Pag-alpas Buhat sa Huwad na Relihiyon
“‘Magsilabas kayo sa kanila, . . .’ sabi ni Jehova, ‘at huwag nang humipo ng maruming bagay’ . . . , ‘at kayo’y aking tatanggapin.’”—2 CORINTO 6:17.
1. Ano ang inialok ni Satanas kay Jesus, at anong dalawang bagay ang itinuturo sa atin ng kaniyang pag-alok na ito?
“LAHAT na ito ay ibibigay ko sa iyo kung magpapatirapa ka at gagawa ng isang gawang pagsamba sa akin.” Bagaman ang alok na ito ay ginawa libu-libong taon na pagkatapos na magsimula ang huwad na relihiyon, nagbibigay ito ng susi sa pag-unawa kung sino ang nasa likod ng huwad na pagsamba at ano ang layunin nito. Sa may dulo ng taóng 29 C.E., inialok ng Diyablo kay Jesus ang lahat ng kaharian ng sanlibutan bilang kapalit ng isang gawang pagsamba. Ang pangyayaring ito ay nagtuturo sa atin ng dalawang bagay: na ang mga kaharian ng sanlibutang ito ay kay Satanas kaya maibibigay niya at na ang ultimong layunin ng huwad na relihiyon ay ang pagsamba sa Diyablo.—Mateo 4:8, 9.
2. Ano ang ating natutuhan buhat sa mga salita ni Jesus sa Mateo 4:10?
2 Sa pamamagitan ng kaniyang pagsagot, hindi lamang tinanggihan ni Jesus ang huwad na relihiyon kundi ipinakita rin niya kung ano ang kasangkot sa tunay na relihiyon. Sinabi niya: “Lumayo ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova mong Diyos ang sasambahin mo, at siya lamang ang pag-uukulan mo ng banal na paglilingkod.’ ” (Mateo 4:10) Samakatuwid, ang layunin ng tunay na relihiyon ay ang pagsamba sa kaisa-isang tunay na Diyos, si Jehova. Kasangkot dito ang pananampalataya at pagsunod, ang paggawa ng kalooban ni Jehova.
Ang Pinagmulan ng Huwad na Relihiyon
3. (a) Kailan at papaano nagsimula sa lupa ang huwad na relihiyon? (b) Ano ang unang napaulat na gawang pagkapanatiko sa relihiyon, at papaano nagpatuloy magmula noon ang pag-uusig dahil sa relihiyon?
3 Ang huwad na relihiyon ay nagsimula sa lupa nang sumuway sa Diyos ang mga unang tao at tanggapin ang alok ng Ahas na magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang “mabuti at masama.” (Genesis 3:5) Sa paggawa ng gayon ay kanilang tinanggihan ang matuwid na soberanya ni Jehova at kanilang itinakwil ang tamang pagsamba, ang tunay na relihiyon. Sila ang mga unang tao “na ang katotohanan ng Diyos ay pinalitan ng kasinungalingan at sumamba at naglingkod nang may kabanalan sa nilalang sa halip na sa Isa na lumalang.” (Roma 1:25) Ang nilalang na wala silang kamalay-malay na piniling sambahin ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo, “ang matandang ahas.” (Apocalipsis 12:9) Ang kanilang panganay na anak, si Cain, ay tumangging sumunod sa maibiging payo ni Jehova at sa gayo’y naghimagsik laban sa Kaniyang soberanya. Sa alam man o hindi ni Cain, siya ay naging “isang anak ng masama,” si Satanas, at isang namihasa sa pagsamba sa Diyablo. Kaniyang pinaslang ang kaniyang bunsong kapatid na si Abel, na namihasa naman sa tunay na pagsamba, ang tunay na relihiyon. (1 Juan 3:12, Revised English Bible; Genesis 4:3-8; Hebreo 11:4) Ang dugo ni Abel ang unang-unang dugong nabubo dahilan sa pagkapanatiko sa relihiyon. Nakalulungkot sabihin, ang huwad na relihiyon ay patuloy na nagbububo ng dugong walang sala magpahanggang sa kasalukuyang kaarawan.—Tingnan ang Mateo 23:29-35; 24:3, 9.
4. Sa kaso ni Noe, anong mga teksto ang nagpapakita ng katangian ng tunay na relihiyon?
4 Bago sumapit ang Baha, si Satanas ay nagtagumpay ng paghikayat sa karamihan ng tao na humiwalay sa tunay na relihiyon. Gayunman, si Noe ay “nakasumpong ng biyaya sa mga mata ni Jehova.” Bakit? Sapagkat siya’y “lumakad na kaalinsabay ng tunay na Diyos.” Sa ibang pananalita, siya ay patuloy na nagsagawa ng tunay na pagsamba. Ang tunay na relihiyon ay hindi seremonya o ritwal kundi isang paraan ng pamumuhay. Kasali na rito ang paglalagak ng pananampalataya kay Jehova at masunuring paglilingkod sa kaniya, ‘lumalakad na kaalinsabay niya.’ Ginawa ito ni Noe.—Genesis 6:8, 9, 22; 7:1; Hebreo 11:6, 7.
5. (a) Ano ang pinagsikapang itatag ng Diyablo pagkatapos ng Baha, at papaano? (b) Papaanong binigo ni Jehova ang balak ng Diyablo, at ano ang resulta?
5 Hindi nagtagal pagkatapos ng Baha, maliwanag na ginamit ng Diyablo si Nimrod, isang lalaki na napatanyag sa kaniyang “pagsalansang kay Jehova,” sa pagsisikap na pagkaisahin ang lahat ng tao sa isang anyo ng pagsamba na magiging salungat na naman kay Jehova. (Genesis 10:8, 9; 11:2-4) Kaipala iyon ay isang nagkakaisang huwad na relihiyon, nagkakaisang pagsamba sa Diyablo, nakasentro sa lunsod at sa tore na itinayo ng mga sumasamba sa kaniya. Binigo ni Jehova ang balak na ito nang kaniyang guluhin ang “kaisa-isang wika” na ginagamit noon ng lahat ng tao. (Genesis 11:5-9) Kaya naman, ang lunsod ay tinawag na Babel, nang malaunan Babilonya, na mga pangalang kapuwa nangangahulugang “Kaguluhan.” Dahil sa paggulong ito sa wika ang mga tao ay nangalat sa buong lupa.
6. (a) Anong relihiyosong paniwala ang inihasik sa mga mananamba kay Satanas sa Babilonya bago sila nagsipangalat? (b) Bakit ang mga relihiyon sa buong daigdig ay may magkakatulad na paniwala? (c) Sa anong layunin ni Satanas nagsilbi ang Babilonya, at naging sagisag ng ano ang sinaunang lunsod na iyan?
6 Gayunman, lumilitaw na, salig sa kasaysayan ng mitolohiya at ng relihiyon, bago pinapangalat ni Jehova ang sangkatauhan, sa isip ng mga sumasamba kay Satanas ay inihasik niya ang ilang mga pangunahing turo ng huwad na relihiyon. Kasali na rito ang relihiyosong paniniwala na nagpapatuloy na buháy ang kaluluwa pagkatapos ng kamatayan, pagkatakot sa mga patay, at pag-iral ng isang impiyerno na dako ng pagpapahirap, kasama na ang pagsamba sa walang katapusang dami ng mga diyos at mga diyosa, na ang iba ay ginrupo sa tatluhan. Ang ganiyang mga paniwala ay dinala hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa ng iba’t ibang grupo na may sari-saring wika. Sa paglipas ng panahon, ang saligang mga paniniwalang ito ay nagkaroon ng mga pagbabago. Subalit sa pangkalahatan, ang mga ito ang pinaka-himaymay ng huwad na relihiyon sa lahat ng panig ng daigdig. Bagaman binigo sa kaniyang pagtatangka na lumikha ng isang nagkakaisang huwad na relihiyon na nasa Babilonya ang pandaigdig na kabisera niyaon, nakontento na si Satanas sa pagkakaroon ng sari-saring anyo ng huwad na pagsamba, na galing ang binhi sa Babilonya at dinisenyo na maagaw ang pagsamba kay Jehova at maitungo sa kaniyang sarili. Ang Babilonya ay nagpatuloy sa loob ng daan-daang taon na maging isang maimpluwensiyang sentro ng idolatriya, madyik, pangkukulam, at astrolohiya—pawang mahahalagang bahagi ng huwad na relihiyon. Hindi nga nakapagtataka, sa aklat ng Apocalipsis ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay sinasagisagan ng isang nakapandidiring patutot na pinanganlang Babilonyang Dakila.—Apocalipsis 17:1-5.
Ang Tunay na Relihiyon
7. (a) Bakit ang tunay na relihiyon ay hindi naapektuhan nang guluhin ang wika? (b) Sino ang nakilala bilang “ang ama ng lahat ng mga may pananampalataya,” at bakit?
7 Maliwanag, ang tunay na relihiyon ay nanatiling hindi naapektuhan nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga tao sa Babel. Ang tunay na pagsamba ay sinusunod na bago sumapit ang Baha ng tapat na mga lalaki at mga babae na tulad nina Abel, Enoc, Noe, asawa ni Noe, at ng mga anak na lalaki ni Noe at mga manugang na babae. Pagkatapos ng Baha ang tunay na pagsamba ay naingatan sa angkan ng anak ni Noe na si Sem. Si Abraham, isang inapo ni Sem, ay sumunod sa tunay na relihiyon at napatanyag bilang “ang ama ng lahat ng mga may pananampalataya.” (Roma 4:11) Ang kaniyang pananampalataya ay inalalayan ng mga gawa. (Santiago 2:21-23) Ang kaniyang relihiyon ay isang paraan ng pamumuhay.
8. (a) Papaanong ang tunay na relihiyon ay napaharap sa huwad na relihiyon noong ika-16 na siglo B.C.E., at ano ang resulta? (b) Anong bagong kaayusan ang pinasimulan ni Jehova may kaugnayan sa kaniyang dalisay na pagsamba?
8 Ang tunay na pagsamba ay nagpatuloy sa angkan ng mga inapo ni Abraham—sina Isaac, Jacob (o, Israel), at sa 12 anak na lalaki ni Jacob, na pinanggalingan ng 12 tribo ng Israel. Sa pagtatapos ng ika-16 na siglo B.C.E. makikita na ang mga inapo ni Abraham sa pamamagitan ni Isaac ay nakikipagpunyagi upang maingatan ang dalisay na relihiyon sa isang napopoot, paganong kapaligiran—Ehipto—na kung saan sila’y naging mga alipin. Ginamit ni Jehova ang kaniyang tapat na lingkod na si Moises, na buhat sa tribo ni Levi, upang mailigtas ang mga sumasamba sa Kaniya buhat sa pamatok ng Ehipto, isang lupain na laganap ang huwad na relihiyon. Sa pamamagitan ni Moises, si Jehova ay nakipagtipan sa Israel, ginawa sila na Kaniyang piniling bayan. Noon, ang pagsamba sa kaniya ay isinaayos ni Jehova upang maging isang sistema ng nasusulat na mga kautusan, nilakipan niya ng pansamantalang sistema ng mga paghahain na ginaganap ng mga saserdote at may materyal na santuwaryo, una ay yaong palipat-lipat na tabernakulo at nang bandang huli ang templo sa Jerusalem.
9. (a) Papaano ginanap ang tunay na pagsamba bago umiral ang tipang Kautusan? (b) Papaano ipinakita ni Jesus na ang materyal na mga bahagi ng pagsamba na isinaayos ng Kautusan ay pansamantala lamang?
9 Gayunman, pansinin na ang materyal na mga bagay na ito ay hindi inilaan na maging permanenteng mga bahagi ng tunay na relihiyon. Ang Kautusan ay “isang anino ng mga bagay na darating.” (Colosas 2:17; Hebreo 9:8-10; 10:1) Bago dumating ang Kautusang Mosaiko, noong panahon ng mga patriarka, malamang na ang mga ulo ng pamilya ang kumatawan sa kani-kanilang sambahayan sa paghahandog ng mga hain sa mga dambana na kanilang itinayo. (Genesis 12:8; 26:25; 35:2, 3; Job 1:5) Subalit walang organisadong sistema ng mga saserdote o ng mga hain, na may kasamang mga seremonya at mga ritwal. Isa pa, si Jesus mismo ang nagpakita na pansamantala lamang ang isinaayos na sistema ng pagsamba na nakasentro sa Jerusalem nang kaniyang sabihin sa isang babaing Samaritana: “Dumarating na ang oras na kahit sa bundok na ito [Gerisim, dating kinatatayuan ng isang templong Samaritano] ni sa Jerusalem man ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. . . . Dumarating ang oras, at ngayon na, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:21-23) Ipinakita ni Jesus na ang tunay na relihiyon ay kailangang isagawa, hindi sa pamamagitan ng materyal na mga bagay, kundi sa pamamagitan ng espiritu at katotohanan.
Maka-Babilonyang Pagkabihag
10. (a) Bakit pinayagan ni Jehova ang kaniyang bayan na madalang bihag sa Babilonya? (b) Sa anong dalawang paraan iniligtas ni Jehova ang isang tapat na nalabi noong 537 B.C.E., at ano ang pangunahing layunin ng kanilang pagbabalik sa Juda?
10 Buhat ng paghihimagsik sa Eden, may palaging alitan sa pagitan ng tunay na relihiyon at ng huwad na relihiyon. Kung minsan ang tunay na mga mananamba ay, sa simbolikong pangungusap, nabibihag ng huwad na relihiyon, na inilarawan ng Babilonya buhat noong panahon ni Nimrod. Bago pinayagan ni Jehova na ang kaniyang bayan ay madalang bihag sa Babilonya noong 617 B.C.E. at 607 B.C.E., sila ay naging biktima na ng maka-Babilonyang huwad na relihiyon. (Jeremias 2:13-23; 15:2; 20:6; Ezekiel 12:10, 11) Noong 537 B.C.E., isang tapat na nalabi ang bumalik sa Juda. (Isaias 10:21) Kanilang pinakinggan ang makahulang panawagan: “Kayo’y magsilabas, bayan ko, sa Babilonya!” (Isaias 48:20) Ito’y hindi lamang isang pisikal na pagkaligtas. Ito’y isa rin namang espirituwal na pagkaligtas buhat sa isang kapaligiran ng marumi, idolatrosong huwad na relihiyon. Ang tapat na nalabing ito ay binigyan ng utos samakatuwid: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.” (Isaias 52:11) Ang pangunahing layunin ng kanilang pagbabalik sa Juda ay upang itayong muli ang dalisay na pagsamba, ang tunay na relihiyon.
11. Bukod sa pagsasauli ng dalisay na pagsamba sa Juda, anong bagong relihiyosong mga pangyayari ang naganap noong ikaanim na siglo B.C.E.?
11 Kawili-wiling maalaman, na diyan din sa ikaanim na siglo B.C.E. nasaksihan ang pag-usbong ng mga bagong sanga ng huwad na relihiyon sa loob ng Babilonyang Dakila. Nasaksihan ang pagsilang ng Buddhismo, Confucianismo, Zoroastrianismo, at Jainismo, bukod sa rasyonalistikong Griegong pilosopya na nang malaunan ay lubhang nakaimpluwensiya sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Kaya samantalang ang dalisay na pagsamba ay isinasauli sa Juda, ang pusakal na kaaway ng Diyos ay nagbibigay naman ng karagdagang mapagpipilian na huwad na relihiyon.
12. Anong pagliligtas buhat sa maka-Babilonyang pagkabihag ang naganap noong unang siglo C.E., at anong babala ang ibinigay ni Pablo?
12 Sa pagsapit ng panahon ng paglitaw ni Jesus sa Israel, ang karamihan ng mga Judio ay sumusunod na sa sari-saring anyo ng Judaismo, isang anyo ng relihiyon na yumakap sa maraming maka-Babilonyang relihiyosong mga paniniwala. Ito’y kumabit sa Babilonyang Dakila. Hinatulan ito ni Kristo at pinalaya ang kaniyang mga alagad buhat sa maka-Babilonyang pagkabihag. (Mateo, kabanata 23; Lucas 4:18) Palibhasa’y laganap ang huwad na relihiyon at ang pilosopyang Griego sa lugar na kaniyang pinangaralan, sinipi ni apostol Pablo ang hula ni Isaias at ikinapit iyon sa mga Kristiyano, na kailangang manatiling malinis buhat sa maruming impluwensiya ng Babilonyang Dakila. Siya’y sumulat: “Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa [maka-Babilonyang] mga idolo? Sapagkat tayo’y templo ng Diyos na buháy; gaya ng sabi ng Diyos: ‘Mananahan ako sa gitna nila at lalakad ako sa gitna nila, at ako’y magiging kanilang Diyos, at sila’y magiging aking bayan.’ ‘ “Kaya nga magsilabas kayo sa kanila, at magsihiwalay kayo,” ang sabi ni Jehova, “at huwag nang humipo ng maruming bagay” ’; ‘ “at kayo’y aking tatanggapin.” ’ ”—2 Corinto 6:16, 17.
Pag-alpas Buhat sa Huwad na Relihiyon sa Panahon ng Kawakasan
13. Ano ang ipinakikita sa mga mensahe na ipinadala ni Kristo sa pitong kongregasyon sa Asia Minor, at ano ang bumangon bilang resulta?
13 Ang mga mensahe na ipinadala ni Kristo sa pitong kongregasyon sa Asia Minor sa pamamagitan ng Apocalipsis na ibinigay kay apostol Juan ay nagpapakitang malinaw na sa may katapusan ng unang siglo C.E., ang maka-Babilonyang mga gawain at mga saloobing relihiyoso ay nakasisingit na rin ng pagpasok sa kongregasyong Kristiyano. (Apocalipsis, kabanata 2 at 3) Ang apostasya ay namukadkad lalung-lalo na noong ikalawang siglo hanggang ikalimang siglo C.E., na ang resulta ay ang pagbangon ng isang bulok na imitasyon ng dalisay na relihiyong Kristiyano. Ang gayong mga doktrinang maka-Babilonya na gaya ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, ng isang nagniningas na impiyerno, at ng trinidad ay inilakip sa mga turo ng apostatang pagka-Kristiyano. Ang Katoliko, Ortodokso, at nang bandang huli ang mga relihiyong Protestante ay pawang yumakap sa mga huwad na turong ito at, samakatuwid, naging bahagi ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng Diyablo ng huwad na relihiyon.
14, 15. (a) Ano ang ipinakita ng ilustrasyon ni Jesus ng trigo at ng mga panirang damo? (b) Ano ang naganap nang may katapusan ng ika-19 na siglo, at pagsapit ng 1914, anong pagsulong kung tungkol sa doktrina ang nagawa ng mga tunay na Kristiyano?
14 Ang tunay na relihiyon ay hindi kailanman lubusang nalipol. Sa tuwina’y may mga mangingibig sa katotohanan sa buong daan-daang taóng lumipas, na ang ilan sa kanila ay nagbuwis ng kanilang buhay dahil sa kanilang katapatan kay Jehova at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Subalit gaya ng ipinakikita ng ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at sa mga panirang damo, ang simbolikong trigo, o pinahirang mga anak ng Kaharian, ay mapapahiwalay lamang buhat sa mga panirang damo, o mga anak ng balakyot, sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 13:24-30, 36-43) Habang ang panahon ng kawakasan—ang panahon para sa pagbubukud-bukod na ito—ay palapít nang palapít, ang taimtim na mga estudyante ng Bibliya noong magtatapos na ang ika-19 na siglo ay nagsimulang umalpas buhat sa pagkaalipin sa huwad na relihiyon.
15 Nang sumapit ang 1914 ang mga Kristiyanong ito, kilala sa ngayon bilang mga Saksi ni Jehova, ay nakapagpaunlad ng matibay na pananampalataya sa pantubos. Batid nila na ang presensiya (pagkanaririto) ni Kristo ay hindi nakikita. Naunawaan nila na ang 1914 ang katapusan ng “mga panahon ng mga Gentil.” (Lucas 21:24, King James Version) At maliwanag ang kanilang pagkaunawa sa kahulugan ng kaluluwa at ng pagkabuhay-muli. Naliwanagan din nila ang malaking kamalian ng mga turo ng mga iglesiya tungkol sa impiyerno at sa Trinidad. Kanilang nakilala at sinimulang gamitin ang banal na pangalan at naunawaan nila ang kamalian ng teorya ng ebolusyon at ng gawaing espiritismo.
16. Sa anong panawagan tumugon ang pinahirang mga Kristiyano noong 1919?
16 Nakagawa ng mainam na pagpapasimula sa pag-alpas sa mga tanikala ng huwad na relihiyon. At noong 1919, ang Babilonyang Dakila ay lubusang nawalan ng kaniyang pumipigil na kapangyarihan sa bayan ng Diyos. Kung papaanong isang nalabi ng mga Judio ang pinalaya buhat sa Babilonya noong 537 B.C.E., gayundin tinugon ng tapat na nalabi ng pinahirang Kristiyano ang panawagan na “kayo’y magsilabas sa gitna niya [Babilonyang Dakila].”—Isaias 52:11.
17. (a) Ano ang nangyari mula 1922 patuloy, at anong pangangailangan ang nadama na kailangang gawin ng bayan ng Diyos? (b) Anong sukdulang katayuan ang sinunod, at bakit ito madaling maunawaan?
17 Mula 1922 patuloy, matatalas-tumama na mga katotohanan sa Bibliya ang inilathala at nagkaroon ng pangmadlang sirkulasyon, na nagbibilad sa maka-Babilonyang huwad na relihiyon, lalung-lalo na ang mga iglesiya ng Sangkakristiyanuhan. Nakita na kailangang itimo sa mga isip ng nilinis na bayan ng Diyos na kailangang maging lubus-lubusan ang pag-alpas sa lahat ng uri ng huwad na relihiyon. Sa gayon, sa loob ng maraming taon, maging ang paggamit man ng salitang “relihiyon” ay iniwasan pagka dalisay na pagsamba ang tinutukoy. Mga islogan, na gaya ng “Ang Relihiyon Ay Isang Silo at Pangungulimbat,” ang ipinarada sa mga kalye ng malalaking siyudad. Mga aklat na tulad ng Government (1928) at “Ang Katotohanan ay Magpapalaya sa Inyo” (1943) ang nagbigay ng malinaw na paliwanag tungkol sa pagkakaiba ng “pagka-Kristiyano” at ng “relihiyon.” Ang sukdulang katayuang ito ay madaling maunawaan, yamang kailangang gumawa ng isang lubusang pag-alpas sa lahat ng umiiral na mga pamamalakad ng relihiyon ng Babilonyang Dakila.
Ang Tunay at ang Di-Tunay na Relihiyon
18. Anong bagong pagkaunawa tungkol sa “relihiyon” ang ibinigay noong 1951, at papaano ito ipinaliliwanag sa 1975 Yearbook?
18 Sa gayon, noong 1951, napapanahon nang bigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng buong linaw na unawa tungkol sa pagkakaiba ng tunay na relihiyon at ng huwad na relihiyon. Ang 1975 Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay nag-uulat: “Noong 1951, naunawaan ng mga tagapagtaguyod ng tunay na pagsamba ang isang bagay na mahalaga tungkol sa salitang ‘relihiyon.’ Naaalaala pa ng iba sa kanila ang mga bagay-bagay noong 1938 na, kung minsan, sila’y may dalang nakapupukaw na karatulang nagsasabi na ‘Ang Relihiyon Ay Isang Silo at Pangungulimbat.’ Sa kanilang pagkaunawa noon, lahat ng ‘relihiyon’ ay di-maka-Kristiyano, galing sa Diyablo. Ngunit Ang Bantayan ng Marso 15, 1951, ay sumang-ayon sa paggamit ng mga pang-uring ‘tunay’ at ‘di-tunay’ kung may kaugnayan sa relihiyon. Isa pa, ang nakapananabik na aklat na Ano ang Nagawa ng Relihiyon Ukol sa Sangkatauhan? (lathala noong 1951 at inilabas sa ‘Malinis na Pagsambang’ Asamblea sa Wembley Stadium, London, Inglatera) ay may ganitong sinasabi: ‘Kung ibabatay sa paraan ng pagkagamit, ang “relihiyon” sa pinakasimpleng kahulugan ay tumutukoy sa isang sistema ng pagsamba, isang anyo ng pagsamba, na walang kinalaman sa kung iyon ay tunay o di-tunay na pagsamba. Ito’y kasuwato ng kahulugan ng salitang Hebreo para rito, na ’a·boh·dáh, na ang literal na kahulugan ay “paglilingkod”, kaninuman iyon iniuukol.’ Pagkatapos nito, ang mga pananalitang ‘di-tunay na relihiyon’ at ‘tunay na relihiyon’ ay naging palasak na sa mga saksi ni Jehova.”—Pahina 225.
19, 20. (a) Bakit hindi dapat mabahala ang mga tunay na mananamba tungkol sa paggamit sa salitang “relihiyon” sa pagkakapit nito sa dalisay na pagsamba? (b) Ano ang naitulong sa bayan ni Jehova ng bagong pagkaunawang ito?
19 Bilang sagot sa isang tanong ng mambabasa, ang Agosto 15, 1951, na labas ng Ang Bantayan ay nagsasabi: “Walang sinumang dapat mabahala tungkol sa paggamit sa salitang ‘relihiyon’. Sapagkat sa ating paggamit nito ay hindi tayo nalalagay sa uri ng huwad na mga relihiyong nakagapos sa tradisyon, kung papaanong ang pagtawag natin na Kristiyano sa ating sarili ay hindi naglalagay sa atin na kauri ng huwad na mga Kristiyano ng Sangkakristiyanuhan.”
20 Malayo sa pagiging isang kompromiso, ang bagong pagkaunawang ito sa salitang “relihiyon” ay tumulong sa bayan ni Jehova na palawakin ang agwat sa pagitan ng tunay at ng di-tunay na pagsamba, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.
Subukin ang Ating Unawa
◻ Kailan at papaano nagsimula ang huwad na relihiyon sa lupa?
◻ Ano ang pinagsikapang itatag ni Satanas pagkatapos ng Baha, at papaano binigo ang kaniyang balak?
◻ Ang Babilonya ay naging sagisag ng ano?
◻ Anong mga paglaya ang ginanap noong 537 B.C.E., noong unang siglo C.E., at noong 1919?
◻ Anong bagong pagkaunawa sa salitang “relihiyon” ang ibinigay noong 1951, at bakit noon?
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Ang kasinungalingang mga turo na pinaniniwalaan sa buong daigdig ay nagmula sa Babilonya:
◻ Trinidad, o tatluhan, na mga diyos
◻ Ang kaluluwa ng tao ay patuloy na nabubuhay pagkamatay
◻ Espiritismo—pakikipag-usap sa “mga patay”
◻ Paggamit ng mga imahen sa pagsamba
◻ Paggamit ng mga engkanto upang payapain ang mga demonyo
◻ Pamamahala ng isang makapangyarihang klero