Baguhin ang Isip at Turuan ang Puso
“Ito, samakatuwid, ay sinasabi at pinatototohanan ko alang-alang sa Panginoon, na kayo’y hindi na lumalakad na gaya ng mga bansa.”—EFESO 4:17.
1. Ano ang ginagawa para sa atin ng ating mga isip at mga puso?
ANG isip at ang puso ay dalawa sa lubhang kagila-gilalas na mga kakayahan na taglay ng mga tao. Bagaman napakarami ang kanilang nagagawa, sila mismo ay magkaiba sa bawat indibiduwal. Ang ating personalidad, pagsasalita, asal, mga damdamin, at mga pamantayan ay pawang lubhang apektado ng paraan ng pagkilos ng ating mga isip at mga puso.
2, 3. (a) Papaano ginagamit ng Bibliya ang mga salitang “puso” at “isip”? (b) Bakit tayo kailangang maging interesado sa puso at sa isip?
2 Sa Bibliya, ang “puso” ay karaniwan ng tumutukoy sa motibo, emosyon, at panloob na damdamin, at ang “isip” ay tumutukoy naman sa talino at kakayahang umisip. Gayunman, ang mga ito ay hindi lubusang naiiba sa isa’t isa. Halimbawa, ipinayo ni Moises sa mga Israelita: “Aalalahanin mo sa iyong puso [talababa, “gugunitain mo sa iyong isip”] na si Jehova ang tunay na Diyos.” (Deuteronomio 4:39) Sa mga eskriba na nagpapakana laban sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Bakit kayo nangag-iisip ng masama sa inyong puso?”—Mateo 9:4; Marcos 2:6, 7.
3 Ito’y nagpapakita na ang isip at ang puso ay lubhang magkaugnay. Sila’y magkasamang kumikilos, kung minsan ay nagpapatibay sa isa’t isa upang gumawa na nagkakaisa, subalit kadalasan ay nagkakalaban sa pagpupunyagi na manaig sa isa’t isa. (Mateo 22:37; ihambing ang Roma 7:23.) Sa dahilang ito, upang kamtin ang pagsang-ayon ni Jehova, hindi lamang kailangang tiyakin natin ang kalagayan ng ating isip at puso kundi kailangang sanayin din na magkasamang gumawa nang magkasuwato, magkaisa ng pupuntahan. Kailangang baguhin natin ang ating isip at turuan ang puso.—Awit 119:34; Kawikaan 3:1.
‘Ang Paraan ng Paglakad ng mga Bansa’
4. Papaano naimpluwensiyahan ni Satanas ang mga isip at mga puso ng mga tao, at ano ang resulta?
4 Si Satanas ay napakahusay sa pagdaraya at pag-impluwensiya. Batid niya na upang masupil ang mga tao, kailangang puntiryahin niya ang kanilang mga isip at mga puso. Nang mismong pasimula ng kasaysayan ng tao, siya’y gumagamit na ng iba’t ibang uri ng pamamaraan upang maimpluwensiyahan ang mga isip at puso ng mga tao. Bilang resulta, “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang totoo, lubhang nagtagumpay si Satanas sa pag-impluwensiya sa mga puso at isip ng mga tao ng sanlibutan na anupat sila’y tinutukoy ng Bibliya na “isang lahing liko at masama.” (Filipos 2:15) Malinaw na inilalarawan ni apostol Pablo ang kalagayan ng puso at isip ng liko at masamang lahing iyon, at ang kaniyang mga salita ay nagsisilbing babala sa lahat sa atin ngayon. Halimbawa, pakisuyong basahin ang Efeso 4:17-19, at ihambing iyon sa mga salita ni Pablo sa Roma 1:21-24.
5. Bakit sumulat si Pablo ng matinding payo sa mga taga-Efeso?
5 Mauunawaan natin kung bakit sumulat si Pablo ng gayong matitinding salita sa mga Kristiyano sa Efeso pagka ating ginunita na ang siyudad ay napabantog dahil sa pagkabulok ng moral at pagsamba sa paganong mga idolo. Bagaman ang mga Griego ay may bantog na matatalino at mga pilosopo, waring ang edukasyong Griego ay nagbigay sa marami sa mga tao ng lalong malaking kakayahan na gumawa ng masama, at ginawa sila ng kanilang kultura na lalong mahuhusay sa kanilang mga bisyo. Lubhang nabahala si Pablo tungkol sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na namumuhay sa gayong kapaligiran. Batid niya na marami sa kanila ang dating mga mamamayan ng mga bansa at “nagsilakad ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito.” Subalit ngayon ay tinanggap nila ang katotohanan. Ang kanilang mga isip ay nabago na, at ang kanilang mga puso ay nangaturuan. Higit sa lahat, ibig ni Pablo na sila’y “lumakad nang karapat-dapat sa pagkatawag” sa kanila.—Efeso 2:2; 4:1.
6. Bakit tayo dapat maging interesado sa mga salita ni Pablo?
6 Ang kalagayan ay nahahawig sa ngayon. Tayo ay namumuhay din sa isang sanlibutan ng baluktot na mga pamantayan, kulang sa kalinisang-asal, at punô ng mga gawain ng huwad na relihiyon. Marami sa atin ang dati ay namumuhay ayon sa pamamalakad ng sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito. Ang iba naman sa atin ay malapitang nakikitungo sa mga makasanlibutan sa araw-araw. Ang iba sa atin ay namumuhay sa mga sambahayan na kung saan ang umiiral ay espiritu ng sanlibutan. Samakatuwid, mahalaga na maunawaan natin ang kahulugan ng mga salita ni Pablo at makinabang sa kaniyang payo.
Walang Kabuluhan at Madidilim na Isip
7. Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa pananalitang “kawalang-kabuluhan ng kanilang mga isip”?
7 Upang patibayin ang kaniyang payo na ang mga Kristiyano ay ‘huwag nang lumakad na gaya ng mga bansa,’ unang binanggit ni Pablo ang “kawalang-kabuluhan ng kanilang mga isip.” (Efeso 4:17) Ano ba ang ibig sabihin niyan? Ang salitang isinaling “kawalang-kabuluhan,” ayon sa The Anchor Bible, ay “nagpapahiwatig ng kawalang-saysay, katamaran, kayabangan, kamangmangan, hindi pakikinabangan, at kabiguan.” Kung gayon, tinutukoy ni Pablo na ang katanyagan at kaningningan ng daigdig ng mga Griego at mga Romano ay baka waring kahanga-hanga ngunit ang pagtataguyod ng mga ito ay tunay na walang saysay, kamangmangan, at walang-pakinabang. Yaong mga may matinding paghahangad ng katanyagan at kaningningan ay sa wakas walang kakamtin kundi kabiguan at pagkasiphayo. Ang ganiyan ding simulain ay totoo sa sanlibutan sa ngayon.
8. Sa anong mga paraan walang kabuluhan ang mga pagsisikap ng sanlibutan?
8 Ang sanlibutan ay mayroong kaniyang matatalino at kaniyang pinakamagagaling na inaasahan ng mga tao na sasagot sa mahahalagang katanungan na tulad halimbawa ng pinagmulan at layunin ng buhay at ang patutunguhan ng sangkatauhan. Subalit anong matalinong unawa at patnubay ang maibibigay nila? Ang ateyismo, agnostisismo, ebolusyon, at ang marami pang ibang nakalilito at nagkakasalungatan na idea at mga haka-haka na hindi nakapagbibigay-liwanag gaya rin ng mga rituwal at pamahiin ng nakalipas. Maraming makasanlibutang gawain ang tila mandin nagbibigay ng kaunting kasiyahan at katuparan ng ninanais. Binabanggit ng mga tao ang tagumpay at nagawa na sa siyensiya, sining, musika, isports, pulitika, at iba pa. Kanilang ikinatutuwa ang kanilang pumapanaw na mga sandali ng kaluwalhatian. Subalit, ang kasaysayan at ang mga aklat ng kasaysayan sa ngayon ay punô ng nakalimutan nang mga bayani. Ito ay pulos kawalang-saysay, katamaran, kayabangan, kamangmangan, kawalang-pakinabang, at kabiguan.
9. Sa anong walang-kabuluhang mga tunguhin bumabaling ang marami?
9 Sa pagkakilala sa kawalang-kabuluhan ng gayong mga pagsisikap, marami ang bumabaling sa materyalistikong mga tunguhin—pagkakamal ng salapi at pagkakamit ng mga bagay na mabibili ng salapi—at ang mga tunguhing ito ang kanilang pinagsisikapang makamit sa buhay. Sila’y kumbinsido na ang kaligayahan ay nanggagaling sa kayamanan, ari-arian, at kalayawan. Sila’y hindi kontento na ilagak doon ang kanilang isip kundi handa sila na isakripisyo ang lahat—kalusugan, pamilya, at kahit na budhi. Ano ba ang resulta? Sa halip na kamtin ang katuparan ng kanilang naisin, kanilang “dinulutan ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” (1 Timoteo 6:10) Hindi nga kataka-taka na ipinayo ni Pablo sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano na huwag nang lumakad na gaya ng mga bansa ayon sa kawalang-kabuluhan ng ganiyang pag-iisip.
10. Papaano “nasa kadiliman ng pag-iisip” ang mga tao ng sanlibutan?
10 Upang ipakita na ang sanlibutan ay walang maipagmamalaking anuman na dapat kainggitan o tularan, sumunod na sinabi ni Pablo na “sila’y nasa kadiliman ng pag-iisip.” (Efeso 4:18) Mangyari pa, ang sanlibutan ay may matatalino at marurunong na tao sa halos bawat larangan ng pagsisikap. Gayunman, sinabi ni Pablo na sila’y nasa kadiliman ng pag-iisip. Bakit? Ang kaniyang sinabi ay hindi tungkol sa kanilang pangkaisipang pagkadalubhasa o mga abilidad. Ang terminong “isip” ay maaaring tumukoy din sa sentro ng pang-unawa ng tao, ang kinaroroonan ng pagkaunawa, ang panloob na tao. Sila’y nasa kadiliman sapagkat sila’y walang ilaw na nagsisilbing patnubay o kaalaman sa kung saang direksiyon sila dapat magtungo sa kanilang mga pagsisikap. Ito’y makikita sa kanilang kalituhan sa pagkakilala ng tama at mali. Marahil ay iisipin ng mga tao na edukado ang kaisipan ngayon na hindi humahatol sa iba, lahat ay puwede, subalit sa totoo ito ay isang madilim na kaisipan, ayon kay Pablo. Sa espirituwal, sila ay kakapa-kapa sa gitna ng lubos na kadiliman.—Job 12:25; 17:12; Isaias 5:20; 59:6-10; 60:2; ihambing ang Efeso 1:17, 18.
11. Ano ba ang dahilan ng kadiliman ng pag-iisip sa sanlibutan?
11 Bakit ang mga tao ay maaaring maging marurunong, matatalino pa nga, sa napakaraming bagay gayunman ay nasa espirituwal na kadiliman? Sa 2 Corinto 4:4, ibinigay sa atin ni Pablo ang kasagutan: “Binulag ng diyos ng sistemang ito ng mga bagay ang mga isip ng mga di-sumasampalataya, upang sa kanila’y huwag sumikat ang kaliwanagan ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos.” Anong pagkahala-halagang pagpapala na yaong mga tumanggap sa maluwalhating mabuting balita ay nagkaroon ng binagong isip at naturuang puso!
Walang-alam at Manhid na mga Puso
12. Sa anong paraan “hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos” ang sanlibutan?
12 Upang tulungan tayo na higit pang makita kung bakit tayo ay kailangang magbago ng isip at maturuan ang puso, itinawag-pansin sa atin ni Pablo ang bagay na ang paraan ng sanlibutan ay “hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos.” (Efeso 4:18) Hindi dahil sa ang mga tao ay hindi na naniniwala sa Diyos o sila’y lubusang walang-diyos. Isang kolumnista sa pahayagan ang may ganitong pagkasabi: “Sa halip na walang-diyos, tayo’y umimbento ng isang bagong salita: menos-Diyos. Ang mga taong menos-Diyos ay nagnanais ng papuri at pagkilala dahil sa paniniwala sa Diyos samantalang kasabay nito ay kanilang inilalagay Siya sa isang kahon, inilalabas Siya roon kung Linggo lamang ng umaga at hindi pinapayagang maapektuhan Niya ang kanilang makapulitikang pananaw sa sanlibutan o sa kanilang personal na pamumuhay sa natitira pang bahagi ng sanlinggo. [Sila] humigit kumulang ay naniniwala sa Diyos subalit hindi iniisip na Siya ay maraming masasabi tungkol sa modernong lipunan.” Ganito ang pagkasabi ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Roma: “Bagaman kanilang nakikilala ang Diyos, hindi nila niluwalhati siya na gaya ng Diyos ni sila man ay nagpasalamat sa kaniya.” (Roma 1:21) Araw-araw ay nakikita natin ang mga tao na nabubuhay na bahagya man ay hindi iniisip ang Diyos. Tunay, siya’y hindi nila pinararangalan o pinasasalamatan.
13. Ano ba ang “buhay na nauukol sa Diyos”?
13 Ang pananalitang “ang buhay na nauukol sa Diyos” ay makahulugan. Higit pang ipinakikita nito kung papaano ang mental at espirituwal na kadiliman ay sumisira sa katangian ng pagpapahalaga ng mga tao. Ang salitang Griego na isinalin dito na “buhay” ay hindi biʹos (na pinagmulan ng mga salitang tulad ng “biology,” “biography”), na ang ibig sabihin ay paraan ng pamumuhay, o istilo ng pamumuhay. Bagkus, ito ay zo-eʹ (na pinagmulan ng mga salitang tulad ng “zoo,” “zoology”). Ito’y nangangahulugan ng “buhay bilang isang simulain, buhay sa ganap na diwa, buhay na gaya ng taglay ng Diyos. . . . Buhat sa buhay na ito ay napahiwalay ang tao dahil sa Pagkakasala,” ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Old and New Testament Words. Samakatuwid, sinasabi sa atin ni Pablo na ang mental at espirituwal na kadiliman ay hindi lamang umakay sa mga tao ng sanlibutan sa kabulukan sa laman kundi naghiwalay din sa kanila buhat sa pag-asa sa buhay na walang hanggan na ibinibigay ng Diyos. (Galacia 6:8) Bakit nga gayon? Si Pablo ay nagpatuloy sa pagsasabi sa atin ng mga dahilan.
14. Ano ang isang dahilan kung bakit ang sanlibutan ay hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos?
14 Unang-una, sinabi niya na iyon ay “dahil sa kawalang-alam na nasa kanila.” (Efeso 4:18) Ang pariralang “nasa kanila” ay nagdiriin na ang kawalang-alam ay hindi dahilan sa kawalan ng pagkakataon kundi ito ay resulta ng kusang pagtanggi sa kaalaman ng Diyos. Ang ibang mga salin ng pariralang ito ay: “ang kanilang likas na pagtangging makilala ang Diyos” (The Anchor Bible); “walang kaalaman sapagkat kanilang sinarhan dito ang kanilang mga puso” (Jerusalem Bible). Sapagkat kanilang tinanggihan, o kusang itinakwil, ang tumpak na kaalaman sa Diyos, sila’y walang batayan sa pagtatamo ng uri ng buhay na iniaalok ni Jehova sa mga sumasampalataya sa kaniyang Anak, na nagsabi: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3; 1 Timoteo 6:19.
15. Ano ang isa pang tumutulong upang ang sanlibutang ito’y mapahiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos?
15 Ang isa pang dahilan kung bakit ang sanlibutan sa pangkalahatan ay hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos, ayon kay Pablo, ay ang “pagkamanhid ng kanilang mga puso.” (Efeso 4:18) Dito ang “pagkamanhid” ay may saligang kahulugan na pagtigas, na para bagang punô ng kalyo. Alam nating lahat kung papaano nagkakaroon ng kalyo. Sa simula marahil ang balat ay malambot at may pakiramdam, subalit kung laging nasasagi o nakikiskis, ito’y tumitigas at kumakapal, nagkakaroon ng kalyo. Hindi na nito nararamdaman ang hapdi. Sa katulad na paraan, ang mga tao ay hindi ipinanganganak na taglay ang isang pusong tumigas o may kalyo na anupat sila’y kusang walang damdamin tungkol sa Diyos. Subalit dahil sa tayo’y namumuhay sa sanlibutan at nakahantad sa espiritu nito, hindi nagtatagal at ang puso ay tumitigas o nagiging manhid kung hindi iingatan. Kaya naman si Pablo ay nagbabala: “Mag-ingat kayo . . . baka sinuman sa inyo ay patigasin ng mapandayang kapangyarihan ng kasalanan.” (Hebreo 3:7-13; Awit 95:8-10) Anong laking pangangailangan, kung gayon, na tayo’y manatiling nabago ang isip at naturuan ang puso!
“Walang Bahagya Mang Wagas na Asal”
16. Ano ang resulta ng kadiliman ng isip ng sanlibutan at pagkahiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos?
16 Ang resulta ng gayong kadiliman at pagkahiwalay ay binubuo ng iba pang pananalita ni Pablo: “Yamang sila’y walang bahagya mang wagas na asal, sila’y napahikayat sa mahalay na paggawi upang gumawa ng lahat ng uri ng karumihan pati ng kasakiman.” (Efeso 4:19) Ang pananalitang “yamang sila’y walang bahagya mang wagas na asal” ay literal na nangangahulugang “hindi na nakadarama ng kirot,” na may kinalaman sa moral. Ganiyan nagiging manhid ang puso. Minsang hindi na nadarama nito ang panunumbat ng budhi at ang pananagutan sa Diyos, wala ng anumang pumipigil. Kaya, sinabi ni Pablo na “sila’y napahikayat” sa mahalay na paggawi at karumihan. Iyon ay kinusa, sinadyang hakbang. Ang “mahalay na paggawi,” ayon sa pagkagamit ng Bibliya ay tumutukoy sa isang saloobin na pangahas, walang kahiya-hiya, hinahamak ang batas at awtoridad. Gayundin, sa “lahat ng uri ng karumihan” ay kasali hindi lamang ang di-natural na pagtatalik kundi pati mga kasamaan na ginawa sa ngalan ng relihiyon, tulad halimbawa ng mga seremonya at rituwal sa pag-aanak na ginaganap sa templo ni Artemis sa Efeso, na alam na alam ng mga mambabasa ni Pablo.—Gawa 19:27, 35.
17. Bakit sinabi ni Pablo na ang mga taong walang bahagya mang wagas na asal ay nagkakasala “na may kasakiman”?
17 Samantalang para bang ang pagpapakalabis sa mahalay na paggawi at sa lahat ng uri ng karumihan ay hindi naman kasamaan, isinusog ni Pablo na ang gayong mga tao ay kumikilos “na may kasakiman.” Pagka ang nagkasala ay mga tao na mayroon pang bahagyang wagas na asal, sa papaano man ay baka madama nila ang pangangailangan ng taos na pagsisisi at sikapin na huwag nang ulitin pa iyon. Subalit yaong mga “walang bahagya mang wagas na asal” ay nagkakasala “na may kasakiman” (“at humihingi pa ng higit,” The Anchor Bible). Isang komentarista sa radyo ang minsan ay nagsabi ng ganito: “Kung ang bayan ay pipintahan mo ng pula ngayong gabi, kailangang may dala kang lalong malaking timba at isang lalong malaking brutsa bukas ng gabi.” [Kung lalabas ka ngayong gabi upang magpasasa sa kaligayahan, maghahangad ka ng higit pa kinabukasan.] Sila’y mabilis na nagpapatihulog hanggang sa sila’y malubog na nga sa mismong kalaliman ng pagpapakasama—at kanilang itinuturing na pangkaraniwan iyon. Tamang-tama naman ang pagkalarawan sa “kalooban ng mga bansa”!—1 Pedro 4:3, 4.
18. Sa kabuuan, ano ang pagkalarawan ni Pablo sa pag-iisip at sa espirituwal na kalagayan ng sanlibutan?
18 Sa tatatlong talata, Efeso 4:17-19, ibinibilad ni Pablo ang tunay na moral at espirituwal na kalagayan ng sanlibutan. Kaniyang binabanggit na ang mga idea at haka-haka na itinataguyod ng makasanlibutang marurunong at ang walang-lubay na paghanap ng kayamanan at kalayawan ay walang anumang kabuluhan. Kaniyang nililiwanag na dahilan sa kadiliman ng pag-iisip at pagkawalang-alam sa espirituwal, ang sanlibutan ay lubhang nalilihis sa kalinisang-asal, patuloy na lumulubog sa lusak. Sa wakas, dahilan sa kinusang pagkawalang-alam at pagkawalang-pakiramdam, ang sanlibutan sa kawalang-pag-asa ay napahiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos. Tunay, tayo’y may mabubuting dahilan na huwag lumakad na gaya ng mga bansa!
19. Anong mahalagang mga tanong ang kailangan pang isaalang-alang?
19 Yamang ang kadiliman ng isip at puso ang dahilan ng pagkahiwalay ng sanlibutan sa Diyos na Jehova, papaano natin maaalis ang lahat ng kadiliman sa ating mga isip at mga puso? Oo, ano ang dapat nating gawin upang tayo’y makapagpatuloy na lumakad na gaya ng mga anak ng liwanag at hindi maiwala ang pagsang-ayon ng Diyos? Ito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Ano ang nag-udyok kay Pablo upang magbigay ng matinding payo sa Efeso 4:17-19?
◻ Bakit ang lakad ng sanlibutan ay walang kabuluhan at nasa kadiliman?
◻ Ano ba ang ibig sabihin ng pananalitang “hiwalay sa buhay na nauukol sa Diyos”?
◻ Ano ang resulta ng isang madilim na isip at isang puso na walang pakiramdam?
[Mga larawan sa pahina 9]
Ang Efeso ay napabantog dahil sa pagkabulok ng moral nito at ng pagsamba sa mga idolo
1. Ang Romanong gladiator sa Efeso
2. Kaguhuan ng templo ni Artemis
3. Teatro sa Efeso
4. Si Artemis ng Efeso, diyosa ng pag-aanak
[Larawan sa pahina 10]
Anong matalinong unawa ang maibibigay ng pinakamagagaling ng sanlibutan?
Nero
[Credit Line]
Musei Capitolini, Roma