa anumang paraan ay hindi tinangka ni Jesus na makatawag ng pansin para sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagtulong sa mga tao. Siya’y nakaalay sa Diyos upang gawin ang Kaniyang kalooban. Kaya palagi niyang tinitiyak na si Jehova, ang kaniyang Ama, ang tumatanggap ng lahat ng kaluwalhatian mula sa anumang nagawa na. Nang tawagin siya ng isang tagapamahala na “Mabuting Guro,” anupat ginamit ang salitang “mabuti” bilang titulo, iniwasto siya ni Jesus sa pagsasabing: “Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.” (Lucas 18:18, 19; Juan 5:19, 30) Tayo ba, gaya ni Jesus, ay mabilis sa pag-akay ng karangalan patungo kay Jehova sa halip na sa sarili?
8. (a) Bilang isang taong nakaalay, papaano inihiwalay ni Jesus ang kaniyang sarili mula sa sanlibutan? (b) Papaano natin siya dapat tularan?
8 Sa panahon ng kaniyang nakaalay na landasin ng buhay sa lupa, ipinakita ni Jesus na ibinukod niya ang kaniyang sarili para sa banal na paglilingkod. Iningatan niyang malinis ang kaniyang sarili nang sa gayon ay maihain niya ang kaniyang sarili na “walang dungis at walang batik na kordero” upang maging haing pantubos. (1 Pedro 1:19; Hebreo 7:26) Sinunod niya ang lahat ng panuntunan ng Batas Mosaiko, samakatuwid ay tinupad ang Batas na iyon. (Mateo 5:17; 2 Corinto 1:20) Tinupad niya ang kaniyang sariling turo tungkol sa moral. (Mateo 5:27, 28) Walang sinuman ang may-katuwirang makapagpaparatang sa kaniya ng pagkakaroon ng masasamang motibo. Tunay, ‘kinapootan niya ang katampalasanan.’ (Hebreo 1:9) Bilang mga alipin ng Diyos, tularan natin si Jesus sa pag-iingat ng ating buhay at maging ng ating mga motibo na malinis sa paningin ni Jehova.
Mga Babalang Halimbawa
9. Anong babalang halimbawa ang tinukoy ni Pablo, at bakit natin dapat isaalang-alang ang halimbawang ito?
9 Kabaligtaran sa halimbawa ni Jesus, taglay natin ang babalang halimbawa ng mga Israelita. Bagaman ipinahayag nilang gagawin nila ang lahat ng sinabi ni Jehova na kanilang gawin, nabigo silang gawin ang kaniyang kalooban. (Daniel 9:11) Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na matuto mula sa sinapit ng mga Israelita. Suriin natin ang ilang pangyayari na tinukoy ni Pablo sa kaniyang unang liham sa mga taga-Corinto at tingnan kung anu-anong bitag ang kailangang iwasan ng nakaalay na mga lingkod ng Diyos sa ating panahon.—1 Corinto 10:1-6, 11.
10. (a) Papaanong ang mga Israelita ay “nagnanasa ng mga nakapipinsalang bagay”? (b) Bakit ang mga Israelita ay higit na nanagot sa ikalawang pagkakataon na sila’y nagreklamo tungkol sa pagkain, at ano ang ating matututuhan sa babalang halimbawang ito?
10 Una, binabalaan tayo ni Pablo na huwag maging “nagnanasa ng mga nakapipinsalang bagay.” (1 Corinto 10:6) Magpapaalaala iyan sa iyo sa pangyayari nang magreklamo ang mga Israelita tungkol sa pagkakaroon lamang ng manna para makain. Nagpadala si Jehova sa kanila ng mga pugò. Isang nakakatulad na bagay ang naganap mga isang taon bago nito sa ilang ng Sin, bago pa man ipahayag ng mga Israelita ang kanilang pag-aalay kay Jehova. (Exodo 16:1-3, 12, 13) Ngunit ang kalagayan ay hindi eksaktong magkatulad. Nang ilaan ni Jehova ang mga pugò noong unang pagkakataon, hindi niya pinapanagot ang mga Israelita sa kanilang pagbubulung-bulungan. Subalit sa pagkakataong ito, iba naman ang kalagayan. “Ang karne ay nasa pagitan pa ng kanilang mga ngipin, bago pa ito manguya, nang ang galit ni Jehova ay mag-alab laban sa bayan, at pinasimulan ni Jehova na saktan ang bayan ng isang lansakang pagpatay.” (Bilang 11:4-6, 31-34) Ano ang ipinagkaiba? Bilang isang nakaalay na bansa, sila ngayon ay mananagot. Ang kanilang kawalan ng pagpapahalaga sa mga paglalaan ni Jehova ay umakay sa kanila upang magreklamo laban kay Jehova, sa kabila ng kanilang pangakong gagawin ang lahat ng sabihin sa kanila ni Jehova! Ang pagrereklamo tungkol sa hapag ni Jehova sa ngayon ay nakakatulad. Ang ilan ay hindi nagpapahalaga sa espirituwal na mga paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Gayunman, tandaan na ang ating pag-aalay ay humihiling sa atin na buong-pasasalamat na alalahanin kung ano ang nagawa na ni Jehova para sa atin at tanggapin ang espirituwal na pagkaing ibinibigay ni Jehova.
11. (a) Papaano dinumhan ng mga Israelita ng idolatriya ang kanilang pagsamba kay Jehova? (b) Papaano tayo maaaring maapektuhan ng isang uri ng idolatriya?
11 Sumunod, nagbabala si Pablo: “Ni maging mga mananamba sa idolo, na gaya ng ginawa ng ilan sa kanila.” (1 Corinto 10:7) Dito ay maliwanag na tinutukoy ng apostol ang pagsamba sa guya na naganap karaka-raka pagkatapos na mapagtibay ng mga Israelita ang tipan kay Jehova sa Bundok Sinai. Marahil ay sasabihin mo, ‘Bilang isang nakaalay na lingkod ni Jehova, hindi ako kailanman masasangkot sa idolatriya.’ Ngunit pansinin, na sa pangmalas ng mga Israelita, hindi sila tumigil ng pagsamba kay Jehova; gayunman, nagpasok sila ng isang gawain ng pagsamba sa guya—isang bagay na nakasusuklam sa Diyos. Ano ang nasasangkot sa anyong ito ng pagsamba? Ang mga tao ay nagdala ng mga hain sa harapan ng guya, at pagkatapos sila ay “umupo upang kumain at uminom. Pagkatapos ay tumayo sila upang magkatuwaan.” (Exodo 32:4-6) Sa ngayon, ang ilan ay maaaring mag-angkin na sila’y sumasamba kay Jehova. Subalit ang kanilang buhay ay nakasentro marahil, hindi sa pagsamba kay Jehova, kundi sa kasiyahan sa mga bagay ng sanlibutang ito, at sinisikap na isingit sa mga ito ang kanilang paglilingkod kay Jehova. Totoo, hindi ito kasintindi ng pagyukod sa isang gintong guya, ngunit ito’y halos nakakatulad sa simulain. Ang paggawa ng isang diyos ayon sa gusto ng isa ay malayo sa pagtupad sa pag-aalay ng isa kay Jehova.—Filipos 3:19.
12. Mula sa karanasan ng mga Israelita kay Baal ng Peor, ano ang natututuhan natin hinggil sa pagtatatwa ng ating sarili?
12 Ang isang uri ng paglilibang ay sangkot din sa sumunod na babalang halimbawa na binanggit ni Pablo. “Ni huwag tayong mamihasa sa pakikiapid, gaya ng ilan sa kanila na nakiapid, upang mabuwal lamang, dalawampu’t tatlong libo sa kanila sa isang araw.” (1 Corinto 10:8) Ang mga Israelita, palibhasa’y narahuyo sa imoral na kaluguran na inialok ng mga anak na babae ng Moab, ay naakay sa pagsamba kay Baal ng Peor sa Sittim. (Bilang 25:1-3, 9) Ang pagtatatwa sa ating sarili upang gawin ang kalooban ng Diyos ay sumasaklaw sa pagtanggap sa kaniyang mga pamantayan sa kung ano ang malinis sa moral. (Mateo 5:27-30) Sa panahong ito ng bumababang mga pamantayan, tayo’y pinaaalalahanan ng pangangailangang ingatan ang ating mga sarili na malinis mula sa lahat ng uri ng imoral na paggawi, na nagpapasakop sa awtoridad ni Jehova na magpasiya kung ano ang mabuti at kung ano ang masama.—1 Corinto 6:9-11.
13. Papaano tumutulong sa atin ang halimbawa ni Phinehas upang maunawaan kung ano ang saklaw ng pag-aalay kay Jehova?
13 Samantalang marami ang nahulog sa bitag ng pakikiapid sa Sittim, ang ilan ay tumupad naman sa pambansang pag-aalay kay Jehova. Sa mga ito, si Phinehas ang namumukod sa kasigasigan. Nang masulyapan niya ang isang Israelitang pinunò na may kasamang isang Midianita na papasók sa kaniyang tolda, dali-daling hinawakan ni Phinehas ang isang sibat at sila’y tinuhog niya. Sinabi ni Jehova kay Moises: “Pinahupa ni Phinehas . . . ang aking poot mula sa mga anak na lalaki ni Israel sa pamamagitan ng hindi niya pagpapahintulot ng pakikipagpaligsahan sa akin sa gitna nila, upang hindi ko pawiin ang mga anak na lalaki ni Israel sa aking mapilit na paghiling ng bukod-tanging debosyon.” (Bilang 25:11) Ang hindi pagpapahintulot ng pakikipagpaligsahan kay Jehova—iyan ang kahulugan ng pag-aalay. Hindi natin mapahihintulutang agawin ng anuman ang dako na siyang dapat kalagyan sa ating puso ng pag-aalay kay Jehova. Ang ating sigasig kay Jehova ay nag-uudyok din sa atin na ingatang malinis ang kongregasyon sa pamamagitan ng pagpapabatid sa matatanda ng hinggil sa malubhang imoralidad, anupat hindi iyon pinababayaan.
14. (a) Papaano inilagay ng mga Israelita sa pagsubok si Jehova? (b) Papaano tumutulong sa atin ang lubusang pag-aalay kay Jehova upang hindi tayo “manghimagod”?
14 Si Pablo ay tumukoy sa isa pang babalang halimbawa: “Ni huwag nating ilagay sa pagsubok si Jehova, gaya ng ilan sa kanila na naglagay sa kaniya sa pagsubok, upang malipol lamang sa pamamagitan ng mga serpiyente.” (1 Corinto 10:9) Si Pablo ay bumabanggit dito ng tungkol sa panahon nang ang mga Israelita ay magreklamo kay Moises laban sa Diyos nang sila’y “magsimulang manghimagod dahil sa daan.” (Bilang 21:4) Nakagagawa ka ba ng gayong pagkakamali? Nang ialay mo ang iyong sarili kay Jehova, inakala mo ba na ang Armagedon ay napakalapit na? Mas matagal ba ang pagtitiis ni Jehova kaysa sa iyong inaasahan? Tandaan mo, hindi natin inialay ang ating sarili kay Jehova para lamang sa isang yugto ng panahon o hanggang sa Armagedon lamang. Ang ating pag-aalay ay nagpapatuloy magpakailanman. Kaya nga, “huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam, sapagkat sa takdang kapanahunan ay mag-aani tayo kung hindi tayo manghihimagod.”—Galacia 6:9.
15. (a) Laban kanino nagbulung-bulungan ang mga Israelita? (b) Papaanong ang ating pag-aalay kay Jehova ay nag-uudyok sa atin na igalang ang teokratikong awtoridad?
15 Sa wakas, nagbabala si Pablo ng tungkol sa pagiging “mapagbulong” laban sa mga inatasang lingkod ni Jehova. (1 Corinto 10:10) Gayon na lamang ang pagbubulung-bulungan ng mga Israelita laban kay Moises at Aaron nang ang 10 sa 12 espiya na isinugo upang siyasatin ang lupain ng Canaan ay bumalik taglay ang masamang ulat. Nag-usap-usapan pa man din sila na palitan si Moises bilang kanilang lider at bumalik sa Ehipto. (Bilang 14:1-4) Sa ngayon, tinatanggap ba natin ang pangunguna na ibinibigay sa atin sa pamamagitan ng pagkilos ng banal na espiritu ni Jehova? Sa nakikitang masaganang espirituwal na hapag na inilalaan ng uring tapat at maingat na alipin, nagiging maliwanag kung sino ang ginagamit ni Jesus upang magbigay ng “pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Ang buong-kaluluwang pag-aalay kay Jehova ay humihiling sa atin na magpakita ng paggalang sa kaniyang mga inatasang lingkod. Sana’y hindi tayo makatulad ng ilang modernong-panahong mapagbulong na iniukol ang pansin sa isang bagong lider, wika nga, upang akayin sila pabalik sa sanlibutan.
Ito ba ang Aking Sukdulang Makakaya?
16. Anu-anong katanungan ang nanaising itanong sa kanilang sarili ng mga nakaalay na lingkod ng Diyos?
16 Hindi sana nahulog ang mga Israelita sa gayong malubhang pagkakamali kung tinandaan lamang nila na ang kanilang pag-aalay kay Jehova ay walang-pasubali. Di-gaya niyaong walang-pananampalatayang mga Israelita, si Jesu-Kristo ay tumupad sa kaniyang pag-aalay hanggang katapusan. Bilang mga tagasunod ni Kristo, tinutularan natin ang kaniyang halimbawa ng buong-kaluluwang debosyon, na namumuhay “hindi na ukol sa mga pagnanasa ng mga tao, kundi ukol sa kalooban ng Diyos.” (1 Pedro 4:2; ihambing ang 2 Corinto 5:15.) Ang kalooban ni Jehova sa ngayon ay na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Sa layuning iyan, ipangangaral natin ang “mabuting balitang ito ng kaharian” bago dumating ang wakas. (Mateo 24:14) Gaano tayo kasigasig sa paglilingkod na ito? Baka gusto nating itanong sa ating sarili, ‘Ito ba ang aking sukdulang makakaya?’ (2 Timoteo 2:15) Iba-iba ang mga kalagayan. Nalulugod si Jehova na mapaglingkuran “ayon sa taglay ng isang tao, hindi ayon sa hindi niya taglay.” (2 Corinto 8:12; Lucas 21:1-4) Walang sinuman ang dapat humatol sa kataimtiman at katapatan ng pag-aalay ng iba. Bawat isa ay dapat na siyang personal na tumantiya kung hanggang saan ang kaniyang sariling debosyon kay Jehova. (Galacia 6:4) Ang ating pag-ibig kay Jehova ay dapat mag-udyok sa atin na magtanong, ‘Papaano ko kaya mapaliligaya si Jehova?’
17. Ano ang kaugnayan ng debosyon at pagpapahalaga? Ilarawan.
17 Ang ating debosyon kay Jehova ay sumisidhi habang sumusulong tayo sa pagpapahalaga sa kaniya. Isang 14-na-taóng-gulang na batang lalaki sa Hapón ang nag-alay ng kaniyang sarili kay Jehova at sinagisagan ang pag-aalay na ito sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagkaraan, ninais niya na ipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo at maging isang siyentipiko. Hindi kailanman sumagi sa kaniyang isipan ang pambuong-panahong ministeryo, ngunit bilang nakaalay na lingkod, ayaw naman niyang iwan si Jehova at ang kaniyang nakikitang organisasyon. Upang matupad ang kaniyang pangarap na karera, pumasok siya sa unibersidad. Doon ay nakita niya ang mga nagtapos sa unibersidad na pinupuwersang ialay ang kanilang buong buhay sa kanilang mga kompanya o sa kanilang pag-aaral. Nagtaka siya, ‘Ano’ng ginagawa ko rito? Masusunod ko nga kaya ang kanilang paraan ng pamumuhay at ialay ang aking sarili sa sekular na trabaho? Hindi ba ako’y nakaalay na kay Jehova?’ Taglay ang panibagong pagpapahalaga, siya’y naging isang regular pioneer. Lumalim ang kaniyang kaunawaan sa kaniyang pag-aalay at siyang nag-udyok sa kaniya na tiyakin sa kaniyang puso na pumunta kung saanman siya kakailanganin. Nag-aral siya sa Ministerial Training School at tumanggap ng atas na maglingkod bilang misyonero sa ibang bansa.
18. (a) Gaano ang nasasangkot sa ating pag-aalay kay Jehova? (b) Anong gantimpala ang ating aanihin mula sa pag-aalay kay Jehova?
18 Sangkot ang ating buong buhay sa pag-aalay. Dapat nating itatwa ang ating sarili at “araw-araw” ay sundin ang mabuting halimbawa ni Jesus. (Lucas 9:23) Yamang itinatwa na natin ang ating sarili, hindi tayo humihiling kay Jehova ng bakasyon, ng pamamahinga. Ang ating buhay ay umaalinsunod sa mga simulaing itinatag ni Jehova para sa kaniyang mga lingkod. Maging sa mga lugar na maaari tayong makapili, makabubuti para sa atin na alamin kung ginagawa natin ang ating buong makakaya upang mamuhay na nakaalay kay Jehova. Habang pinaglilingkuran natin siya araw-araw, anupat ginagawa ang ating sukdulang makakaya upang paluguran siya, magtatagumpay tayo bilang mga Kristiyano at mabibiyayaan ng ngiti ng pagsang-ayon mula kay Jehova, ang Isa na karapat-dapat sa ating buong-kaluluwang debosyon.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Para kay Jesu-Kristo, ano ang nasasangkot sa pag-aalay?
◻ Bakit natin dapat iwasan ang pagbubulung-bulungan laban kay Jehova?
◻ Papaano natin maiiwasang makapasok nang may katusuhan ang idolatriya sa ating buhay?
◻ Sa paggunita sa ano ang tutulong sa atin upang huwag “manghimagod” sa paggawa ng kalooban ng Diyos?
[Larawan sa pahina 17]
Ang nakaalay na mga Kristiyano ay ‘hindi nanghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam’