PAG-IBIG
Pagkadama ng mainit at personal na pagkagiliw o masidhing pagmamahal, gaya halimbawa sa isang kaibigan, sa isang magulang o anak, at sa iba pa; mainit na pagkagiliw o pagkagusto sa iba; gayundin, ang mapagbiyayang pagmamahal ng Diyos sa kaniyang mga nilalang o ang mapitagang pagmamahal na dapat iukol ng mga ito sa Diyos; gayundin, ang may-kabaitang pagmamahal na angkop na ipakita ng mga nilalang ng Diyos sa isa’t isa; ang masidhi o maalab na pagmamahal sa isang taong di-kasekso na nagsisilbing emosyonal na pangganyak para sa pag-aasawa. Ang isa sa mga singkahulugan ng pag-ibig ay “debosyon.”
Bukod sa mga kahulugang iyan, ang Kasulatan ay may binabanggit ding pag-ibig na ginagabayan ng simulain, gaya ng pag-ibig sa katuwiran o kahit pa nga pag-ibig sa mga kaaway ng isa, anupat maaaring walang pagmamahal sa mga ito ang isang tao. Ang aspekto o kapahayagang ito ng pag-ibig ay isang walang-pag-iimbot na debosyon sa katuwiran at isang taimtim na pagkabahala sa walang-hanggang kapakanan ng iba, lakip ang aktibong pagpapahayag nito para sa kanilang ikabubuti.
Sa Hebreo, ang pandiwang ʼa·hevʹ o ʼa·havʹ (“umibig”) at ang pangngalang ʼa·havahʹ (“pag-ibig”) ang mga salita na pangunahing ginagamit upang tumukoy sa pag-ibig ayon sa nabanggit na mga diwa, anupat ang konteksto ang pinagbabatayan kung anong diwa at antas ang tinutukoy.
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan naman ay pangunahin nang ginagamit ang mga anyo ng mga salitang a·gaʹpe, phi·liʹa, at ang dalawang salitang hinalaw sa stor·geʹ (ang eʹros, pag-ibig sa pagitan ng lalaki at babae, ay hindi ginagamit dito). A·gaʹpe ang mas malimit lumitaw kaysa sa ibang mga termino.
Tungkol sa pangngalang a·gaʹpe at sa pandiwang a·ga·paʹo, ang Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words ay nagsasabi: “Ang pag-ibig ay maaari lamang makilala sa pamamagitan ng mga pagkilos na iniuudyok nito. Ang pag-ibig ng Diyos ay makikita sa pagkakaloob ng Kaniyang Anak, I Juan 4:9, 10. Ngunit maliwanag na hindi ito ang pag-ibig na may layong magpalugod lamang, o basta pagkagiliw, samakatuwid nga, hindi ito nadama dahil sa anumang kagalingan ng mga pinagtutuunan nito, Rom. 5:8. Ito ay paggamit ng Diyos ng kaniyang kalooban sa kusang-loob na pagpili, anupat ginawa nang walang partikular na dahilan maliban sa ito’y likas sa Diyos Mismo, ihambing ang Deut. 7:7, 8.”—1981, Tomo 3, p. 21.
May kinalaman sa pandiwang phi·leʹo, nagkomento si Vine: “[Ito] ay naiiba sa agapao sa dahilang ito, na ang phileo ay mas malapit na kumakatawan sa magiliw na pagmamahal. . . . Muli, ang umibig (phileo) sa buhay, udyok ng labis na pagnanais na ingatan ito, anupat kinaliligtaan ang tunay na layunin ng buhay, ay hinahatulan ng Panginoon, Juan 12:25. Sa kabaligtaran, ang umibig sa buhay (agapao) gaya ng pagkakagamit sa I Ped. 3:10, ay nangangahulugan ng pagsasaalang-alang sa tunay na mga interes ng buhay. Malayong maging angkop dito ang salitang phileo.”—Tomo 3, p. 21, 22.
Ang Exhaustive Concordance of the Bible ni James Strong, sa Griegong diksyunaryo nito (1890, p. 75, 76), ay nagkomento sa ilalim ng phi·leʹo: “Ang pagiging isang kaibigan ng (pagkakaroon ng paggiliw sa [isang indibiduwal o isang bagay]), samakatuwid nga, ang pagkakaroon ng pagmamahal (tumutukoy sa personal na pagkagiliw, dahil sa sentimyento o damdamin; samantalang ang [a·ga·paʹo] naman ay mas malawak, anupat lalo na itong sumasaklaw sa pagpapasiya at sa kusang-loob na pagsang-ayon ng kalooban dahil sa simulain, tungkulin at kagandahang-asal . . . ).”—Tingnan ang PAGMAMAHAL.
Madalas na tumutukoy ang a·gaʹpe sa pag-ibig na ginagabayan, o inuugitan, ng simulain. Karaniwan nang may kasama itong pagmamahal at pagkagiliw. Ang bagay na maaaring kalakip sa a·gaʹpe ang pagmamahal at init ay makikita sa maraming talata. Sa Juan 3:35, sinabi ni Jesus: “Iniibig [a·ga·paiʹ] ng Ama ang Anak.” Sa Juan 5:20, sinabi niya: “Minamahal [phi·leiʹ] ng Ama ang Anak.” Tiyak na kalakip sa pag-ibig ng Diyos kay Jesu-Kristo ang masidhing pagmamahal. Ipinaliwanag din ni Jesus: “Siya . . . na umiibig [a·ga·ponʹ] sa akin ay iibigin [a·ga·pe·theʹse·tai] ng aking Ama, at iibigin [a·ga·peʹso] ko siya.” (Ju 14:21) Kasama sa pag-ibig na ito ng Ama at ng Anak ang magiliw na pagmamahal sa gayong maibiging mga tao. Ang mga mananamba ni Jehova ay dapat umibig sa kaniya at sa kaniyang Anak, at maging sa isa’t isa, sa gayunding paraan.—Ju 21:15-17.
Kaya nga bagaman natatangi ang Kristiyanong pag-ibig dahil sa paggalang sa simulain, hindi naman ito pag-ibig na walang damdamin; kung magkakagayon, wala na itong ipinagkaiba sa mekanikal na katarungan. Ngunit hindi ito kontrolado ng damdamin o sentimyento; hindi nito kailanman ipinagwawalang-bahala ang simulain. Ang mga Kristiyano ay may-kawastuang nagpapakita ng pag-ibig sa iba na maaaring hindi nila partikular na minamahal o kinagigiliwan, anupat ginagawa nila iyon para sa kapakanan ng mga taong iyon. (Gal 6:10) Gayunman, kahit wala silang natatanging pagmamahal sa mga ito, nakadarama naman sila ng habag at taimtim na pagkabahala sa gayong mga kapuwa-tao, hanggang sa mga limitasyon at sa paraan na ipinahihintulot at ginagabayan ng matuwid na mga simulain.
Ngunit bagaman ang Kristiyanong a·gaʹpe ay tumutukoy sa pag-ibig na inuugitan ng simulain, may maling uri din ng a·gaʹpe, na udyok ng personal na pakinabang. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Kung iniibig [a·ga·paʹte] ninyo yaong mga umiibig sa inyo, ano ang kapurihan nito sa inyo? Sapagkat maging ang mga makasalanan ay umiibig doon sa mga umiibig sa kanila. At kung gumagawa kayo ng mabuti doon sa mga gumagawa ng mabuti sa inyo, ano nga ang kapurihan nito sa inyo? Maging ang mga makasalanan ay gayundin ang ginagawa. Isa pa, kung nagpapahiram kayo nang walang patubo doon sa mga mula sa kanila ay umaasa kayong tumanggap, ano ang kapurihan nito sa inyo? Maging ang mga makasalanan ay nagpapahiram nang walang patubo sa mga makasalanan upang mabalik sa kanila ang gayunding halaga.” (Luc 6:32-34) Ang simulaing sinusunod ng gayong mga tao ay: ‘Gawan mo ako ng mabuti at gagawan kita ng mabuti.’
Sinabi ng apostol na si Pablo tungkol sa isa na dati’y gumagawang kasama niya: “Pinabayaan ako ni Demas sa dahilang inibig [a·ga·peʹsas] niya ang kasalukuyang sistema ng mga bagay.” (2Ti 4:10) Lumilitaw na inibig ni Demas ang sanlibutan dahil sa pagiging makasarili, posibleng para sa personal na pakinabang na makukuha rito. Sinabi ni Jesus: “Inibig [e·gaʹpe·san] ng mga tao ang kadiliman sa halip na ang liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawa ay balakyot. Sapagkat siya na gumagawa ng buktot na mga bagay ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang ang kaniyang mga gawa ay hindi masaway.” (Ju 3:19, 20) Dahil ang kadiliman ay nakatutulong upang maikubli ang kanilang balakyot na mga gawa, iniibig nila ito.
Iniutos ni Jesus: “Ibigin [a·ga·paʹte] ang inyong mga kaaway.” (Mat 5:44) Ang Diyos mismo ang nagtatag ng simulaing ito, gaya ng sinasabi ng apostol na si Pablo: “Inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig [a·gaʹpen] anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin. . . . Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway pa, naipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, lalo pa nga, ngayong tayo ay naipagkasundo na, na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay.” (Ro 5:8-10) Ang isang namumukod-tanging halimbawa ng gayong pag-ibig ay ang pakikitungo ng Diyos kay Saul ng Tarso, na naging ang apostol na si Pablo. (Gaw 9:1-16; 1Ti 1:15) Samakatuwid, ang pag-ibig sa ating mga kaaway ay dapat ugitan ng simulaing itinatag ng Diyos at dapat isagawa bilang pagsunod sa kaniyang mga utos, may kalakip man na init o pagmamahal ang pag-ibig na iyon o wala.
Ang Diyos. Sumulat ang apostol na si Juan: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1Ju 4:8) Siya ang mismong personipikasyon ng pag-ibig, na kaniyang nangingibabaw na katangian. Gayunman, ang kabaligtaran nito ay hindi totoo, na ‘ang pag-ibig (ang katangiang abstrak) ay Diyos.’ Isiniwalat niya ang kaniyang sarili sa Bibliya bilang isang Persona at makasagisag niyang tinutukoy ang kaniyang “mga mata,” “mga kamay,” “puso,” “kaluluwa,” at iba pa. Mayroon siyang iba pang mga katangian, kabilang na ang katarungan, kapangyarihan, at karunungan. (Deu 32:4; Job 36:22; Apo 7:12) Bukod diyan, siya ay marunong mapoot, isang katangian na mismong kabaligtaran ng pag-ibig. Hinihiling ng kaniyang pag-ibig sa katuwiran na kapootan niya ang kabalakyutan. (Deu 12:31; Kaw 6:16) Kalakip sa pag-ibig ang pagkadama at pagpapahayag ng mainit at personal na pagmamahal, na maaari lamang madama ng isang persona, o na maaari lamang ipakita sa isang persona. Tiyak na ang Anak ng Diyos na si Jesu-Kristo ay hindi isang katangiang abstrak; binanggit niya na kasama siya noon ng kaniyang Ama, gumawa siyang kasama Niya, nagpalugod siya sa Kaniya, at nakinig siya sa Kaniya, at na nakikita ng mga anghel ang mukha ng kaniyang Ama, anupat imposibleng gawin ang mga bagay na ito sa isang katangiang abstrak lamang.—Mat 10:32; 18:10; Ju 5:17; 6:46; 8:28, 29, 40; 17:5.
Katibayan ng kaniyang pag-ibig. Sagana ang katibayan na si Jehova, na Maylalang at Diyos ng sansinukob, ay pag-ibig. Makikita ito sa pisikal na paglalang mismo. Talagang buong-ingat itong ginawa para sa kalusugan, kaluguran, at kapakanan ng tao! Ginawa ang tao hindi lamang upang umiral kundi upang masiyahan din sa pagkain, sa pagmamasid sa kulay at kagandahan ng mga nilalang, sa mga hayop at gayundin sa pakikipagsamahan sa kaniyang mga kapuwa-tao, at sa di-mabilang na iba pang mga kaluguran sa buhay. (Aw 139:14, 17, 18) Ngunit higit pang ipinamalas ni Jehova ang kaniyang pag-ibig nang gawin niya ang tao ayon sa kaniyang larawan at wangis (Gen 1:26, 27), na may kakayahang umibig at magkaroon ng espirituwalidad, at nang isiwalat niya ang kaniyang sarili sa tao sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang banal na espiritu.—1Co 2:12, 13.
Ang pag-ibig ni Jehova sa sangkatauhan ay katulad ng pag-ibig ng isang Ama sa kaniyang mga anak. (Mat 5:45) Wala siyang anumang bagay na ipinagkakait kung para sa kanilang ikabubuti, gaanuman kalaking sakripisyo ang kailangan niyang gawin; ang kaniyang pag-ibig ay higit sa anuman na maaari nating madama o maipahayag. (Efe 2:4-7; Isa 55:8; Ro 11:33) Ang pinakadakilang kapahayagan ng kaniyang pag-ibig, ang pinakamaibiging bagay na maaaring gawin ng isang magulang, ay ginawa niya para sa sangkatauhan. Iyon ay ang pagbibigay ng buhay ng kaniyang sariling tapat at bugtong na Anak. (Ju 3:16) Gaya ng isinulat ng apostol na si Juan: “Kung para sa atin, tayo ay umiibig, sapagkat siya ang unang umibig sa atin.” (1Ju 4:19) Kaya naman siya ang Bukal ng pag-ibig. Ang kapuwa apostol ni Juan, si Pablo, ay sumulat: “Sapagkat halos walang sinuman ang mamamatay para sa isang taong matuwid; totoo nga, para sa taong mabuti, marahil, ay may mangangahas pa ngang mamatay. Ngunit inirerekomenda ng Diyos sa atin ang kaniyang sariling pag-ibig anupat, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin.”—Ro 5:7, 8; 1Ju 4:10.
Ang walang-hanggang pag-ibig ng Diyos. Walang hanggan ang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod; hindi ito nabibigo o nagmamaliw, anuman ang maging kalagayan ng kaniyang mga lingkod, kaginhawahan man o kahirapan, o anumang bagay ang sumapit sa kanila, malalaki man o maliliit. Bumulalas ang apostol na si Pablo: “Sapagkat kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Ro 8:38, 39.
Ang soberanya ng Diyos ay nakasalig sa pag-ibig. Lubhang ikinagagalak ni Jehova na ang kaniyang soberanya at ang pagtataguyod dito ng kaniyang mga nilalang ay pangunahin nang nakasalig sa pag-ibig. Ang nais niya ay yaon lamang mga umiibig sa kaniyang soberanya dahil sa kaniyang maiinam na katangian at dahil ito ay matuwid, yaong mga pumipili sa kaniyang soberanya nang higit sa iba pa. (1Co 2:9) Pinipili nilang maglingkod sa ilalim ng kaniyang soberanya sa halip na sikaping magsarili—ito ay dahil sa kanilang kaalaman tungkol sa kaniya at sa kaniyang pag-ibig, katarungan, at karunungan, na natatanto nilang di-hamak na nakahihigit kaysa roon sa taglay nila. (Aw 84:10, 11) Nabigo ang Diyablo sa bagay na ito, anupat buong-paghahambog na naghangad ng kasarinlan para sa kaniyang sarili, gaya rin nina Adan at Eva. Sa katunayan, hinamon ng Diyablo ang paraan ng pamamahala ng Diyos, anupat sa diwa ay sinabi niya na iyon ay di-maibigin at di-matuwid (Gen 3:1-5), at na ang mga nilalang ng Diyos ay naglilingkod sa Kaniya hindi dahil sa pag-ibig, kundi udyok ng pagiging makasarili.—Job 1:8-12; 2:3-5.
Pinahintulutan ng Diyos na Jehova ang Diyablo na mabuhay at ilagay sa pagsubok ang kaniyang mga lingkod, pati na ang kaniyang bugtong na Anak, hanggang sa punto ng kamatayan. Inihula ng Diyos na magiging tapat si Jesu-Kristo. (Isa 53) Paano niya ito nagawa, anupat isinalalay niya ang kaniyang salita sa mga kamay ng kaniyang Anak? Ito ay dahil sa pag-ibig. Kilala ni Jehova ang kaniyang Anak at alam niya kung gaano kasidhi ang pag-ibig ng kaniyang Anak sa Kaniya at sa katuwiran. (Heb 1:9) Lubus-lubusan ang pagkakilala niya sa kaniyang Anak. (Mat 11:27) Ganap ang kaniyang pagtitiwala at kumpiyansa sa katapatan ng Anak. Higit pa riyan, ang “pag-ibig . . . ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col 3:14) Ito ang pinakamahigpit na bigkis sa sansinukob, ang sakdal na pag-ibig na permanenteng nagbibigkis sa Anak at sa Ama. Sa gayunding mga dahilan, maaaring pagtiwalaan ng Diyos ang kaniyang organisasyon ng mga lingkod, sa pagkaalam na pag-ibig ang mag-uudyok sa karamihan sa kanila na magtapat sa kaniya sa ilalim ng pagsubok at na ang kaniyang organisasyon ng mga nilalang ay hindi kailanman hihiwalay sa kaniya sa kabuuan nito.—Aw 110:3.
Si Jesu-Kristo. Sa loob ng di-mabilang na panahon, si Jesus ay matalik na nakasama ng kaniyang Ama, ang Bukal ng pag-ibig, anupat lubus-lubusan niya Siyang nakilala; dahil dito, maaari niyang sabihin: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Ju 14:9; Mat 11:27) Samakatuwid, ang pag-ibig ni Jesus ay ganap at sakdal. (Efe 3:19) Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Ju 15:13) Bago nito, sinabi na niya sa kanila: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa.” (Ju 13:34) Ang utos na ito ay bago, sapagkat ang Kautusan, na doo’y sumasailalim si Jesus at ang kaniyang mga alagad noong panahong iyon, ay nag-uutos sa isang tao: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Lev 19:18; Mat 22:39) Hinihiling nito sa isa na ibigin ang iba gaya ng pag-ibig niya sa kaniyang sarili ngunit hindi nito hinihiling sa kaniya ang mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig na handang magbigay ng sarili niyang buhay alang-alang sa iba. Ipinaghahalimbawa ng buhay at kamatayan ni Jesus ang pag-ibig na hinihiling ng bagong utos na ito. Bukod sa paggawa ng mabuti kung kinakailangan, ang tagasunod ni Kristo ay dapat magkusa, sa ilalim ng patnubay ni Kristo, na tumulong sa iba sa espirituwal na paraan at sa iba pang kaparaanan. Dapat siyang aktibong gumawa para sa kanilang ikabubuti. Ang pangangaral at pagtuturo ng mabuting balita sa ibang mga tao, na ang ilan sa kanila ay maaaring mga kaaway, ay isa sa pinakadakilang mga kapahayagan ng pag-ibig, sapagkat maaari itong magbunga ng buhay na walang hanggan para sa kanila. Dapat ‘ibahagi ng Kristiyano hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos kundi gayundin ang kaniyang sariling kaluluwa’ sa pagtulong at sa paggawang kasama niyaong mga tumatanggap ng mabuting balita. (1Te 2:8) At dapat na maging handa siyang ibigay ang kaniyang kaluluwa (buhay) alang-alang sa kanila.—1Ju 3:16.
Kung Paano Natatamo ng Isa ang Pag-ibig. Sa pamamagitan ng banal na espiritu, nilalang ang unang lalaki at babae taglay ang isang antas ng nangingibabaw na katangiang ito ng Diyos, samakatuwid ay ang pag-ibig, at taglay ang kakayahang palawakin, palaguin, at pagyamanin ang pag-ibig na iyon. Ang pag-ibig ay isang bunga ng espiritu ng Diyos. (Gal 5:22) Ang makadiyos na pag-ibig ay hindi isang katangian na basta tinataglay ng isa, gaya marahil ng pisikal o mental na mga kakayahan, tulad ng pisikal na kagandahan, talino sa musika, o katulad na mga katangiang namamana. Ang makadiyos na pag-ibig ay hindi maaaring taglayin ng isang tao nang hiwalay sa pagkakilala at paglilingkod sa Diyos o hiwalay sa pagbubulay-bulay at pagpapahalaga. Tanging kung nililinang ng isa ang pag-ibig, saka lamang masasabi na tinutularan niya ang Diyos, ang Bukal ng pag-ibig. (Aw 77:11; Efe 5:1, 2; Ro 12:2) Nabigo si Adan na linangin ang pag-ibig sa Diyos; hindi siya sumulong hanggang sa mapasakdal niya ang pag-ibig. Ipinakikita ito ng bagay na hindi siya kaisa ng Diyos, anupat nakabigkis sa Diyos sa pamamagitan ng sakdal na bigkis na iyon ng pagkakaisa. Gayunpaman, kahit si Adan ay naging di-sakdal at makasalanan, naipasa niya sa kaniyang supling, “ayon sa kaniyang larawan,” ang kakayahang umibig. (Gen 5:3) Sa pangkalahatan, ang sangkatauhan ay nagpapamalas ng pag-ibig, ngunit kadalasan ay isa itong pag-ibig na mali, may depekto, at pilipit.
Ang pag-ibig ay maaaring maging mali. Sa nabanggit na mga kadahilanan, maliwanag na ang isang tao ay posibleng magkaroon ng tunay at wastong pag-ibig tangi lamang kung hinahanap at sinusunod niya ang espiritu ng Diyos at ang kaalamang nagmumula sa Kaniyang Salita. Halimbawa, maaaring minamahal ng isang magulang ang kaniyang anak. Ngunit baka hayaan niyang magkaroon ng depekto ang pag-ibig na iyon o baka malihis siya ng landas dahil sa sentimyento, anupat ibinibigay niya sa bata ang lahat ng magustuhan nito. Baka hindi niya gamitin ang kaniyang awtoridad bilang magulang upang magbigay ng disiplina at, sa ilang pagkakataon, ng aktuwal na pagpaparusa. (Kaw 22:15) Ang gayong diumano’y pag-ibig ay maaari pa ngang dahil ipinagmamapuri ng isa ang kaniyang pamilya, na nagpapakita naman ng pagiging makasarili. Sinasabi ng Bibliya na ang gayong tao ay hindi umiibig, kundi napopoot, sapagkat hindi niya isinasagawa ang pagkilos na magliligtas sa buhay ng kaniyang anak.—Kaw 13:24; 23:13, 14.
Hindi ito ang pag-ibig na nagmumula sa Diyos. Ang makadiyos na pag-ibig ay nag-uudyok sa isa na gumawa ng bagay na mabuti at kapaki-pakinabang sa ibang tao. “Ang pag-ibig ay nagpapatibay.” (1Co 8:1) Ang pag-ibig ay hindi sentimentalidad. Ito ay matatag, matibay, pinapatnubayan ng makadiyos na karunungan, anupat una sa lahat, nanghahawakan ito sa bagay na malinis at tama. (San 3:17) Ipinakita ito ng Diyos sa Israel, na pinarusahan niya nang may katindihan dahil sa pagsuway, para sa kanila mismong walang-hanggang kapakanan. (Deu 8:5; Kaw 3:12; Heb 12:6) Sinabi ng apostol na si Pablo sa mga Kristiyano: “Kayo ay nagbabata dahil sa disiplina. Ang Diyos ay nakikitungo sa inyo gaya ng sa mga anak. Sapagkat anong anak siya na hindi dinidisiplina ng ama? . . . Karagdagan pa, nagkaroon tayo ng mga ama ng ating laman upang dumisiplina sa atin, at pinag-ukulan natin sila ng paggalang. Hindi ba tayo lalo pang magpapasakop sa Ama ng ating espirituwal na buhay at mabubuhay? Sapagkat sila sa loob ng ilang araw ay dumisiplina sa atin ayon sa kung ano ang inaakala nilang mabuti, ngunit ginagawa niya ang gayon para sa kapakinabangan natin upang makabahagi tayo sa kaniyang kabanalan. Totoo, walang disiplina ang waring sa kasalukuyan ay nakagagalak, kundi nakapipighati; gayunman pagkatapos doon sa mga sinanay nito ay nagluluwal ito ng mapayapang bunga, samakatuwid nga, ng katuwiran.”—Heb 12:7-11.
Inilalagay ng kaalaman ang pag-ibig sa tamang direksiyon. Higit sa kaninupaman, sa Diyos dapat unang iukol ang pag-ibig. Kung hindi, malilihis ito ng landas at baka umakay pa nga ito sa pagsamba sa isang nilalang o bagay. Mahalagang malaman ng isang tao ang mga layunin ng Diyos, sapagkat kung magkakagayon ay malalaman niya kung ano ang pinakamabuti para sa sarili niyang kapakanan at sa kapakanan ng iba at kung paano ipamamalas ang pag-ibig sa wastong paraan. Ang ating pag-ibig sa Diyos ay dapat na ‘buong puso, pag-iisip, kaluluwa, at lakas.’ (Mat 22:36-38; Mar 12:29, 30) Dapat na hindi lamang ito panlabas na kapahayagan, kundi pag-ibig na nagpapabanaag ng buong panloob na pagkatao ng isa. Nasasangkot sa pag-ibig ang mga emosyon. (1Pe 1:22) Ngunit kung ang pag-iisip ay walang kaalaman hinggil sa kung ano ang tunay na pag-ibig at kung paano ito gumagawi, may posibilidad na baka maituon ito sa maling direksiyon. (Jer 10:23; 17:9; ihambing ang Fil 1:9.) Dapat na may kaalaman ang pag-iisip hinggil sa Diyos at sa mga katangian niya, mga layunin niya, at kung paano niya ipinamamalas ang pag-ibig. (1Ju 4:7) Kasuwato nito, at yamang ang pag-ibig ang pinakamahalagang katangian, ang pag-aalay sa Diyos ay pag-aalay sa persona ni Jehova mismo (na ang nangingibabaw na katangian ay pag-ibig) at hindi sa isang gawain o isang adhikain. Pagkatapos nito, ang pag-ibig ay dapat isagawa sa pamamagitan ng kaluluwa, ng bawat himaymay ng katawan ng isang tao; at ang kaniyang buong lakas ay dapat gamitin sa pagsisikap na iyan.
Ang pag-ibig ay malawak. Ang tunay na pag-ibig na isang bunga ng espiritu ng Diyos ay malawak. (2Co 6:11-13) Hindi ito maramot, makitid, o limitado. Dapat itong ibahagi sa iba upang maging ganap. Dapat munang ibigin ng isang tao ang Diyos (Deu 6:5), ang kaniyang Anak (Efe 6:24), at pagkatapos ay ang buong samahan ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano sa buong daigdig (1Pe 2:17; 1Ju 2:10; 4:20, 21). Dapat ibigin ng lalaki ang kaniyang asawa; gayundin, dapat ibigin ng babae ang kaniyang asawa. (Kaw 5:18, 19; Ec 9:9; Efe 5:25, 28, 33) Dapat ibigin ng isa ang kaniyang mga anak. (Tit 2:4) Ang buong sangkatauhan, kahit ang mismong mga kaaway ng isang tao, ay dapat ibigin, at ang mga gawang Kristiyano ay dapat iukol sa kanila. (Mat 5:44; Luc 6:32-36) Bilang komento sa mga bunga ng espiritu, na doo’y pag-ibig ang una, ang Bibliya ay nagsabi: “Laban sa gayong mga bagay ay walang kautusan.” (Gal 5:22, 23) Walang anumang kautusan ang maaaring magtakda ng limitasyon sa pag-ibig na ito. Maaari itong isagawa kahit kailan, kahit saan, at sa anumang antas, doon sa mga kinauukulan nito. Sa katunayan, ang tanging bagay na dapat na maging pagkakautang ng mga Kristiyano sa isa’t isa ay pag-ibig. (Ro 13:8) Ang pag-ibig na ito sa isa’t isa ay isang pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano.—Ju 13:35.
Kung Paano Gumagawi ang Makadiyos na Pag-ibig. Ang pag-ibig, gaya niyaong ipinakikita ng Diyos, ay lubhang kamangha-mangha anupat mahirap itong bigyang-katuturan. Mas madali pang sabihin kung paano ito gumagawi. Sa sumusunod na pagtalakay ng mainam na katangiang ito, isasaalang-alang kung paano ito kumakapit sa mga Kristiyano. Nang sumulat ang apostol na si Pablo hinggil sa paksang ito, idiniin muna niya kung gaano ito kahalaga sa isang mananampalatayang Kristiyano at pagkatapos ay dinetalye niya kung paano ito gumagawi nang walang pag-iimbot: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay.”—1Co 13:4-7.
“Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait.” Tinitiis nito ang di-kaayaayang mga kalagayan at ang maling mga pagkilos ng iba, anupat ginagawa iyon nang may layunin, samakatuwid nga, upang itaguyod ang kaligtasan sa bandang huli niyaong mga gumagawa ng mali o niyaong mga kasangkot sa mga kalagayang iyon, at gayundin upang ipagbangong-puri, sa katapus-tapusan, ang soberanya ni Jehova. (2Pe 3:15) Ang pag-ibig ay mabait, anumang kalagayang nakapupukaw ng galit ang bumangon. Ang kagaspangan o kabagsikan sa bahagi ng isang Kristiyano sa kaniyang pakikitungo sa iba ay hindi magdudulot ng anumang kabutihan. Gayunpaman, ang pag-ibig ay maaari ring maging matatag at kumilos nang may katarungan alang-alang sa katuwiran. Maaaring disiplinahin niyaong mga may awtoridad ang mga manggagawa ng kamalian, ngunit dapat pa rin silang magpakita ng kabaitan. Ang hindi pagpapamalas ng kabaitan ay hindi magiging kapaki-pakinabang kapuwa sa di-mabait na tagapayo at sa isa na gumagawa ng kalikuan, kundi sa halip, baka pa nga ang huling nabanggit ay lalong mapalayo sa pagsisisi at matuwid na mga gawa.—Ro 2:4; Efe 4:32; Tit 3:4, 5.
“Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin.” Hindi ito naiinggit sa mabubuting bagay na dumarating sa iba. Nagsasaya ito na makitang ang kaniyang kapuwa ay tumatanggap ng posisyong may higit na pananagutan. Hindi ito nayayamot kahit kaaway man niya ang tumatanggap ng mabubuting bagay. Ito ay bukas-palad. Ang Diyos ay nagpapaulan sa matuwid at sa di-matuwid. (Mat 5:45) Ang mga lingkod ng Diyos na may pag-ibig ay kontento sa kanilang kalagayan (1Ti 6:6-8) at sa kanilang dako, kaya naman hindi sila lumalampas sa kanilang hangganan o may-pag-iimbot man nilang hinahangad ang posisyon ng iba. Udyok ng pag-iimbot at pagkainggit, lumampas si Satanas na Diyablo sa kaniyang hangganan, anupat hinangad pa nga niyang sambahin siya ni Jesu-Kristo.—Luc 4:5-8.
Ang pag-ibig ay “hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki.” Hindi nito hinahangad ang papuri at paghanga ng mga nilalang. (Aw 75:4-7; Jud 16) Hindi pilit na ibinababa ng taong may pag-ibig ang ibang tao upang magtingin siyang mas dakila. Sa halip, dinadakila niya ang Diyos at may-kataimtiman niyang pinasisigla at pinatitibay ang ibang mga tao. (Ro 1:8; Col 1:3-5; 1Te 1:2, 3) Naliligayahan siya na makitang sumusulong ang kaniyang kapuwa Kristiyano. At hindi niya ipinaghahambog ang mga bagay na gagawin niya. (Kaw 27:1; Luc 12:19, 20; San 4:13-16) Natatanto niya na ang lahat ng kaniyang nagagawa ay dahil sa lakas na nanggagaling kay Jehova. (Aw 34:2; 44:8) Sinabi ni Jehova sa Israel: “Ang nagyayabang tungkol sa kaniyang sarili ay magyabang dahil sa mismong bagay na ito, sa pagkakaroon ng kaunawaan at sa pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa akin, na ako ay si Jehova, ang Isa na nagpapakita ng maibiging-kabaitan, katarungan at katuwiran sa lupa; sapagkat ang mga bagay na ito ay kinalulugdan ko.”—Jer 9:24; 1Co 1:31.
Ang pag-ibig ay “hindi gumagawi nang hindi disente.” Hindi ito nagpapakita ng masamang asal. Hindi ito nasasangkot sa di-disenteng paggawi, gaya ng seksuwal na pang-aabuso o nakagigitlang asal. Hindi ito bastos, mahalay, walang-modo, walang-pakundangan, magaspang, o walang-galang sa kaninuman. Iniiwasan ng isang taong may pag-ibig ang paggawa ng mga bagay na makababagabag sa kaniyang mga kapatid na Kristiyano, sa panlabas na kaanyuan man o sa mga pagkilos. Tinagubilinan ni Pablo ang kongregasyon sa Corinto: “Maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.” (1Co 14:40) Inuudyukan din ng pag-ibig ang isa na lumakad nang marangal sa paningin ng iba na hindi mga mananampalatayang Kristiyano.—Ro 13:13; 1Te 4:12; 1Ti 3:7.
Ang pag-ibig ay “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.” Sinusunod nito ang simulain: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.” (1Co 10:24) Dito makikita ang pagkabahala ng isa sa walang-hanggang kapakanan ng iba. Ang taimtim na pagkabahalang ito sa iba ang isa sa pinakamalalakas na puwersang nag-uudyok sa pag-ibig at isa rin sa pinakamabibisa at may pinakakapaki-pakinabang na mga resulta. Hindi ipinipilit ng taong may pag-ibig na gawin ang lahat ng bagay ayon sa kaniyang paraan. Sinabi ni Pablo: “Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang matamo ko ang mahihina. Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan. Ngunit ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.” (1Co 9:22, 23) Ni iginigiit man ng pag-ibig ang “mga karapatan” nito; higit na ikinababahala nito ang espirituwal na kapakanan ng ibang tao.—Ro 14:13, 15.
Ang pag-ibig ay “hindi napupukaw sa galit.” Hindi ito naghahanap ng pagkakataon o ng dahilan upang mapukaw sa galit. Hindi ito nauudyukang magpakita ng mga silakbo ng galit, na isang gawa ng laman. (Gal 5:19, 20) Ang isa na may pag-ibig ay hindi kaagad naghihinanakit sa sinabi o ginawa ng iba. Hindi siya nangangambang baka masaktan ang kaniyang personal na “dignidad.”
Ang pag-ibig ay ‘hindi nagbibilang ng pinsala.’ (Sa literal, hindi nito “tinutuos ang masamang bagay”; Int.) Hindi nito itinuturing na ito’y napinsala at sa gayon ay itatala nito ang pinsalang iyon bilang isang bagay na ‘nasa mga aklat ng kuwenta,’ upang ayusin, o singilin, sa takdang panahon, samantala ay hindi maaaring magkaroon ng kaugnayan ang napinsala at ang nakapinsala. Magpapabanaag iyan ng isang mapaghiganting saloobin, na hinahatulan sa Bibliya. (Lev 19:18; Ro 12:19) Ang pag-ibig ay hindi nagpaparatang ng masasamang motibo sa iba kundi handa itong magpasensiya at magtiwalang walang masamang intensiyon ang kaniyang kapuwa.—Ro 14:1, 5.
Ang pag-ibig ay ‘hindi nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan.’ Ang pag-ibig ay nakikipagsaya sa katotohanan kahit salungat ito sa dating mga pinaniniwalaan o sa binitiwang mga pananalita. Nanghahawakan ito sa Salita ng Diyos na katotohanan. Lagi itong pumapanig sa tama, anupat hindi ito nalulugod sa kamalian, sa mga kasinungalingan, o sa anumang anyo ng kawalang-katarungan, sinuman ang biktima at ito man ay isang kaaway. Gayunman, kung ang isang bagay ay mali o nagliligaw, ang pag-ibig ay hindi natatakot na magsalita alang-alang sa katotohanan at sa kapakanan ng iba. (Gal 2:11-14) Gayundin, mas gusto pa nitong magtiis ng kamalian kaysa gumawa ng isa pang kamalian sa pagsisikap na ituwid ang suliranin. (Ro 12:17, 20) Ngunit kung ang isang tao ay may-kawastuang itinuwid ng isa na may awtoridad, ang taong maibigin ay hindi papanig, dahil lamang sa sentimyento, sa isa na pinarusahan ni hahanapan man niya ng pagkakamali ang pagtutuwid o ang isa na awtorisado na siyang nagsagawa ng pagtutuwid. Ang gayong pagkilos ay hindi pagpapakita ng pag-ibig sa indibiduwal na iyon. Maaaring matamo niya ang pabor niyaong isa na itinuwid, ngunit makapipinsala ito sa taong iyon sa halip na makatulong.
‘Tinitiis ng pag-ibig ang lahat ng bagay.’ Handa itong magbata, magdusa alang-alang sa katuwiran. Ang isang literal na salin nito ay, “tinatakpan nito ang lahat ng bagay.” (Int) Hindi kaagad na ipagsasabi sa iba ng isang taong may pag-ibig kung sino ang nakagawa ng mali sa kaniya. Kung hindi gaanong malubha ang pagkakasala, palalampasin niya iyon. Kung ito naman ay malubha at ang landasing inirekomenda ni Jesus sa Mateo 18:15-17 ay kapit dito, susundin niya iyon. Sa gayong mga kaso, kung ang kabilang partido ay hihingi ng kapatawaran pagkatapos na ang kamalian ay maitawag-pansin sa kaniya nang sarilinan, at aayusin ang pinsalang naidulot niya, ipakikita naman niyaong isa na may pag-ibig na ang kaniyang pagpapatawad ay tunay, na lubusan na nitong tinakpan ang bagay na iyon, kung paanong gayundin ang ginawa ng Diyos.—Kaw 10:12; 17:9; 1Pe 4:7, 8.
‘Pinaniniwalaan ng pag-ibig ang lahat ng bagay.’ Ang pag-ibig ay may pananampalataya sa mga bagay na sinabi ng Diyos sa kaniyang Salita ng katotohanan, ito man ay waring hindi kaayon ng panlabas na kaanyuan ng mga bagay-bagay at ang di-sumasampalatayang sanlibutan man ay nanlilibak. Ang pag-ibig na ito, lalo na kapag iniuukol sa Diyos, ay isang pagkilala sa kaniyang pagkamatapat, salig sa kaniyang rekord ng katapatan at pagkamaaasahan, kung paanong nakikilala at iniibig natin ang isang tunay at tapat na kaibigan at hindi tayo nag-aalinlangan kapag nagsabi siya sa atin ng isang bagay na hindi natin mapatutunayan. (Jos 23:14) Pinaniniwalaan ng pag-ibig ang lahat ng sinasabi ng Diyos, bagaman maaaring hindi nito naiintindihan iyon nang lubusan, at handa itong maghintay nang may pagtitiyaga hanggang sa ang bagay na iyon ay maipaliwanag nang mas detalyado o hanggang sa magkaroon ng maliwanag na pagkaunawa rito. (1Co 13:9-12; 1Pe 1:10-13) Nagtitiwala rin ang pag-ibig na pinapatnubayan ng Diyos ang kongregasyong Kristiyano at ang kaniyang inatasang mga lingkod anupat sinusuportahan nito ang kanilang mga pasiya salig sa Salita ng Diyos. (1Ti 5:17; Heb 13:17) Gayunman, ang pag-ibig ay hindi labis na mapaniwalain, sapagkat sinusunod nito ang payo ng Salita ng Diyos na “subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos,” at sinusubok nito ang lahat ng bagay ayon sa panukat ng Bibliya. (1Ju 4:1; Gaw 17:11, 12) Ang pag-ibig ay gumaganyak ng pagtitiwala sa tapat na Kristiyanong mga kapatid ng isa; hindi sila paghihinalaan o pagdududahan ng isang Kristiyano malibang lubusang napatunayan na mali sila.—2Co 2:3; Gal 5:10; Flm 21.
‘Inaasahan ng pag-ibig ang lahat ng bagay.’ Inaasahan nito ang lahat ng bagay na ipinangako ni Jehova. (Ro 12:12; Heb 3:6) Patuloy itong gumagawa, anupat matiyagang hinihintay na si Jehova ang magpabunga at magpalago sa mga bagay-bagay. (1Co 3:7) Inaasahan ng isang taong may pag-ibig na gagawin ng kaniyang mga kapatid na Kristiyano ang pinakamabuti anumang kalagayan ang dumating sa kanila, kahit ang ilan ay maaaring may mahinang pananampalataya. Natatanto niya na kung matiisin si Jehova sa gayong mahihina, dapat lamang na gayunding saloobin ang taglayin niya. (2Pe 3:15) At patuloy niyang inaakay yaong mga tinutulungan niyang matuto ng katotohanan, anupat umaasa at naghihintay na pakilusin sila ng espiritu ng Diyos upang paglingkuran Siya.
‘Binabata ng pag-ibig ang lahat ng bagay.’ Kailangan ang pag-ibig upang maingatan ng isang Kristiyano ang kaniyang integridad sa Diyos na Jehova. Sa kabila ng anumang maaaring gawin ng Diyablo upang subukin ang tibay ng debosyon at katapatan sa Diyos ng Kristiyanong iyon, ang pag-ibig ay magbabata sa paraan na makapananatili siyang tapat sa Diyos.—Ro 5:3-5; Mat 10:22.
“Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” Hindi ito kailanman magwawakas o maglalaho. Dahil sa bagong kaalaman at pagkaunawa, maaaring ang mga bagay na dati nating pinaniniwalaan ay maituwid; nagbabago ang pag-asa habang natutupad ang mga bagay na inaasahan at nagkakaroon ng mga bagong bagay na aasahan, ngunit ang pag-ibig ay laging nananatili sa kalubusan nito at patuloy pang tumitibay nang tumitibay.—1Co 13:8-13.
“Panahon ng Pag-ibig.” Ang dapat lamang pagkaitan ng pag-ibig ay yaong mga ipinakikita ni Jehova bilang di-karapat-dapat tumanggap nito, o yaong mga namimihasa sa landasin ng kasamaan. Ang pag-ibig ay ipamamalas sa lahat ng tao hanggang sa ipakita nila na kinapopootan nila ang Diyos. Doon magwawakas ang panahon ng pagpapakita ng pag-ibig sa kanila. Kapuwa ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay umiibig sa katuwiran at napopoot sa katampalasanan. (Aw 45:7; Heb 1:9) Yaong mga masidhing napopoot sa tunay na Diyos ay hindi dapat pagpakitaan ng pag-ibig. Ang totoo, walang kabutihang idudulot kahit patuloy na magpamalas ng pag-ibig sa mga iyon, sapagkat ang mga napopoot sa Diyos ay hindi tutugon sa pag-ibig ng Diyos. (Aw 139:21, 22; Isa 26:10) Dahil dito, wasto lamang na mapoot ang Diyos sa kanila at mayroon siyang isang panahon upang kumilos laban sa kanila.—Aw 21:8, 9; Ec 3:1, 8.
Mga Bagay na Hindi Dapat Ibigin. Sumulat ang apostol na si Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man na nasa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” (1Ju 2:15, 16) Nang maglaon ay sinabi niya, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1Ju 5:19) Dahil dito, yaong mga umiibig sa Diyos ay napopoot sa bawat balakyot na lakad.—Aw 101:3; 119:104, 128; Kaw 8:13; 13:5.
Bagaman ipinakikita ng Bibliya na dapat ibigin ng asawang lalaki at ng asawang babae ang isa’t isa at na kalakip sa pag-ibig na ito ang pagsisiping (Kaw 5:18, 19; 1Co 7:3-5), itinatawag-pansin din nito na mali na masangkot ang isa sa seksuwal na pag-ibig sa hindi niya asawa, isang gawaing makalaman at makasanlibutan. (Kaw 7:18, 19, 21-23) Ang isa pang bagay na makasanlibutan ay ang materyalismo, ang “pag-ibig sa salapi” (phi·lar·gy·riʹa, sa literal, “pagkagiliw sa pilak”; Int), na isang ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.—1Ti 6:10; Heb 13:5.
Nagbabala si Jesu-Kristo laban sa paghahanap ng kaluwalhatian mula sa mga tao. Mariin niyang tinuligsa ang mapagpaimbabaw na relihiyosong mga lider ng mga Judio sapagkat nais nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng malalapad na daan upang makita ng mga tao at iniibig nila ang tanyag na mga dako sa mga hapunan at ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga. Itinawag-pansin niya na tinanggap na nila nang lubos ang kanilang gantimpala, yaong kanilang iniibig at ninanasa, samakatuwid nga, ang karangalan at kaluwalhatian mula sa mga tao; dahil dito, hindi na sila dapat tumanggap ng anumang gantimpala mula sa Diyos. (Mat 6:5; 23:2, 5-7; Luc 11:43) Ang ulat ay kababasahan: “Marami maging sa mga tagapamahala ang talagang nanampalataya [kay Jesus], ngunit dahil sa mga Pariseo ay hindi nila siya ipinapahayag, upang hindi sila matiwalag mula sa sinagoga; sapagkat inibig nila ang kaluwalhatian ng tao nang higit pa kaysa sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Ju 12:42, 43; 5:44.
Nang nakikipag-usap sa mga alagad, sinabi ni Jesus: “Siya na may paggiliw [phi·lonʹ] sa kaniyang kaluluwa ang pupuksa nito, ngunit siya na napopoot sa kaniyang kaluluwa sa sanlibutang ito ang mag-iingat nito para sa buhay na walang hanggan.” (Ju 12:23-25) Ang isang tao na mas gustong mag-ingat ng kaniyang buhay sa ngayon sa halip na maging handang ibigay ang kaniyang buhay bilang isang tagasunod ni Kristo ay mawawalan ng buhay na walang hanggan, ngunit ang isa na nagtuturing sa buhay sa sanlibutang ito bilang pangalawahin, at umiibig kay Jehova at kay Kristo at sa kanilang katuwiran nang higit sa anupamang bagay, ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.
Kinapopootan ng Diyos ang mga sinungaling, sapagkat wala silang pag-ibig sa katotohanan. Ipinahayag niya sa apostol na si Juan sa pangitain: “Sa labas [ng banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem] ay naroon ang mga aso at ang mga nagsasagawa ng espiritismo at ang mga mapakiapid at ang mga mamamaslang at ang mga mananamba sa idolo at ang bawat isa na umiibig [phi·lonʹ] at gumagawa ng kasinungalingan.”—Apo 22:15; 2Te 2:10-12.
Maaaring Lumamig ang Pag-ibig ng Isa. Nang sabihin ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad ang mga bagay na magaganap, binanggit niya na ang pag-ibig (a·gaʹpe) ng marami na nag-aangking naniniwala sa Diyos ay lalamig. (Mat 24:3, 12) Sinabi ng apostol na si Pablo na, bilang bahagi ng mga panahong mapanganib na darating, ang mga tao ay magiging “mga maibigin sa salapi.” (2Ti 3:1, 2) Samakatuwid, maliwanag na maaaring makaligtaan ng isang tao ang tamang mga simulain at maglaho ang wastong pag-ibig na dati niyang taglay. Idiniriin nito ang kahalagahan ng palagiang pagpapakita at paglinang ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos at sa paghubog sa buhay ng isa ayon sa Kaniyang mga simulain.—Efe 4:15, 22-24.