Sumulong sa Pagkamaygulang Dahil “ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”
“Sumulong tayo tungo sa pagkamaygulang.”—HEB. 6:1.
1, 2. Paano nagkaroon ng pagkakataong “tumakas patungo sa mga bundok” ang mga unang-siglong Kristiyano sa Jerusalem at Judea?
NANG si Jesus ay narito sa lupa, tinanong siya ng kaniyang mga alagad: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Ang sagot na ibinigay ni Jesus ay unang natupad noong unang siglo. Binanggit ni Jesus ang isang pambihirang pangyayari na maghuhudyat na napakalapit na ng wakas. Kapag nakita nilang nagaganap na ito, “yaong mga nasa Judea ay magsimula nang tumakas patungo sa mga bundok.” (Mat. 24:1-3, 15-22) Makikita kaya ito ng mga alagad ni Jesus at susunod kaya sila sa kaniyang mga tagubilin?
2 Noong 61 C.E., pagkalipas ng halos tatlong dekada, nagbigay si apostol Pablo ng tuwirang payo sa mga Kristiyanong Hebreo sa Jerusalem at sa kalapit na mga bayan nito. Hindi alam ni Pablo at ng kaniyang mga kapananampalataya na limang taon na lang, magsisimula nang maganap ang tanda na maghuhudyat sa “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21) Noong 66 C.E., pinangunahan ni Cestio Gallo ang mga sundalong Romano laban sa Jerusalem. Malulupig na sana niya ang Jerusalem pero bigla siyang umatras. Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataong tumakas ang mga Kristiyano.
3. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga Kristiyanong Hebreo, at bakit?
3 Kailangang maging alisto ang mga Kristiyanong iyon sa katuparan ng hula ni Jesus upang sila’y makatakas. Subalit ang ilan ay naging “mapurol [sa kanilang] pakikinig.” Katulad sila ng mga sanggol na nangangailangan ng “gatas.” (Basahin ang Hebreo 5:11-13.) Maging ang ilan na matagal na sa katotohanan ay waring ‘lumalayo na mula sa Diyos na buháy.’ (Heb. 3:12) “Kinaugalian” naman ng ilan na lumiban sa mga Kristiyanong pagpupulong sa panahong “papalapit na ang [kapaha-pahamak na] araw.” (Heb. 10:24, 25) Kaya nagbigay si Pablo ng napapanahong payo: “Ngayong iniwan na natin ang pang-unang doktrina tungkol sa Kristo, sumulong tayo tungo sa pagkamaygulang.”—Heb. 6:1.
4. Bakit mahalaga na manatiling alisto sa takbo ng mga pangyayari? Ano ang makatutulong sa atin na gawin ito?
4 May mas malaking katuparan ang hula ni Jesus. Nabubuhay na tayo sa panahong iyan. “Ang dakilang araw ni Jehova”—ang araw kung kailan pupuksain ang buong sistema ni Satanas—“ay malapit na.” (Zef. 1:14) Higit kailanman, kailangan tayong maging alisto sa takbo ng mga pangyayari at patibayin ang ating espirituwalidad. (1 Ped. 5:8) Ginagawa ba natin iyan? Ang Kristiyanong pagkamaygulang ay makatutulong sa atin na ituon ang ating pansin kung nasaan na tayo sa agos ng panahon.
Kung Ano ang Kristiyanong Pagkamaygulang
5, 6. (a) Ano ang nasasangkot sa espirituwal na pagsulong? (b) Anong dalawang bagay ang kailangan nating bigyang-pansin para sumulong tayo sa pagkamaygulang?
5 Hindi lamang pinasigla ni Pablo ang unang-siglong mga Kristiyanong Hebreo na sumulong sa pagkamaygulang kundi sinabi rin niya kung ano ang nasasangkot dito. (Basahin ang Hebreo 5:14.) Ang “mga taong may-gulang” ay hindi nasisiyahan sa “gatas” lamang. Kumakain sila ng “matigas na pagkain.” Kaya alam nila kapuwa ang “mga panimulang bagay” at ang “malalalim na bagay” ng katotohanan. (1 Cor. 2:10) Bukod diyan, dahil sa paggamit—pagkakapit ng kanilang natututuhan—nasasanay ang kanilang mga kakayahan sa pang-unawa. Ito ang nakatutulong sa kanila na makita kung ano ang tama at mali. Sa gayon, kapag nagpapasiya sila, nauunawaan nila kung anong mga simulain ng Bibliya ang nasasangkot at kung paano ito ikakapit.
6 ‘Kailangan tayong magbigay ng higit kaysa sa karaniwang pansin sa mga bagay na narinig natin, upang hindi tayo kailanman maanod papalayo,’ ang isinulat ni Pablo. (Heb. 2:1) Maaari tayong maanod papalayo sa katotohanan nang hindi natin namamalayan. Maiiwasan natin ito kung ‘magbibigay tayo ng higit kaysa sa karaniwang pansin’ sa mga katotohanan sa Bibliya sa personal nating pag-aaral o sa mga pulong. Kung gayon, makabubuting itanong natin sa ating sarili: ‘Mga panimulang bagay pa rin ba ang isinasaalang-alang ko? Sumasabay lang ba ako sa agos, wika nga, nang hindi naman talaga isinasapuso ang katotohanan? Paano kaya talaga ako susulong sa espirituwal?’ Talakayin natin ang dalawang bagay na dapat nating gawin para sumulong sa pagkamaygulang: (1) kailangan tayong maging lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos, at (2) maging masunurin.
Maging Lubusang Pamilyar sa Salita
7. Paano tayo makikinabang sa pagiging lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos?
7 “Ang bawat isa na tumatanggap ng gatas ay walang-kabatiran [o di-pamilyar] sa salita ng katuwiran, sapagkat siya ay isang sanggol,” ang isinulat ni Pablo. (Heb. 5:13) Para maging maygulang, kailangan tayong maging lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos, na naglalaman ng kaniyang mensahe para sa atin. Dahil dito, dapat tayong maging masisikap na estudyante ng Bibliya at ng mga publikasyong inilalathala ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45-47) Sa ganitong paraan, mauunawaan natin ang kaisipan ng Diyos at masasanay ang ating kakayahan sa pang-unawa. Isaalang-alang ang halimbawa ng Kristiyanong si Orchid.a Sinabi niya: “Ang paalaala na regular na basahin ang Bibliya ay talagang nagkaroon ng malaking epekto sa aking buhay. Inabot ng mga dalawang taon bago ko natapos basahin ang buong Bibliya, pero waring noon ko pa lang nakikilala ang aking Maylikha. Natutuhan ko ang tungkol sa kaniyang paraan, ang mga gusto at hindi niya gusto, ang kaniyang di-masukat na kapangyarihan, at malalim na karunungan. Ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya ang nagpalakas sa akin na harapin ang mabibigat na problema.”
8. Ano ang kayang gawin ng “lakas” ng Salita ng Diyos?
8 Kapag regular nating binabasa ang Salita ng Diyos, hinahayaan natin ang “lakas” nito na makaimpluwensiya sa atin. (Basahin ang Hebreo 4:12.) Maaari nitong mahubog ang ating pagkatao upang maging mas kalugud-lugod tayo kay Jehova. Nadarama mo bang kailangan mong maglaan ng higit na panahon sa pagbabasa ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa mensahe nito?
9, 10. Ano ang ibig sabihin ng pagiging lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos? Magbigay ng halimbawa.
9 Ang pagiging lubusang pamilyar sa Bibliya ay hindi basta pagkakaroon lamang ng kaalaman sa sinasabi nito. Ang mga itinuturing na sanggol sa espirituwal noong panahon ni Pablo ay may kaalaman din naman sa Salita ng Diyos. Pero hindi nila ito ikinakapit kaya hindi nila ito napahahalagahan. Hindi nila hinahayaan ang mensahe nito na gumabay sa kanilang buhay at pagpapasiya.
10 Ang pagiging lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng kaalaman sa mensahe nito at pagkakapit sa kaalamang ito sa ating buhay. Makikita ito sa karanasan ng isang sister na si Kyle. Nagkaproblema siya sa isang katrabaho. Ano ang ginawa niya upang malutas ito? Ipinaliwanag niya: “Pumasok agad sa isip ko ang sinasabi sa Roma 12:18, ‘Hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.’ Kaya kinausap ko siya pagkatapos ng trabaho.” Maganda ang naging resulta ng kanilang pag-uusap. Humanga ang katrabaho ni Kyle sa kaniyang ginawa. “Napatunayan ko na laging tama na sumunod sa mga simulain ng Bibliya,” ang sabi ni Kyle.
Maging Masunurin
11. Ano ang nagpapakita na maaaring hindi madaling sumunod kapag nasa gipit na mga kalagayan?
11 Maaaring hindi madaling ikapit ang ating natututuhan mula sa Kasulatan, lalo na kapag nasa gipit na mga kalagayan. Halimbawa, hindi pa natatagalan nang palayain ni Jehova ang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ‘nakipagtalo sila kay Moises’ at laging “inilalagay si Jehova sa pagsubok.” Bakit? Kasi wala silang mainom na tubig. (Ex. 17:1-4) Wala pang dalawang buwan matapos silang makipagtipan sa Diyos at sumang-ayon na gawin “ang lahat ng mga salita na sinalita ni Jehova,” nilabag nila ang kaniyang batas hinggil sa idolatriya. (Ex. 24:3, 12-18; 32:1, 2, 7-9) Dahil kaya ito sa takot kasi matagal na nawala si Moises nang siya’y binibigyan ng mga tagubilin sa Bundok Horeb? Naisip kaya nila na baka muling sumugod ang mga Amalekita at malupig sila dahil wala si Moises, na siyang ginamit ni Jehova nang magapi nila ang mga ito noon? (Ex. 17:8-16) Anuman ang dahilan, “tumangging maging masunurin” ang mga Israelita. (Gawa 7:39-41) Hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na ‘gawin ang kanilang buong makakaya’ na hindi “mahulog sa gayunding uri ng pagsuway” na ginawa ng mga Israelita nang matakot silang pumasok sa Lupang Pangako.—Heb. 4:3, 11.
12. Paano natutuhan ni Jesus ang pagsunod, at anong pagpapala ang tinanggap niya?
12 Para sumulong sa pagkamaygulang, dapat nating gawin ang ating buong makakaya na sundin si Jehova. Gaya ng makikita sa halimbawa ni Jesus, kadalasan nang matututuhan ang pagsunod mula sa mga bagay na pinagdusahan. (Basahin ang Hebreo 5:8, 9.) Bago pa siya pumarito sa lupa, masunurin na si Jesus sa kaniyang Ama. Gayunman, sa paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama noong narito na siya lupa, nagdusa si Jesus sa pisikal at mental na paraan. Sa kabila ng napakahirap na mga kalagayan, naging masunurin si Jesus. Dahil dito, siya ay ‘napasakdal’ anupat naging karapat-dapat siya sa karagdagang atas na ibinigay ng Diyos sa kaniya, ang pagiging Hari at Mataas na Saserdote.
13. Ano ang nagpapatunay na nagiging masunurin tayo kay Jehova?
13 Kumusta naman tayo? Determinado rin ba tayong maging masunurin kay Jehova sa kabila ng mabibigat na problema? (Basahin ang 1 Pedro 1:6, 7.) Maliwanag ang payo ng Diyos hinggil sa moral na pamantayan, katapatan, wastong paggamit ng dila, personal na pagbabasa at pag-aaral ng Kasulatan, pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, at pangangaral. (Jos. 1:8; Mat. 28:19, 20; Efe. 4:25, 28, 29; 5:3-5; Heb. 10:24, 25) Sinusunod ba natin ang mga payong ito ni Jehova kahit na sa gipit na kalagayan? Ang ating pagsunod ay tanda na sumusulong tayo sa pagkamaygulang.
Kristiyanong Pagkamaygulang—Bakit Mahalaga?
14. Magbigay ng halimbawa kung paano maaaring maging proteksiyon ang pagsulong sa pagkamaygulang.
14 Nabubuhay na tayo sa sanlibutang ito na “nawalan na ng lahat ng pakiramdam sa moral.” (Efe. 4:19) Kaya tunay na proteksiyon para sa isang Kristiyano na magkaroon ng kakayahan sa pang-unawa na lubusang nasanay sa pagkilala ng mabuti at masama. Isaalang-alang ang halimbawa ni James, na nagpapahalaga sa mga salig-Bibliyang publikasyon at regular na nagbabasa ng mga ito. Puro babae ang kaniyang mga katrabaho. Sinabi niya: “Bagaman kitang-kita na mababa ang moral ng aking mga katrabaho, isa sa kanila ang tila kagalang-galang at nagpakita pa nga ng interes sa katotohanan. Pero minsan, nang kami lang dalawa sa isang silid sa lugar ng trabaho, sinimulan niya akong akitin. Akala ko’y nagbibiro lang siya pero ayaw niyang tumigil. Bigla kong naalaala ang isang karanasan sa Bantayan tungkol sa isang kapatid na napaharap din sa ganitong situwasyon sa kaniyang trabaho. Binanggit sa artikulong iyon ang ginawa ni Jose nang tuksuhin siya ng asawa ni Potipar.b Agad ko siyang itinulak at tumakbo siya.” (Gen. 39:7-12) Nagpapasalamat si James na napanatili niya ang isang malinis na budhi.—1 Tim. 4:15.
15. Paano naiingatan ng pagsulong sa pagkamaygulang ang ating puso?
15 Mahalaga rin ang pagkamaygulang dahil naiingatan nito ang ating puso at sa gayo’y naiiwasang ‘madala ng sari-sari at ibang mga turo.’ (Basahin ang Hebreo 13:9.) Kapag nagsisikap tayong sumulong sa espirituwal, naitutuon natin ang ating isip sa “mga bagay na higit na mahalaga.” (Fil. 1:9, 10) Sa gayon, mas lumalalim ang ating pagpapahalaga sa Diyos at sa lahat ng kaniyang inilalaan para sa atin. (Roma 3:24) Ang isang Kristiyanong nasa “hustong-gulang sa mga kakayahan ng pang-unawa” ay nagkakaroon ng gayong pagpapahalaga at nagiging malapít kay Jehova.—1 Cor. 14:20.
16. Ano ang nakatulong sa isang sister na magkaroon ng ‘matatag na puso’?
16 Inamin ng isang sister na nagngangalang Louise na mga ilang panahon matapos siyang mabautismuhan, naging mas mahalaga sa kaniya ang iniisip ng ibang tao. Sinabi niya, “Wala naman akong ginagawang mali pero wala rin sa puso ko ang paglilingkod kay Jehova. Natanto ko na may kailangan akong gawing ilang pagbabago para maibigay ko ang aking buong makakaya kay Jehova. Ang pinakamalaking pagbabago na ginawa ko ay ang maglingkod sa kaniya nang buong puso.” Dahil sa gayong pagsisikap, nagkaroon si Louise ng ‘matatag na puso,’ na nakatulong sa kaniya nang malaki upang maharap ang kaniyang pagkakasakit. (Sant. 5:8) Sinabi niya, “Talagang nahirapan akong harapin ito, pero naging malapít ako kay Jehova.”
‘Maging Masunurin Mula sa Puso’
17. Bakit napakahalaga ng pagsunod noong unang siglo?
17 Nakaligtas ang unang-siglong mga Kristiyanong naninirahan sa Jerusalem at Judea dahil sa pagsunod nila sa payo ni Pablo na ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang.’ Naging alisto sila sa hudyat na ibinigay ni Jesus. Nang makita nila “ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang . . . na nakatayo sa isang dakong banal,” samakatuwid nga, ang mga hukbo ng Roma na nakapalibot sa Jerusalem, alam nila na dapat na silang “tumakas patungo sa mga bundok.” (Mat. 24:15, 16) Bilang pagsunod sa makahulang babala ni Jesus, tumakas ang mga Kristiyano mula sa lunsod ng Jerusalem bago ito mawasak at, ayon sa istoryador na si Eusebius, nanirahan sila sa lunsod ng Pela sa bulubunduking rehiyon ng Gilead. Dahil dito, nakaligtas sila sa isa sa pinakamasaklap na trahedya sa kasaysayan ng Jerusalem.
18, 19. (a) Bakit napakahalaga na maging masunurin sa ngayon? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
18 Makatutulong din sa atin ang pagiging masunurin at pagkamaygulang upang makaligtas sa di-hamak na mas “malaking kapighatian” sa hinaharap. (Mat. 24:21) Magiging masunurin kaya tayo sa anumang apurahang tagubilin na ibibigay sa atin ng “tapat na katiwala”? (Luc. 12:42) Napakahalaga nga na matutuhan nating ‘maging masunurin mula sa puso’!—Roma 6:17.
19 Kailangan nating sanayin ang ating mga kakayahan sa pang-unawa upang sumulong sa pagkamaygulang. Magagawa natin ito kung magsisikap tayong maging lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos at maging masunurin. Malaking hamon para sa mga kabataan ang sumulong sa Kristiyanong pagkamaygulang. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano ito mapagtatagumpayan.
[Mga talababa]
a Binago ang ilang pangalan.
b Tingnan ang artikulong pinamagatang “Pinatatag Upang Tanggihan ang Masamang Gawa,” sa Oktubre 1, 1999, isyu ng Bantayan.
Ano ang Natutuhan Mo?
• Ano ang espirituwal na pagkamaygulang, at paano tayo susulong sa pagkamaygulang?
• Bakit mahalaga na maging lubusang pamilyar sa Salita ng Diyos upang sumulong sa pagkamaygulang?
• Paano tayo magiging masunurin?
• Bakit mahalaga ang pagkamaygulang?
[Larawan sa pahina 10]
Ang pagkakapit sa payo ng Bibliya ay tutulong sa atin na harapin nang may pagkamaygulang ang mga problema
[Larawan sa pahina 12, 13]
Nakaligtas ang mga sinaunang Kristiyano dahil sinunod nila ang payo ni Jesus